New Testament in a Year
Sa Harapan ni Pilato(A)
15 Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong pari, mga pinuno ng bayan, mga tagapagturo ng Kautusan, at iba pang bumubuo ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. Ipinagapos nila si Jesus, at dinala kay Pilato.
2 “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ni Pilato.
“Ikaw na ang may sabi,” tugon naman ni Jesus.
3 Nagharap ng maraming paratang ang mga punong pari laban kay Jesus 4 kaya't siya'y muling tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Narinig mo ang marami nilang paratang laban sa iyo.”
5 Ngunit hindi pa rin sumagot si Jesus, kaya't nagtaka si Pilato.
Hinatulang Mamatay si Jesus(B)
6 Tuwing Pista ng Paskwa ay nagpapalaya si Pilato ng isang bilanggo, sinumang hilingin sa kanya ng mga taong-bayan. 7 May isang bilanggo noon na ang pangalan ay Barabbas. Kasama siya sa mga nagrebelde, at nakapatay siya noong panahon ng pag-aalsa. 8 Nang lumapit ang mga tao kay Pilato upang hilingin sa kanya na gawin niya ang dati niyang ginagawa, 9 tinanong sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 10 Sinabi niya ito sapagkat batid ni Pilato na inggit lamang ang nag-udyok sa mga punong pari upang isakdal si Jesus.
11 Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang mga tao na si Barabbas ang hilinging palayain. 12 Kaya't muli silang tinanong ni Pilato, “Ano naman ang gagawin ko sa taong ito na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?”
13 “Ipako siya sa krus!” sigaw ng mga tao.
14 “Bakit, ano ba ang kasalanan niya?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!”
15 Sa paghahangad ni Pilato na mapagbigyan ang mga tao, pinalaya niya si Barabbas at si Jesus naman ay kanyang ipinahagupit, at pagkatapos ay ibinigay sa kanila upang ipako sa krus.
Hinamak ng mga Kawal si Jesus(C)
16 Dinala ng mga kawal si Jesus sa bakuran ng palasyo ng gobernador, at kanilang tinipon doon ang buong batalyon. 17 Sinuotan nila si Jesus ng balabal na kulay ube. Kumuha sila ng halamang matinik, ginawa iyong korona at ipinutong sa kanya. 18 Pagkatapos, sila'y pakutyang nagpugay at bumati sa kanya, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 19 Siya'y pinaghahampas sa ulo, pinagduduraan at pakutyang niluhud-luhuran. 20 Matapos kutyain, hinubad nila sa kanya ang balabal na kulay ube, sinuotan ng sarili niyang damit, at inilabas upang ipako sa krus.
Ipinako sa Krus si Jesus(D)
21 Nasalubong(E) nila sa daan ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene na ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 22 Kanilang dinala si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang ibig sabihi'y “Pook ng Bungo.” 23 Siya'y binibigyan nila ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ito ininom. 24 Ipinako(F) siya sa krus at saka pinaghati-hatian ang kanyang damit sa pamamagitan ng palabunutan. 25 Ikasiyam ng umaga nang ipako siya sa krus.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.