Old/New Testament
Ang Kahilingan ni Zedekias kay Jeremias
37 Si(A) Zedekias na anak ni Haring Josias ang inilagay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia bilang hari ng Juda, kahalili ni Conias, na anak ni Haring Jehoiakim. 2 Ngunit ang pahayag ni Yahweh na ipinapasabi kay Propeta Jeremias ay hindi rin dininig ni Zedekias, ng kanyang mga pinuno, at ng mga tao.
3 Inutusan ni Haring Zedekias si Jehucal, anak ni Selemias, at ang paring si Zefanias na anak ni Maasias, upang hilingin kay Jeremias na idalangin kay Yahweh ang bansa. 4 Hindi pa nabibilanggo si Jeremias nang panahong iyon; kaya malaya pa siyang nakakausap ang mga tao. 5 Samantala, lumabas na ng Egipto ang hukbo ng Faraon upang tumuloy sa Juda. Nang mabalitaan ito ng hukbo ng Babilonia na sumasalakay sa Jerusalem, iniwan muna nila ito upang harapin ang mga Egipcio.
6 Noon sinabi ni Yahweh kay Jeremias, 7 “Sabihin mo sa hari ng Juda na nagsugo sa iyo upang sumangguni sa akin, ‘Ang hukbo ng Faraon na inaasahan mong darating upang tumulong sa inyo ay babalik sa Egipto. 8 At ang mga taga-Babilonia ay babalik. Muli nilang sasalakayin ang lunsod, sasakupin at susunugin. 9 Akong si Yahweh ay nagbababala sa iyo. Huwag mong dayain ang iyong sarili. Huwag mong akalaing ligtas ka na sa mga taga-Babilonia. Tiyak na babalik sila. 10 At kahit na matalo mo pa ang buong hukbo ng Babilonia, kahit walang matira sa kanila kundi ang mga sugatang nasa kanilang mga tolda, babangon ang mga ito at sasakupin nila ang lunsod at tuluyang susunugin!’”
Ibinilanggo si Jeremias
11 Nang umatras ang mga taga-Babilonia upang harapin ang hukbo ng Faraon na sasaklolo sa Jerusalem, 12 binalak ni Jeremias na pumunta sa lupain ng Benjamin para kunin ang kanyang bahagi sa ari-arian ng kanyang sambahayan. 13 Ngunit pagsapit niya sa Pintuan ng Benjamin, pinigil siya ng pinuno ng pintuan na si Irijas, anak ni Selemias at apo ni Hananias at sinabi sa kanya, “Tumatakas ka upang kumampi sa mga taga-Babilonia!”
14 Sumagot si Jeremias, “Hindi totoo ang bintang mo. Hindi ako kumakampi sa kanila!” Subalit ayaw maniwala ni Irijas; dinakip niya si Jeremias at dinala sa mga pinuno. 15 Galit na galit ang mga ito kay Jeremias; siya'y ginulpi saka ibinilanggo sa bahay ni Jonatan, ang kalihim ng hari. Ang bahay niya ay ginawang bilangguan. 16 Ikinulong si Jeremias sa isang selda sa ilalim ng lupa at matagal na pinigil doon.
Kinausap ni Zedekias si Jeremias
17 Isang araw, ipinatawag ni Haring Zedekias si Jeremias at pagdating nito ay kanyang palihim na tinanong, “May pahayag ka ba mula kay Yahweh?” Sumagot si Jeremias, “Mayroon. Ikaw ay bibihagin ng hari ng Babilonia.” 18 Pagkatapos ay itinanong pa ni Jeremias, “Anong kasalanan ang nagawa ko sa iyo o sa iyong mga pinuno o sa mga taong-bayan at ako'y iyong ipinabilanggo? 19 Nasaan ngayon ang iyong mga propeta na nagsabi sa iyo na hindi sasalakayin ng hari ng Babilonia ang bansang ito? 20 Kaya ngayon, mahal na hari, isinasamo kong pakinggan mo ang kahilingan ko. Huwag na po ninyo akong ibalik sa bahay ni Jonatan na iyong kalihim. Ako po'y tiyak na mamamatay doon.”
21 Kaya iniutos ni Haring Zedekias na dalhin si Jeremias sa himpilan ng mga bantay at dalhan siya roon ng isang pirasong tinapay araw-araw hanggang sa maubos ang lahat ng tinapay sa lunsod. Kaya sa himpilan ng mga bantay nanatili si Jeremias.
