Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mateo 13:31-58

Ang Talinghaga tungkol sa Binhi ng Mustasa(A)

31 Naglahad siya sa kanila ng isa pang talinghaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad nito: Kumuha ang isang tao ng isang butil na binhi ng mustasa, at inihasik sa kanyang bukirin. 32 Pinakamaliit man ito sa lahat ng mga binhi, pagtubo nito ay siya namang pinakamalaki sa mga halaman at nagiging isang puno, kaya't ang mga ibon sa himpapawid ay dumadapo roon at nagpupugad sa kanyang mga sanga.”

Ang Talinghaga tungkol sa Pampaalsa(B)

33 Nagsalaysay siya sa kanila ng isa pang talinghaga: “Ang kaharian ng langit ay katulad ng pampaalsa ng tinapay na kinuha ng isang babae, at inihalo sa tatlong takal ng harina, hanggang sa mapaalsa nito ang buong masa.”

Propesiya tungkol sa mga Talinghaga(C)

34 Ang lahat ng mga ito'y sinabi ni Jesus sa maraming tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. Wala siyang sinabi sa kanila kundi sa pamamagitan ng talinghaga. 35 Ito (D) ay katuparan ng sinabi sa pamamagitan ng propeta,[a]

“Sa pagbigkas ng mga talinghaga, bibig ko'y aking bubuksan,
    sasabihin ko ang mga nakatagong bagay mula pa nang itatag ang sanlibutan.”

Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa mga Damo

36 Pagkatapos ay iniwan ni Jesus ang napakaraming tao at pumasok sa bahay. Nilapitan siya ng kanyang mga alagad, at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag po ninyo sa amin ang talinghaga tungkol sa mga damo sa bukirin.” 37 Sumagot siya, “Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng Tao. 38 Ang bukirin ay ang sanlibutan. Ang mabuting binhi naman ay tumutukoy sa mga anak ng kaharian, subalit ang mga damo ay ang mga anak ng Masama. 39 Ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diyablo. Ang anihan ay ang katapusan ng panahon; at ang mga manggagapas ay ang mga anghel. 40 Kaya't kung paanong binubunot ang mga damo upang sunugin sa apoy, gayundin ang mangyayari sa katapusan ng panahon. 41 Isusugo ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at titipunin nila sa labas ng kanyang kaharian ang lahat ng mga sanhi ng pagkakasala at ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan; 42 at ihahagis nila ang mga ito sa nagliliyab na pugon. Doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin. 43 Pagkatapos nito, ang mga matuwid ay magliliwanag katulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang mga may pandinig ay makinig!

Ang Kayamanang Nakabaon

44 “Ang kaharian ng langit ay katulad nito: May kayamanang nakabaon sa isang bukid. Natuklasan ito ng isang tao at muli niya itong tinabunan. Sa kanyang tuwa ay humayo siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang bukid na iyon.

Ang Mamahaling Perlas

45 “Muli, ang kaharian ng langit ay katulad nito: May isang mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas. 46 Nang matagpuan niya ang isang mamahaling perlas ay umalis siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas.

Ang Lambat

47 “At muli, ang kaharian ng langit ay katulad ng isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuhuli ng lahat ng uri ng isda. 48 Kapag puno na ito, hinihila ito ng mga tao sa dalampasigan. Nauupo sila upang piliin ang mabubuting isda at ilagay sa mga sisidlan, ngunit itinatapon ang mga hindi mapakikinabangan. 49 Ganoon ang mangyayari sa katapusan ng panahon. Magdadatingan ang mga anghel at ibubukod nila ang masasama sa matutuwid 50 at itatapon sila sa nagliliyab na pugon. Doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.

Kayamanang Bago at Luma

51 “Naunawaan ba ninyo ang lahat ng mga ito?” Sumagot ang mga alagad, “Opo.” 52 At sinabi niya sa kanila, “Kaya't ang bawat tagapagturo ng Kautusan na sinanay para sa kaharian ng langit ay katulad ng isang pinuno ng sambahayan na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kanyang imbakan ng kayamanan.”

Itinakwil si Jesus sa Nazareth(E)

53 Pagkatapos isalaysay ni Jesus ang mga talinghagang ito, nilisan niya ang lugar na iyon. 54 Pagdating niya sa sarili niyang bayan, nagturo siya sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha sila sa kanya, at nagsabi, “Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan? Paano niya nagagawa ang himalang ito? 55 Hindi ba't ito ang anak ng karpintero? Di ba't Maria ang pangalan ng kanyang ina? Di ba't mga kapatid niya sina Santiago, Jose, Simon, at Judas? 56 Hindi ba't narito sa bayan natin ang lahat ng kanyang mga kapatid na babae? Saan nakuha ng taong ito ang lahat ng mga bagay na ito?” 57 At (F) natisod sila sa kanya. Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta ay kinikilala kahit saan, liban sa kanyang sariling bayan at sariling sambahayan.” 58 Kaya't hindi siya gumawa roon ng maraming himala dahil sa hindi nila pagsampalataya.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.