Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Josue 4-6

Inilagay ang mga Batong Alaala

At nangyari, nang ganap nang nakatawid sa Jordan ang buong bansa, sinabi ng Panginoon kay Josue,

“Kumuha ka ng labindalawang lalaki sa bayan, isa sa bawat lipi,

at iutos ninyo sa kanila, ‘Kumuha kayo ng labindalawang bato mula rito sa gitna ng Jordan, mula sa dakong matatag na tinatayuan ng mga paa ng mga pari at dalhin ninyo at ilapag sa dakong tinigilan ninyo sa gabing ito.’”

Kaya't tinawag ni Josue ang labindalawang lalaki na kanyang inihanda sa mga anak ni Israel, isang lalaki sa bawat lipi.

At sinabi ni Josue sa kanila, “Dumaan kayo sa harapan ng kaban ng Panginoon ninyong Diyos sa gitna ng Jordan. Pasanin ng bawat isa sa inyo ang isang bato sa kanyang balikat, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel;

upang ito'y maging isang tanda sa gitna ninyo, na kapag itinanong ng inyong mga anak sa panahong darating, ‘Anong kahulugan sa inyo ng mga batong ito?’

Inyo ngang sasabihin sa kanila, sapagkat ang tubig ng Jordan ay nahawi sa harapan ng kaban ng tipan ng Panginoon; nang iyon ay dumaan sa Jordan ay nahawi ang tubig ng Jordan; at ang mga batong ito ay magiging alaala sa mga anak ni Israel magpakailanman.”

Ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa iniutos ni Josue, at pumasan ng labindalawang bato mula sa gitna ng Jordan, gaya ng sinabi ng Panginoon kay Josue, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel; at kanilang dinala sa dakong kanilang tutuluyan, at inilapag ang mga iyon doon.

At si Josue ay nagpasalansan ng labindalawang bato sa gitna ng Jordan, sa dakong tinayuan ng mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan, at ang mga iyon ay naroon hanggang sa araw na ito.

10 Ang mga pari na nagdadala ng kaban ay tumayo sa gitna ng Jordan, hanggang sa natapos sabihin ni Josue sa bayan ang bawat bagay na iniutos ng Panginoon ayon sa lahat ng iniutos ni Moises kay Josue; at ang bayan ay tumawid na nagmamadali.

11 Nang ganap nang nakatawid ang buong bayan, ang kaban ng Panginoon at ang mga pari ay itinawid sa harapan ng bayan.

12 Ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, ay tumawid na may sandata sa harapan ng mga anak ni Israel, gaya ng sinabi ni Moises sa kanila.

13 May apatnapung libo na may sandata sa pakikidigma ang tumawid sa harapan ng Panginoon na patungo sa pakikibaka sa mga kapatagan ng Jerico.

14 Nang araw na iyon ay dinakila ng Panginoon si Josue sa paningin ng buong Israel; at sila'y gumalang sa kanya, gaya ng kanilang paggalang kay Moises sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay.

15 Ang Panginoon ay nagsalita kay Josue, na sinasabi,

16 “Iutos mo sa mga pari na nagdadala ng kaban ng patotoo na sila'y umahon mula sa Jordan.”

17 Kaya't nag-utos si Josue sa mga pari, “Umahon kayo mula sa Jordan.”

18 Nang umahon mula sa gitna ng Jordan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, at nang tumuntong sa tuyong lupa ang mga talampakan ng mga paa ng mga pari, ang tubig ng Jordan ay bumalik sa kanilang lugar at umapaw sa pampang na gaya ng dati.

19 Ang bayan ay umahon mula sa Jordan nang ikasampung araw ng unang buwan, at humimpil sa Gilgal, sa hangganang silangan ng Jerico.

20 Ang labindalawang bato na kanilang kinuha sa Jordan ay isinalansan ni Josue sa Gilgal.

21 At siya'y nagsalita sa mga anak ni Israel, “Kapag itinanong ng inyong mga anak sa kanilang mga magulang sa panahong darating, ‘Anong kahulugan ng mga batong ito?’

22 Inyo ngang ipapaalam sa mga anak ninyo, na sinasabi, ‘Ang Israel ay tumawid sa Jordang ito sa tuyong lupa.’

23 Sapagkat tinuyo ng Panginoon ninyong Diyos ang tubig ng Jordan sa harapan ninyo, hanggang sa kayo'y nakatawid, gaya ng ginawa ng Panginoon ninyong Diyos sa Dagat na Pula, na kanyang tinuyo para sa amin hanggang sa kami ay nakatawid;

24 upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa na makapangyarihan ang kamay ng Panginoon, upang sila'y matakot sa Panginoon ninyong Diyos magpakailanman.

