Old/New Testament
Si Ananias at Safira
5 Ngunit isang lalaking nagngangalang Ananias, kasama ang kaniyang asawang si Safira ang nagbili ng isang tinatangkilik.
2 Itinabi niya ang bahagi ng halaga para sa kaniyang sarili. Ito ay alam din ng kaniyang asawa. Dinala niya ang ilang bahagi at inilagay sa paanan ng mga apostol.
3 Ngunit sinabi ni Pedro: Ananias, bakit pinuspos ni Satanas ang iyong puso upang magsinungaling ka sa Banal na Espiritu at magtabi ng bahagi ng halaga ng lupa para sa iyong sarili? 4 Nang ito ay nananatili pa sa iyo, hindi ba ito ay sa iyo? Nang ito ay ipagbili, hindi ba ito ay nasa ilalim ng iyong kapangyarihan? Bakit binalak mo ang bagay na ito sa iyong puso? Hindi ka nagsinungaling sa mga tao kundi sa Diyos.
5 Nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito, siya ay natumba at namatay. Nagkaroon ng malaking takot ang lahat ng mga nakarinig ng mga bagay na ito. 6 Ang mga kabataang lalaki ay tumindig at binalot siya at kanilang binuhat palabas at inilibing.
7 Pagkalipas ng halos tatlong oras ay dumating ang kaniyang asawa. Pumasok ito na hindi nalalaman ang nangyari. 8 At sinabi ni Pedro sa kaniya: Sabihin mo sa akin kung ipinagbili ninyo ang lupa sa ganitong kalaking halaga.
Siya ay sumagot: Oo, sa ganitong kalaking halaga.
9 Sinabi ni Pedro sa kaniya: Bakit kayo nagkasundo na tuksuhin ang Espiritu ng Panginoon? Narito, ang mga paa ng naglibing sa iyong asawa ay nasa pinto at dadalhin ka nila sa labas.
10 Agad na bumagsak ang babae sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga kabataang lalaki, nasumpungan nila siyang patay. Dinala nila siya at inilibing sa tabi ng kaniyang asawa. 11 At nagkaroon ng malaking takot sa buong kapulungan at sa lahat ng mga nakarinig ng mga bagay na ito.
Nagpagaling ng Maraming Tao ang mga Apostol
12 Sa pamamagitan ng mga kamay ng mga apostol ay nangyari ang maraming tanda at mga kamangha-manghang gawa sa gitna ng mga tao. Lahat sila ay nagkakaisang naroroon sa portiko ni Solomon.
13 Walang sinuman sa mga iba ang naglakas-loob na sumama sa kanila subalit dinakila sila ng mga tao. 14 At maraming pang mga mananampalataya sa Panginoon, kapwa lalaki at babae ay nadagdag sa kanila. 15 Kaya nga, inilabas ng mga tao sa mga lansangan ang mga maysakit. Inilagay nila ang mga ito sa mga higaan at mga banig. Ginawa nila ito upang maliliman man lamang ng anino ni Pedro ang ilan sa kanila sa pagdaan niya. 16 May dumating din na napakaraming tao na mula sa mga lungsod sa palibot ng Jerusalem. Dala nila ang mga maysakit at ang mga pinahihirapan ng mga karumal-dumal na espiritu. Silang lahat ay pinagaling.
Inusig Nila ang mga Apostol
17 Tumindig ang pinakapunong-saserdote at lahat ng kasama niya na sekta ng mga Saduseo. Sila ay napuno ng inggit.
18 Dinakip ng mga ito ang mga apostol at ibinilango. 19 Gayunman nang gabi na ay binuksan ng anghel ng Panginoon ang mga pinto ng bilangguan. Inilabas ng anghel ang mga apostol at nagsabi: 20 Humayo kayo at tumayo kayo sa templo at sabihin sa mga tao ang lahat ng salitang patungkol sa buhay na ito.
21 Pagkarinig nila nito, pumasok sila sa templo nang magbukang-liwayway at sila ay nagturo.
Dumating ang pinakapunong-saserdote at mga kasama nito. Sa pagdating nila, pinulong nila ang Sanhedrin at lahat ng matanda sa mga anak ng Israel. Nagsugo sila sa bilangguan upang kunin ang mga apostol.
Copyright © 1998 by Bibles International