Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 19-21

Ang mga Lunsod-Kanlungan(A)

19 “Kapag(B) nilipol na ng Panginoon mong Diyos ang mga bansa, na ang lupain ay ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, at hahalili ka sa kanila, at iyong titirahan ang kanilang mga bayan, at ang kanilang mga bahay;

ay magbubukod ka ng tatlong lunsod para sa iyo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos upang angkinin.

Ihahanda mo ang mga daan at hatiin mo sa tatlo ang lawak ng iyong lupain na ipapamana sa iyo ng Panginoon mong Diyos upang ang bawat nakamatay ng tao ay tumakas patungo roon.

“At ito ang kalagayan ng nakamatay ng tao na tatakas doon at mabubuhay: sinumang makapatay sa kanyang kapwa nang di sinasadya, na hindi niya naging kaaway nang panahong nakaraan;

gaya ng isang tao na nagtungo sa gubat na kasama ang kanyang kapwa upang pumutol ng kahoy at itinaas ng kanyang kamay ang palakol upang putulin ang punungkahoy, dumulas ang patalim sa hawakan at tumama sa kanyang kapwa kaya't siya ay namatay, siya ay tatakas sa isa sa mga lunsod na iyon at siya'y mabubuhay.

Kung hindi, ang tagapaghiganti ng dugo, samantalang nag-iinit sa galit, ay hahabulin ang nakamatay at aabutan siya, sapagkat ang daan ay mahaba, at siya'y saktan ng malubha, gayong siya'y hindi dapat patayin yamang hindi niya naging kaaway nang panahong nakaraan.

Kaya't iniuutos ko sa iyo, Magbubukod ka ng tatlong lunsod.

At kung palawakin ng Panginoon mong Diyos ang iyong hangganan gaya ng kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno, at ibigay niya sa iyo ang buong lupain na kanyang ipinangakong ibibigay sa iyong mga ninuno;

kung iyong isasagawa ang lahat ng utos na ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na ibigin ang Panginoon mong Diyos at lumakad kailanman sa kanyang mga daan, ay magdadagdag ka pa nga ng tatlong lunsod, bukod sa tatlong ito,

10 upang hindi dumanak ang dugong walang sala sa gitna ng iyong lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos bilang pamana, kung gayon ang pagkakasala ng dugong dumanak ay mapapasaiyo.

11 “Ngunit kung ang sinuman ay napopoot sa kanyang kapwa, at kanyang inabangan siya, kanyang sinalakay siya at kanyang saktan siya ng malubha, anupa't namatay, at siya'y tumakas sa isa sa mga lunsod na ito,

12 ay magsusugo nga ang matatanda sa kanyang lunsod at kukunin siya roon, at ibibigay siya sa kamay ng tagapaghiganti ng dugo, upang siya'y mamatay.

13 Huwag mo siyang titingnan na may pagkahabag kundi aalisin mo ang pagkakasala ng dugong walang sala mula sa Israel para sa ikabubuti mo.

Hangganan ng mga Ari-arian

14 “Huwag(C) mong aalisin ang muhon ng iyong kapwa na inilagay ng mga matatanda noong una. Sa mana na iyong mamanahin sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos upang angkinin ay huwag mong aalisin.

Tungkol sa mga Saksi

15 “Ang(D) nag-iisang saksi ay hindi mangingibabaw laban sa isang tao sa anumang kasamaan o kasalanang kanyang nagawa; sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay pagtitibayin ang usapin.

16 Kung ang isang sinungaling na saksi ay tumindig laban sa kanino man upang sumaksi laban sa kanya tungkol sa isang masamang gawa,

17 ang dalawang taong may alitan ay tatayo sa harap ng Panginoon, sa harapan ng mga pari at ng mga hukom na nanunungkulan sa mga araw na iyon;

18 at sisiyasating mabuti ng mga hukom, kapag ang saksi ay saksing sinungaling at sumaksi sa kasinungalingan laban sa kanyang kapatid,

19 gagawin mo sa kanya ang gaya ng kanyang inisip gawin sa kanyang kapatid; sa gayo'y iyong aalisin ang kasamaan sa gitna mo;

20 at maririnig ng iba at matatakot, at hindi na sila gagawa pa ng gayong kasamaan sa gitna mo.