Nang mabalitaan ng lahat ng mga hari ng mga Amoreo na nasa kabila ng Jordan sa dakong kanluran, at ng lahat ng mga hari ng mga Cananeo na nasa tabing dagat, kung paanong pinatuyo ng Panginoon ang tubig ng Jordan sa harapan ng mga anak ni Israel, hanggang sa sila ay nakatawid, nanlumo ang kanilang puso, at sila'y nasiraan ng loob dahil sa mga anak ni Israel.

Ang Pagtutuli sa Gilgal

Nang panahong iyon ay sinabi ng Panginoon kay Josue, “Gumawa ka ng mga patalim na yari sa batong kiskisan at muli mong tuliin sa ikalawang pagkakataon ang mga anak ni Israel.”

Kaya't gumawa si Josue ng mga patalim na yari sa batong kiskisan, at tinuli ang mga anak ni Israel sa Gibeat-haaralot.[a]

Ito ang dahilan kung bakit tinuli sila ni Josue: ang lahat ng mga lalaking mandirigma na lumabas mula sa Ehipto, samakatuwid ay ang lahat na lalaking mandirigma na namatay sa ilang sa daan, pagkatapos na sila'y makalabas mula sa Ehipto.

Bagama't ang buong bayan na lumabas ay mga tuli, ang buong bayan na ipinanganak sa ilang sa daan pagkalabas sa Ehipto ay hindi natuli.

Sapagkat(A) ang mga anak ni Israel ay lumakad na apatnapung taon sa ilang, hanggang sa ang buong bansa, samakatuwid, ang mga lalaking mandirigma na lumabas mula sa Ehipto, ay nalipol, sapagkat hindi nila dininig ang tinig ng Panginoon. Sa kanila'y isinumpa ng Panginoon na hindi niya ipapakita ang lupain na ipinangako ng Panginoon sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa atin, ang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.

Kaya't tinuli ni Josue ang kanilang mga anak na ipinanganak na kahalili nila, sapagkat hindi sila tuli, yamang hindi sila tinuli sa daan.

Nang kanilang matuli na ang buong bansa, nanatili sila sa kanilang mga lugar sa kampo hanggang sa sila'y gumaling.

At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito ay iginulong ko palayo sa inyo ang kahihiyan ng Ehipto.” Kaya't ang pangalan ng lugar na iyon ay tinawag na Gilgal[b] hanggang sa araw na ito.

10 Habang(B) ang mga anak ni Israel ay nagkakampo sa Gilgal ay kanilang isinagawa ang paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng buwan sa kinahapunan sa mga kapatagan ng Jerico.

11 Kinabukasan, pagkatapos ng paskuwa, nang araw ding iyon, kanilang kinain ang bunga ng lupain, ang mga tinapay na walang pampaalsa at ang sinangag na trigo.

12 At(C) ang manna ay huminto kinabukasan, pagkatapos na sila'y makakain ng bunga ng lupain; at hindi na nagkaroon pa ng manna ang mga anak ni Israel kundi kanilang kinain ang bunga ng lupain ng Canaan ng taong iyon.

Si Josue at ang Lalaking may Tabak

13 Nang si Josue ay nasa may Jerico, kanyang itinaas ang kanyang paningin at nakita niyang nakatayo ang isang lalaki sa tapat niya na may tabak sa kanyang kamay. Lumapit sa kanya si Josue at sinabi sa kanya, “Ikaw ba'y sa panig namin o sa aming mga kaaway?”

14 At kanyang sinabi, “Hindi; ako'y naparito bilang pinuno ng hukbo ng Panginoon.” At si Josue ay sumubsob sa lupa at sumamba, at sinabi sa kanya, “Anong ipinag-uutos ng aking panginoon sa kanyang lingkod?”

15 Sumagot ang pinuno ng hukbo ng Panginoon kay Josue, “Hubarin mo ang panyapak sa iyong paa, sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay banal.” At gayon ang ginawa ni Josue.

Sinakop ang Jerico

Ang Jerico nga ay ganap na nakasara dahil sa mga anak ni Israel, walang nakakalabas at walang nakakapasok.

At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Tingnan mo, ibinigay ko na sa iyong kamay ang Jerico, ang hari nito at ang mga mandirigma.

Lilibutin ninyo ang buong lunsod, lahat ng mga lalaking mandirigma ay liligid na minsan sa lunsod. Gagawin ninyo ito sa loob ng anim na araw.

Ang pitong pari ay magdadala ng pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban; at sa ikapitong araw ay inyong paliligiran ng pitong ulit ang bayan at hihipan ng mga pari ang mga tambuli.

