New Testament in a Year
21 Magkakanulo ang kapatid sa kapatid upang ito'y ipapatay, pati ang ama sa kanyang anak, at maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, at kanilang ipapapatay ang mga ito. 22 Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Subalit ang makatagal hanggang sa wakas ay maliligtas. 23 Kapag ginigipit nila kayo sa isang bayan, tumakas kayo papunta sa kasunod, sapagkat tinitiyak ko sa inyo, hindi pa ninyo nararating ang lahat ng mga bayan sa Israel ay darating na ang Anak ng Tao.
24 “Ang mag-aaral ay hindi mas mataas kaysa kanyang guro, o ang alipin kaysa kanyang panginoon. 25 Sapat na para sa mag-aaral ang maging katulad ng kanyang guro at sa alipin ang maging katulad ng kanyang panginoon. Kung ang pinuno ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, higit nilang aalipustain ang kanyang mga kasambahay!
Ang Dapat Katakutan(A)
26 “Kaya't huwag kayong matakot sa kanila, sapagkat walang natatakpan na hindi malalantad, o kaya'y nakatago na hindi mabubunyag. 27 Kung may sinabi ako sa inyo sa dilim, sabihin ninyo sa liwanag. Kung may narinig kayong ibinulong, ipagsigawan ninyo sa ibabaw ng mga bahay. 28 At huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan, subalit walang kakayahang pumatay ng kaluluwa. Sa halip ay matakot kayo sa kanya na may kapangyarihang pumuksa ng kaluluwa at ng katawan sa impiyerno. 29 Hindi ba't nabibili ang dalawang maya sa isang kusing? Ngunit isa man sa kanila ay hindi nahuhulog sa lupa na hindi napapansin ng inyong Ama. 30 Pati nga ang mga buhok sa ulo ninyo ay biláng na lahat. 31 Huwag kayong matakot. Higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.
Pagkilala kay Cristo(B)
32 “Kaya't sinumang kumikilala sa akin sa harapan ng mga tao ay siya ko ring kikilalanin sa harapan ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit sinumang sa akin ay magkaila sa harapan ng mga tao ay siya ring ipagkakaila ko sa harapan ng aking Amang nasa langit.
Hindi Kapayapaan kundi Tabak(C)
34 “Huwag ninyong akalaing dumating ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa. Hindi ako dumating upang magdala ng kapayapaan, kundi ng tabak. 35 Dumating ako upang labanan ng isang lalaki ang kanyang ama, ng anak na babae ang kanyang ina, at ng manugang na babae ang kanyang biyenang babae. 36 Ang magiging kaaway ng tao ay mismong ang sarili niyang mga kasambahay. 37 Ang nagmamahal sa ama o sa ina nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin; at ang nagmamahal sa anak na lalaki o babae nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Sinumang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang nagsisikap para sa kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay makatatagpo nito.
Mga Gantimpala(D)
40 “Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta sa pangalan ng propeta ay tatanggap ng gantimpala ng propeta. At ang tumatanggap sa isang taong matuwid sa pangalan ng taong matuwid ay tatanggap ng gantimpala ng taong matuwid. 42 Sinumang magbigay ng isang basong tubig na malamig sa isa sa mga hamak na ito sa pangalan ng isang alagad, tinitiyak ko sa inyong hindi siya mawawalan ng gantimpala.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.