Old/New Testament
Tinalo nina Debora at Barak si Sisera
4 Ginawa uli ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, nang mamatay si Ehud.
2 Ipinagbili sila ng Panginoon sa kamay ni Jabin na hari ng Canaan, na naghahari sa Hazor; na ang pinuno sa kanyang hukbo ay si Sisera, na naninirahan sa Haroset-hagoiim.
3 At dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon sapagkat siya'y may siyamnaraang karwaheng bakal; at dalawampung taon niyang lubhang pinahirapan ang mga anak ni Israel.
4 Si Debora nga, na propetisa, asawa ni Lapidot, ay siyang hukom ng Israel nang panahong iyon.
5 Siya ay laging umuupo sa ilalim ng puno ng palma ni Debora, sa pagitan ng Rama at Bethel, sa lupaing maburol ng Efraim; at pinupuntahan siya ng mga anak ni Israel para sa kanyang hatol.
6 Siya'y nagsugo at ipinatawag si Barak na anak ni Abinoam mula sa Kedes sa Neftali, at sinabi sa kanya, “Inuutusan ka ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, ‘Humayo ka, at tipunin mo ang iyong mga tauhan sa bundok ng Tabor, at kumuha ka ng sampung libo sa lipi ni Neftali at sa lipi ni Zebulon.
7 Aking palalabasin si Sisera, ang pinuno sa hukbo ni Jabin, upang salubungin ka sa Ilog Kishon, kasama ang kanyang mga karwahe at ang kanyang hukbo; at ibibigay ko siya sa iyong kamay.’”
8 Sinabi ni Barak sa kanya, “Kung sasama ka sa akin ay pupunta ako roon. Ngunit kung hindi ka sasama sa akin ay hindi ako pupunta.”
9 At kanyang sinabi, “Tiyak na sasama ako sa iyo; gayunma'y ang daan na iyong tatahakin ay hindi patungo sa iyong kapurihan, sapagkat ipagbibili ng Panginoon si Sisera sa kamay ng isang babae.” At si Debora ay tumindig at sumama kay Barak sa Kedes.
10 Tinawag ni Barak ang Zebulon at ang Neftali sa Kedes; at doo'y kasunod niyang umahon ang sampung libong lalaki at si Debora ay umahong kasama niya.
11 Si Eber na Kineo ay humiwalay na sa mga Kineo, ang mga anak ni Hobab, na biyenan ni Moises, at itinayo ang kanyang tolda sa may punong ensina sa Zaananim, na malapit sa Kedes.
12 Nang masabi kay Sisera na si Barak na anak ni Abinoam ay umahon sa bundok ng Tabor,
13 tinipon ni Sisera ang lahat ng kanyang mga karwahe, na siyamnaraang karwaheng bakal, at ang lahat ng mga lalaking kasama niya, mula sa Haroset-hagoiim hanggang sa Ilog Kishon.
14 At sinabi ni Debora kay Barak, “Tumindig ka! Sapagkat ito ang araw na ibinigay ng Panginoon si Sisera sa iyong kamay. Hindi ba lumabas ang Panginoon sa harap mo?” Kaya't lumusong si Barak mula sa bundok ng Tabor kasama ang sampung libong lalaking sumusunod sa kanya.
15 Itinaboy ng Panginoon si Sisera at ang lahat ng kanyang mga karwahe, at ang buong hukbo niya sa harap ni Barak sa talim ng tabak. Bumaba si Sisera sa kanyang karwahe, at patakbong tumakas.
16 Ngunit hinabol ni Barak ang mga karwahe at ang hukbo, hanggang sa Haroset-hagoiim at ang buong hukbo ni Sisera ay nahulog sa talim ng tabak; wala ni isang lalaking nalabi.
Pinatay ni Jael si Sisera
17 Gayunman ay patakbong tumakas si Sisera patungo sa tolda ni Jael na asawa ni Eber na Kineo; sapagkat may kapayapaan sa pagitan ni Jabin na hari sa Hazor at ng sambahayan ni Eber na Kineo.
18 Sinalubong ni Jael si Sisera, at sinabi sa kanya, “Lumiko ka, panginoon ko, lumiko ka rito sa akin; huwag kang matakot.” Kaya't siya'y lumiko sa kanya sa loob ng tolda, at siya'y tinalukbungan niya ng isang alpombra.
