Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Bilang 15-16

Batas tungkol sa handog na pinaraan sa apoy.

15 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagpasok ninyo sa lupain na inyong mga tahanan, na aking ibibigay sa inyo,

(A)At maghahandog kayo sa Panginoon ng pinaraan sa apoy na handog na susunugin, o ng hain upang tumupad ng panata, o ng (B)kusang handog, o sa (C)inyong mga takdang kapistahan, upang gawing masarap na (D)amoy sa Panginoon, na mula sa bakahan, o mula sa kawan:

(E)Kung gayon ay maghandog sa Panginoon (F)yaong maghahandog ng alay ng isang handog na harina, na ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na hinaluan ng (G)ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis:

(H)At ng alak na inuming handog, na ikaapat na bahagi ng isang hin, ang iyong ihahanda na kalakip ng handog na susunugin, o ng hain, sa bawa't kordero.

(I)O kung isang tupang lalake, ay iyong ihahanda na pinakahandog na harina, ang dalawang ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na hinaluan ng ikatlong bahagi ng isang hin ng langis:

At bilang pinakainuming handog ay iyong ihahandog ang ikatlong bahagi ng isang hin ng alak na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

At pagka maghahanda ka ng isang toro na handog na susunugin, o upang ihain, sa katuparan ng isang panata, o (J)upang mga handog sa Panginoon tungkol sa kapayapaan;

Ay kaniyang ihahandog nga na kalakip ng toro ang isang handog na harina na tatlong ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na hinaluan ng kalahating hin ng langis.

10 At iyong ihahandog na pinakainuming handog ay kalahating hin ng alak na pinakahandog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

11 (K)Gayon gagawin sa bawa't toro, o sa bawa't tupang lalake, o sa bawa't korderong lalake, o sa mga anak ng kambing.

12 Ayon sa bilang ng inyong ihahanda, ay gayon ninyong gagawin sa bawa't isa ayon sa kanilang bilang.

13 Lahat ng tubo sa lupain ay gagawa ng mga bagay na ito sa ganitong paraan, sa paghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

14 At kung ang isang taga ibang bayan ay makipamayang kasama ninyo, o sinomang nasa gitna ninyo sa buong panahon ng inyong mga lahi, at maghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon; ay kaniyang gagawin ang gaya ng inyong ginagawa.

15 (L)Sa kapisanan ay magkakaroon ng isang palatuntunan sa inyo, at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa inyo, (M)isang palatuntunan magpakailan man sa buong panahon ng inyong mga lahi: kung paano kayo, ay magiging gayon din ang taga ibang bayan sa harap ng Panginoon.

16 Isang kautusan at isang ayos ay magkakaroon sa inyo, at sa taga ibang bayan sa nakikipamayan sa inyo.

17 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

18 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagpasok ninyo sa lupaing aking pinagdadalhan sa inyo,

19 (N)Ay mangyayari nga, na pagkain ninyo ng tinapay sa lupain, ay maghahandog kayo ng isang handog na itinaas sa Panginoon.

20 (O)Sa pinaka una sa inyong masang harina ay maghahandog kayo ng isang munting tinapay na pinakahandog na itinaas: kung (P)paano ninyo ginagawa ang handog na itinaas tungkol sa giikan, ay gayon ninyo itataas ito.

21 Sa pinaka una sa inyong masang harina ay magbibigay kayo sa Panginoon ng isang handog na itinaas sa buong panahon ng inyong mga lahi.

22 (Q)At pagka kayo'y nagkamali, at hindi ninyo tinupad ang lahat ng utos na ito, na sinalita ng Panginoon kay Moises,

23 Sa makatuwid baga'y lahat ng iniutos ng Panginoon sa inyo sa pamamagitan ni Moises, mula sa araw na lagdaan kayo ng utos ng Panginoon, at sa haharapin sa buong panahon ng inyong mga lahi;

24 Ay mangyayari nga na kung magkasala ng walang malay, na hindi nalalaman ng kapisanan, na ang buong kapisanan ay maghahandog ng isang guyang toro na pinakahandog na susunugin, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon, na (R)kalakip ng handog na harina niyaon at inuming handog niyaon, ayon sa ayos, (S)at isang lalaking kambing na pinakahandog dahil sa kasalanan.

