Old/New Testament
Ang Libis na Puno ng Kalansay
37 Nadama ko ang kapangyarihan ni Yahweh at sa pamamagitan ng kanyang Espiritu[a] ay dinala niya ako sa isang libis na puno ng kalansay. 2 Inilibot niya ako sa lugar na puno ng mga kalansay na tuyung-tuyo na. 3 Tinanong niya ako, “Ezekiel, anak ng tao, palagay mo ba ay maaari pang mabuhay ang mga kalansay na ito?”
Sumagot ako, “Kayo po lamang ang nakaaalam, Yahweh.”
4 Sinabi niya sa akin, “Magpahayag ka sa mga kalansay na ito. Sabihin mo: Mga tuyong kalansay, dinggin ninyo ang salita ni Yahweh. 5 Ito ang ipinapasabi niya: Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo'y mabubuhay. 6 Lalagyan ko kayo ng litid at laman, at babalutin ng balat. Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo'y mabubuhay. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
7 Nagpahayag nga ako, tulad ng utos sa akin. Nang ako'y nagsasalita, nagkaroon ng malakas na ugong, at nabuo ang mga kalansay. 8 Nakita kong sila'y nagkaroon ng litid at laman; nabalot sila ng balat ngunit hindi pa humihinga. 9 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, tawagan mo ang hangin sa lahat ng dako. Sabihin mong ipinapasabi ko: Hangin, hingahan mo ang mga patay na ito upang sila'y mabuhay.” 10 Nagpahayag(A) nga ako at ang hangin ay pumasok sa kanila. Nabuhay nga sila at nang magtayuan, sila'y ubod ng dami, parang isang malaking hukbo.
11 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ang bansang Israel ay tulad ng mga kalansay na ito. Sinasabi nila, ‘Tuyo na ang aming mga buto, wala na kaming pag-asa. Lubusan na kaming pinabayaan.’ 12 Kaya nga, magpahayag ka. Sabihin mong ipinapasabi ko: Bayan ko, ibubukas ko ang inyong libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan. 13 Kung maibukas ko na ang inyong libingan at maibangon ko kayo, makikilala ninyong ako si Yahweh. 14 Hihingahan ko kayo upang kayo'y mabuhay, at ibabalik ko kayo sa inyong sariling bayan. Sa gayon, malalaman ninyo na akong si Yahweh ang nagsabi nito at aking gagawin.”
Ang Pahayag tungkol sa Pagkakaisa ng Juda at ng Israel
15 Sinabi sa akin ni Yahweh, 16 “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng isang putol na kahoy at sulatan mo ng, ‘Ang kaharian ng Juda.’ Pagkatapos, kumuha ka ng isa pa at sulatan mo naman ng, ‘Ang kaharian ng Israel.’ 17 Pagkaraan noon, pagdugtungin mo ito na parang iisa ang hawak mo. 18 Kapag itinanong nila kung ano ang kahulugan noon, 19 sabihin mong ipinapasabi ko na darating na ang panahon at ang kaputol na kahoy na kumakatawan sa Israel ay isasama ko sa kaputol na kahoy na kumakatawan sa Juda upang sila'y maging isa na lang. 20 Kailangang nakikita nilang hawak mo ang mga putol ng kahoy na iyong sinulatan 21 habang sinasabi mong ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Titipunin ko ang mga Israelita mula sa mga dakong kinatapunan nila upang ibalik sila sa sarili nilang bayan. 22 Sila'y pag-iisahin ko na lamang. Isa lamang ang magiging hari nila; hindi na sila mahahati, sila'y gagawin kong isa na lamang kaharian. 23 Hindi na sila sasamba sa diyus-diyosan ni gagawa ng kasuklam-suklam na mga bagay o anumang paglabag. Hindi na sila tatalikod sa akin. Lilinisin ko sila. Sila ang aking magiging bayan at ako ang kanilang magiging Diyos. 24 Isang(B) tulad ng lingkod kong si David ang magiging hari nila. Susundin na nilang mabuti ang aking mga utos at tuntunin. 25 Sila'y doon na maninirahan sa lupaing tinirhan ng kanilang mga ninuno, sa lupaing ibinigay ko kay Jacob. Sila, at ang kanilang mga anak at mga susunod pang salinlahi ay mananatili doon habang panahon. Isang haring tulad ni David na aking lingkod ang magiging pinuno nila magpakailanman. 26 Gagawa ako ng isang tipan sa kanila. Ito ay tipan ng kapayapaan at mamamalagi magpakailanman. Pagpapalain ko sila at pararamihin. Itatayo ko sa kalagitnaan nila ang aking Templo. 27 Ako'y(C) maninirahang kasama nila magpakailanman. Ako ang magiging Diyos nila, sila'y magiging bayan ko. 28 At kung mananatili sa kalagitnaan nila ang aking Templo, malalaman ng lahat ng bansa na akong si Yahweh ang humirang sa Israel upang maging akin.”
