Old/New Testament
Pinagsabihan ni Joab si David
19 Sinabi kay Joab, “Ang hari ay tumatangis at nagluluksa para kay Absalom.”
2 Kaya't ang tagumpay[a] sa araw na iyon ay naging pagluluksa para sa buong bayan, sapagkat narinig ng bayan nang araw na iyon, “Ang hari ay nagdadalamhati dahil sa kanyang anak.”
3 Ang taong-bayan ay patagong pumasok sa lunsod nang araw na iyon gaya ng pagpasok ng bayang napapahiya kapag sila'y tumatakas sa labanan.
4 Tinakpan ng hari ang kanyang mukha at siya ay sumigaw ng malakas. “O anak kong Absalom, O Absalom, anak ko, anak ko!”
5 Pumasok si Joab sa bahay, lumapit sa hari at nagsabi, “Tinakpan mo ng kahihiyan ang mga mukha ng lahat ng iyong lingkod na sa araw na ito ay nagligtas ng iyong buhay at ng mga buhay ng iyong mga anak na lalaki at babae, at ng mga buhay ng iyong mga asawa, at ng mga buhay ng iyong mga asawang-lingkod,
6 sapagkat iniibig mo ang mga napopoot sa iyo at kinapopootan mo ang mga umiibig sa iyo. Ipinahayag mo sa araw na ito na ang mga pinuno at mga lingkod ay walang kabuluhan sa iyo. Sa araw na ito ay aking napag-alaman na kung si Absalom ay buháy at kaming lahat ay namatay ngayon, ikaw ay masisiyahan.
7 Ngayon nga'y bumangon ka, lumabas ka, at magsalita na may kagandahang-loob sa iyong mga lingkod. Sapagkat isinusumpa ko sa pangalan ng Panginoon, na kung ikaw ay hindi lalabas, wala ni isang taong maiiwan sa iyo sa gabing ito; at ito'y magiging masahol sa iyo kaysa lahat ng kasamaang sumapit sa iyo mula nang iyong kabataan hanggang ngayon.”
8 Nang magkagayo'y tumindig ang hari at naupo sa pintuang-bayan. At sinabi sa buong bayan, “Tingnan ninyo, ang hari ay nakaupo sa pintuang-bayan;” at ang buong bayan ay pumaroon sa harap ng hari. Samantala, ang lahat ng Israelita ay umalis patungo sa kanya-kanyang tolda.
9 Ang lahat ng mga tao ay nagtalu-talo sa buong lipi ng Israel, na sinasabi, “Iniligtas tayo ng hari sa kamay ng ating mga kaaway; at iniligtas niya tayo sa kamay ng mga Filisteo; at ngayo'y tumakas siya papalabas sa lupain mula kay Absalom.
10 Subalit si Absalom na ating hinirang[b] upang maghari sa atin ay namatay sa labanan. Ngayon nga'y bakit hindi kayo nagsasalita ng tungkol sa pagpapabalik sa hari?”
Nagpasimulang Bumalik si David sa Jerusalem
11 Nagpadala ng mensahe si Haring David kay Zadok at kay Abiatar na mga pari, na sinasabi, “Sabihin ninyo sa matatanda ng Juda, ‘Bakit kayo ang dapat maging huli sa pagpapabalik sa hari sa kanyang bahay, gayong ang pananalita ng buong Israel ay dumating na sa hari?
12 Kayo'y aking mga kapatid, kayo'y aking buto at aking laman, bakit kayo ang dapat maging huli sa pagpapabalik sa hari?’
13 Sabihin ninyo kay Amasa, ‘Hindi ba ikaw ay aking buto at laman? Gawin ng Diyos sa akin, at higit pa, kung ikaw ay hindi maging pinuno ng aking hukbo mula ngayon bilang kapalit ni Joab.’”
14 Nahikayat ni Amasa[c] ang puso ng lahat ng mga lalaki ng Juda na parang isang tao; kaya't sila'y nagpasabi sa hari, “Bumalik ka, ikaw at ang lahat mong mga lingkod.”
15 Kaya't bumalik ang hari sa Jordan; at ang Juda ay dumating sa Gilgal upang salubungin ang hari at upang itawid ang hari sa Jordan.
16 Si(A) Shimei na anak ni Gera, na Benjaminita, na taga-Bahurim ay nagmadali upang lumusong na kasama ang mga lalaki ng Juda at salubungin si Haring David.