Si Jeremias sa Tuyong Balon
38 Narinig ni Sefatias na anak ni Matan, ni Gedalias na anak ni Pashur, ni Jucal na anak naman ni Selemias, at ni Pashur na anak ni Malquias, ang sinasabi ni Jeremias sa mga tao. 2 Ganito ang narinig nilang sinabi ni Jeremias: “Sinabi ni Yahweh na mamamatay sa labanan o sa matinding gutom at sakit ang sinumang mananatili sa lunsod na ito. Ngunit ang lalabas at susuko sa mga taga-Babilonia ay hindi mamamatay, bagkus ay maliligtas. 3 Ganito ang sabi ni Yahweh: Ang lunsod na ito ay pababayaan kong masakop ng mga taga-Babilonia.”
4 Kaya sinabi ng mga pinuno, “Mahal na hari, dapat ipapatay ang taong ito. Sa kasasalita niya ay natatakot tuloy ang mga kawal pati ang mga mamamayan. Hindi nakakatulong sa bayan ang taong iyan; nais pa niyang mapahamak tayong lahat.”
5 Kaya sinabi ni Haring Zedekias, “Kung gayon, gawin ninyo sa kanya ang nais ninyo; hindi ko kayo mapipigil.” 6 Dinakip nila si Jeremias at inihulog sa balon ni Malquias, ang anak ng hari, na nasa himpilan ng mga bantay. Hindi tubig kundi putik ang laman ng balon, kaya lumubog siya sa putik.
7 Ang pangyayaring ito'y nabalitaan ni Ebed-melec, isang Etiopeng naglilingkod sa palasyo ng hari. Ang hari naman ay kasalukuyang nasa may Pintuan ni Benjamin. 8 Pinuntahan ni Ebed-melec ang hari at sinabi, 9 “Mahal na hari, masama ang ginawa ng mga pinuno; inihulog nila sa balon si Jeremias. Maaaring mamatay siya sa gutom sapagkat wala nang pagkain sa lunsod.” 10 Inutusan ng hari si Ebed-melec na magsama ng tatlong lalaki[a] at pagtulung-tulungan nilang iahon sa balon si Jeremias bago ito mamatay. 11 Isinama ni Ebed-melec ang mga lalaki, kumuha sila ng mga lumang damit sa taguan, at inihulog kay Jeremias sa pamamagitan ng lubid. 12 Sinabi ni Ebed-melec kay Jeremias, “Isapin po ninyo sa inyong kili-kili ang mga lumang damit para hindi kayo masaktan ng lubid.” Sumunod naman si Jeremias, 13 at hinila nila siya paitaas hanggang sa maiahon. Pagkatapos ay iniwan nila si Jeremias sa himpilan ng mga bantay.
Si Zedekias ay Humingi ng Payo kay Jeremias
14 Ipinatawag ni Haring Zedekias si Jeremias at kinausap sa ikatlong pintuan ng Templo. “May itatanong ako sa iyo at huwag kang maglilihim sa akin kahit ano,” sabi ng hari.
15 Sumagot si Jeremias, “Kung sabihin ko sa inyo ang katotohanan, ipapapatay ninyo ako, at kung payuhan ko naman kayo, ayaw ninyong pakinggan.”
16 Palihim na nangako kay Jeremias si Haring Zedekias, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[b] na nagbibigay-buhay sa atin! Ipinapangako kong hindi kita ipapapatay, at hindi rin kita ipagkakanulo sa mga taong ibig pumatay sa iyo.”
17 Matapos marinig ang gayon, sinabi ni Jeremias kay Zedekias ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, “Kung kayo'y susuko sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, maliligtas ang buhay ninyo at hindi nila susunugin ang lunsod. Kayo at ang inyong sambahayan ay mabubuhay. 18 Ngunit kung hindi kayo susuko, ibibigay sa taga-Babilonia ang lunsod na ito. Susunugin nila ito, at hindi kayo makakaligtas.”
19 Sumagot si Haring Zedekias, “Natatakot ako sa mga Judiong kumampi sa mga taga-Babilonia. Baka ibigay ako sa kanila, at ako'y pahirapan nila.”