25 (T)At itutubos ng saserdote sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, at sila'y patatawarin; sapagka't isang kamalian, at kanilang dinala ang kanilang alay, na handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at ang kanilang handog dahil sa kasalanan sa harap ng Panginoon, dahil sa kanilang kamalian:

26 At ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay patatawarin at ang taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila; sapagka't tungkol sa buong bayang nakagawa ng walang malay.

Handog sa pagkakasala na walang malay.

27 (U)At kung ang isang tao ay nagkasala ng walang malay, ay maghahandog nga siya ng isang kambing na babae ng unang taon na pinakahandog dahil sa kasalanan.

28 (V)At itutubos ng saserdote sa taong nagkamali, kung tunay na siya'y nagkasala ng walang malay sa harap ng Panginoon, upang itubos sa kaniya; at siya'y patatawarin.

29 Kayo'y magkakaroon ng (W)isang kautusan sa kaniya na nagkasala ng walang malay, sa kaniya na ipinanganak sa gitna ng mga anak ni Israel, at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila.

30 (X)Nguni't ang tao na makagawa ng anoman ng buong kapusukan, maging tubo sa lupain o taga ibang lupa, ay lumapastangan sa Panginoon; at ang taong yaon ay ihihiwalay sa gitna ng kaniyang bayan.

31 Sapagka't kaniyang (Y)hinamak ang salita ng Panginoon, at kaniyang sinira ang kaniyang utos; ang taong yaon ay lubos na ihihiwalay, ang kaniyang kasamaan ay tataglayin niya.

Ang kaparusahan sa pagsalangsang sa batas ng sabbath.

32 At samantalang ang mga anak ni Israel ay nangasa ilang, ay nakasumpong sila ng isang lalake na (Z)namumulot ng kahoy sa araw ng sabbath.

33 At silang nakasumpong sa kaniya na namumulot ng kahoy, ay dinala siya kay Moises, at kay Aaron, at sa buong kapisanan.

34 (AA)At kanilang inilagay siya sa bilangguan, sapagka't hindi pa ipinahahayag kung ano ang gagawin sa kaniya.

35 At sinabi ng Panginoon kay Moises, (AB)Ang lalake ay walang pagsalang papatayin; (AC)babatuhin siya ng buong kapisanan sa labas ng kampamento.

36 At inilabas siya ng buong kapisanan sa kampamento at kanilang binato siya hanggang sa mamatay ng mga bato; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ipinagutos ang paglalagay ng tirintas.

37 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

38 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila (AD)na sila'y gumawa ng mga tirintas sa mga laylayan ng kanilang mga damit sa buong panahon ng kanilang mga lahi, at kanilang patungan ang tirintas ng bawa't laylayan ng isang panaling bughaw:

39 At sa inyo'y magiging isang tirintas, upang inyong mamasdan, at inyong maalaala ang lahat ng mga utos ng Panginoon, at inyong tuparin; at upang huwag kayong sumunod sa inyong sariling puso (AE)at sa inyong sariling mga mata, na (AF)siya ninyong ipinangaapid:

40 Upang inyong maalaala at gawin ang lahat ng aking mga utos, (AG)at maging banal kayo sa inyong Dios.

41 Ako ang Panginoon ninyong Dios, na naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto, upang maging inyong Dios: ako ang Panginoon ninyong Dios.

Si Kore ay naghimagsik laban kay Moises at laban kay Aaron.