17 Kasama niya ang may isanlibong lalaki ng Benjamin. At si Ziba na lingkod sa sambahayan ni Saul, at ang kanyang labinlimang anak at dalawampung lingkod ay tumawid sa Jordan sa harapan ng hari.
18 Sila'y tumawid sa tawiran upang itawid ang sambahayan ng hari, at gawin ang kanyang inaakalang mabuti. At si Shimei na anak ni Gera ay nagpatirapa sa harap ng hari nang siya'y malapit nang tumawid sa Jordan.
Nagpakita ng Kabutihan si David kay Shimei
19 At sinabi niya sa hari, “Huwag nawa akong ituring ng panginoon na nagkasala o alalahanin man ang ginawang kamalian ng iyong lingkod nang araw na ang aking panginoong hari ay umalis sa Jerusalem. Huwag nawang isipin iyon ng hari.
20 Sapagkat nalalaman ng iyong lingkod na ako'y nagkasala; kaya't ako'y naparito sa araw na ito, ang una sa lahat ng sambahayan ni Jose na lumusong upang salubungin ang aking panginoong hari.”
21 Si Abisai na anak ni Zeruia ay sumagot, “Hindi ba dapat patayin si Shimei dahil dito, sapagkat kanyang nilait ang hinirang[d] ng Panginoon?”
22 Ngunit sinabi ni David, “Ano ang pakialam ko sa inyo, mga anak ni Zeruia, na kayo'y magiging mga kaaway ko sa araw na ito? Mayroon bang papatayin sa araw na ito sa Israel? Sapagkat hindi ko ba nalalaman na ako'y hari sa Israel sa araw na ito?”
23 Sinabi ng hari kay Shimei, “Ikaw ay hindi mamamatay.” At ang hari ay sumumpa sa kanya.
Nagpakita ng Kabutihan si David kay Mefiboset
24 Si(B) Mefiboset na anak ni Saul ay lumusong upang salubungin ang hari. Hindi siya naghugas ng kanyang mga paa, o inahitan man ang kanyang balbas, o nilabhan man ang kanyang mga damit, mula nang araw na ang hari ay umalis hanggang sa araw na siya'y umuwing ligtas sa bahay.
25 Nang siya'y dumating mula sa Jerusalem upang salubungin ang hari, sinabi ng hari sa kanya, “Bakit hindi ka humayong kasama ko, Mefiboset?”
26 At siya'y sumagot, “Panginoon ko, O hari, dinaya ako ng aking lingkod; sapagkat sinabi ng iyong lingkod, ‘Ako'y ipaghanda ng isang asno, upang aking masakyan at humayong kasama ng hari;’ sapagkat ang iyong lingkod ay pilay.
27 Kanyang siniraang-puri ang iyong lingkod sa aking panginoong hari. Ngunit ang panginoon kong hari ay gaya ng isang anghel ng Diyos; kaya't gawin mo kung ano ang minamabuti mo.
28 Sapagkat lahat ng sambahayan ng aking ama ay mga taong patungo sa kamatayan sa harapan ng panginoon kong hari: gayunma'y inilagay mo ang iyong lingkod na kasama ng mga kumakain sa iyong hapag. Kung gayon, ano pang karapatan mayroon ako upang makiusap sa hari?”
29 At sinabi ng hari sa kanya, “Huwag ka nang magsalita pa. Aking naipasiya na. Ikaw at si Ziba ay maghahati sa lupa.”
30 Sinabi ni Mefiboset sa hari, “Hayaan mo nang kunin niyang lahat, yamang ang aking panginoong hari ay nakauwing ligtas sa kanyang sariling bahay.”
Nagpakita ng Kabutihan si David kay Barzilai
31 At(C) si Barzilai na Gileadita ay lumusong mula sa Rogelim. Siya'y tumawid sa Jordan na kasama ng hari, upang ihatid siya sa kabila ng Jordan.
32 Si Barzilai ay lalaking napakatanda na, walumpung taong gulang. Binigyan niya ng pagkain ang hari samantalang siya'y nasa Mahanaim; sapagkat siya'y isang napakayamang tao.
