New Testament in a Year
Ang Kordero ng Diyos
29 Nang sumunod na araw, nakita ni Juan si Jesus na papalapit sa kanya, at sinabi niya, “Narito ang kordero ng Diyos na siyang nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan! 30 Siya ang binanggit ko sa inyo, ‘Kasunod ko ang lalaking mas una kaysa sa akin sapagkat siya'y nauna sa akin.’ 31 Hindi ko siya nakilala; ngunit ako'y dumating at nagbabautismo sa tubig, upang siya'y maihayag sa Israel.” 32 Pagkatapos nito'y nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Espiritu na bumaba gaya ng isang kalapati mula sa langit at nanatili ito sa kanya. 33 Hindi ko siya nakilala; ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ay nagsabi sa akin, ‘Kung kanino mo makikitang bababa at mananatili ang Espiritu ay siyang magbabautismo sa inyo sa Banal na Espiritu.’ 34 Nakita ko't napatunayan na ito ang Anak ng Diyos.”
Ang Mga Naunang Alagad ni Jesus
35 Nang sumunod na araw, naroon muli't nakatayo si Juan kasama ng dalawa sa mga tagasunod niya. 36 Minasdan niya si Jesus habang naglalakad ito at sinabing, “Narito, ang kordero ng Diyos!” 37 Narinig ng dalawang tagasunod niya nang sabihin niya ito kaya sumunod sila kay Jesus. 38 Paglingon ni Jesus, nakita niya silang sumusunod kaya sinabi niya sa kanila, “Ano ang hinahanap ninyo?” At sinabi nila, “Rabbi, saan po kayo nakatira?” (Ang kahulugan ng “Rabbi” ay guro.) 39 Sinabi niya sa kanila, “Halikayo nang makita ninyo.” Sumama nga sila at nakita kung saan siya nakatira; at nanatili silang kasama niya nang araw na iyon, at mag-iikaapat na ng hapon noon. 40 Isa sa dalawang nakarinig sa sinabi ni Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41 Una niyang hinanap ang kapatid niyang si Simon at sinabi niya sa kanya, “Natagpuan na namin ang Mesiyas” (na ang katumbas ay Cristo). 42 Siya'y dinala niya kay Jesus. Tumingin si Jesus sa kanya at sinabi, “Ikaw si Simon na anak ni Juan. Ang itatawag na sa iyo ay Cefas[a] ”(na ang katumbas ay Pedro).
Si Felipe at Nathanael
43 Kinabukasan, nagpasya si Jesus na magpunta sa Galilea. Doon ay natagpuan niya si Felipe at sinabi rito, “Sumunod ka sa akin.” 44 Si Felipe ay taga-Bethsaida, lungsod nina Andres at Pedro. 45 Natagpuan ni Felipe si Nathanael at sinabi sa rito, “Natagpuan na namin siya na tinutukoy ni Moises sa Kautusan, na siya ring isinulat ng mga propeta, si Jesus na taga-Nazareth, ang anak ni Jose.” 46 Sinabi ni Nathanael sa kanya, “May mabuting bagay ba na maaring manggaling sa Nazareth?” Sinabi ni Felipe sa kanya, “Halika at tingnan mo.” 47 Nakita ni Jesus si Nathanael na lumalapit kung kaya't siya'y nagsalita ng tungkol sa kanya, “Narito ang isang tunay na Israelita na sa kanya'y walang pandaraya.” 48 Sinabi ni Nathanael sa kanya, “Paano po ninyo ako nakilala?” Sinagot siya ni Jesus, “Bago ka tawagin ni Felipe, nakita kita habang nasa ilalim ng puno ng igos.” 49 Sinagot siya ni Nathanael at sinabi, “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos! Ikaw ang hari ng Israel!” 50 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Naniniwala ka ba dahil sinabi ko sa'yo na nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Mga dakilang bagay na higit pa sa mga ito ang makikita mo.” 51 (A)At sinabi pa niya sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas ang langit at ang mga anghel ng Diyos na umaakyat at bumababa sa Anak ng Tao.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.