New Testament in a Year
Ipinako sa Krus si Jesus(A)
26 Habang dinadala nila si Jesus, hinuli nila si Simon na taga-Cirene na galing noon sa bukid at ipinapasan sa kanya ang krus upang dalhin kasunod ni Jesus. 27 Sinusundan si Jesus ng napakaraming mga tao, kabilang ang mga babaing nagdadalamhati at nananaghoy para sa kanya. 28 Lumingon sa kanila si Jesus at sinabi, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ako ang iyakan ninyo kundi ang inyong mga sarili at inyong mga anak. 29 Sapagkat tiyak na darating ang mga araw kung kailan sasabihin nila, ‘Pinagpala ang mga baog at ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ 30 Sa sandaling iyon ay magsisimula silang magsabi sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ 31 Sapagkat kung ginawa nila ang mga ito sa sariwang kahoy, ano ang mangyayari kung ito ay tuyo?”
32 Dalawa pang salarin ang kanilang dinala upang pataying kasama ni Jesus. 33 Nang dumating sila sa lugar na tinatawag na Bungo, doon nila siya ipinako sa krus kasama ng mga salarin, isa sa kanan at isa sa kaliwa. 34 [At sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”][a] Nagpalabunutan ang mga kawal upang paghatian ang kanyang damit. 35 Nakatayong nanonood ang mga tao. Ngunit nilibak naman siya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!” 36 Nilibak din siya ng mga kawal, nilalapitan siya at inaalok ng maasim na alak. 37 Sinabi nila, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” 38 May nakasulat din sa kanyang ulunan: “Ito ang Hari ng mga Judio.” 39 Isa sa mga salaring nakapako ang nagpatuloy sa paglait sa kanya. Sinabi nito, “Hindi ba't ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili; iligtas mo rin kami.” 40 Ngunit sinaway siya ng isa, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos gayong ikaw ay pinarurusahan din gaya niya? 41 Tama lang tayong maparusahan sapagka't dapat nating pagbayaran ang ating ginawa; ngunit ang taong ito ay walang ginawang masama.” 42 At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” 43 Sumagot si Jesus, “Tinitiyak ko sa iyo, ngayon di'y makakasama kita sa Paraiso.”
Ang Kamatayan ni Jesus(B)
44 Noon ay magtatanghaling-tapat na,[b] at ang buong lupain ay nabalot ng dilim hanggang ikatlo ng hapon.[c] 45 Nawalan ng liwanag ang araw at ang tabing ng templo ay nahati sa dalawa. 46 Sumigaw nang malakas si Jesus, “Ama, sa iyong mga kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito'y nalagutan siya ng hininga. 47 Nang makita ng kapitan ng mga kawal ang nangyari, pinuri niya ang Diyos at sinabi, “Tunay ngang matuwid ang taong ito!” 48 At nang makita ng lahat ng mga taong nagkakatipon doon ang nangyaring ito ay umuwi silang matindi ang kalungkutan. 49 Ngunit ang lahat ng mga kakilala niya, kabilang ang ilang kababaihan ay nakatayo sa di-kalayuan at pinagmamasdan ang mga pangyayari.
Ang Paglilibing kay Jesus(C)
50 May isang lalaking mabuti at matuwid na ang pangalan ay Jose, na bagama't kabilang sa Sanhedrin, 51 ay hindi sang-ayon sa kanilang kapasyahan at ginawa. Siya ay taga-Arimatea, isang bayan ng mga Judio, at naghihintay siya sa paghahari ng Diyos. 52 Lumapit ang taong ito kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. 53 Ibinaba niya ang bangkay, binalot sa telang lino at inilagay sa isang libingang inuka sa bato. Doon ay wala pang naililibing. 54 Noon ay araw ng Paghahanda at malapit na ang Sabbath. 55 Sumunod kay Jose ang mga babaing sumama kay Jesus mula sa Galilea. Nakita nila ang libingan at kung paano inilagay ang kanyang bangkay. 56 Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira. Nang dumating ang Sabbath ay nagpahinga sila ayon sa Kautusan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.