33 At sinabi ng hari kay Barzilai, “Tumawid kang kasama ko, at aking pakakainin kang kasama ko sa Jerusalem.”
34 Ngunit sinabi ni Barzilai sa hari, “Gaano na lamang ang mga taon na aking ikabubuhay, na ako'y aahon pa sa Jerusalem na kasama ng hari?
35 Ako'y walumpung taon na sa araw na ito, malalaman ko pa ba kung ano ang mabuti? Malalasahan pa ba ng iyong lingkod ang kanyang kinakain at iniinom? Maririnig ko pa ba ang tinig ng mang-aawit na lalaki at babae? Bakit pa magiging dagdag na pasan ang iyong lingkod sa aking panginoong hari?
36 Ang iyong lingkod ay hahayo lamang ng kaunti sa kabila ng Jordan na kasama ng hari. Bakit gagantihan ako ng hari ng ganyang gantimpala?
37 Hinihiling ko sa iyo na pabalikin mo ang iyong lingkod, upang ako'y mamatay sa aking sariling bayan, malapit sa libingan ng aking ama at ng aking ina. Ngunit narito ang iyong lingkod na Chimham; hayaan siyang tumawid na kasama ng aking panginoong hari; at gawin mo sa kanya kung ano ang inaakala mong mabuti.”
38 Sumagot ang hari, “Si Chimham ay tatawid na kasama ko, at gagawin ko sa kanya ang inaakala mong mabuti; at lahat ng iyong nais sa akin ay aking gagawin alang-alang sa iyo.”
39 At ang buong bayan ay tumawid sa Jordan, at ang hari ay tumawid. At hinagkan ng hari si Barzilai, at binasbasan siya; at siya'y umuwi sa kanyang sariling tahanan.
40 Ang hari ay nagtungo sa Gilgal at si Chimham ay nagtungong kasama niya. Inihatid ang hari ng buong bayan ng Juda at ng kalahati ng bayan ng Israel.
41 Lahat ng kalalakihan ng Israel ay pumunta sa hari, at sinabi sa hari, “Bakit ka ninakaw ng aming mga kapatid na mga lalaki ng Juda, at itinawid ang hari at ang kanyang sambahayan sa Jordan, at ang lahat ng tauhan ni David na kasama niya?”
42 Lahat ng mamamayan ng Juda ay sumagot sa mga mamamayan ng Israel, “Sapagkat ang hari ay malapit naming kamag-anak. Bakit kayo nagagalit dahil sa bagay na ito? Mayroon ba kaming kinain na ginastusan ng hari? O binigyan ba niya kami ng anumang kaloob?”
43 Ngunit sinagot ng mga mamamayan ng Israel ang mga mamamayan ng Juda, “Kami ay may sampung bahagi sa hari, at kay David ay mayroon kaming higit kaysa inyo. Bakit ninyo kami hinahamak? Hindi ba kami ang unang nagsalita tungkol sa pagpapabalik sa aming hari?” Ngunit ang mga salita ng mga mamamayan ng Juda ay higit na mababagsik kaysa mga salita ng mga mamamayan ng Israel.
Ang Paghihimagsik ni Seba
20 Nagkataon(D) na roon ay may isang masamang tao na ang pangala'y Seba, na anak ni Bicri, na Benjaminita. Kanyang hinipan ang trumpeta, at nagsabi, “Kami ay walang bahagi kay David, o anumang pamana sa anak ni Jesse; bawat tao ay sa kanyang mga tolda, O Israel!”
2 Kaya't iniwan si David ng lahat ng mga lalaki ng Israel at sumunod kay Seba na anak ni Bicri. Ngunit ang mga anak ni Juda ay matatag na sumunod sa kanilang hari, mula sa Jordan hanggang sa Jerusalem.
3 At(E) dumating si David sa kanyang bahay sa Jerusalem. Kinuha ng hari ang kanyang sampung asawang-lingkod na siyang iniwan niya upang pangalagaan ang bahay, at inilagay sila sa isang bahay na may bantay. Hinandaan sila ng pagkain ngunit hindi siya sumiping sa kanila. Sa gayo'y nasarhan sila hanggang sa araw ng kanilang kamatayan, na nabubuhay na parang mga balo.
4 Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Amasa, “Tipunin mo sa akin ang mga lalaki ng Juda sa loob ng tatlong araw, at humarap ka rito.”
