Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
1 Corinto 7:20-40

20 Ang bawat tao ay manatili sa pagkatawag sa kaniya. 21 Tinawag ka ba na alipin? Huwag mong ikabahala iyon. Kung maaari kang maging malaya, gamitin mo ang kalayaang iyon. 22 Ito ay sapagkat siya na tinawag na isang alipin sa Panginoon ay malaya sa Panginoon. Gayundin siya na tinawag na isang malaya sa Panginoon ay isang alipin ni Cristo. 23 Kayo ay biniling may halaga, huwag kayong paalipin sa mga tao. 24 Mga kapatid, ang bawat tao ay panatilihing kasama ng Diyos sa tawag naitinawag sa kaniya.

25 Patungkol sa mga dalaga, wala akong utos na mula sa Diyos, gayunman ay magbibigay ako ng payo bilang isang taong nakatanggap mula sa Diyos ng habag na maging matapat. 26 Dahil sa kasalukuyang pangangailangan, sa aking palagay ay ito ang mabuti. Mabuti para sa isang lalaki ang manatiling ganito. 27 May asawa ka ba? Kung mayroon, huwagmo nang hangaring makipaghiwalay. Hiwalay ka ba sa iyong asawa? Huwag mo nang hangaring mag-asawang muli. 28 Kapag ikaw ay nag-asawa, hindi ka nagkasala. Kapag ang isang dalaga ay nag-asawa, hindi siya nagkasala. Ngunit, ang mga may asawa ay daranas ng kahirapan sa buhay, ngunit ang hangad ko ay makaligtas kayo sa bagay na ito.

29 Mga kapatid, ito ang sasabihin ko: Maikli na ang panahon, kaya mula ngayon, ang mga may asawa ay maging tulad nang mga walang asawa. 30 Ang mga nananangis ay maging parang mga hindi nananangis, ang mga nagagalak ay maging parang mga hindi nagagalak. Ang mga bumibili ay maging parang mga walang naging pag-aari. 31 Ang mga nagtatamasa ng mga bagay sa sanlibutang ito ay maging parang mga hindi nagtamasa ng lubos sapagkat ang kaanyuan ng sanlibutang ito ay lumilipas.

32 Ngunit ibig kong maging malaya kayo sa mga alalahanin. Ang walang asawa ay nagsusumikap sa mga bagay para sa Panginoon, kung papaano niya mabibigyang lugod ang Panginoon. 33 Ang lalaking may asawa ay nagsusumikap sa mga bagay ng sanlibutang ito kung papaano niya mabibigyang lugod ang kaniyang asawa. 34 Magkaiba ang babaeng may asawa at ang babaeng walang asawa. Ang babaeng walang asawa ay nagsusumikap sa mga bagay para sa Panginoon upang siya ay maging banal, kapwa ang kaniyang katawan at ang kaniyang espiritu. Ngunit ang babaeng may asawa ay nagsusumikap sa mga bagay ng sanlibutang ito kung papaano niya mabibigyang lugod ang kaniyang asawa. 35 Sinasabi ko ito para sa inyong ikabubuti, hindi sa inuumangan ko kayo ng patibong kundi upang magawa ninyo ang nararapat. Ito rin ay upang mapaglingkuran ninyo ang Panginoon ng walang anumang nakakagambala.

36 Kung ang isang lalaki ay nag-aakalang hindi nararapat ang kaniyang asal sa babaeng kaniyang magiging asawa, o kung inaakala ng babaeng kaniyang magiging asawa na siya ay nakalagpas na sa kaniyang kabataan o kung inaakala niyang gayon ang dapat na mangyari, gawin na niya ang dapat niyang gawin. Sa bagay na ito ay hindi siya nagkakasala. 37 Ngunit, mabuti ang kaniyang ginagawa kung mayroon siyang paninin­digan sa kaniyang puso, hindi dahil sa kinakailangan, kundi dahil sa may kapamahalaan siya sa sarili niyang kalooban. At ito ay pinagpasiyahan niya sa kaniyang puso na panatilihin niyang gayon ang kaniyang magiging asawa. 38 Mabuti kung ang lalaki ay magpakasal, ngunit higit na mabuti kung hindi siya magpakasal.

39 Ang asawang babae ay nakabuklod sa pamamagitan ng batas sa kaniyang asawa hanggang ang lalaki ay nabubuhay. Kapag ang lalaki ay namatay, ang babae ay may kalayaang magpakasal sa sinumang ibig niya, ngunit ito ay dapat ayon sa kalooban ng Panginoon. 40 Kung siya ay mananatiling walang asawa ayon sa aking payo, siya ay higit na masaya at sa aking palagay ang Espiritu ng Diyos ay nasa akin.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International