Old/New Testament
22 Ngunit lalong naging makapangyarihan si Saulo at lalong nalito ang mga Judio na nasa Damasco. Kaniyang pinatunayan na ito nga ang Mesiyas.
23 Makalipas ang maraming araw, binalak ng mga Judio na ipapatay siya. 24 Ngunit nalaman ni Saulo ang kanilang balak. Araw at gabi ay binabantayan nila ang mga pintuang-bayan upang patayin siya. 25 Ngunit kinuha siya sa gabi ng kaniyang mga alagad. Siya ay ibinabang palagos mula sa mataas na pader at siya ay inihugos sa isang tiklis.
26 Nang dumating si Saulo sa Jerusalem, pinagsikapan niyang makisanib sa mga alagad. Silang lahat ay natakot sa kaniya. Hindi sila naniniwala na siya ay isang alagad. 27 Ngunit kinuha siya ni Bernabe at siya ay dinala sa mga apostol. Isinaysay niya sa kanila kung paanong nakita ni Saulo ang Panginoon sa daan at kinausap siya. Isinaysay niya kung paanong sa Damasco ay nangaral siyang may katapangan sa pangalan ni Jesus. 28 Siya ay kasama nila sa pagpasok at paglabas sa Jerusalem. Siya ay kasama nila na nangangaral nang may katapangan sa pangalan ng Panginoong Jesus. 29 Siya ay nagsalita at nakipagtalo sa mga Judio na ang wika ay Griyego. Kaya binalak nilang patayin siya. 30 Nang malaman ito ng mga kapatid, siya ay dinala nila pababa sa Cesarea at siya ay pinaalis nila patungong Tarso.
31 Sa panahong iyon ay nagkaroon ng kapayapaan ang mga iglesiya sa buong Judea at Galilea at Samaria. Sila ay naging matibay at nagpapatuloy na may takot sa Panginoon at may kaaliwan ng Banal na Espiritu at sila ay dumami.
Si Dorcas at Eneas
32 Nangyari, na sa paglalakbay ni Pedro sa lahat ng dako, siya ay naparoon din naman sa mga banal na naninirahansa Lida.
33 Natagpuan niya roon ang isang lalaking nagngangalang Eneas. Siya ay walong taon nang nakaratay sa banig sapagkat siya ay paralitiko. 34 Sinabi sa kaniya ni Pedro: Eneas, pinagaling ka ni Jesus, na siya ang Mesiyas. Tumindig ka at iligpit mo ang iyong higaan. Tumayo kaagad si Eneas. 35 Siya ay nakita ng lahat ng mga nakatira sa Lida at sa Sarona at sila ay nanumbalik sa Panginoon.
36 At sa Jope ay may isang alagad na nagngangalang Tabita. Ang kahulugan ng Tabita ay Dorcas.[a] Siya ay lipos ng mabubuting gawa at gawaing pamamahagi sa mga kahabag-habag. 37 Nangyari nang mga araw na iyon na nagkasakit siya at namatay. Nang siya ay mahugasan nila, inilagay nila siya sa isang silid sa itaas. 38 Ang Lida ay malapit sa Jope. Kaya nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay naroroon, nagsugo ng dalawang tao sa kaniya. Ipinamanhik nila sa kaniya na huwag niyang patagalin ang pagpunta sa kanila.
39 Tumindig si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating niya, siya ay dinala nila sa silid sa itaas. Ang mga babaeng balo ay nakatayo malapit kay Pedro. Sila ay tumatangis. Ipinakita nila sa kaniya ang mga balabal at mga damit na ginawa ni Dorcas. Ginawa niya ito nang siya ay kasama pa nila.
40 Ngunit pinalabas silang lahat ni Pedro. Lumuhod siya at nanalangin. Pagharap niya sa katawan, sinabi niya: Tabita, bumangon ka. At iminulat niya ang kaniyang mga mata. Nang makita niya si Pedro, umupo siya. 41 Hinawakan ni Pedro ang kaniyang mga kamay at siya ay itinindig. Tinawag niya ang mga banal at ang mga babaeng balo. Siya ay iniharap niyang buhay sa kanila. 42 Ito ay nalaman sa buong Jope at marami ang sumampalataya sa Panginoon. 43 At siya ay nanahan sa Jope ng maraming araw. Kasama siya ni Simon na mangungulti ng balat ng hayop.
Copyright © 1998 by Bibles International