16 Si (AH)Core nga na anak ni Ishar, na anak ni Coath, na anak ni Levi sangpu ni Dathan at ni Abiram na mga anak ni Eliab, at si Hon na anak ni Peleth, na mga anak ni Ruben, ay nagsikuha ng mga tao:

At sila'y tumindig sa harap ni Moises, na kasama ng ilang mga anak ni Israel, na dalawang daan at limang pung (AI)prinsipe sa kapisanan na tinawag sa kapulungan na mga lalaking bantog:

(AJ)At sila'y nagpupulong laban kay Moises at laban kay Aaron, at sinabi nila sa kanila, Kayo'y kumukuha ng malabis sa inyo, dangang ang buong kapisanan ay (AK)banal, bawa't isa sa kanila, (AL)at ang Panginoon ay nasa gitna nila: bakit nga kayo'y magmamataas sa kapisanan ng Panginoon?

At nang marinig ni Moises, ay (AM)nagpatirapa.

At sinalita niya kay Core at sa kaniyang buong pulutong, na sinasabi, Sa kinaumagahan ay ipakikilala ng Panginoon kung sino ang kaniya, at kung sino ang banal, at kung sino ang palalapitin niya sa kaniya: sa makatuwid baga'y ang (AN)piliin ay siyang kaniyang (AO)palalapitin sa kaniya.

Ito'y inyong gawin; kumuha kayo ng mga (AP)suuban, si Core at ang kaniyang buong pulutong;

At lagyan ninyo ng apoy at patungan ninyo ng kamangyan bukas sa harap ng Panginoon: at mangyayari na ang tao na piliin ng Panginoon, ay siyang banal: kayo'y kumukuha ng malabis sa inyo, kayong mga anak ni Levi.

At sinabi ni Moises kay Core, Dinggin ninyo ngayon, kayong mga anak ni Levi:

(AQ)Minumunting bagay pa ba ninyo na kayo'y ibinukod ng Dios ng Israel sa kapisanan ng Israel, upang ilapit niya kayo sa kaniya, upang gawin ninyo ang paglilingkod sa tabernakulo ng Panginoon, at upang kayo'y tumayo sa harap ng kapisanan na mangasiwa sa kanila;

10 At inilapit ka niya sangpu ng lahat ng iyong mga kapatid na mga anak ni Levi? at hangarin din naman ninyo ang pagkasaserdote?

11 Kaya't ikaw at ang iyong buong pulutong ay napipisan laban sa Panginoon: at si (AR)Aaron, ano nga't siya'y inyong inupasala?

12 At ipinatawag ni Moises si Dathan at si Abiram, na mga anak ni Eliab: at kanilang sinabi, Hindi kami sasampa:

13 Munting bagay pa ba na kami ay iyong pinasampa sa isang lupain na (AS)binubukalan ng gatas at pulot, upang kami ay patayin sa ilang, kundi (AT)napapanginoon ka pa mandin sa amin?

14 Bukod dito'y hindi mo kami dinala sa isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot, ni binigyan mo kami ng manang bukid at mga ubasan: dudukitin mo ba ang mga mata ng mga taong ito? hindi kami sasampa.

15 At si Moises ay naginit na mainam, at sinabi sa Panginoon, (AU)Huwag mong pagpitaganan ang kanilang handog: (AV)ako'y hindi kumuha ng isang asno sa kanila ni gumawa ng masama sa kanino man sa kanila.

16 At sinabi ni Moises kay Core, Humarap ka at ang iyong buong kapisanan sa Panginoon, ikaw, at sila, at si Aaron, (AW)bukas:

17 At kumuha ang bawa't isa ng kaniyang suuban, at lagyan ninyo ng kamangyan, at dalhin ninyo sa harap ng Panginoon, na bawa't isa'y magdala ng kaniyang suuban, na dalawang daan at limang pung suuban; ikaw naman at si Aaron, bawa't isa sa inyo'y may kaniyang suuban.

18 At kinuha ng bawa't isa ang kaniyang suuban, at kanilang nilagyan ng apoy at kanilang pinatungan ng kamangyan, at sila'y tumayo sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan na kasama ni Moises at ni Aaron.

