New Testament in a Year
Ang Pag-ibig sa Kaaway(A)
27 “Subalit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig sa akin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo. 28 Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo. 29 Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inagaw ang iyong balabal, huwag mong ipagkait ang iyong damit. 30 Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. 31 Gawin(B) ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo.
32 “Kung ang nagmamahal lamang sa inyo ang inyong mamahalin, anong pagpapala ang nararapat sa inyo? Ang mga makasalanan man ay nagmamahal din sa mga nagmamahal sa kanila. 33 Kung ang mga gumagawa lamang ng mabuti sa inyo ang gagawan ninyo ng mabuti, anong pagpapala ang nararapat sa inyo? Kahit ang masasamang tao ay gumagawa rin niyan! 34 At kung ang makakabayad lamang ang inyong pauutangin, anong pagpapala ang nararapat sa inyo? Kahit ang masasamang tao ay nagpapautang din sa kapwa nila masama, sa pag-asang sila'y mababayaran. 35 Sa(C) halip, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti sa kanila. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayon, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasang Diyos. Sapagkat siya'y mabuti kahit sa masasama at sa mga hindi marunong magpasalamat. 36 Maging mahabagin kayo tulad ng inyong Ama na mahabagin.”
Ang Paghatol sa Kapwa(D)
37 “Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan. Magpatawad kayo at kayo'y patatawarin. 38 Magbigay kayo at kayo'y bibigyan din; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo.”
39 Tinanong(E) sila ni Jesus nang patalinghaga, “Maaari kayang mag-akay ang isang bulag ng kapwa niya bulag? Pareho silang mahuhulog sa hukay kapag ginawa nila ang ganoon! 40 Walang(F) alagad na nakakahigit sa kanyang guro, ngunit matapos maturuang lubos, ang alagad ay makakatulad ng kanyang guro.
41 “Bakit mo pinapansin ang puwing ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang troso sa iyong mata? 42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid, hayaan mong alisin ko ang iyong puwing,’ gayong hindi mo nakikita ang trosong nasa iyong mata? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa iyong mata, nang makakita kang mabuti; sa gayon, maaalis mo na ang puwing ng iyong kapatid.”
Sa Bunga Makikilala ang Puno(G)
43 “Walang mabuting punongkahoy na namumunga ng masama, at wala ring masamang puno na namumunga ng mabuti. 44 Nakikilala(H) ang bawat puno sa pamamagitan ng kanyang bunga. Sapagkat hindi nakakapitas ng igos sa matitinik na halaman o ng ubas sa mga dawag. 45 Ang(I) mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa kanyang pusong sagana sa kabutihan, samantalang ang masamang tao naman ay naglalabas ng masama mula sa kanyang pusong puno ng kasamaan. Sapagkat kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng labi.”
Ang Dalawang Uri ng Taong Nagtayo ng Bahay(J)
46 “Bakit ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ gayong hindi naman ninyo tinutupad ang sinasabi ko? 47 Sasabihin ko sa inyo kung ano ang katulad ng taong lumalapit sa akin, nakikinig sa aking mga salita, at nagsasagawa ng mga ito. 48 Siya ay katulad ng isang taong humukay nang malalim at nagtayo ng bahay sa pundasyong bato. Nang bumaha at bumugso ang tubig, hindi natinag ang bahay na itinayo, sapagkat matibay ang pagkakatayo nito. 49 Ngunit ang nakikinig naman ng aking mga salita at hindi tumutupad nito ay katulad ng isang taong nagtayo ng bahay nang walang pundasyon. Nang bumaha at bumugso ang tubig sa bahay na iyon, kaagad itong bumagsak at lubusang nawasak.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.