19 Sinabi niya sa kanya, “Isinasamo ko sa iyo, bigyan mo ako ng kaunting tubig na maiinom; sapagkat ako'y nauuhaw.” Kaya't binuksan niya ang isang balat na sisidlan ng gatas, at kanyang pinainom siya, at tinakpan siya.
20 At sinabi ni Sisera sa kanya, “Tumayo ka sa pintuan ng tolda, at kapag may taong dumating at magtanong sa iyo, ‘May tao ba riyan?’ ay iyong sasabihin, ‘Wala.’”
21 Ngunit kumuha si Jael, na asawa ni Eber, ng isang tulos ng tolda at kumuha ng isang pamukpok at dahan-dahang lumapit sa kanya. Habang natutulog nang mahimbing si Sisera dahil sa pagod, itinusok ni Jael ang tulos sa kanyang noo hanggang umabot ito sa lupa, at siya'y namatay.
22 Sa paghabol ni Barak kay Sisera ay lumabas si Jael upang salubungin siya, at sinabi sa kanya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang lalaking hinahanap mo.” Kaya't siya'y pumasok sa kanyang tolda, at naroon si Sisera na patay na nakabulagta at ang tulos ng tolda ay nasa kanyang noo.
23 Gayon nilupig ng Diyos nang araw na iyon si Jabin na hari ng Canaan sa harap ng mga anak ni Israel.
24 Habang tumatagal ay naging higit na malakas ang mga Israelita laban kay Jabin na hari ng Canaan, hanggang sa mapuksa nila si Jabin na hari ng Canaan.
Ang Awit ni Debora
5 Nang magkagayo'y umawit si Debora at si Barak na anak ni Abinoam nang araw na iyon,
2 “Sapagkat ang mga pinuno ay nanguna sa Israel,
sapagkat kusang inihandog ng bayan ang kanilang sarili,
purihin ninyo ang Panginoon!
3 “Makinig kayo, mga hari; pakinggan ninyo, mga prinsipe;
Panginoon ako'y aawit,
ako'y gagawa ng himig sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
4 “ Panginoon, nang ikaw ay lumabas sa Seir,
nang ikaw ay humayo mula sa lupain ng Edom,
ang lupa'y nanginig,
ang langit naman ay nagpatak,
oo, ang mga ulap ay nagpatak ng tubig.
5 Ang(A) mga bundok ay nayanig sa harap ng Panginoon, yaong sa Sinai,
sa harap ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
6 “Sa mga araw ni Shamgar na anak ni Anat,
sa mga araw ni Jael, ang mga paglalakbay ay tumigil,
at ang mga manlalakbay ay bumagtas sa mga lihis na landas.
7 Ang mga magsasaka ay huminto sa Israel, sila'y tumigil,
hanggang sa akong si Debora ay bumangon,
bumangon bilang ina sa Israel.
8 Nang piliin ang mga bagong diyos,
nasa mga pintuang-bayan ang digmaan.
May nakita bang kalasag o sibat
sa apatnapung libo sa Israel?
9 Ang aking puso ay nasa mga pinuno sa Israel,
na kusang-loob na naghandog ng kanilang sarili sa bayan;
purihin ang Panginoon!
10 “Saysayin ninyo, kayong mga nakasakay sa mapuputing asno,
kayong nakaupo sa maiinam na alpombra,
at kayong lumalakad sa daan.
11 Sa tugtog ng mga manunugtog sa mga dakong igiban ng tubig,
doon nila inuulit ang mga tagumpay ng Panginoon,
ang mga tagumpay ng kanyang magbubukid sa Israel.
“Bumaba nga ang bayan ng Panginoon sa mga pintuang-bayan.
12 “Gumising ka, gumising ka, Debora!
Gumising ka, gumising ka, bumigkas ka ng awit!
Bumangon ka, Barak, at ihatid mo ang iyong mga bihag,
ikaw na anak ni Abinoam.
13 Bumaba nga ang nalabi sa mga maharlika;
at ang bayan ng Panginoon ay bumaba dahil sa kanya laban sa mga makapangyarihan.
