New Testament in a Year
24 Pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw ang Cristo, sabihin mo sa amin nang malinaw.” 25 Sumagot si Jesus sa kanila, “Sinabi ko na sa inyo ngunit hindi kayo naniniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin. 26 Ngunit hindi kayo naniniwala, dahil hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Nakikinig sa tinig ko ang aking mga tupa. Kilala ko sila at sumusunod sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan at kailanma’y hindi sila mamamatay. Walang makaaagaw sa kanila mula sa aking kamay. 29 (A)Ang aking Ama ay higit na dakila; siya ang nagbigay sa akin ng lahat at walang makaaagaw sa kanila mula sa kamay ng aking Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.” 31 Muling pumulot ng mga bato ang mga Judio para batuhin siya. 32 Sumagot si Jesus sa kanila, “Nagpakita ako sa inyo ng maraming mabubuting gawa mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan para batuhin ninyo ako?” 33 (B)Sumagot ang mga Judio, “Hindi ka namin babatuhin dahil sa mabuting gawa, kundi sa iyong paglapastangan. Dahil ikaw na isang tao lamang ay nagpapakilalang Diyos.” 34 (C)Sumagot si Jesus sa kanila, “Hindi ba nasusulat sa inyong batas, ‘Sinabi ko, kayo ay mga diyos’? 35 Kung ang mga dinatnan ng salita ng Diyos ay tinawag na mga ‘diyos’, at ang kasulatan ay hindi mapapawalang bisa, 36 bakit ninyo sinasabing ako na itinalaga at isinugo ng Ama sa sanlibutan ay lumalapastangan dahil sinabi kong, ‘Ako ang Anak ng Diyos’? 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. 38 Subalit kung ginagawa ko ang mga iyon, kahit na hindi ninyo ako pinaniniwalaan, paniwalaan ninyo ang mga gawa, upang malaman ninyo at maunawaan na ang Ama ay nasa akin at ako ay nasa Ama.” 39 Pagkatapos, tinangka nilang muli na dakpin si Jesus, subalit nakatakas siya sa kanilang mga kamay.
40 (D)Muling umalis si Jesus at tumawid ng Ilog Jordan patungo sa pinagbautismuhan ni Juan noong una, at nanatili siya roon. 41 Maraming pumunta sa kanya na nagsasabi, “Hindi gumawa si Juan ng anumang himala, ngunit lahat ng sinabi ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo.” 42 At marami roon ang sumampalataya kay Jesus.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.