21 Huwag(E) kang magpapakita ng pagkahabag; buhay sa buhay, mata sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa.

Tungkol sa Pakikidigma

20 “Kapag ikaw ay hahayo upang makidigma laban sa iyong mga kaaway at makakita ka ng mga kabayo, mga karwahe, at ng isang hukbong mas malaki kaysa iyo, huwag kang matatakot sa kanila, sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay kasama mo na siyang naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto.

Paglapit ninyo sa labanan, ang pari ay lalapit at magsasalita sa mga kawal,

at sasabihin sa kanila, ‘Pakinggan mo, O Israel, kayo'y lumapit sa araw na ito sa pakikidigma sa inyong mga kaaway; huwag manlupaypay ang inyong puso; huwag kayong matakot, ni manginig, ni maduwag dahil sa kanila;

sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ay siyang humahayong kasama ninyo upang ipakipaglaban kayo sa inyong mga kaaway, upang kayo'y pagtagumpayin.’

Ang mga pinuno ay magsasalita sa mga kawal, ‘Sinong tao ang nagtayo ng isang bagong bahay, at hindi pa niya naitatalaga? Hayaan siyang umalis at bumalik sa kanyang bahay, baka siya'y mamatay sa pakikipaglaban at ibang tao ang magtalaga.

At sinong lalaki ang may itinanim na isang ubasan at hindi pa niya napapakinabangan ang bunga niyon? Hayaan siyang umalis at bumalik sa kanyang bahay, baka siya'y mamatay sa digmaan at ibang lalaki ang makinabang ng bunga niyon.

At sinong lalaki ang naitakdang ikasal sa isang babae at di pa niya nakukuha? Hayaan siyang umalis at bumalik sa kanyang bahay, baka siya'y mamatay sa pakikipaglaban, at ibang lalaki ang kumuha sa kanya.’

Muling magsasalita ang mga pinuno sa mga kawal at kanilang sasabihin, ‘Sinong lalaki ang matatakutin at mahina ang loob? Hayaan siyang umalis at bumalik sa kanyang bahay, baka ang puso ng kanyang mga kapatid ay manlupaypay na gaya ng kanyang puso.’

Kapag ang mga pinuno ay tapos nang makapagsalita sa mga kawal, sila'y pipili ng mga pinuno ng mga hukbo upang mamuno sa kanila.

10 “Kapag ikaw ay lalapit sa isang bayan upang makipaglaban ay iyo ngang ihahayag ang kapayapaan doon.

11 Kung sagutin ka ng kapayapaan at pagbuksan ka, ang buong bayang matatagpuan sa loob ay gagawa ng sapilitang paglilingkod at maglilingkod sa iyo.

12 Ngunit kung ayaw nitong sumuko nang mapayapa sa iyo kundi makikipaglaban sa iyo, kukubkubin mo nga ito;

13 at kapag ibinigay ng Panginoon mong Diyos sa iyong kamay, papatayin mo ang bawat lalaki niyon ng talim ng tabak.

14 Ngunit ang mga babae, mga bata, mga hayop, ang lahat na nasa mga kawal, ang lahat ng nasamsam doon ay kukunin mo bilang samsam; at kakainin mo ang nasamsam mula sa iyong mga kaaway na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

15 Gayon ang iyong gagawin sa lahat ng bayang napakalayo sa iyo, na hindi sa mga lunsod ng mga bansang naririto.

16 Ngunit sa mga bayan ng mga taong ito na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos bilang pamana ay huwag kang magtitira ng may buhay sa anumang bagay na humihinga.