14 Mula sa Efraim na kanilang ugat, sila ay naghanda patungo sa libis,
sa likuran mo ay ang Benjamin, na kasama ng iyong mga kamag-anak;
sa Makir nagmula ang mga pinuno,
at sa Zebulon ang may hawak ng tungkod ng pinuno;
15 ang mga pinuno sa Isacar ay dumating na kasama ni Debora;
at ang Isacar ay tapat kay Barak,
sa libis ay dumaluhong sila sa kanyang mga sakong.
Sa gitna ng mga angkan ni Ruben,
nagkaroon ng lubusang pagsasaliksik ng puso.
16 Bakit ka nanatili sa gitna ng mga kulungan ng tupa,
upang makinig ba ng mga pagtawag sa mga kawan?
Sa gitna ng mga angkan ng Ruben,
nagkaroon ng lubusang pagsasaliksik ng puso.
17 Ang Gilead ay nanatili sa kabila ng Jordan;
at ang Dan, bakit siya'y nanatili sa mga barko?
Ang Aser ay nanatili sa mga baybayin ng dagat,
at nanahan sa kanyang mga daong.
18 Ang Zebulon ay isang bayan na nagsuong ng kanilang buhay sa kamatayan,
gayundin ang Neftali sa matataas na dako ng kaparangan.
19 “Ang mga hari ay dumating, sila'y lumaban;
nang magkagayo'y lumaban ang mga hari ng Canaan,
sa Taanac na nasa tabi ng tubig sa Megido;
sila'y hindi nakasamsam ng pilak.
20 Mula sa langit ang mga bituin ay nakipaglaban,
mula sa kanilang paglakad sila'y nakipaglaban kay Sisera.
21 Tinangay sila ng rumaragasang Kishon,
ng rumaragasang agos, ng Ilog Kishon.
Sumulong ka, kaluluwa ko, nang may lakas!
22 “Nang magkagayo'y yumabag ang mga paa ng mga kabayo,
na may pagkaripas, pagkaripas ng kanyang mga kabayong pandigma.
23 “Sumpain si Meroz, sabi ng anghel ng Panginoon,
sumpain nang mapait ang mga naninirahan doon,
sapagkat sila'y hindi dumating upang tumulong sa Panginoon,
upang tumulong sa Panginoon, laban sa makapangyarihan.
24 “Higit na pinagpala sa lahat ng babae si Jael,
ang asawa ni Eber na Kineo,
higit siyang pinagpala sa lahat ng babaing naninirahan sa tolda.
25 Siya'y[a] humingi ng tubig, at binigyan niya ng gatas;
kanyang dinalhan siya ng mantekilya sa maharlikang mangkok.
26 Hinawakan ng kanyang kamay ang tulos ng tolda,
at ng kanyang kanang kamay ang pamukpok ng mga manggagawa;
kanyang pinukpok si Sisera ng isang pukpok,
dinurog niya ang kanyang ulo,
kanyang binasag at tinusok ang kanyang noo.
27 Siya'y nabuwal, siya'y nalugmok,
siya'y bumulagta sa kanyang paanan,
sa kanyang paanan siya ay nabuwal, siya ay nalugmok,
kung saan siya nabuwal, doon siya patay na bumagsak.
28 “Mula sa bintana siya ay dumungaw,
ang ina ni Sisera ay sumigaw sa pagitan ng durungawan:
‘Bakit ang kanyang karwahe ay natatagalang dumating?
Bakit nababalam ang mga yabag ng kanyang mga karwahe?’
29 Ang kanyang mga pinakapantas na babae ay sumagot sa kanya,
siya na rin ang sumagot sa kanyang sarili,
30 ‘Hindi ba sila nakakatagpo at naghahati-hati ng samsam?
Isa o dalawang dalaga, sa bawat lalaki;
kay Sisera ay samsam na damit na may sari-saring kulay,
samsam na sari-saring kulay ang pagkaburda,
dalawang piraso ng kinulayang gawa, binurdahan para sa aking leeg bilang samsam?’
31 “Gayon nalipol ang lahat ng iyong mga kaaway, Panginoon!
Ngunit ang iyong mga kaibigan ay maging tulad ng araw sa pagsikat niya sa kanyang kalakasan.”