19 At pinisan ni Core ang buong kapisanan laban sa kanila sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan: at ang (AX)kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa buong kapisanan.

Pinarusahan ang manghihimagsik.

20 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

21 (AY)Humiwalay kayo sa gitna ng kapisanang ito, upang aking lipulin sila sa isang sangdali.

22 At sila'y (AZ)nagpatirapa, at nagsabi, Oh Dios, na (BA)Dios ng mga diwa ng lahat ng laman, sa pagkakasala ba ng isang tao ay magagalit ka sa buong kapisanan?

23 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

24 Salitain mo sa kapisanan na iyong sabihin, Lumayo kayo sa palibot ng tabernakulo ni Core, ni Dathan, at ni Abiram.

25 At si Moises ay tumayo at naparoon kay Dathan at kay Abiram; at ang mga matanda sa Israel ay sumunod sa kaniya.

26 At sinalita ni Moises sa kapisanan na sinasabi, (BB)Magsilayo kayo, isinasamo ko sa inyo, sa mga tolda ng masasamang taong ito, at huwag kayong humipo ng anomang bagay nila, baka kayo'y (BC)mamatay sa lahat nilang kasalanan.

27 Gayon sila nagsilayo sa tabernakulo ni Core, ni Dathan, at ni Abiram sa lahat ng dako: at si Dathan at si Abiram ay nagsilabas, at nagsitayo sa pintuan ng kanilang mga tolda, at ang kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak, at ang kanilang bata.

28 At sinabi ni Moises, Dito ninyo makikilala na ako'y sinugo ng Panginoon na gawin ang lahat ng mga gawang ito; sapagka't hindi kinatha ng (BD)aking sariling pagiisip.

29 Kung ang mga taong ito ay mamatay sa karaniwang kamatayan ng lahat ng tao, o kung sila'y dalawin ayon sa karaniwang pagdalaw sa lahat ng tao; ay hindi nga ako sinugo ng Panginoon.

30 Nguni't kung ang Panginoon ay lumikha ng isang bagong bagay, na anopa't ibuka ng (BE)lupa ang kaniyang bibig, at sila'y lamunin, sangpu ng buong nauukol sa kanila, (BF)at sila'y ibabang mga buháy sa Sheol; ay inyo ngang mapagkikilala na (BG)minungkahi ng mga taong ito ang Panginoon.

31 (BH)At nangyari, na pagkatapos na masalita niya ang lahat ng salitang ito, na ang lupa na nasa ilalim nila ay bumuka:

32 At ibinuka ng lupa ang kaniyang bibig at nilamon sila, at ang kanilang mga sangbahayan, at ang (BI)lahat ng lalake na nauukol kay Core, at lahat ng kanilang pagaari.

33 Na anopa't sila at lahat ng nauukol sa kanila, ay nababang buháy sa Sheol: at sila'y pinagtikuman ng lupa, at sila'y nalipol sa gitna ng kapisanan.

34 At ang buong Israel na nasa palibot nila ay tumakas sa hiyaw nila; sapagka't kanilang sinabi, Baka pati tayo'y lamunin ng lupa.

35 At apoy ang (BJ)lumabas na mula sa Panginoon, at nilamon ang dalawang daan at limang pung lalake na naghandog ng kamangyan.

Ginawang laminang pinukpok ang mga suuban ng mga manghihimagsik.

36 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

37 Salitain mo kay (BK)Eleazar na anak ni Aaron na saserdote, na kaniyang kunin ang mga suuban sa sunog, at magkalat ng apoy doon; sapagka't mga banal yaon;

38 Pati ng mga suuban ng mga (BL)makasalanang ito laban sa kanilang sariling buhay, at gawin mo sa kanilang mga laminang pinukpok na pinaka pangtakip sa dambana: sapagka't kanilang inihandog sa harap ng Panginoon: kaya't mga banal: at (BM)magiging isang tanda sa mga anak ni Israel.