5 Kaya't humayo si Amasa upang tipunin ang Juda; ngunit siya'y naantala nang higit kaysa panahong itinakda sa kanya.
6 Sinabi ni David kay Abisai, “Si Seba na anak ni Bicri ay gagawa ng higit na masama kaysa ginawa ni Absalom. Kunin mo ngayon ang mga lingkod ng iyong panginoon at habulin ninyo siya, baka siya'y makakuha ng mga may pader na lunsod at makatakas sa ating paningin.”
7 At lumabas na kasama ni Abisai sina Joab, ang mga Kereteo, mga Peleteo, at ang lahat ng mga mandirigma. Sila'y lumabas sa Jerusalem upang habulin si Seba na anak ni Bicri.
8 Nang sila'y nasa malaking bato na nasa Gibeon, si Amasa ay dumating upang salubungin sila. Si Joab ay may kasuotang pandigma, at sa ibabaw niyon ay ang pamigkis na may tabak sa kanyang kaluban na nakatali sa kanyang mga balakang. Samantalang siya'y lumalabas ito ay nahulog.
9 At sinabi ni Joab kay Amasa, “Kumusta ka, kapatid ko?” At hinawakan ni Joab sa balbas si Amasa ng kanyang kanang kamay upang hagkan siya.
10 Ngunit hindi napansin ni Amasa ang tabak na nasa kamay ni Joab. Itinarak ito ni Joab sa katawan ni Amasa at lumuwa ang bituka nito sa lupa at ito ay namatay. Ito ay hindi na niya inulit pa. At hinabol nina Joab at Abisai na kanyang kapatid si Seba na anak ni Bicri.
11 Isa sa mga tauhan ni Joab ay pumanig kay Amasa, at nagsabi, “Sinumang panig kay Joab, at sinumang para kay David, ay sumunod kay Joab.”
12 Samantala, si Amasa ay nakahandusay sa gitna ng lansangan na naliligo sa sariling dugo. At sinumang magdaan at makakita sa kanya ay humihinto. Nang makita ng lalaki na ang lahat ng tao ay huminto, dinala niya si Amasa mula sa lansangan hanggang sa parang, at tinakpan siya ng isang kasuotan.
13 Nang siya'y maialis sa lansangan, ang buong bayan ay sumunod kay Joab upang habulin si Seba na anak ni Bicri.
14 Si Seba ay dumaan sa lahat ng mga lipi ng Israel, sa Abel, hanggang sa Bet-maaca. At ang lahat na Berita ay nagtipun-tipon at sumunod sa kanya.
15 Lahat ng taong kasama ni Joab ay dumating at kinubkob siya sa Abel ng Bet-maaca. Naglagay sila ng isang bunton laban sa lunsod, at ito ay tumayo laban sa kuta; at kanilang binundol ang kuta upang ito ay maibuwal.
16 At sumigaw ang isang matalinong babae mula sa lunsod, “Makinig kayo! Makinig kayo! Sabihin ninyo kay Joab, ‘Pumarito ka upang ako'y makapagsalita sa iyo.’”
17 Siya'y lumapit sa kanya at sinabi ng babae, “Ikaw ba'y si Joab?” Siya'y sumagot, “Ako nga.” At sinabi niya sa kanya, “Pakinggan mo ang mga salita ng iyong lingkod.” At siya'y sumagot, “Aking pinapakinggan.”
18 At sinabi niya, “Sinasabi nang unang panahon, ‘Humingi sila ng payo kay Abel; sa gayo'y tinapos nila ang usapin.’
19 Ako'y isa roon sa mga tahimik at tapat sa Israel. Sinisikap mong gibain ang isang lunsod na isang ina sa Israel. Bakit mo lulunukin ang pamana ng Panginoon?”
20 Si Joab ay sumagot, “Malayo nawa sa akin, malayo nawa na aking lunukin o gibain.
21 Hindi iyon totoo. Subalit isang lalaki sa lupaing maburol ng Efraim, na tinatawag na Seba na anak ni Bicri, ang nagtaas ng kanyang kamay laban sa Haring David. Ibigay mo lamang siya sa akin at ako'y aalis sa lunsod.” At sinabi ng babae kay Joab, “Ang kanyang ulo ay ihahagis ko sa iyo sa kabila ng kuta.”
