Old/New Testament
21 Pagkatapos nga na maganap ang mga bagay na ito, binalak ni Pablo sa kaniyang loob na dumaan muna sa Macedonia at Acaya, at sa Jerusalem. Sinabi niya: Pagkagaling ko roon, kinakailangang makita ko naman ang Roma. 22 Nang maisugo na niya sa Macedonia ang dalawang naglingkod sa kaniya, nanatili siya nang ilang panahon sa Asya. Ang dalawang sinugo niya ay sina Timoteo at Erasto.
Ang Kaguluhan sa Efeso
23 Nangyari, na sa panahong iyon ay may naganap na malaking kaguluhan patungkol sa Daan.
24 Ito ay sapagkat may isang lalaking panday-pilak na nagngangalang Demetrio. Siya ay gumagawa ng mga dambanang pilak ni Artemis.[a] Ito ay pinagkakakitaan nang malaki ng mga panday-pilak. 25 Tinipon ni Demetrio ang lahat gayundin ang mga gumagawa ng gayong gawain. Sinabi niya: Mga kalalakihan, nalalaman ninyo na yumayaman tayo sa hanapbuhay na ito. 26 Nakikita ninyo at naririnig, hindi lamang sa Efeso kundi halos sa buong Asya nakahimok ang Pablong ito at ibinabaling niya ang maraming tao. Sinasabi niyang walang mga diyos na ginawa ng kamay. 27 Nanganganib na mapasama ang pangalan ng pangangalakal nating ito. Hindi lamang iyon, kundi gayundin ang templo ng dakilang diyosang si Artemis ay ituturing na walang halaga. Mababawasan na ang kadakilaan niya na sinasamba ng buong lalawigan ng Asya at ng sanlibutan.
28 Nang marinig nila ito, napuno sila ng poot. Nagsigawan sila na sinasabi: Dakila ang Artemis ng mga taga-Efeso. 29 Napuno ng kalituhan ang buong lungsod. Pinagkaisahan nilang lusubin ang dulaan. Sinunggaban nila sina Gayo at Aristarco na mga taga-Macedonia at mga kasama ni Pablo sa paglalakbay. 30 Nang ibig pasukin ni Pablo ang mga tao, hindi siya pinahintulutan ng mga alagad. 31 Ang ilan sa mga pinuno ng Asya na mga kaibigan niya ay nagsugo sa kaniya. Ipinamanhik nila sa kaniya na huwag pumunta sa dulaan.
32 Ang iba nga ay sumisigaw ng ibang bagay at iba naman ang isinisigaw ng iba dahil ang buong kapulungan ay nasa kalituhan. Hindi malaman ng nakakarami kung bakit sila ay nagkakatipon. 33 Inilabas nila si Alexander mula sa maraming tao. Ipinagtutulakan siya ng mga Judio na pumunta sa may dakong harapan. Inihudyat ni Alexander ang kaniyang mga kamay na ibig sanang magtanggol sa harapan ng mga tao. 34 Ngunit nang nakilala nila na siya ay isang Judio, nagkaisa silang lahat sa paulit-ulit na pagsigaw. Sa loob ng halos dalawang oras ay kanilang isinisigaw: Dakila ang Artemis ng mga taga-Efeso.
35 Nang mapatahimik na ng kawaning-lungsod ang karamihan, sinabi niya: Kayong mga lalaking taga-Efeso, sino sa mga tao ang hindi nakakaalam na ang lungsod ng mga taga-Efeso ay tagapag-ingat ng templo ng dakilang diyosang si Artemis at ng diyos-diyosang nahulog mula kay Zeus? 36 Yamang hindi nga maikakaila ang mga bagay na ito ay dapat lang na pumayapa kayo. Hindi kayo dapat gumawa ng anumang bagay na pabigla-bigla. 37 Ito ay sapagkat dinala ninyo rito ang mga lalaking ito na hindi naman nagnakaw sa templo, ni namusong man sa inyong diyosa. 38 Kung si Demetrio nga at ang kasamahan niyang mga panday ay may anumang sakdal laban sa kanino man, bukas ang hukuman. May mga gobernador tayo, bayaan ninyong magsakdal ang isa’t isa. 39 Ngunit kung may katanungan kayo sa ano pa mang mga bagay, lulutasin ito ayon sa nararapat na kapulungan. 40 Tayo ay nanganganib na maipagsakdal ng paghihimagsik dahil sa gulong nangyari sa araw na ito na walang anumang kadahilanan. Ito ay sapagkat hindi tayo makakapagpaliwanag patungkol sa magulong pagkakatipon na ito. 41 Pagkasabi niya nito, pinauwi na niya ang mga tao.
Copyright © 1998 by Bibles International