20 “Hindi kayo ibibigay sa kanila,” sabi ni Jeremias. “Ipinapakiusap kong sundin ninyo ang salita ni Yahweh, gaya ng pagkakasabi ko sa inyo. Sa gayo'y mapapabuti kayo at maliligtas. 21 Ipinaalam na sa akin ni Yahweh, sa pamamagitan ng isang pangitain, ang mangyayari kapag hindi kayo sumuko. 22 Nakita kong inilalabas ng mga pinunong taga-Babilonia ang lahat ng babaing naiwan sa palasyo ng hari sa Juda. Pakinggan ninyo ang sinasabi nila:
‘Ang hari'y iniligaw ng pinakamatalik niyang mga kaibigan;
naniwala siya sa kanila.
At ngayong nakalubog sa putik ang kanyang mga paa,
iniwan na siya ng mga kaibigan niya.’”
23 Pagkatapos ay sinabi ni Jeremias, “Bibihagin ng mga taga-Babilonia ang lahat ng babae at mga bata; pati ikaw ay hindi makakaligtas. Dadalhin kang bihag, at susunugin ang lunsod na ito.”
24 Sumagot si Zedekias, “Huwag mong ipapaalam kahit kanino ang pag-uusap na ito, at hindi na manganganib ang buhay mo. 25 Kung mabalitaan ng mga pinuno na kinausap kita, lalapitan ka nila at itatanong kung ano ang pinag-usapan natin. Mangangako pa sila na hindi ka papatayin kung magtatapat ka. 26 Ngunit sabihin mong nakikiusap ka lang sa akin na huwag na kitang ipabalik sa bahay ni Jonatan upang doon mamatay.” 27 Nagpunta nga kay Jeremias ang lahat ng pinuno at tinanong siya. At sinabi naman niya sa kanila ang iniutos ng hari na kanyang isasagot. Wala silang magawâ sapagkat walang nakarinig sa pag-uusap nila. 28 At(B) nanatili si Jeremias sa himpilan ng mga bantay hanggang sa masakop ang Jerusalem.
Bumagsak ang Jerusalem
39 Dumating si Haring Nebucadnezar ng Babilonia, kasama ang kanyang buong hukbo at kinubkob ang Jerusalem noong ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Haring Zedekias sa Juda. 2 At noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan naman ng ikalabing isang taon ng paghahari ni Zedekias, napasok nila ang lunsod. 3 Matapos makuha ang Jerusalem, lahat ng pinuno ng hari ng Babilonia ay sama-samang naupo sa Gitnang Pintuan ng lunsod. Kabilang dito sina Nergal-sarezer, Samgar-nebo, Sarsequim ng Rabsaris, Nergal-sarezer ng Rabmag, at ang iba pang mga pinuno ng hari ng Babilonia. 4 Nang makita sila ni Haring Zedekias at ng kanyang mga tauhan, tumakas sila pagsapit ng gabi. Sila'y dumaan sa halamanan ng hari, sa pintuang nasa pagitan ng dalawang pader, at tumakas patungo sa Libis ng Jordan. 5 Ngunit hinabol sila ng mga kawal ng Babilonia, at inabutan sa kapatagan ng Jerico. Nabihag si Zedekias at ang mga kasama niya, at dinala kay Haring Nebucadnezar na noo'y nasa Ribla, sa lupain ng Hamat. Iginawad ni Nebucadnezar ang hatol na kamatayan. 6 Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedekias sa harapan nito pati ang mga pinuno ng Juda. 7 Ipinadukit ang mga mata ni Zedekias, at pagkatapos ay ginapos ng kadena upang dalhin sa Babilonia. 8 Sinunog din ng mga kaaway ang palasyo ng hari at ang mga bahay sa lunsod, at iginuho ang mga pader ng Jerusalem. 9 Sa pangunguna ni Nebuzaradan, ang pinuno ng bantay, dinalang-bihag sa Babilonia ang mga taong nalabi sa lunsod, pati ang mga kumampi sa kanya. 10 Ang tangi niyang iniwan sa lupain ng Juda ay ang mahihirap na taong walang anumang ari-arian; binigyan pa niya sila ng mga ubasan at bukirin.
