Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Lucas 6:1-26

Katanungan tungkol sa Araw ng Pamamahinga(A)

Isang(B) Araw ng Pamamahinga,[a] nagdaraan sina Jesus sa isang triguhan. Ang kanyang mga alagad ay pumitas ng mga trigo, kinuskos sa kanilang mga kamay at kanila itong kinain. “Bakit kayo gumagawa ng ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga?” tanong ng ilang Pariseo.

Sinagot(C) sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang minsang magutom sila ng kanyang mga kasama? Di(D) ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog, na bawal kainin ninuman maliban sa mga pari lamang? Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama.” At sinabi pa ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”

Ang Taong Paralisado ang Kamay(E)

Noong isa pang Araw ng Pamamahinga,[b] pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaking paralisado ang kanang kamay. Sa hangad ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na magkaroon ng maipaparatang kay Jesus, binantayan nila si Jesus upang tingnan kung siya'y magpapagaling ng maysakit sa Araw ng Pamamahinga. Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika, tumayo ka rito.” Lumapit ang lalaki at tumayo nga roon. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Tatanungin ko kayo. Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” 10 Tiningnan niyang isa-isa ang mga taong nakapaligid at pagkatapos ay sinabi sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling.

11 Nagngitngit naman sa galit ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, at pinag-usapan nila kung ano ang maaari nilang gawin kay Jesus.

Pinili ang Labindalawa(F)

12 Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa isang bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos. 13 Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad. Mula sa kanila ay pumili siya ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol. 14 Sila ay sina Simon, na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito, sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, 15 Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, 16 si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil.

Nagturo at Nagpagaling si Jesus(G)

17 Pagbaba ni Jesus kasama ang mga apostol, nadatnan nila sa isang patag na lugar ang marami sa kanyang mga alagad, kasama ang napakaraming taong buhat sa Judea, Jerusalem, at mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. 18 Pumaroon sila upang makinig, at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling nga sila ni Jesus, pati na rin ang mga pinapahirapan ng masasamang espiritu. 19 Sinisikap ng lahat ng maysakit na makahawak man lamang sa kanya, sapagkat may kapangyarihang nanggagaling sa kanya na nagpapagaling sa lahat.

Ang Pinagpala at ang Kahabag-habag(H)

20 Tumingin si Jesus sa mga alagad, at sinabi,

“Pinagpala kayong mga dukha,
    sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos!
21 “Pinagpala kayong mga nagugutom ngayon,
    sapagkat kayo'y bubusugin.
“Pinagpala kayong mga tumatangis ngayon,
    sapagkat kayo'y magsisitawa!

22 “Pinagpala(I) kayo kung dahil sa inyong pagsunod sa Anak ng Tao ay kinapopootan kayo, ipinagtatabuyan at nilalait ng mga tao, at pinaparatangang kayo ay masama. 23 Magalak(J) kayo at lumukso sa tuwa kung gayon ang mangyari sa inyo, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.

24 “Ngunit kahabag-habag kayong mga mayayaman ngayon,
    sapagkat natamasa na ninyo ang kaginhawahan.
25 “Kahabag-habag kayong mga busog ngayon,
    sapagkat kayo'y magugutom!
“Kahabag-habag kayong mga tumatawa ngayon,
    sapagkat kayo'y magdadalamhati at magsisitangis!

26 “Kahabag-habag kayo, kung kayo'y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga huwad na propeta.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.