Ang Pahayag Laban sa Gog
38 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel,(D) anak ng tao, harapin mo si Gog sa lupain ng Magog at hari ng mga bansang Meshec at Tubal. Magpahayag ka laban sa kanya at sabihin mong 3 ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, Gog, pinakapuno ng mga hari ng Meshec at Tubal. 4 Patatalikurin kita ngayon at lalagyan ko ng kawit ang iyong panga. Iaalis kita sa sarili mong bayan, ikaw at ang iyong hukbo; ang iyong mga kabayo at mangangabayo na nasa hustong kasuotang pandigma, may pananggalang at tabak. 5 Kasama nila ang kalalakihan ng Persia, Etiopia[b] at Libya na pawang may pananggalang at naka-helmet. 6 Kasama rin ang Gomer pati ang kanyang hukbo at ang Beth-togarma hanggang sa dulong hilaga pati ang buong hukbo nito at ang kalalakihan ng marami pang bansa.
7 “Humanda kang lagi, ikaw at ang mga hukbong kasama mo. Tumalaga kayo anumang oras na kailangan ko. 8 Pagkaraan ng maraming taon, titipunin ko kayo; lulusubin ninyo ang isang bansang itinayong muli mula sa pagkaguho. Ang naroon ay mga taong tinipon mula sa iba't ibang dako at payapang naninirahan sa mga bundok ng Israel, isang lugar na dating tiwangwang at walang naninirahan. 9 Sasagasaan ninyong parang bagyo ang lugar na iyon at kakalatan ninyong parang ulap, ikaw, ang iyong hukbo at ang makapal na taong kasama mo.
10 “Ito ang ipinapasabi sa iyo ni Yahweh: Gog, sa araw na iyon, may papasok sa iyong isip at ikaw ay magbabalak ng masama. 11 Isasaloob mo, ‘Ang sasalakayin ko'y isang mahinang bansa. Lulupigin ko ang mga taong naninirahan nang tahimik, walang mga pader na kanlungan ni anumang harang. 12 Sasakupin ko ito, sasamsaman ang tagaroon, at wawasakin ang lupaing dating tiwangwang at walang nakatira ngunit ngayo'y puno ng taong tinipon mula sa iba't ibang dako. Ngayo'y marami na ang kanilang mga hayop, at mga ari-arian, at ang lupain nila'y siyang sentro sa daigdig.’ 13 Sasabihin sa iyo ng Seba at Dedan, ng Tarsis at ng mga mangangalakal nito, ‘Naparito ka ba upang manamsam? Tinipon mo ba ang karamihang ito upang hakutin ang mga pilak, ginto, mga hayop, at mga ari-arian, upang samsamin ang malaking kayamanang ito?’
14 “Kaya, pinapunta ako ni Yahweh sa Gog upang ipahayag ang ganito: Sa araw na namumuhay ng tahimik ang bayan kong Israel, ikaw ay magbabalikwas.[c] 15 Isasama mo ang makapal na tao, isang malaking hukbo na pawang kabayuhan mula sa dulong hilaga. 16 Ang Israel ay sasalakayin ninyo, tulad ng rumaragasang bagyo. Ipapalusob ko sa iyo ang aking bayan upang ipakilala sa mga bansa kung sino ako, at upang sa pamamagitan mo'y maipakita sa kanila na ako ay banal.