39 At kinuha ni Eleazar na saserdote ang mga tansong suuban na inihandog ng mga nasunog; at kanilang pinukpok na ginawang pinaka pangtakip sa dambana:

40 Upang maging pinakaalaala sa mga anak ni Israel, (BN)upang sinomang ibang tao na hindi sa mga anak ni Aaron ay huwag lumapit na magsunog ng kamangyan sa harap ng Panginoon; upang huwag magaya kay Core at sa kaniyang mga kasama: gaya ng sinalita ng Panginoon sa kaniya sa pamamagitan ni Moises.

Inpasala ng kapisanan si Moises at si Aaron; Ipinadala ang salot.

41 Datapuwa't sa kinabukasan ay inupasala ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel si Moises at si Aaron, na sinasabi, Inyong pinatay ang bayan ng Panginoon.

42 At nangyari, nang magpipisan ang kapisanan laban kay Moises at laban kay Aaron, na sila'y tumingin sa dako ng tabernakulo ng kapisanan; at, narito, tinakpan ng (BO)ulap (BP)at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw.

43 At si Moises at si Aaron ay naparoon sa tapat ng tabernakulo ng kapisanan.

44 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

45 (BQ)Lumayo kayo sa gitna ng kapisanang ito, upang aking lipulin sila sa isang sangdali. At sila'y nagpatirapa.

46 At sinabi ni Moises kay Aaron, Kunin mo ang iyong suuban, at lagyan mo ng apoy mula sa dambana at patungan ng kamangyan, at dalhin mong madali sa kapisanan, at itubos mo sa kanila: (BR)sapagka't may galit na lumabas sa harap ng Panginoon; ang salot ay nagpapasimula na.

47 At kinuha ni Aaron gaya ng sinalita ni Moises, at siya'y tumakbo sa gitna ng kapulungan; at, narito, ang salot ay nagpasimula sa gitna ng bayan; at siya'y naglagay ng kamangyan at itinubos sa bayan.

48 At siya'y tumayo sa gitna ng mga patay at ng mga buhay; at ang salot ay (BS)tumigil.

49 Ang nangamatay nga sa salot ay labing apat na libo at pitong daan, (BT)bukod pa yaong nangamatay dahil kay Core.

50 At si Aaron ay nagbalik kay Moises sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan: at ang salot ay tumigil.

Marcos 6:1-29

At umalis siya doon; (A)at napasa kaniyang sariling lupain; at nagsisunod sa kaniya ang kaniyang mga alagad.

At nang dumating ang sabbath, ay nagpasimulang magturo siya sa sinagoga: at marami sa nangakakarinig sa kaniya ay nangagtataka, na nangagsasabi, Saan nagkaroon ang taong ito ng mga bagay na ito? at, Anong karunungan ito na sa kaniya'y ibinigay, at anong kahulugan ng gayong mga makapangyarihang gawa na ginagawa ng kaniyang mga kamay?

Hindi baga ito ang anluwagi, ang anak ni Maria, at kapatid ni Santiago, at ni Jose, at ni Judas, at ni Simon? at hindi baga nangaririto sa atin ang kaniyang mga kapatid na babae? At siya'y kinatitisuran nila.

At sinabi sa kanila ni Jesus, Walang propetang di may kapurihan, liban sa kaniyang sariling lupain, at sa gitna ng kaniyang sariling mga kamaganak, at sa kaniyang sariling bahay.

At (B)hindi siya nakagawa doon ng anomang makapangyarihang gawa, liban sa ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa ilang mga maysakit, at pinagaling sila.

At nanggigilalas siya sa kanilang di pananampalataya. At siya'y lumibot na nagtuturo sa mga nayong nasa paligidligid.

At pinalapit niya sa kaniya ang labingdalawa, (C)at nagpasimulang sinugo sila na daladalawa; at binigyan niya sila ng kapamahalaan laban sa mga karumaldumal na espiritu;

At ipinagbilin niya sa kanila (D)na huwag silang magsipagbaon ng anoman sa paglakad, kundi tungkod lamang; kahit tinapay, kahit supot ng ulam, kahit salapi sa kanilang supot;

Datapuwa't gumamit ng mga sandalyas: at, huwag magsuot ng dalawang tunika.

