Old/New Testament
Sa Tesalonica
17 Pagkaraan nila sa Antipolis at Apolonia, dumating sila sa Tesalonica. Dito ay may sinagoga ng mga Judio.
2 Si Pablo ay pumasok doon ayon sa kaniyang kaugalian. Siya ay nakipagpaliwanagan sa kanila sa mga kasulatan sa loob ng tatlong araw ng Sabat. 3 Ipinaliliwanag niya sa kanila ang kasulatan at ipinakikita ang katibayang kinakailangang ang Cristo ay magbata at muling mabuhay mula sa mga patay. Ang Jesus na ipinangangaral ko sa inyo ang siyang Mesiyas. 4 Ang ilan sa kanila ay nahikayat at sumama kay Pablo at kay Silas. Nahikayat din ang maraming Griyegong palasamba sa Diyos at maraming mga pangunahing babae.
5 Ngunit ang mga Judio na hindi nanampalataya ay naiinggit. Sila ay nagsama ng ilang masamang tao mula sa pamilihan. Nagtipon sila ng isang grupo at ginulo ang lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason at pinagsikapan nilang maiharap sila sa mga tao. 6 Nang hindi nila sila matagpuan, kinaladkad nila si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng opisyales ng lungsod. Ipinagsisigawan nilang: Sila na mga nanggugulo sa sanlibutan ay pumunta rin dito. 7 Sila ay tinanggap ni Jason. Silang lahat ay gumagawa ng laban sa mga utos ni Cesar. Sinasabi nila: May ibang hari, si Jesus. 8 At kanilang ginulo ang napakaraming tao at ang mga pinuno ng lungsod, nang marinig nila ang mga bagay na ito. 9 Nang matanggap na nila ang sapat na salapi para kay Jason at para sa iba, sila ay pinalaya nila.
Sa Berea
10 Kinagabihan ay agad-agad na pinaalis ng mga kapatid sina Pablo at Silas papuntang Berea. Pagdating nila roon, sila ay pumasok sa sinagoga ng mga Judio.
11 Sila ay higit na mararangal na tao kaysa sa mga taga-Tesalonica. Tinanggap nila ang salita ng buong sigasig. Sinaliksik nila ang mga kasulatan araw-araw kung tunay nga ang mga bagay na ito. 12 Kaya nga, marami sa kanila ang sumampalataya. Gayundin ang mga iginagalang na babaeng Griyego at ang maraming lalaki ay sumampalataya.
13 Ngunit nang malaman ng mga Judiong taga-Tesalonica na ang salita ng Diyos ay ipinangaral ni Pablo sa Berea. Pumunta sila doon at kanilang ginulo ang mga tao. 14 Kaya kaagad na pinaalis ng mga kapatiran si Pablo na waring patungo siya sa dagat. Subalit sina Silas at Timoteo ay nanatili pa roon. 15 Si Pablo ay dinala sa Atenas ng mga nag-iingat sa kaniya. Sila ay nagbalik taglay ang utos ni Pablo para kina Silas at Timoteo na sila ay agad na sumunod sa kaniya.
Copyright © 1998 by Bibles International