Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mateo 20:17-34

Ikatlong Pagsasabi ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)

17 Habang umaakyat si Jesus patungo sa Jerusalem, ibinukod niya ang labindalawang alagad, at sa daan ay sinabi niya sa kanila, 18 “Tandaan ninyo, umaahon tayo patungong Jerusalem at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. At siya'y hahatulan nila ng kamatayan. 19 At siya'y ipauubaya nila sa mga Hentil upang hamakin, hagupitin, at ipako sa krus. Ngunit sa ikatlong araw, siya'y muling bubuhayin.”

Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(B)

20 Pagkatapos nito, lumapit kay Jesus ang ina ng mga anak na lalaki ni Zebedeo, kasama ang kanyang mga anak. Lumuhod siya sa harapan ni Jesus at may hiniling sa kanya. 21 Tanong ni Jesus sa kanya, “Ano ang nais mo?” Sagot ng babae, “Sabihin po ninyong itong dalawa kong anak na lalaki ay uupo sa inyong kaharian, ang isa sa inyong kanan, at ang isa naman ay sa kaliwa.” 22 Subalit sumagot si Jesus at sinabi, “Hindi ninyo nauunawaan ang inyong hinihiling. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na malapit ko nang inuman?” Sagot nila, “Kaya po namin.” 23 Sinabi niya sa kanila, “Iinuman nga ninyo ang aking kopa, ngunit ang pag-upo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magbibigay. Ito ay para sa kanila na pinaglaanan ng aking Ama.” 24 Nang ito'y marinig ng sampu pang alagad, nagalit sila sa magkapatid. 25 Subalit (C) tinawag sila ni Jesus at sa kanila'y sinabi, “Alam ninyong ang mga pinuno ng mga Hentil ay naghahangad na sila'y paglingkuran bilang mga panginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga taong nasa katungkulan ay nagsasamantala sa kanila gamit ang kapangyarihan. 26 Hindi (D) ganyan ang dapat mangyari sa inyo. Kundi ang sinuman sa inyo na naghahangad na maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 27 At sinuman sa inyo na naghahangad na maging pangunahin ay dapat maging alipin ninyo, 28 kung paanong ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ialay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”

Pinagaling ang Dalawang Bulag(E)

29 Habang sila'y lumalabas sa Jerico ay sumunod sa kanya ang napakaraming tao. 30 May dalawang lalaking bulag na nakaupo sa tabing-daan. Nang marinig nilang nagdaraan si Jesus, sila'y nagsisigaw, “Maawa po kayo sa amin, Panginoon Anak ni David!” 31 Ngunit pinagsabihan sila ng mga tao upang sila'y tumahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw sa pagsasabi, “Mahabag po kayo sa amin, Panginoon, Anak ni David!” 32 Tumigil si Jesus, at sila'y tinawag, at sinabi, “Ano'ng nais ninyong gawin ko sa inyo?” 33 Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, buksan po ninyo ang aming mga mata.” 34 Nahabag sa kanila si Jesus at hinipo ang kanilang mga mata. Kaagad silang nakakitang muli, at pagkatapos, sumunod sila sa kanya.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.