17 Kundi iyong lilipulin sila: ang Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Heveo, at ang Jebuseo, gaya ng iniutos sa iyo ng Panginoon mong Diyos,

18 upang huwag nila kayong turuang gumawa ng ayon sa lahat nilang karumaldumal na mga gawa na kanilang ginawa sa kanilang mga diyos upang kayo'y magkasala laban sa Panginoon ninyong Diyos.

19 “Kapag iyong kinubkob nang mahabang panahon ang isang bayan sa digmaan upang ito ay makubkob, huwag mong sisirain ang mga punungkahoy niyon sa pamamagitan ng pagpalakol, sapagkat makakakain ka sa mga iyon at huwag mong puputulin. Ang mga punungkahoy ba sa parang ay mga tao na sasakupin mo?

20 Tanging ang mga punungkahoy na nalalaman mong hindi nagbubunga ng pagkain ang iyong sisirain at puputulin; at magtatayo ka ng mga kuta laban sa bayang lumalaban sa iyo hanggang sa maibuwal mo.

Tungkol sa Hindi Nalulutas na Pagpatay

21 “Kung sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos upang angkinin ay may matagpuang pinatay na nakabulagta sa parang at hindi malaman kung sinong pumatay sa kanya,

lalabas ang iyong matatanda at ang iyong mga hukom, at kanilang susukatin ang layo ng mga bayang nasa palibot ng pinaslang;

at ang matatanda sa bayang iyon na malapit sa pinatay ay kukuha ng isang dumalagang baka sa bakahan na hindi pa nagagamit at hindi pa nakakapagpasan ng pamatok.

Ang matatanda sa bayang iyon ay dadalhin ang dumalagang baka sa isang libis na may agos ng tubig, na di pa naaararo ni nahahasikan, at babaliin ang leeg ng dumalagang baka doon sa libis.

Ang mga pari na mga anak ni Levi ay lalapit sapagkat sila ang pinili ng Panginoon mong Diyos na mangasiwa sa kanya at upang magbasbas sa pangalan ng Panginoon; at sa pamamagitan ng kanilang salita ay pagpapasiyahan ang bawat pagtatalo at bawat pananakit.

At lahat ng matatanda sa bayang iyon na malapit sa pinatay ay maghuhugas ng kanilang kamay sa ibabaw ng dumalagang baka na binali ang leeg sa libis;

at sila'y sasagot at sasabihin, ‘Ang aming kamay ay hindi nagpadanak ng dugong ito, ni nakita ng aming mga mata na ito'y dumanak.

Patawarin mo, O Panginoon, ang iyong bayang Israel na iyong tinubos, at huwag mong ilagay ang dugong walang sala sa gitna ng iyong bayang Israel, at ang dugo'y ipatatawad sa kanila.’

Gayon mo aalisin ang pagkakasala ng dugong walang sala sa gitna mo, kapag gagawin mo ang matuwid sa paningin ng Panginoon.

Tungkol sa mga Babaing Bihag ng Digmaan

10 “Kapag ikaw ay lumabas upang makipagdigma laban sa iyong mga kaaway, at ibibigay sila ng Panginoon mong Diyos sa iyong mga kamay, at dadalhin mo silang bihag,

11 at makakakita ka sa mga bihag ng isang magandang babae at magkaroon ka ng pagnanais na kunin siya para sa iyo bilang asawa,

12 dadalhin mo siya sa iyong bahay, kanyang aahitan ang kanyang ulo, at gugupitin ang kanyang mga kuko;

13 at kanyang huhubarin ang suot na pagkabihag sa kanya at maninirahan sa iyong bahay. Iiyakan niya ang kanyang ama at ang kanyang ina sa loob ng isang buwan; at pagkatapos noo'y sisiping ka sa kanya. Ikaw ay magiging asawa niya, at siya'y magiging iyong asawa.

14 Kung di mo siya magustuhan ay pababayaan mo siyang pumunta kung saan niya ibig. Ngunit huwag mo siyang ipagbibili para sa salapi, huwag mo siyang ituring na alipin, yamang ipinahiya mo siya.

