Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ezekiel 20-21

Ang Kalooban ng Diyos ay Sinuway ng Tao

20 Noon ay ikasampung araw ng ikalimang buwan ng ikapitong taon ng aming pagkabihag. Lumapit sa akin ang ilan sa pinuno ng Israel upang sumangguni kay Yahweh. Nang isangguni ko sila, sinabi naman sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa kanilang ipinapatanong ko kung naparito sila upang sumangguni sa akin. Ako ang Diyos na buháy. Sabihin mong huwag silang sasangguni sa akin. Ikaw ang humatol sa kanila. Ikaw na ang magsabi sa kanila ng mga kasuklam-suklam na gawain ng kanilang mga ninuno. Sabihin(A) mong ipinapasabi ko na noong piliin ko ang Israel, ako'y nangako sa kanila. Nagpakilala ako sa kanila sa lupain ng Egipto na akong si Yahweh ang magiging Diyos nila. Ipinangako kong iaalis ko sila sa Egipto at dadalhin sa lupaing inilaan ko sa kanila, isang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, at pinakamainam sa buong daigdig. Sinabi ko sa kanila noon na talikuran nila ang mga diyus-diyosan ng Egipto at huwag nilang sambahin ang mga iyon sapagkat ako ang Diyos nilang si Yahweh. Ngunit hindi nila ako sinunod, hindi nila ako pinakinggan. Hindi nila tinalikuran ang kasuklam-suklam na mga bagay na iyon ni iniwan ang mga diyus-diyosan ng Egipto.

“Binalak ko sanang ibuhos na sa kanila ang aking matinding poot noong nasa Egipto pa sila. Ngunit hindi ko ito itinuloy upang ang pangalan ko'y hindi mapulaan ng mga karatig-bansa ng Israel, mga bansang ninanasa kong makakita sa gagawin kong pag-aalis ng Israel sa Egipto. 10 Inialis ko nga sila roon at dinala sa ilang. 11 Doon,(B) ibinigay ko sa kanila ang Kautusan at mga tuntuning dapat nilang sundin upang sila'y mabuhay. 12 Ibinigay(C) ko rin sa kanila ang mga tuntunin para sa Araw ng Pamamahinga para maalala nila na akong si Yahweh ang nagpapabanal sa kanila. 13 Ngunit maging sa ilang ay naghimagsik sila sa akin, hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin. Ang Kautusan kong dapat sundin upang mabuhay sila ay kanilang tinanggihan, bagkus nilapastangan pa nila ang Araw ng Pamamahinga.

“At binalak ko na noong iparanas sa kanila ang matinding galit ko para malipol na sila. 14 Ngunit hindi ko ito itinuloy upang ang pangalan ko'y hindi mapulaan ng mga bansang pinag-alisan ko sa Israel. 15 At(D) doon sa ilang, isinumpa kong hindi sila dadalhin sa lupaing ipinangako ko sa kanila, sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, 16 sapagkat tinalikuran nila ang aking Kautusan. Hindi sila lumakad ayon sa aking mga tuntunin, at hindi nila iginalang ang Araw ng Pamamahinga; sila'y sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan. 17 Gayunman, kinahabagan ko sila, at hindi nilipol.

18 “At sinabi ko sa kanilang mga anak na huwag nilang tutularan ang masamang pamumuhay ng kanilang mga ninuno, ni susundin ang ginawa nilang mga tuntunin at huwag sasamba sa mga diyus-diyosan. 19 Ako si Yahweh, ang kanilang Diyos. Sinabi kong lumakad sila ayon sa aking mga tuntunin, at sunding mabuti ang aking Kautusan, 20 at pahalagahan nila ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito ang mag-uugnay sa kanila at sa akin, at sa ganito'y makikilala nilang ako si Yahweh, ang kanilang Diyos. 21 Ngunit hindi sila nakinig. Hindi sila lumakad ayon sa aking mga tuntunin ni sumunod sa aking Kautusan na kung sundin ng tao ay magdudulot sa kanya ng buhay. Hindi rin nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga.