17 “Ipinapasabi pa ni Yahweh: Noong araw pa, iniutos ko na sa mga lingkod kong propeta ng Israel na ipahayag nila na may isang bansang tatayo laban sa Israel, at ikaw ang tinutukoy noon. 18 Pagdating ng araw na iyon, kapag sinalakay na ng Gog ang Israel, aabot na sa sukdulan ang aking poot. 19 At sa tindi ng aking galit, lilindol nang napakalakas sa buong Israel. 20 Ang mga isda, ibon at hayop, malaki o maliit, at ang mga tao, ay manginginig sa harap ko. Ang mga bundok ay guguho, gayon din ang mga bangin at ang lahat ng muog sa lupa. 21 Paghahariin ko sa Gog ang matinding takot at sila-sila'y magtatagaan. 22 Paparusahan ko siya sa pamamagitan ng salot at kamatayan. Siya at ang kanyang mga hukbo ay pauulanan ko ng buhawi, malalaking yelo ng apoy at asupre. 23 Sa ganyang paraan ko ipapakita sa lahat ng bansa na ako ay makapangyarihan at ako ay banal. Sa gayo'y makikilala nilang ako si Yahweh.”
Ang Pagbagsak ng Gog
39 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa Gog. Sabihin mong ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, Gog, pangunahing pinuno ng Meshec at Tubal. 2 Babaligtarin kita, at mula sa dulong hilaga ay itataboy sa kabundukan ng Israel. 3 Pagkatapos, aagawin ko ang pana at mga palaso sa iyong mga kamay. 4 Ikaw at ang iyong buong hukbo ay malilipol sa kabundukan ng Israel, pati ang makapal mong tauhan. Ang inyong mga bangkay ay pababayaan kong kanin ng mga ibon at lapain ng mababangis na hayop. 5 Sinasabi kong mabubuwal ka sa kaparangan. 6 Lilikha ako ng sunog sa Magog at sa baybayin ng dagat, ang lugar na hindi dating nakakaranas ng gulo. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh. 7 Ipapakilala ko ang aking pangalan sa gitna ng bayan kong Israel at di ko na pababayaang malapastangan ito. Sa gayo'y makikilala ng lahat ng bansa na ako si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel.”
8 Sinabi ni Yahweh, “Dumarating na ang araw ng kaganapan ng mga bagay na ito. 9 Pagkaganap ng mga bagay na ito, ang mga taga-lunsod ay lalabas ng bayan upang gawing panggatong ang makapal na gamit pandigma: pananggalang, pana, palaso, punyal, at sibat. Ang daming ito ay magiging sapat na panggatong sa loob ng pitong taon. 10 Hindi na sila kailangang mangahoy sa bukid o sa gubat. Ang mga sandatang iyon na ang kanilang igagatong. Ang mangyayari, sasamsaman nila ang sana'y mananamsam sa kanila. Ang Panginoong Yahweh ang maysabi nito.”
Ang Libingan ng Gog
11 Sinabi ni Yahweh, “Sa araw na iyon, ang Gog ay bibigyan ko ng isang libingan sa Israel, ang Libis ng Manlalakbay, sa silangan ng Dagat na Patay. Doon siya ililibing kasama ang makapal na taong kasama niya. Ang libingang ito'y tatawaging Libis ng Hukbo ng Gog, at lilihisan ng mga manlalakbay. 12 Sa paglilibing lamang sa kanila, mauubos ang pitong buwan bago mailibing ng mga Israelita ang lahat ng bangkay. 13 Lahat ng tutulong sa paglilibing ay pararangalan sa araw ng aking tagumpay. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 14 Pagkaraan ng pitong buwan, magtatalaga kayo ng isang pangkat upang patuloy na maghanap at maglibing sa mga kalansay na hindi pa naililibing para malinis nang lubusan ang lupain. 15 Sinuman sa kanila ang makakita ng kalansay, lalagyan niya iyon ng tanda hanggang hindi nadadala sa pinaglibingan kay Gog at sa kanyang mga kasama. 16 (Isang malapit na bayan ay tatawaging Ang Hukbo ni Gog.) Gayon ang gagawin ninyo upang ganap na malinis ang lupain.”