Kapag hinipan na nila nang matagal ang sungay ng tupa, at kapag inyong narinig ang tunog ng tambuli ay sisigaw nang malakas ang buong bayan. Ang pader ng lunsod ay guguho at ang buong bayan ay tuluy-tuloy na sasalakay.”

Kaya't tinawag ni Josue na anak ni Nun ang mga pari at sinabi sa kanila, “Buhatin ninyo ang kaban ng tipan; pitong pari ang magdala ng pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban ng Panginoon.”

At kanyang sinabi sa bayan, “Sumulong kayo at lumakad sa palibot ng lunsod; at palakarin ninyo ang mga lalaking may sandata sa unahan ng kaban ng Panginoon.”

Nang makapagsalita na si Josue sa bayan, ang pitong pari na may dalang pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa harapan ng Panginoon ay lumakad na pasulong at hinipan ang mga tambuli; at ang kaban ng tipan ng Panginoon ay sumunod sa kanila.

Ang mga lalaking may sandata ay nauna sa mga pari na humihihip ng mga tambuli, at ang bantay sa likuran ay sumusunod sa kaban, habang ang mga tambuli ay patuloy na hinihipan.

10 At iniutos ni Josue sa bayan, “Huwag kayong sisigaw, ni maririnig ang inyong tinig, ni magsasalita ng anumang salita hanggang sa araw na aking sabihing kayo'y sumigaw; at saka lamang kayo sisigaw.”

11 Kaya't kanyang inilibot na minsan sa lunsod ang kaban ng Panginoon. Sila'y pumasok sa kampo at nagpalipas ng gabi doon.

12 Kinaumagahan, si Josue ay bumangong maaga, at binuhat ng mga pari ang kaban ng Panginoon.

13 Ang pitong pari na may dalang pitong tambuli na mga sungay ng tupa ay lumakad na pasulong sa unahan ng kaban ng Panginoon, habang patuloy na hinihipan ang mga tambuli. Ang mga lalaking may sandata ay nauna sa kanila; at ang bantay sa likuran ay sumusunod sa kaban ng Panginoon, habang patuloy na hinihipan ang mga tambuli.

14 Sa ikalawang araw ay minsan silang lumakad sa palibot ng lunsod at bumalik sila sa kampo. Gayon ang kanilang ginawa sa loob ng anim na araw.

15 At nangyari, nang ikapitong araw nang mag-uumaga na, sila'y maagang bumangon at pitong ulit silang lumakad sa palibot ng lunsod sa gayunding paraan. Nang araw lamang na iyon sila lumakad ng pitong ulit sa palibot ng lunsod.

16 Sa ikapitong ulit, nang hipan ng mga pari ang mga tambuli ay sinabi ni Josue sa bayan, “Sumigaw kayo; sapagkat ibinigay na ng Panginoon sa inyo ang lunsod.

17 Ang lunsod pati ang lahat na naroroon ay itatalaga sa Panginoon sa pagkawasak. Tanging si Rahab na upahang babae, siya at ang lahat na kasama niya sa bahay ang mananatiling buháy sapagkat kanyang ikinubli ang mga sugo na ating isinugo.

18 Ngunit kayo, layuan ninyo ang mga itinalagang bagay; baka kapag naitalaga na sa inyo ay kumuha kayo ng anuman sa itinalagang bagay. Sa gayo'y susumpain dahil sa inyo ang kampo ng Israel, at magkakaroon ng kaguluhan.

19 Ngunit lahat ng pilak, ginto, mga sisidlang tanso at bakal ay banal sa Panginoon; ang mga ito ay ipapasok sa kabang-yaman ng Panginoon.”

20 Kaya't(D) sumigaw ang bayan, at hinipan ang mga tambuli. Nang marinig ng bayan ang tunog ng tambuli, ang bayan ay sumigaw ng napakalakas. Ang pader ay gumuho, kaya't ang bayan ay lumusob sa lunsod, ang bawat lalaki ay tuluy-tuloy na pumasok at kanilang sinakop ang lunsod.

21 Kanilang lubos na pinuksa ng talim ng tabak ang lahat ng nasa lunsod, maging lalaki at babae, ang bata at matanda, ang baka, tupa, at asno.

22 At sinabi ni Josue sa dalawang lalaking naniktik sa lupain, “Pumasok kayo sa bahay ng upahang babae at ilabas ninyo roon ang babae at ang lahat niyang ari-arian gaya ng inyong ipinangako sa kanya.”

23 Kaya't ang mga binatang espiya ay pumasok at inilabas si Rahab, ang kanyang ama, ina, mga kapatid, at lahat ng kanyang ari-arian. Ang lahat niyang kamag-anak ay kanila ring inilabas at sila ay inilagay sa labas ng kampo ng Israel.

