Old/New Testament
24 Kinabukasan dumating sila sa Cesarea. Sila ay hinihintay ni Cornelio. Tinipon niya ang kaniyang kamag-anakan at kaniyang mga matatalik na kaibigan. 25 Nangyari, na pagpasok ni Pedro ay sinalubong siya ni Cornelio. Nagpatirapa siya sa kaniyang paanan at siya ay sinamba. 26 Ngunit itinindig siya ni Pedro na sinasabi: Tumindig ka, ako ay tao rin naman.
27 Habang nag-uusap sila, pumasok siya at nakita niyang marami ang nagkakatipun-tipon. 28 Sinabi niya sa kanila: Alam ninyo na hindi ayon sa kautusan na ang Judio ay makisama o lumapit sa isang taga-ibang bansa. Ngunit ipinakita sa akin ng Diyos na huwag kong tawaging pangkaraniwan o marungis ang sinuman. 29 Iyan ang dahilan kaya nang ako ay ipasundo mo, naparito akong hindi tumututol. Kaya nga, itinatanong ko sa inyo, sa anong kadahilanan ipinasundo mo ako?
30 Sinabi ni Cornelio: May apat na araw na hanggang sa oras na ito na ako ay nag-aayuno. Sa ikasiyam na oras sa aking bahay, sa aking pananalangin, at narito, isang lalaki ang tumindig sa harapan ko. Siya ay nakasuot ng maningning na damit. 31 Sinabi niya: Cornelio, dininig ang dalangin mo. Ang iyong mga pagkakaloob sa kahabag-habag ay inaalaala sa paningin ng Diyos. 32 Magsugo ka nga sa Jope, at anyayahan mo si Simon na tinatawag na Pedro. Siya ay nanunuluyan sa bahay ni Simong mangungulti ng balat ng hayop. Ang bahay niya ay nasa tabing dagat. Pagdating niya ay magsasalita siya sa iyo. 33 Kaagad-agad nga ay nagpasugo ako sa iyo. Mabuti at naparito ka. Kaya nga, naririto kaming lahat sa paningin ng Diyos upang dinggin ang lahat ng bagay na ipinag-utos sa iyo ng Diyos.
34 Ibinukas ni Pedro ang kaniyang bibig at nagsabi: Totoo ngang naunawaan kong ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao. 35 Subalit sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaniyang tinatanggap. 36 Alam ninyo ang salitang ipinadala ng Diyos sa mga anak ni Israel na naghahayag ng ebanghelyo ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo. Siya ay Panginoon ng lahat. 37 Ang pangyayaring ito ay naganap sa buong Judea, simula sa Galilea, pagkatapos ng bawtismo na ipinangaral ni Juan. 38 Alam ninyo kung papaanong si Jesus, na taga-Nazaret ay pinahiran ng Diyos ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan. Siya ay naglilibot na gumagawa ng mabuti. Pinagaling niya ang lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo sapagkat sumasa kaniya ang Diyos.
39 Mga saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Pinatay nila siya sa pamamagitan ng pagbitin sa kahoy. 40 Nang ikatlong araw siya ay muling binuhay ng Diyos at siya ay inihayag. 41 Inihayag siya hindi sa lahat ng mga tao kundi sa mga saksi na hinirang ng Diyos nang una. Ito ay sa amin na kasalo niyang kumain at uminom pagkatapos niyang bumangon mula sa mga patay. 42 Iniutos niya sa amin na mangaral sa mga tao at lubos na pinagpapatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buhay at ng mga patay. 43 Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta. Pinatotohanan nila na ang bawat sumasampalataya sa kaniya ay magkakamit ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.
44 Samantalang nagsasalita pa si Pedro, bumaba ang Banal na Espiritu sa lahat ng nakikinig ng salita. 45 Ang lahat ng mga mananampalatayang nasa pagtutuli na kasama ni Pedro ay namangha sapagkat ibinuhos din naman sa mga Gentil ang kaloob na Banal na Espiritu. 46 Nalaman nila ito dahil narinig nila ang mga ito na nagsasalita ng mga wika at nagpupuri sa Diyos.
47 Nang magkagayon ay sumagot si Pedro: Maipagbabawal ba ng sinuman ang paggamit ng tubig upang mabawtismuhan itong mga tumanggap ng Banal na Espiritu na gaya naman natin? 48 Inutusan niya sila na magpabawtismo sa pangalan ng Panginoon. Pagkatapos nito hiniling nila sa kaniya na manatili ng mga ilang araw.
Copyright © 1998 by Bibles International