22 At ang babae ay lumapit sa mga tao na dala ang kanyang matalinong panukala. Kanilang pinugot ang ulo ni Seba na anak ni Bicri at inihagis papalabas kay Joab. Kanyang hinipan ang trumpeta at sila'y kumalat mula sa lunsod, bawat tao ay sa kanyang tolda. At si Joab ay bumalik sa Jerusalem sa hari.
23 Ngayo'y si Joab ang namumuno sa buong hukbo ng Israel; si Benaya na anak ni Jehoiada ang namumuno sa mga Kereteo at sa mga Peleteo;
24 si Adoram ang namumuno sa sapilitang paggawa; si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagasulat;
25 si Seva ay kalihim; sina Zadok at Abiatar ay mga pari;
26 at si Ira na taga-Jair ay pari rin ni David.
Ang Talinghaga ng Balo at ng Hukom
18 At isinalaysay ni Jesus[a] sa kanila ang isang talinghaga kung paanong sila'y dapat laging manalangin at huwag manlupaypay.
2 Sinabi niya, “Sa isang lunsod ay may hukom na hindi natatakot sa Diyos at walang taong iginagalang.
3 At sa lunsod na iyon ay may isang babaing balo na laging pumupunta sa kanya, na nagsasabi, ‘Bigyan mo ako ng katarungan laban sa aking kaaway.’
4 May ilang panahon na siya'y tumatanggi, subalit pagkatapos ay sinabi sa kanyang sarili, ‘Bagaman ako'y hindi natatakot sa Diyos, at hindi gumagalang sa tao,
5 subalit dahil ginagambala ako ng balong ito, bibigyan ko siya ng katarungan. Kung hindi ay magsasawa ako sa kanyang patuloy na pagpunta rito.’”
6 At sinabi ng Panginoon, “Pakinggan ninyo ang sinabi ng masamang hukom.
7 At hindi ba bibigyan ng Diyos ng katarungan ang kanyang mga pinili na sumisigaw sa kanya araw at gabi. Kanya bang matitiis sila?
8 Sinasabi ko sa inyo, mabilis niyang bibigyan sila ng katarungan. Gayunman, pagparito ng Anak ng Tao, makakatagpo kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”
Talinghaga ng Fariseo at ang Maniningil ng Buwis
9 Isinalaysay rin niya ang talinghagang ito sa ilan na nagtitiwala sa kanilang sarili, na sila'y matutuwid at hinahamak ang iba.
10 “Dalawang lalaki ang pumunta sa templo upang manalangin. Ang isa'y Fariseo, at ang isa'y maniningil ng buwis.
11 Ang Fariseo ay nakatayo at nanalangin sa kanyang sarili ng ganito, ‘Diyos, pinasasalamatan kita na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga mangingikil, mga di makatarungan, mga mangangalunya, o gaya man ng maniningil ng buwis na ito.
12 Dalawang ulit akong nag-aayuno sa isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat ng aking kinikita!’
13 Subalit ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo ay ayaw itingin man lamang ang kanyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, na nagsasabi, ‘Diyos, mahabag ka sa akin na isang makasalanan.’
14 Sinasabi(A) ko sa inyo, nanaog patungo sa kanyang bahay ang taong ito na inaring-ganap sa halip na ang isa. Sapagkat ang bawat nagmamataas sa kanyang sarili ay ibababa, ngunit ang nagpapakababa sa kanyang sarili ay itataas.”
Binasbasan ni Jesus ang mga Sanggol(B)
15 Noon ay dinadala sa kanya maging ang mga sanggol, upang kanyang hawakan sila. Subalit nang makita ito ng mga alagad, sila'y sinaway nila.
16 Subalit pinalapit sila ni Jesus na sinasabi, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos.
17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos na gaya ng isang maliit na bata ay hindi makakapasok doon.”
Ang Mayamang Lalaki(C)
18 Tinanong siya ng isang pinuno, “Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng buhay na walang hanggan?”
19 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang.
20 Nalalaman(D) mo ang mga utos: ‘Huwag kang mangalunya; Huwag kang pumatay; Huwag kang magnakaw; Huwag kang tumayong saksi sa kasinungalingan; Igalang mo ang iyong ama at ina.’”
21 At sinabi niya, “Tinupad ko ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata.”
22 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Anumang mayroon ka ay ipagbili mo, ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin.
23 Subalit nang marinig niya ang mga bagay na ito, siya'y nalungkot, sapagkat siya'y napakayaman.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001