“At inisip ko na namang ibuhos sa kanila ang aking matinding poot. 22 Ngunit hindi ko rin itinuloy ito upang ang pangalan ko'y hindi mapulaan ng mga bansang pinag-alisan ko sa kanila. 23 At(E) sa ilang, isinumpa kong pangangalatin sila sa iba't ibang bansa, 24 sapagkat hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin at Kautusan, hindi nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga, at nahumaling sila sa mga diyus-diyosan ng kanilang mga ninuno. 25 Kaya't binigyan ko sila ng mga tuntuning hindi magdudulot sa kanila ng buhay. 26 Hinayaan ko na silang mahumaling sa paghahandog sa kanilang mga diyus-diyosan. Binayaan kong ihandog nila pati ang kanilang mga panganay upang sila mismo'y mangilabot. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.

27 “Kaya, Ezekiel, sabihin mo sa kanila na ito ang ipinapasabi ni Yahweh na kanilang Diyos: Minsan pa'y nilapastangan ako at pinagtaksilan ng inyong mga ninuno. 28 Nang dalhin ko sila sa lupaing ipinangako ko sa kanila, naghandog sila sa mga altar sa mga burol at sa ilalim ng malalagong punongkahoy. Doon sila nagsunog ng kanilang mga handog na siyang dahilan ng pagkapoot ko sa kanila. Doon din nila dinala ang mga handog na inumin. 29 Itinanong ko sa kanila, ‘Ano bang klaseng altar ang pinaghahandugan ninyo sa mga burol? Hanggang ngayon ang matataas na lugar na yaon ay tinatawag na Bama.’ 30 Sabihin mo rin sa kanila, ‘Ipinapasabi ni Yahweh: Gagawin din ba ninyo ang kasuklam-suklam na gawain ng inyong mga ninuno? 31 Hanggang ngayo'y naghahain kayo ng mga handog tulad ng inihain nila at sinunog ang inyong mga anak bilang handog sa mga diyus-diyosan. Bakit ngayon ay sasangguni kayo sa akin? Ako si Yahweh, ang Diyos na buháy; huwag kayong makasanggu-sangguni sa akin.’

32 “Hindi mangyayari ang iniisip ninyong pagtulad sa ibang bansa, at pagsamba sa diyus-diyosang kahoy at bato.”

Ang Parusa at ang Pagpapatawad ng Diyos

33 “Isinusumpa ko,” sabi ni Yahweh, “na gagamitan ko kayo ng kamay na bakal; paparusahan ko kayo at ibubuhos ko sa inyo ang aking matinding poot. 34 Ipapakita ko sa inyo ang aking kapangyarihan. Titipunin ko kayo mula sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo, 35 at dadalhin sa gitna ng mga bansa upang doon parusahan. 36 Kung ano ang ginawa ko sa inyong mga magulang nang sila'y nasa ilang ng Egipto, gayon ang gagawin ko sa inyo. 37 Susupilin ko kayo para sundin ninyo ang aking tipan. 38 Ihihiwalay ko ang mga mapaghimagsik at makasalanan. Iaalis ko nga sila sa lupaing pinagtapunan ko sa kanila ngunit hindi sila makakapanirahan sa Israel. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

39 Sinabi ni Yahweh, “Bayan ng Israel, kung ayaw ninyong makinig sa akin, huwag! Sumamba na kayo sa inyong mga diyus-diyosan hanggang gusto ninyo. Ngunit darating ang araw na hindi na ninyo ako lalapastanganin. Hindi na kayo maghahandog sa inyong mga diyus-diyosan.

40 “Ako'y sasambahin ng buong Israel sa bundok na itinalaga ko,” sabi ni Yahweh. “Doon ninyo ako paglilingkuran. Doon ko kayo pakikiharapan. Doon ko hihintayin ang paghahain ninyo ng mga piling handog. 41 Doon ko tatanggapin ang inyong mga handog pagkatapos ko kayong tipunin mula sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo, at doon ko rin ipapakita sa mga bansa na ako ay banal. 42 At kung madala ko na kayo sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga magulang, makikilala ninyong ako si Yahweh. 43 Doon, maaalala ninyo ang inyong masasamang lakad at gawain. Dahil dito, masusuklam kayo sa inyong sarili. 44 At kung tanggapin ko kayong mabuti at di ko gawin ang nararapat sa inyong masasamang lakad at gawain, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Ang Pahayag Laban sa Timog

45 At sinabi sa akin ni Yahweh, 46 “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa gawing timog, at magpahayag laban dito at sa kagubatan nito. 47 Sabihin mo sa kagubatan ng timog, dinggin mo ang salita ni Yahweh: Ipalalamon kita sa apoy. Tutupukin ko ang iyong mga punongkahoy, maging sariwa o tuyo. Di mapapatay ang apoy na ito, at lahat ay masusunog nito, mula sa timog hanggang hilaga. 48 Makikita ng lahat na akong si Yahweh ang sumunog niyon at ang apoy nito'y hindi mapapatay.”