24 At kanilang sinunog ng apoy ang lunsod at ang lahat na naroroon; tanging ang pilak at ginto, mga sisidlang tanso at bakal ang kanilang ipinasok sa kabang-yaman ng bahay ng Panginoon.

25 Ngunit(E) si Rahab na upahang babae, ang sambahayan ng kanyang ama, at ang lahat niyang ari-arian ay iniligtas ni Josue. Siya'y nanirahang kasama ng Israel hanggang sa araw na ito, sapagkat kanyang ikinubli ang mga sugo na ipinadala ni Josue upang maniktik sa Jerico.

26 Sumumpa(F) si Josue ng sumpa sa kanila nang panahong iyon, na sinasabi, “Sumpain sa harapan ng Panginoon ang taong magbabangon at muling magtatayo nitong lunsod ng Jerico. Sa halaga ng kanyang panganay ay ilalagay niya ang saligan nito at sa halaga ng kanyang bunsong lalaki ay itatayo niya ang mga pintuan nito.”

27 Kaya't ang Panginoon ay naging kasama ni Josue; at ang kanyang kabantugan ay lumaganap sa buong lupain.

Lucas 1:1-20

Layunin ng Aklat

Yamang marami ang nagsikap mag-ayos ng isang kasaysayan tungkol sa mga bagay na naganap sa gitna natin,

ayon sa ipinaalam sa atin ng mga taong buhat sa pasimula ay mga saksing nakakita at mga tagapangaral[a] ng salita,

ay minabuti ko naman, pagkatapos na siyasating mabuti ang lahat ng mga pangyayari buhat sa pasimula, na sumulat ng isang maayos na salaysay para sa iyo, kagalang-galang na Teofilo,

upang malaman mo ang katiyakan ng mga bagay na itinuro sa iyo.

Ipinahayag ang Kapanganakan ni Juan na Tagapagbautismo

Nang(A) panahon ni Haring Herodes ng Judea,[b] may isang paring ang pangalan ay Zacarias, mula sa pangkat ni Abias. Ang naging asawa niya ay isa sa mga anak na babae ni Aaron na ang pangalan ay Elizabeth.

Sila'y kapwa matuwid sa harapan ng Diyos, at nabubuhay na walang kapintasan ayon sa lahat ng mga utos at alituntunin ng Panginoon.

Subalit wala silang anak, sapagkat baog si Elizabeth at sila'y kapwa matanda na.

Samantalang naglilingkod siya sa Diyos bilang pari at ang kanyang pangkat ang nanunungkulan,

ayon sa kaugalian ng mga pari, napili siya sa pamamagitan ng palabunutan na pumasok sa templo ng Panginoon at magsunog ng insenso.

10 At sa oras ng paghahandog ng insenso, ang napakaraming tao ay nananalangin sa labas.

11 Nagpakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon na nakatayo sa gawing kanan ng dambana ng insenso.

12 Nang makita niya ang anghel, nasindak at natakot si Zacarias.

13 Subalit sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Zacarias, sapagkat pinakinggan ang panalangin mo at ang asawa mong si Elizabeth ay magsisilang sa iyo ng isang anak na lalaki at tatawagin mo siya sa pangalang Juan.

14 Ikaw ay magkakaroon ng kaligayahan at kagalakan at marami ang matutuwa sa kanyang pagsilang.

15 Sapagkat(B) siya'y magiging dakila sa harapan ng Panginoon, at hindi siya iinom ng alak o matapang na inumin. Siya'y mapupuno ng Espiritu Santo mula pa sa sinapupunan ng kanyang ina.

16 Marami sa mga anak ni Israel ang panunumbalikin niya sa Panginoon nilang Diyos.

17 Siya'y(C) lalakad sa unahan niya sa espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang papanumbalikin ang mga puso ng mga magulang[c] sa kanilang mga anak, at ang mga suwail sa karunungan ng mga matuwid, upang ihanda ang isang bayang nakalaan sa Panginoon.”

18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko malalamang gayon nga? Sapagkat ako ay matanda na at ang aking asawa ay puspos na ng mga araw.”

19 At(D) sinagot siya ng anghel, “Ako si Gabriel na tumatayo sa harapan ng Diyos. Ako'y sinugo upang makipag-usap at ipahayag sa iyo itong magandang balita.

20 Subalit ngayon, sapagkat hindi ka naniwala sa aking mga salita na magaganap sa kanilang kapanahunan, ikaw ay magiging pipi at di makapagsasalita, hanggang sa araw na mangyari ang mga bagay na ito.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001