10 At sinabi niya sa kanila, Saan man kayo magsipasok sa isang bahay, mangatira kayo roon hanggang sa kayo'y magsialis doon.

11 At sa alin mang dakong hindi kayo tanggapin, at hindi kayo pakinggan, pagalis ninyo doo'y ipagpag ninyo ang alabok na nasa ilalim ng inyong talampakan bilang patotoo sa kanila.

12 At sila'y nangagsialis, at (E)nagsipangaral na mangagsisi ang mga tao.

13 At nangagpalabas ng maraming demonio, (F)at nangagpahid ng langis sa maraming may-sakit, at pinagaling sila.

14 (G)At narinig ng haring Herodes; sapagka't nabantog na ang pangalan niya; at sinabi niya, Si Juan na Mangbabautismo ay nagbangon sa mga patay, at kaya sumasa kaniya ang mga kapangyarihang ito.

15 At sinasabi ng mga iba, (H)Siya'y si Elias. At sinasabi ng mga iba, Siya'y propeta, na gaya ng ibang mga propeta.

16 Datapuwa't nang marinig ni Herodes, ay sinabi, Si Juan na aking pinugutan ng ulo, siya'y nagbangon.

17 Sapagka't si Herodes din ang nagsugo sa mga kawal at nagpahuli kay Juan, at nagpatanikala sa kaniya sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Filipo na kaniyang kapatid; sapagka't nagasawa siya sa kaniya.

18 Sapagka't sinabi ni Juan kay Herodes, Hindi matuwid sa iyo na iyong ariin ang asawa ng iyong kapatid.

19 At ipinagtanim siya ni Herodias, at hinahangad siyang patayin; at hindi niya magawa;

20 Sapagka't natatakot si Herodes kay Juan palibhasa'y nalalamang siya'y lalaking matuwid at banal, at siya'y ipinagsanggalang niya. At kung siya'y pinakikinggan niya, ay natitilihan siyang mainam; at pinakikinggan niya siya (I)na may galak.

21 At nang sumapit ang isang kaukulang araw, na kapanganakan niya, ay ipinaghanda ni Herodes ng isang hapunan ang kaniyang mga maginoo, at mga mataas na kapitan, at mga pangulong lalake (J)sa Galilea;

22 At nang pumasok ang anak na babae ni Herodias ay sumayaw, at siya'y kinalugdan ni Herodes at ng mga kasalo niyang nakaupo sa dulang; at sinabi ng hari sa dalaga, Hingin mo sa akin ang maibigan mo, at ibibigay ko sa iyo.

23 At ipinanumpa niya sa kaniya, Ang anomang hingin mo sa akin ay ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.

24 At lumabas siya, at sinabi sa kaniyang ina, Ano ang aking hihingin? At sinabi niya, Ang ulo ni Juan ang Mangbabautismo.

25 At pagdaka'y pumasok siyang dalidali sa kinaroroonan ng hari, at humingi, na sinasabi, Ibig ko na (K)ngayon din ang ibigay mo sa akin na nasa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista.

26 At namanglaw na lubha ang hari; datapuwa't dahil sa kaniyang sumpa, at sa nangakaupo sa dulang, ay hindi niya itinanggi.

27 At pagdaka'y nagsugo ang hari sa isang kawal na kaniyang bantay, at ipinagutos na dalhin sa kaniya ang ulo niya: at yumaon siya at pinugutan siya ng ulo sa bilangguan,

28 At dinala ang kaniyang ulo na nasa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga; at ibinigay ng dalaga sa kaniyang ina.

29 At nang mabalitaan ng kaniyang mga alagad, ay nagsiparoon sila at binuhat ang kaniyang bangkay, at inilagay sa isang libingan.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978