49 Sinabi ko, “Yahweh, huwag mong ipagawa iyan sa akin; baka sabihin nilang ako'y nagsasalita nang hindi nila nauunawaan.”

Ang Tabak ni Yahweh

21 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sa Jerusalem ka naman humarap at magpahayag laban sa mga dambana at bigyang babala ang Israel. Sabihin mo, ganito ang sabi ni Yahweh: Ako ay laban sa iyo. Bubunutin ko ang aking tabak at papatayin ang masama't mabuti. Ang pagbunot ko nito ay laban sa lahat ng tao, mula sa timog hanggang sa hilaga. Sa pamamagitan nito'y makikilala ng lahat na akong si Yahweh ang nagbunot ng tabak at hindi ko ito isusuksok muli. Kaya, Ezekiel, manangis kang walang tigil at iparinig mo ito sa kanila. Kapag itinanong nila kung bakit ka nananaghoy, sabihin mong dahil sa balitang iyong narinig. Kapag ito'y nagkatotoo, paghaharian ng takot ang lahat ng tao, mangangalay ang lahat ng kamay, panghihinaan sila ng loob, at mangangalog ang lahat ng tuhod. Dumating na ang panahon at ngayon na.”

Sinabi pa sa akin ni Yahweh, “Sabihin mo sa kanila:

Ang tabak ay inihasa na at pinakintab.
10 Pinatalim ito upang ipamatay nang walang puknat.
    Pinakintab upang kumislap na parang kidlat.
Walang makakahadlang dito,
    sapagkat di ninyo dininig ang payo.
11 Ang tabak nga ay pinakintab upang gamitin.
Ito'y pinatalim para ibigay sa kamay ng berdugo.
12 Managhoy ka, anak ng tao.
    Ang tabak na ito'y gagamitin sa aking bayan
    at sa kanyang mga pinuno.
Sila ay papataying kasama ng buong bayan.
Kaya, tumangis ka.
13 Susubukin ko ang aking bayan,
    at kapag di sila nagsisi,
    ang lahat ng ito'y mangyayari sa kanila.

14 “Magpahayag ka sa kanila. Pumalakpak ka at paulit-ulit na iwasiwas ang tabak. Ang tabak na ito'y pumapatay, naghahasik ng sindak, at pumupuksa. 15 Sa gayon, mababagabag ang kanilang kalooban at marami sa kanila ang mabubuwal. Binabalaan ko sila sa pamamagitan ng tabak na ang kislap ay tulad ng kidlat; handa itong mamuksa. 16 Itataga ito nang kaliwa't kanan, magkabi-kabila. 17 Papalakpak din ako para mapawi ang matindi kong poot. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

Ang Tabak ng Hari ng Babilonia

18 Sinabi pa sa akin ni Yahweh, 19 “Ezekiel, anak ng tao, gumawa ka ng magkasangang landas na siyang dadaanan ng hari ng Babilonia na taglay ang kanyang tabak. Ang puno nito ay magbubuhat sa isang bayan lamang. Maglagay ka ng palatandaan sa lugar na pinaghiwalayan ng dalawang daan; 20 ang isa ay patungo sa Lunsod ng Rabba, sa Ammon at ang isa ay sa Juda, sa nakukutaang Lunsod ng Jerusalem. 21 Pagdating ng hari ng Babilonia sa sangandaang iyon, hihinto siya upang sumangguni sa kanyang diyus-diyosan. Hahaluin niya ang kanyang mga palaso sa lalagyan, at susuriin ang atay ng hayop na panghandog. 22 Mabubunot niya ang palaso na may tatak na ‘Jerusalem.’ Ito ang hudyat ng paglusob upang wasakin nila ang mga pintuang-bayan, at magtayo ng mga tanggulan. 23 Subalit ito'y hindi paniniwalaan ng mga taga-Jerusalem dahil sa kanilang mga kasunduang pinagtibay. Ngunit ito'y mangyayari para maalala nila ang kanilang kasamaan at magbabala na mahuhulog sila sa kamay ng mga kaaway.”