At ang lupain ay nagpahinga na apatnapung taon.
Ang Israel ay Bumagsak sa Kamay ng Midian
6 Gumawa ng masama ang mga anak ni Israel sa paningin ng Panginoon; at ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Midian nang pitong taon.
2 At ang Midian ay nagtagumpay laban sa Israel. Dahil sa Midian ay gumawa ang mga anak ni Israel ng mga taguan sa bundok, sa mga yungib, at ng mga muog.
3 Sapagkat tuwing maghahasik ang Israel, ang mga Midianita at Amalekita, at ang mga taga-silangan ay umaahon at sinasalakay sila.
4 Sila'y nagkakampo sa tapat nila at kanilang sinisira ang bunga ng lupa, hanggang sa may Gaza, at wala silang iniiwang makakain sa Israel, maging tupa, baka, o asno man.
5 Sila'y aahong dala ang kanilang kawan at ang kanilang mga tolda; at sila'y dumarating na parang mga balang sa dami. Sila at ang kanilang mga kamelyo ay hindi mabilang; kaya't kanilang sinisira ang lupain sa kanilang pagdating.
6 Gayon lubhang naghirap ang Israel dahil sa Midian; at ang mga anak ni Israel ay dumaing sa Panginoon.
7 Nang dumaing sa Panginoon ang mga anak ni Israel dahil sa Midian,
8 nagsugo ang Panginoon ng isang propeta sa mga anak ni Israel, at kanyang sinabi sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Kayo'y aking pinangunahan mula sa Ehipto, at inilabas ko kayo sa bahay ng pagkaalipin.
9 Iniligtas ko kayo sa kamay ng mga Ehipcio, at sa kamay ng lahat ng mga nagpapahirap sa inyo, at aking pinalayas sila sa harap ninyo, at ibinigay ko sa inyo ang kanilang lupain.
10 At sinabi ko sa inyo, ‘Ako ang Panginoon ninyong Diyos; huwag kayong magbibigay-galang sa mga diyos ng mga Amoreo, na ang kanilang lupain ay inyong tinatahanan.’ Ngunit hindi ninyo dininig ang aking tinig.”
Si Gideon ay Dinalaw ng Anghel ng Panginoon
11 Ang anghel ng Panginoon ay dumating at umupo sa ilalim ng ensina na nasa Ofra, na pag-aari ni Joas na Abiezerita, habang ang kanyang anak na si Gideon ay gumigiik ng trigo sa ubasan, upang itago ito sa mga Midianita.
12 Nagpakita ang anghel ng Panginoon sa kanya, at sinabi sa kanya, “Ang Panginoon ay sumasaiyo, ikaw na magiting na mandirigma.”
13 Sinabi ni Gideon sa kanya, “Subalit ginoo, kung ang Panginoon ay kasama namin, bakit ang lahat ng ito ay sumapit sa amin? Nasaan ang lahat ng kanyang kamangha-manghang gawa na isinaysay sa amin ng aming mga ninuno, na sinasabi, ‘Hindi ba tayo iniahon ng Panginoon mula sa Ehipto?’ Ngunit ngayo'y itinakuwil kami ng Panginoon at ibinigay kami sa kamay ng Midian.”
14 At bumaling sa kanya ang Panginoon, at sinabi, “Humayo ka sa kalakasan mong ito, at iligtas mo ang Israel sa kamay ng Midian. Hindi ba kita isinusugo?”
15 Sinabi niya sa kanya, “Ngunit ginoo, paano ko maililigtas ang Israel? Ang aking angkan ang pinakamahina sa Manases, at ako ang pinakahamak sa sambahayan ng aking ama.”
16 Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Subalit ako'y makakasama mo at iyong ibubuwal ang mga Midianita, bawat isa sa kanila.”
17 At sinabi niya sa kanya, “Kung nakatagpo ako ngayon ng biyaya sa iyong paningin, ay bigyan mo ako ng isang tanda na ikaw nga ang nakikipag-usap sa akin.
18 Huwag kang umalis dito hanggang sa ako'y dumating sa iyo, at ilabas ko ang aking kaloob, at ilapag ko sa harap mo.” At kanyang sinabi, “Ako'y maghihintay hanggang sa ikaw ay bumalik.”