Kinalinga ni Nebucadnezar si Jeremias
11 Iniutos ni Haring Nebucadnezar kay Nebuzaradan, 12 “Kunin mo si Jeremias at alagaang mabuti. Huwag mo siyang sasaktan at sundin mo ang kanyang kahilingan.” 13 Kaya isinama ni Nebuzaradan ang matataas na pinunong sina Nebuzazban, Nergal-sarezer, at lahat ng iba pang pinuno ng hari sa Babilonia. 14 Kinuha nila si Jeremias mula sa himpilan ng bantay at ipinagkatiwala kay Gedalias, anak ni Ahicam na anak naman ni Safan. Doon siya tumira, kasama ng sarili niyang mga kababayan.
Pag-asa para kay Ebed-melec
15 Samantalang nasa himpilan ng bantay si Jeremias, sinabi sa kanya ni Yahweh, 16 “Pumunta ka kay Ebed-melec na taga-Etiopia at sabihin mo: Ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel. Matutupad na ngayon ang lahat ng sinabi kong pagkawasak laban sa lunsod na ito. Makikita mo ang kapahamakang aking ibinabala sa takdang araw. 17 Subalit ililigtas kita sa araw na iyon, at hindi ka ibibigay sa kamay ng mga taong kinatatakutan mo. 18 Ikaw ay tiyak na ililigtas ko at hindi mapapatay ng mga kalaban. Mabubuhay ka sapagkat nanalig ka sa akin.”
Higit si Jesus kay Moises
3 Mga hinirang na kapatid at kasama sa pagkatawag ng Diyos, alalahanin ninyo si Jesus, ang Sugo ng Diyos at ang Pinakapunong Pari ng ating pananampalataya. 2 Tapat(A) siya sa Diyos na pumili sa kanya, tulad ni Moises na naging tapat sa [buong][a] sambahayan ng Diyos. 3 Kung ang nagtayo ng bahay ay mas marangal kaysa sa bahay, gayundin naman, lalong marangal si Jesus kaysa kay Moises. 4 Bawat bahay ay may tagapagtayo, ngunit ang Diyos lamang ang nagtayo ng lahat ng bagay. 5 Si Moises ay naging tapat bilang isang lingkod sa buong sambahayan ng Diyos, upang magpatotoo sa mga bagay na ihahayag sa mga darating na panahon. 6 Subalit si Cristo ay tapat bilang Anak na namumuno sa sambahayan ng Diyos. At tayo ang kanyang sambahayan, kung matibay ang ating pag-asa at hindi natin ito ikinahihiya.
Kapahingahan para sa Sambahayan ng Diyos
7 Kaya't(B) tulad ng sinabi ng Espiritu Santo,
“Kapag ngayon ang tinig ng Diyos ay narinig ninyo,
8 huwag patigasin ang inyong mga puso,
tulad noong maghimagsik ang inyong mga ninuno, doon sa ilang nang subukin nila ako.
9 Ako ay tinukso't doon ay sinubok ng inyong mga magulang,
bagama't nakita nila ang mga ginawa ko sa loob ng apatnapung taon.
10 Kaya't napoot ako sa kanila at sinabi ko,
‘Lagi silang lumalayo sa akin,
ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin.’
11 At sa galit ko,
‘Ako ay sumumpang hindi nila kakamtin ang kapahingahan sa aking ipinangakong lupain.’”
12 Mga kapatid, ingatan ninyong huwag magkaroon ang sinuman sa inyo ng pusong masama at walang pananampalataya, na siyang maglalayo sa inyo sa Diyos na buháy. 13 Sa halip, magpaalalahanan kayo araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang “Ngayon” upang walang sinumang madaya sa inyo ng kasalanan at sa gayo'y maging matigas ang puso. 14 Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Cristo sa gawain, kung mananatiling matatag hanggang sa wakas ang ating pananalig na ating ipinakita noong tayo'y unang sumampalataya.
15 Ito(C) nga ang sinasabi sa kasulatan,
“Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso,
tulad noong kayo'y maghimagsik sa Diyos.”
16 Sino(D) ang naghimagsik laban sa Diyos kahit na narinig nila ang kanyang tinig? Hindi ba't ang lahat ng inilabas ni Moises mula sa Egipto? 17 At kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba't sa mga nagkasala at patay na nabuwal sa ilang? 18 At sino ang tinutukoy niya nang kanyang sabihin, “Hinding-hindi sila makakapagpahinga sa piling ko”? Hindi ba't ang mga taong ayaw sumunod? 19 Maliwanag kung ganoon na hindi sila nakapasok sa lupang pangako dahil sa kawalan ng pananampalataya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.