New Testament in a Year
Isinugo ang Labindalawa(A)
9 Tinipon ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng kapangyarihan at karapatang magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga may sakit. 2 Isinugo sila ni Jesus upang mangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at upang magpagaling ng mga maysakit. 3 Sila'y(B) pinagbilinan niya, “Huwag kayong magbabaon ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit tungkod, balutan, tinapay, salapi, o bihisan man. 4 Makituloy kayo sa sinumang tumanggap sa inyo, at manatili kayo sa bahay nito hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. 5 Kung(C) hindi naman kayo tanggapin ng mga tao sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila.”
6 Kaya't humayo ang mga alagad at pumunta sa mga nayon. Ipinangaral nila ang Magandang Balita at pinagaling ang mga maysakit sa lahat ng dako.
Ang Pagkabalisa ni Herodes(D)
7 Nabalitaan(E) ni Herodes na pinuno ng Galilea ang lahat ng mga nangyayari. Nabagabag siya sapagkat may nagsasabing muling nabuhay si Juan na Tagapagbautismo. 8 Sinasabi naman ng iba, “Nagpakita si Elias.” May nagsasabi pang, “Ang isa sa mga propeta noong unang panahon ay muling nabuhay.” 9 Ngunit sinabi ni Herodes, “Pinapugutan ko na si Juan. Sino kaya ang lalaking ito? Marami na akong nababalitaan tungkol sa kanya.” Kaya sinikap niyang makita si Jesus.
Ang Pagpapakain sa Limanlibo(F)
10 Pagbalik ng mga apostol, isinalaysay nila kay Jesus ang lahat ng kanilang ginawa. Pagkatapos, umalis si Jesus kasama ang mga alagad papunta sa bayan ng Bethsaida. 11 Sinundan siya ng mga tao nang malaman ito, at malugod naman silang tinanggap ni Jesus. Nagsalita siya sa mga tao tungkol sa kaharian ng Diyos at pinagaling niya ang mga may karamdaman.
12 Nang malapit nang lumubog ang araw, nilapitan siya ng Labindalawa at sinabi nila, “Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makahanap sila ng makakain at matutuluyan sa mga nayon sa paligid. Nasa liblib na lugar po tayo.”
13 Ngunit sinabi niya, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.”
Sumagot naman ang mga alagad, “Wala po tayong pagkain kundi limang tinapay at dalawang isda. Bibili po ba kami ng pagkain para sa lahat ng taong ito?” 14 Halos limanlibo ang mga lalaking naroon.
Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo ang mga tao nang lima-limampu.”
15 Pinaupo nga nila ang lahat. 16 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingin sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at isda at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 17 Silang lahat ay nakakain at nabusog. Nang ipunin ng mga alagad ang lumabis na pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.