19 Kaya't si Gideon ay pumasok sa kanyang bahay, at naghanda ng isang batang kambing, ng mga munting tinapay na walang pampaalsa at ng isang efang harina. Inilagay niya ang karne sa isang basket, at kanyang inilagay ang sabaw sa isang palayok, at dinala ang mga ito sa kanya sa ilalim ng ensina, at inihain ang mga ito.
20 At sinabi ng anghel ng Diyos sa kanya, “Kunin mo ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa at ipatong mo sa batong ito at ibuhos mo rito ang sabaw.” At gayon ang ginawa niya.
21 Pagkatapos ay iniabot ng anghel ng Panginoon ang dulo ng tungkod na nasa kanyang kamay, at sinaling ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa. May lumabas na apoy sa bato at tinupok ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa; at ang anghel ng Panginoon ay nawala sa kanyang paningin.
22 Nalaman ni Gideon na iyon ang anghel ng Panginoon; at sinabi ni Gideon, “Tulungan mo ako, O Panginoong Diyos! Sapagkat aking nakita ang anghel ng Panginoon nang mukhaan.”
23 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Sumaiyo ang kapayapaan; huwag kang matakot, hindi ka mamamatay.”
24 Nang magkagayo'y nagtayo roon si Gideon ng isang dambana sa Panginoon, at tinawag iyon na, Ang Panginoon ay kapayapaan. Hanggang sa araw na ito, iyon ay nakatayo pa rin sa Ofra ng mga Abiezerita.
Giniba ni Gideon ang Dambana ni Baal
25 Nang gabing iyon, sinabi ng Panginoon sa kanya, “Kunin mo ang toro ng iyong ama, ang ikalawang toro na may pitong taong gulang. Ibagsak mo ang dambana ni Baal na pag-aari ng iyong ama, at putulin mo ang sagradong poste[b] na katabi niyon.
26 Ipagtayo mo ng dambana ang Panginoon mong Diyos sa tuktok ng kutang ito, sa tamang ayos. Pagkatapos, kunin mo ang ikalawang toro, at ialay mo bilang isang handog na sinusunog, pati ang kahoy ng sagradong poste[c] na iyong puputulin.”
27 Kaya't kumuha si Gideon ng sampung lalaki sa kanyang mga katulong at ginawa ang ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya; ngunit dahil siya'y takot na takot sa sambahayan ng kanyang ama at sa mga lalaki sa bayan, hindi niya iyon ginawa sa araw kundi sa gabi.
28 Kinaumagahan, nang maagang bumangon ang mga lalaki sa bayan, ang dambana ni Baal ay wasak na, ang sagradong poste[d] na katabi niyon ay pinutol, at ang ikalawang toro ay inihandog sa dambanang itinayo.
29 Sinabi nila sa isa't isa, “Sino ang gumawa ng bagay na ito?” Nang kanilang siyasatin at ipagtanong ay kanilang sinabi, “Si Gideon na anak ni Joas ang gumawa ng bagay na ito.”
30 Nang magkagayo'y sinabi ng mga taong-bayan kay Joas, “Ilabas mo ang iyong anak upang siya'y mamatay, sapagkat kanyang winasak ang dambana ni Baal, at kanyang pinutol ang sagradong poste[e] na katabi niyon.”
31 Ngunit sinabi ni Joas sa lahat ng nakatayong laban sa kanya, “Ipaglalaban ba ninyo si Baal? O ipagtatanggol ba ninyo siya? Sinumang magtanggol sa kanya ay papatayin sa kinaumagahan. Kung siya'y diyos hayaan ninyong ipagtanggol niya ang kanyang sarili, sapagkat ibinagsak ang kanyang dambana.”
32 Kaya't nang araw na iyon, si Gideon[f] ay tinawag na Jerubaal, na ang ibig sabihin ay, “Magsanggalang si Baal laban sa kanya,” sapagkat ibinagsak niya ang kanyang dambana.
33 Nang magkagayo'y lahat ng mga Midianita, mga Amalekita at ang mga taga-silangan ay nagpulong; at pagtawid sa Jordan ay nagkampo sila sa Libis ng Jezreel.
