New Testament in a Year
25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, darating ang oras, at ngayon na nga, kung saan maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos, at ang mga makaririnig ay mabubuhay. 26 Sapagkat kung paanong ang Ama ay may buhay sa kanyang sarili, ipinagkaloob din niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili, 27 at ibinigay sa kanya ang kapangyarihang humatol, sapagkat siya ang Anak ng Tao. 28 Huwag kayong magtaka, sapagkat darating ang oras na ang lahat ng nasa libingan ay makaririnig sa kanyang tinig, 29 (A)at ang mga gumawa ng mabubuting bagay ay babangon tungo sa buhay, at ang mga gumawa ng masasamang bagay ay babangon tungo sa paghatol. 30 Hindi ako gumagawa nang ayon sa aking sariling kapangyarihan. Humahatol ako ayon sa naririnig ko. At ang hatol ko ay makatarungan, sapagkat hindi ko hangad ang sariling kalooban kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.
Mga Patotoo tungkol kay Jesus
31 “Kung ako lamang ang nagpapatotoo para sa aking sarili, ang aking patotoo ay hindi kapani-paniwala. 32 May iba pang nagpapatotoo tungkol sa akin, at alam kong ang patotoo niya ay kapani-paniwala. 33 (B)Kayo mismo ang nagpadala kay Juan ng mga sugo, at ang sinabi niya ay totoo. 34 Hindi sa kailangan ko ng patotoo ng tao, kundi sinasabi ko ang mga ito upang kayo ay maligtas. 35 (C)Si Juan ay ilawang nagliliyab at nagliliwanag, at ginusto ninyong masiyahan kahit sandali sa kanyang liwanag. 36 Ngunit ako mismo ay may patotoo na higit kaysa patotoo ni Juan, sapagkat ang mga gawaing ibinigay sa akin ng Ama upang gampanan, na siya namang ginagawa ko, ay nagpapatunay na ako ay sinugo ng Ama. 37 (D)Ang Ama na nagsugo sa akin ay siya ring nagpatotoo tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita man ang kanyang anyo. 38 Hindi nananatili sa inyo ang kanyang salita, sapagkat hindi kayo naniniwala sa kanyang isinugo. 39 (E)Sinasaliksik ninyo ang mga kasulatan, sapagkat iniisip ninyo na sa pamamagitan ng mga ito'y magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan. Ang mga ito ay nagpapatotoo tungkol sa akin. 40 Subalit ayaw ninyong lumapit sa akin upang magkaroon kayo ng buhay. 41 Hindi ako tumatanggap ng papuring mula sa mga tao. 42 Subalit kilala ko kayo; wala kayong pag-ibig sa Diyos. 43 Naparito ako sa ngalan ng aking Ama, at hindi ninyo ako tinatanggap; subalit kung may isang darating sa sarili niyang pangalan, siya'y inyong tatanggapin. 44 Paano kayo maniniwala kung kayu-kayo ang pumupuri sa inyong sarili, at hindi ninyo hinahangad ang papuri mula sa iisang Diyos? 45 Huwag ninyong isipin na ako ang magsasakdal sa inyo sa harapan ng Ama. Ang nagsasakdal sa inyo ay si Moises na siyang pinaglalagakan ninyo ng pag-asa. 46 Kung pinaniwalaan ninyo si Moises, sana'y pinaniwalaan din ninyo ako, sapagkat siya ay sumulat tungkol sa akin. 47 Ngunit kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinulat niya, paano ninyo paniniwalaan ang mga sinabi ko?”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.