17 Sinabi(E) ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ito naman ang sabihin mo sa lahat ng uri ng ibon at hayop: ‘Halikayo at magpakabusog sa handog na itong inihanda ko sa inyo, isang malaking handa sa mga bundok ng Israel. Magpakabusog kayo sa laman at dugo. 18 Kanin ninyo ang laman ng mga mandirigma at inumin ang dugo ng mga pinuno ng daigdig. Ito ay siya ninyong pinakatupang lalaki, kordero, kambing, toro, at baka. 19 Magsasawa kayo sa taba at malalango sa dugo dito sa maraming handog na inilaan ko sa inyo. 20 Sa hapag ko'y mabubusog kayo sa kabayo at mandirigmang sakay nito at sa lahat ng uri ng kawal.’ Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”
Ibinalik sa Dati ang Israel
21 Sinabi ni Yahweh, “Ipapakita ko sa lahat ng bansa ang aking kaluwalhatian sa pamamagitan ng paggamit ko sa aking kapangyarihan sa pagsasagawa ng aking pasya. 22 Mula sa araw na iyon, makikilala ng Israel na ako si Yahweh, ang kanilang Diyos. 23 At malalaman ng lahat ng bansa na ang Israel ay nabihag dahil na rin sa kanilang kasamaan; dahil sa pagtataksil nila sa akin, sila ay aking pinabayaan at ibinigay sa kanilang mga kaaway upang patayin. 24 Pinabayaan ko sila sapagkat iyon lang ang marapat sa kanilang kasamaan.”
25 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ngayon, ibabalik ko ang dating kalagayan ni Jacob. Muli kong ipadarama sa sambayanang Israel ang aking pag-ibig sa kanila upang mabigyan kong karangalan ang aking pangalan. 26 Ang kahihiyang sinapit nila at ang kanilang kataksilan sa akin ay malilimutan na rin nila kapag sila'y payapa nang naninirahan sa sarili nilang lupain at wala nang liligalig sa kanila. 27 At kapag natipon ko na sila mula sa lupain ng kanilang mga kaaway, sa pamamagitan ng pagkalinga ko sa kanila'y ipapakita ko sa lahat ng bansa na ako ay banal. 28 Sa gayon, makikilala ng Israel na ako si Yahweh na kanilang Diyos sapagkat itinapon ko sila sa lahat ng panig ng daigdig at pagkatapos ay muling tinipon sa sarili nilang lupain. Titipunin ko silang lahat at walang matitira isa man sa ibang bansa. 29 Ibubuhos ko sa Israel ang aking Espiritu at hindi ko na sila tatalikuran. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”
Mga Huwad na Guro
2 Noong una, may mga huwad na propetang lumitaw sa Israel. Gayundin naman, may darating sa gitna ninyo na mga huwad na guro. Lihim silang magtuturo ng mga maling aral na ang dulot ay kapahamakan. Pati ang Panginoong tumubos sa kanila ay kanilang itatakwil, kaya't di magtatagal at sila'y mapapahamak. 2 At marami silang mahihikayat na sumunod sa kanilang kahalayan; at dahil dito, pati ang daan ng katotohanan ay malalapastangan. 3 Sa kanilang kasakiman, lilinlangin nila kayo sa pamamagitan ng kanilang aral na kathang-isip lamang. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila at ang pupuksa sa kanila ay hindi natutulog.
