Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mateo 12:24-50

24 Subalit (A) nang ito'y marinig ng mga Fariseo, sinabi nila, “Nakapagpapalayas lamang ng mga demonyo ang taong ito sa pamamagitan ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” 25 Palibhasa'y alam niya ang mga iniisip nila, kanyang sinabi sa kanila, “Bawat kahariang lumalaban sa kanyang sarili ay babagsak; at walang bayan o sambahayang nagkakahati-hati ang magtatagal. 26 Kung pinapalayas ni Satanas si Satanas, hindi ba't nilalabanan niya ang kanyang sarili? Kung gayo'y paano tatayo ang kanyang kaharian? 27 At kung nakapagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, kanino namang kapangyarihan napapalayas sila ng inyong mga tagasunod? Kaya't sila na mismo ang hahatol sa inyo. 28 Ngunit kung sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, kung gayon, dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos. 29 O paano ba mapapasok at mapagnanakawan ng sinuman ang bahay ng isang malakas na tao, kung hindi muna niya ito gagapusin? Kung magkagayon, saka pa lamang niya malolooban ang bahay nito. 30 Ang (B) wala sa panig ko ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay pinagmumulan ng pagkakawatak-watak. 31 Kaya't sinasabi ko sa inyo, patatawarin ang mga tao sa bawat kasalanan at panlalait, subalit ang panlalait sa Espiritu ay hindi patatawarin. 32 At (C) ang sinumang magsalita ng anuman laban sa Anak ng Tao ay patatawarin; ngunit ang sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu ay hindi patatawarin, sa panahon mang ito o sa darating.

Sa Bunga Nakikilala(D)

33 “Alinman sa (E) gawin ninyong mabuti ang puno at mabuti ang bunga nito o gawin ninyong masama ang puno at masama rin ang bunga nito. Sapagkat nakikilala ang puno sa pamamagitan ng bunga nito. 34 Kayong (F) lahi ng mga ulupong! Sadyang hindi kayo makapagsasalita ng mabubuting bagay sapagkat kayo'y masasama! Sapagkat kung ano ang nilalaman ng dibdib, iyon ang mamumutawi sa bibig. 35 Ang mabuting tao mula sa kanyang mabuting kayamanan ay naglalabas ng mabubuting bagay, at ang masamang tao mula sa kanyang masamang kayamanan ay naglalabas ng masasamang bagay. 36 Sinasabi ko sa inyo, pananagutan ng mga tao sa araw ng paghuhukom ang bawat salitang walang habas na binigkas. 37 Sapagkat batay sa iyong mga salita, ikaw ay mapapawalang-sala o mahahatulan.”

Ang Tanda ni Jonas(G)

38 Pagkatapos, (H) may mga guro ng Kautusan at mga Fariseo na sumagot sa kanya, “Guro, nais naming makakita mula sa iyo ng isang himala bilang tanda.” 39 Sumagot (I) siya sa kanila, “Ang isang masama at taksil na lahi ay humahanap ng mahimalang tanda; subalit walang mahimalang tanda na ibibigay sa kanya, maliban sa mahimalang tanda ng propetang si Jonas. 40 Sapagkat (J) kung paanong tatlong araw at tatlong gabi si Jonas sa loob ng tiyan ng isang dambuhalang isda, gayundin ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabing mapapasailalim ng lupa. 41 Tatayo ang (K) mga taga-Nineve sa paghuhukom laban sa lahing ito at hahatulan ito, sapagkat nagsisi sila nang mangaral si Jonas. At ngayon, narito ang isang mas dakila kaysa kay Jonas. 42 Ang (L) Reyna ng Timog ay tatayo sa paghuhukom laban sa lahing ito, at hahatulan ito, sapagkat nanggaling pa siya sa kadulu-duluhan ng daigdig upang makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang isang mas dakila kaysa kay Solomon.

Ang Pagbabalik ng Maruming Espiritu(M)

43 “Kapag nakalabas mula sa isang tao ang karumal-dumal na espiritu, lumilibot ito sa mga tuyong lugar at naghahanap ng mapagpapahingahan, subalit wala siyang matagpuan. 44 Kaya't sinasabi niya, ‘Babalik ako sa pinanggalingan kong bahay.’ Pagdating niya roon at matagpuan iyong walang laman, nalinisan at naiayos na, 45 umaalis siya, at nagdadala pa ng pitong espiritu na mas masasama kaysa kanya, at sila'y pumapasok at naninirahan doon. Ang huling kalagayan ng taong iyon ay masahol pa kaysa una. Gayundin ang sasapitin ng masamang lahing ito.”

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(N)

46 Habang nagsasalita pa si Jesus[a] sa napakaraming tao, nakatayo sa labas ang kanyang ina at mga kapatid, hinihiling nilang siya'y makausap. 47 May nagsabi sa kanya, “Nakatayo po sa labas ang inyong ina at mga kapatid at ibig kayong makausap.”[b] 48 Sumagot si Jesus sa kanya, “Sino ba ang aking ina at sino ang aking mga kapatid?” 49 Itinuro ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi niya, “Narito ang aking ina at aking mga kapatid. 50 Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng aking Ama sa langit, siya ang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.