New Testament in a Year
54 Si Pedro'y sumunod kay Jesus, ngunit malayo ang agwat niya sa kanya. Nagtuloy siya hanggang sa patyo ng pinakapunong pari at naupo upang magpainit sa tabi ng apoy. Katabi niya roon ang mga bantay. 55 Ang mga punong pari at ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio ay naghanap ng maipaparatang kay Jesus upang siya'y maipapatay, ngunit wala silang makita. 56 Maraming saksi ang nagsabi ng kasinungalingan laban sa kanya, ngunit hindi nagkatugma-tugma ang kanilang mga patotoo.
57 May ilang sumaksi ng kasinungalingan laban sa kanya na nagsasabi, 58 “Narinig(A) naming sinabi ng taong iyan, ‘Gigibain ko ang Templong ito na gawa ng tao at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na di gawa ng tao.’” 59 Ngunit hindi rin nagkatugma-tugma ang kanilang mga patotoo tungkol dito.
60 Tumayo ang pinakapunong pari sa harap ng kapulungan at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang nila sa iyo?” 61 Ngunit hindi umimik si Jesus at hindi sumagot ng anuman. Muli siyang tinanong ng pinakapunong pari, “Ikaw nga ba ang Cristo, ang Anak ng Kapuri-puri?”
62 Sumagot(B) si Jesus, “Ako nga. Makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan at dumarating na nasa mga ulap ng kalangitan.”
63 Pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang kasuotan at sinabi, “Kailangan pa ba natin ng mga saksi? 64 Narinig(C) ninyo ang kanyang paglapastangan sa Diyos! Ano ang inyong pasya?”
At nagkaisa silang lahat na hatulan siya ng kamatayan.
65 At siya'y sinimulan nilang pahirapan; dinuraan siya ng ilan, piniringan at pinagsusuntok. “Hulaan mo nga, sino ang sumuntok sa iyo?” sabi nila. At siya'y binugbog ng mga bantay.
Ang Pagkakaila ni Pedro kay Jesus(D)
66 Samantala, si Pedro naman ay nasa patyo sa ibaba nang lumapit ang isang babaing katulong ng pinakapunong pari. 67 Nakita nito si Pedro na nagpapainit sa apoy, pinagmasdang mabuti at pagkatapos ay sinabi, “Kasama ka rin ni Jesus na taga-Nazaret!”
68 Ngunit nagkaila si Pedro, “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo.” Umalis siya at nagpunta sa labasan [at tumilaok ang manok].[a]
69 Nakita na naman siya ng babaing katulong at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito'y isa sa kanila!” 70 At muling nagkaila si Pedro.
Makalipas ang ilang sandali, sinabi kay Pedro ng mga nakatayo roon, “Talagang isa ka nga sa kanila. Taga-Galilea ka rin, hindi ba?”
71 “Parusahan nawa ako ng Diyos kung nagsisinungaling ako! Hindi ko kilala ang taong iyan,” sagot ni Pedro.
72 Siya namang pagtilaok muli ng manok. Naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok nang dalawang beses, tatlong beses mo akong ikakaila.” Nanlumo siya at nanangis.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.