34 Ngunit lumukob ang Espiritu ng Panginoon kay Gideon; at hinipan niya ang trumpeta, at ang mga Abiezerita ay tinawag upang sumunod sa kanya.
35 At nagpadala siya ng mga sugo sa buong Manases, at sila rin ay tinawagan upang sumunod sa kanya. Siya'y nagpadala ng mga sugo sa Aser, Zebulon, at Neftali, at sila'y umahon upang salubungin sila.
Ang Tanda ng Balat ng Tupa
36 Pagkatapos, sinabi ni Gideon sa Diyos, “Kung iyong ililigtas ang Israel sa pamamagitan ng aking kamay, gaya ng iyong sinabi,
37 ilalagay ko ang isang balahibo ng tupa sa giikan; kung magkaroon ng hamog sa balat lamang, at maging tuyo ang buong lupa, ay malalaman ko nga na iyong ililigtas ang Israel sa pamamagitan ng aking kamay, gaya ng iyong sinabi.”
38 At gayon nga ang nangyari. Kinaumagahan, nang siya'y maagang bumangon at pigain ang balat, nakapiga siya ng hamog sa balahibo ng tupa na sapat na mapuno ng tubig ang isang mangkok.
39 Sinabi ni Gideon sa Diyos, “Huwag mag-alab ang iyong galit laban sa akin, hayaan mong magsalita ako nang minsan pa. Ipasubok mo pa sa aking minsan sa pamamagitan ng balahibo. Tuyuin mo ngayon ang balahibo lamang, at sa buong lupa ay magkaroon ng hamog.”
40 Gayon ang ginawa ng Diyos nang gabing iyon, sapagkat ang balat lamang ang tuyo, at nagkaroon ng hamog sa buong lupa.
Isang Taong may Masamang Espiritu(A)
31 Siya'y bumaba sa Capernaum, na isang bayan ng Galilea. At siya'y nagturo sa kanila sa araw ng Sabbath.
32 Sila'y(B) namangha sa kanyang pagtuturo, sapagkat ang kanyang salita ay may kapangyarihan.[a]
33 Sa sinagoga ay may isang lalaki na may espiritu ng karumaldumal na demonyo, at siya'y sumigaw nang malakas na tinig,
34 “Ah! anong pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Pumarito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita kung sino ka, ang Banal ng Diyos.”
35 Subalit sinaway siya ni Jesus, at sinabi, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” At nang ang lalaki ay nailugmok ng demonyo sa gitna nila, ay lumabas siya sa lalaki na hindi ito sinaktan.
36 Namangha silang lahat at sinabi sa isa't isa, “Anong salita ito? Sapagkat may awtoridad at kapangyarihang inuutusan niya ang masasamang espiritu at lumalabas sila.”
37 Kumalat ang balita tungkol sa kanya sa lahat ng dako sa palibot ng lupaing iyon.
Pinapagaling ni Jesus ang Maraming Tao(C)
38 Umalis siya sa sinagoga at pumasok sa bahay ni Simon. Noon ay mataas ang lagnat ng biyenang babae ni Simon at pinakiusapan nila si Jesus[b] para sa kanya.
39 Tumayo si Jesus sa tabi niya at kanyang sinaway ang lagnat at umalis ito sa kanya. Kaagad siyang tumayo at naglingkod sa kanila.
40 Nang lumulubog na ang araw, dinala ng lahat sa kanya ang kanilang mga maysakit na sari-sari ang karamdaman at ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at sila'y pinagaling.
41 Lumabas din sa marami ang mga demonyo na nagsisisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Subalit kanyang sinaway sila, at hindi sila pinahintulutang magsalita, sapagkat alam nilang siya ang Cristo.
Nangaral si Jesus sa mga Sinagoga(D)
42 Kinaumagahan, umalis siya at nagtungo sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng napakaraming tao, at lumapit sa kanya. Nais nilang pigilin siya upang huwag niyang iwan sila.
43 Subalit sinabi niya sa kanila, “Kailangan ko ring ipangaral sa ibang bayan ang magandang balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat ako ay sinugo para sa layuning ito.”
44 Kaya't siya'y patuloy na nangaral sa mga sinagoga ng Judea.[c]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001