Tungkol sa Pamana sa Panganay

15 “Kung ang isang lalaki ay may dalawang asawa na ang isa'y minamahal, at ang isa'y kinapopootan, at kapwa magkaanak sa kanya ang minamahal at ang kinapopootan, at kung ang naging panganay ay sa kinapopootan,

16 kung gayon sa araw na kanyang itakda na ibigay ang kanyang mga ari-arian bilang pamana sa kanyang mga anak, siya ay hindi pinahihintulutang gawing panganay ang anak ng minamahal na higit sa anak ng kinapopootan na siyang panganay.

17 Dapat niyang kilalaning panganay ang anak ng kinapopootan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng dalawang bahagi sa lahat ng mayroon siya, sapagkat siya ang pasimula ng kanyang lakas at ang karapatan ng pagkapanganay ay kanya.

Tungkol sa Masuwaying Anak

18 “Kung ang isang tao ay may anak na matigas ang ulo at mapaghimagsik, at ayaw makinig sa tinig ng kanyang ama, o sa tinig ng kanyang ina, at bagaman kanilang parusahan siya ay ayaw makinig sa kanila,

19 hahawakan siya ng kanyang ama at ina at dadalhin sa matatanda sa kanyang bayan, sa pintuang-bayan sa lugar na kaniyang tinatahanan.

20 Kanilang sasabihin sa matatanda sa kanyang bayan, ‘Itong aming anak ay matigas ang ulo at mapaghimagsik at ayaw niyang pakinggan ang aming tinig; siya'y matakaw at maglalasing.’

21 Kung gayon, ang lahat ng mga lalaki sa kanyang bayan ay babatuhin siya ng mga bato upang siya'y mamatay; gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo. Ito'y maririnig ng buong Israel, at sila'y matatakot.

Iba't ibang mga Batas

22 “Kung ang isang lalaki ay magkasala ng kasalanang nararapat sa kamatayan at siya'y patayin, at siya'y ibinitin mo sa isang punungkahoy;

23 ang(F) kanyang bangkay ay hindi dapat manatili nang magdamag sa punungkahoy. Dapat siyang ilibing sa araw ding iyon, sapagkat ang taong binitay ay isinumpa ng Diyos upang huwag mong marumihan ang iyong lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos bilang pamana.

Marcos 13:21-37

21 Kung may magsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o, ‘Tingnan ninyo naroon siya!’ huwag ninyong paniwalaan.

22 Maglilitawan ang mga bulaang Cristo at ang mga bulaang propeta, at magpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, upang mailigaw nila, kung maaari, ang mga hinirang.

23 Ngunit mag-ingat kayo; ipinagpauna ko nang sabihin sa inyo ang lahat ng bagay.

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(A)

24 “Ngunit(B) sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag,

25 at(C) malalaglag ang mga bituin mula sa langit, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa mga langit.

26 Pagkatapos,(D) makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa mga ulap na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian.

27 Pagkatapos ay susuguin niya ang mga anghel at titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa mga dulo ng lupa hanggang sa mga dulo ng langit.

Ang Aral mula sa Puno ng Igos(E)

28 “Sa puno nga ng igos ay pag-aralan ninyo ang talinghaga: kapag nananariwa ang kanyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tag-araw.

29 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, alam ninyong iyon ay malapit na, nasa mga pintuan na.

30 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.

31 Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.

Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(F)

32 “Ngunit(G) tungkol sa araw o oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama.

33 Kayo'y mag-ingat, kayo'y magbantay, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan ang panahon.

34 Tulad(H) ng isang tao na umalis upang maglakbay. Sa pag-alis niya sa kanyang bahay, at pagkabigay ng tagubilin sa kanyang mga alipin, sa bawat isa ang kanyang gawain, ay inutusan ang tanod sa pinto na magbantay.

35 Kaya't maging handa kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan darating ang panginoon ng bahay, kung sa gabi, sa hatinggabi, sa pagtilaok ng manok, o sa umaga.

36 Baka sa bigla niyang pagdating ay matagpuan niya kayong natutulog.

37 At ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat: Maging handa kayo.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001