24 Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh: “Alam na ng lahat ang masasama ninyong gawain at paghihimagsik; kayo'y hinatulan ko na. Pababayaan ko kayong mahulog sa kamay ng inyong mga kaaway. 25 At ngayon, masamang pinuno ng Israel, dumating na rin ang iyong oras, ang pangwakas na parusa sa iyo. 26 Akong si Yahweh ang maysabi nito: Hubarin mo na ang iyong turbante at korona. Mababaligtad na ang dating katayuan: ang hamak ay dadakilain at ang mga namamahala ay aalisin sa tungkulin. 27 Lubusan kong wawasakin ang lunsod sa pamamagitan ng taong pinili ko upang magsagawa nito.

Ang Hatol Laban sa mga Ammonita

28 “Ezekiel,(F) anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga Ammonita dahil sa paghamak nila sa Israel. Sabihin mong ako si Yahweh. Ganito ang sabihin mo:

Ang tabak ay binunot na upang ipamuksa;
pinakintab ito upang kumislap at gumuhit na parang kidlat.

29 Huwad ang kanilang pangitain at kasinungalingan ang kanilang mga pahayag. Ang tabak ay igigilit sa kanilang lalamunan dahil sa kanilang kasamaan. Ito na ang kanilang wakas, ang pangwakas na parusa sa kanila.

30 “Isuksok muli ang tabak. Ikaw ay paparusahan ko sa bayan mong tinubuan. 31 Ibubuhos ko sa iyo ang galit kong nag-aalab na parang apoy. Ibibigay kita sa mga taong walang pakundangan kung pumatay ng kapwa. 32 Tutupukin ka sa apoy. Ang iyong dugo ay mabubuhos sa sariling bayan at wala nang makagugunita pa sa iyo. Akong si Yahweh ang may pahayag nito.”

Santiago 5

Babala sa mga Mapang-aping Mayayaman

Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. Bulok(A) na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng mapanirang insekto ang inyong mga damit. Kinakalawang(B) na ang inyong ginto at pilak, at ang kalawang ding iyon ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy na tutupok sa inyong laman. Iyan ang kayamanang inimpok ninyo para sa mga huling araw. Sumisigaw ang mga manggagawa sa inyong mga bukirin dahil hindi ninyo ibinibigay ang kanilang mga sahod. Umabot na sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi! Nagpasasa kayo sa kalayawan at karangyaan dito sa lupa. Nagpataba kayong parang mga hayop na kakatayin. Hinatulan(C) ninyo at ipinapatay ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo.

Pagtitiyaga at Pananalangin

Kaya nga, mga kapatid, magtiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay ang mahalagang ani ng kanyang bukirin, at inaabangan ang pagdating ng tag-ulan. Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.

Mga kapatid, huwag kayong magreklamo sa isa't isa upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. 10 Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa pangalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan. 11 Sinasabi(D) nating pinagpala ang mga nagtitiyaga at nagtitiis. Narinig na ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job at ang ginawa sa kanya ng Panginoon sa bandang huli. Talagang napakabuti at tunay na mahabagin ang Panginoon.

12 Ngunit(E) higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa. Huwag ninyong sabihing, “Saksi ko ang langit, o ang lupa, o ang ano pa man.” Sapat nang sabihin ninyo, “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo hatulan ng Diyos.

13 May paghihirap ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos. 14 May sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag ninyo ang matatandang pinuno ng iglesya upang ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15 Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon. At kung siya'y nagkasala, patatawarin siya sa kanyang mga kasalanan. 16 Kaya(F) nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid. 17 Si(G) Elias ay isang tao na tulad din natin; nang mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan, hindi nga umulan sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. 18 At(H) nang siya'y nanalangin para umulan, bumagsak nga ang ulan at namunga ang mga halaman.

19 Mga kapatid, kung may kapatid kayong nalilihis ng landas at may isa namang umakay sa kanya upang magsisi, 20 ito(I) ang tandaan ninyo: sinumang makapagpabalik sa isang makasalanan mula sa kanyang maling pamumuhay ay nagliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan at nagpapawi ng maraming kasalanan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.