Old/New Testament
21 Nang masabi na ito ni Jesus ay naligalig siya sa espiritu. Siya ay nagpatotoo at nagsabi: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Isa sa inyo ay magkakanulo sa akin.
22 Kaya ang mga alagad ay nagtinginan sa isa’t isa, naguguluhan sila kung sino ang tinutukoy niya. 23 Mayroon ngang nakahilig sa piling niJesus na isa sa kaniyang mga alagad, siya ang iniibig ni Jesus. 24 Si Simon Pedro nga ay humudyat sa kaniya na tanungin si Jesus kung sino ang kaniyang tinutukoy.
25 Sa paghilig niya sa dibdib ni Jesus, sinabi niya: Panginoon, sino siya?
26 Sumagot si Jesus: Siya ang bibigyan ko ng kapirasong tinapay pagkatapos ko itong maisawsaw. Nang maisawsaw na niya ang kapirasong tinapay ibinigay niya iyon kay Judas na taga-Keriot na anak ni Simon. 27 Pagkatapos ng isang subo ay pumasok kay Judas si Satanas.
Sinabi nga ni Jesus sa kaniya: Kung ano ang iyong gagawin ay gawin mo agad.
28 Walang sinuman sa nakaupong kasalo niya ang nakaunawa kung bakit niya iyon sinabi sa kaniya. 29 Si Judas ang may hawak ng supot ng salapi. Ito ang dahilan kaya inakala ng ilan na ang sinabi sa kaniya ni Jesus ay bumili siya ng mga kakailanganin para sa kapistahan. O kaya ay may ipinabibigay sa kaniya sa mga dukha. 30 Pagkatanggap nga niya ng isang subo ay agad siyang umalis. Noon ay gabi na.
Ipinagpauna ni Jesus na Ipagkakaila Siya ni Pedro
31 Kaya nga, pagkaalis ni Judas, sinabi ni Jesus: Ngayon ay naluwalhati na ang Anak ng Tao. At ang Diyos ay naluwalhati sa kaniya.
32 Yamang ang Diyos ay naluwalhati sa kaniya, siya naman ay luluwalhatiin ng Diyos sa kaniyang sarili. At siya ay agad niyang luluwalhatiin.
33 Munting mga anak, makakasama ninyo ako nang kaunting panahon na lamang. Hahanapin ninyo ako. Sinabi ko sa mga Judio: Hindi kayo makakapunta sa aking pupuntahan. Ganito rin ang sinasabi ko sa inyo.
34 Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo, kayo ay mag-ibigan sa isa’t isa. Kung papaanong inibig ko kayo ay gayundin naman kayong mag-ibigan sa isa’t isa. 35 Sa pamamagitan nito ay malalaman ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad. Ito ay kung may pag-ibig kayo sa isa’t isa.
36 Sinabi ni Simon Pedro sa kaniya: Panginoon, saan ka pupunta?
Sumagot si Jesus sa kaniya: Sa pupuntahan ko ay hindi ka makakasunod sa ngayon ngunit susunod ka sa akin pagkatapos.
37 Sinabi ni Pedro sa kaniya: Panginoon, bakit hindi ako makakasunod sa iyo sa ngayon? Iaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyong kapakanan.
38 Sumagot si Jesus sa kaniya: Iaalay mo ba ang iyong buhay alang-alang sa aking kapakanan? Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo: Hindi titilaok ang tandang hanggang sa ipagkaila mo ako nang tatlong ulit.
Copyright © 1998 by Bibles International