4 Hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel na nagkasala. Sila'y itinapon sa impiyerno[a] kung saan sila'y iginapos sa kadiliman upang doon hintayin ang Araw ng Paghuhukom. 5 Dahil(A) sa kasalanan ng tao noong unang panahon, ginunaw ng Diyos ang daigdig sa pamamagitan ng baha. Wala siyang iniligtas maliban kay Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay, at ang pito niyang kasama. 6 Sinumpa(B) [at tinupok][b] ng Diyos ang mga lungsod ng Sodoma at Gomorra upang maging babala sa masasama tungkol sa kanilang kasasapitan. 7 Ngunit(C) iniligtas ng Diyos si Lot, isang taong matuwid, na lubhang nabagabag ng mga kahalayang ginagawa ng masasama noong panahon niya. 8 Naghirap ang kalooban ng matuwid na taong ito sa kasamaang nasasaksihan niya araw-araw habang siya'y nakatira doon. 9 Kaya, alam ng Panginoon kung paano ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga tapat sa kanya, at kung paano paparusahan ang masasama hanggang sa araw na sila'y hatulan, 10 lalo na ang sumusunod sa mahahalay na pagnanasa ng katawan at ayaw kumilala sa maykapangyarihan.
Pangahas at mapagmataas ang mga huwad na gurong ito. Wala silang pakundangan sa mga tagalangit, at sa halip ay nilalapastangan pa nila ang mga ito. 11 Samantalang ang mga anghel na higit na malakas at makapangyarihan ay hindi gumamit ng panlalait sa kanilang paghaharap sa Panginoon ng sakdal laban sa mga ito. 12 Ang mga taong ito'y parang mga hayop na walang isip at ipinanganak upang hulihin at patayin. Kinakalaban nila ang mga bagay na hindi nila nauunawaan, kaya't papatayin din sila tulad ng maiilap na hayop. 13 Pahihirapan sila gaya ng pagpapahirap nila sa iba. Kaligayahan na nila ang hayagang magbigay kasiyahan sa kanilang pagnanasa. Dumadalo pa naman sila sa inyong salu-salo, ngunit kahiya-hiya at kasiraang-puri ang kanilang ginagawa; ikinatutuwa nilang kayo'y kanilang nalilinlang. 14 Wala silang hinahanap kundi ang pagkakataong makiapid; wala silang sawa sa paggawa ng kasalanan. Itinutulak pa nila sa pagkakasala ang mahihina. Sila'y mga sakim at sila'y isinumpa! 15 Lumihis(D) sila sa matuwid na landas at naligaw. Tinularan nila si Balaam, anak ni Beor[c] na nagpahalaga sa salapi kapalit ng paggawa niya ng masama. 16 Dahil sa kanyang kasalanan, siya'y sinumbatan ng kanyang asno na nagsalitang parang tao upang siya'y sawayin sa kanyang kabaliwan.
17 Ang katulad ng mga huwad na gurong ito ay mga batis na walang tubig, at ulap na itinataboy ng malakas na hangin. Inilaan na ng Diyos para sa kanila ang napakalalim at napakadilim na lugar. 18 Sa pamamagitan ng mayayabang na pananalita na panay kahangalan lamang, ginagamit nila ang pagnanasa ng laman upang maakit sa kahalayan ang mga nagsisimula pa lamang lumayo sa mga taong namumuhay nang may kalikuan. 19 Ipinapangako nila ang kalayaan, subalit sila mismo ay alipin ng kasamaan, sapagkat ang tao ay alipin ng anumang dumadaig sa kanya. 20 Sapagkat kung nakatakas na sa kasamaan ng sanlibutan ang mga taong kumilala kay Jesu-Cristo na Panginoon at Tagapagligtas, ngunit muli silang maakit sa dating masamang gawain at tuluyang mahulog dito, ang magiging kalagayan nila ay masahol pa sa dati. 21 Mabuti pang hindi na nila nalaman ang daang matuwid, kaysa pagkatapos malaman ang banal na utos na itinuro sa kanila ay talikuran nila ito. 22 Ang(E) nangyari sa kanila ay nagpapatunay na totoo ang mga kasabihang:
“Ang aso pagkatapos sumuka
ay muling kinakain ang nailuwa na,”
at,
“Ang baboy na pinaliguan
ay bumabalik sa putikan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.