Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Lucas 12:32-59

Ang Kayamanang Hindi Mawawala(A)

32 “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. 33 Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan! Gumawa kayo ng mga sisidlang hindi naluluma at mag-ipon kayo sa langit ng kayamanang hindi nauubos. Doo'y walang magnanakaw na pumapasok at insektong sumisira. 34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.”

Mga Aliping Laging Handa

35 “Maging(B) handa kayong lagi at panatilihing maliwanag ang inyong mga ilawan. 36 Tumulad(C) kayo sa mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon buhat sa kasalan, upang kung ito'y dumating at kumatok ay mabuksan nila agad ang pinto. 37 Pinagpala ang mga aliping aabutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya at pauupuin sila, ipaghahanda sila ng pagkain at pagsisilbihan. 38 Pinagpala sila kung maratnan silang handa pagdating ng Panginoon, maging sa hatinggabi o sa madaling-araw man. 39 Sinasabi(D) ko sa inyo, kung alam lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang makapasok ito. 40 Kayo man ay dapat na humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

Ang Tapat at Di Tapat na Alipin(E)

41 Nagtanong si Pedro, “Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?”

42 Sumagot ang Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala? Sino ang katiwalang pamamahalain ng kanyang panginoon sa kanyang sambahayan upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa takdang oras? 43 Pinagpala ang aliping madaratnang gumaganap ng tungkulin pag-uwi ng kanyang panginoon. 44 Sinasabi ko sa inyo, pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. 45 Ngunit kung sasabihin ng aliping iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pag-uwi ng aking panginoon,’ bubugbugin niya ang mga kapwa niya aliping lalaki at babae, at siya'y kakain, iinom at maglalasing, 46 darating ang kanyang panginoon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong lupit siyang paparusahan[a] ng kanyang panginoon, at isasama sa mga suwail.

47 “Ang aliping nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit nagpapabaya, o ayaw tumupad sa ipinapagawa nito ay paparusahan nang mabigat. 48 Ngunit ang aliping hindi nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, magkulang man siya sa kanyang tungkulin, ay paparusahan lamang nang magaan. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami.”

Pagkabaha-bahagi ng Sambahayan(F)

49 “Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa at sana'y nagliliyab na ito! 50 May(G) isang bautismo na dapat kong danasin, at ako'y nababagabag hangga't hindi ito nagaganap. 51 Akala ba ninyo'y naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi kapayapaan ang dala ko kundi pagkabaha-bahagi. 52 Mula ngayon, ang lima sa isang sambahayan ay mahahati, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo.

53 Ang(H) ama laban sa anak na lalaki,
    at ang anak na lalaki laban sa ama;
ang ina laban sa anak na babae,
    at ang anak na babae laban sa ina;
ang biyenang babae laban sa manugang na babae,
    at ang manugang na babae laban sa biyenang babae.”

Pagkilala sa mga Palatandaan(I)

54 Sinabi rin ni Jesus sa mga tao, “Kapag nakita ninyong kumakapal ang ulap sa kanluran, sinasabi ninyo agad na uulan, at ganoon nga ang nangyayari. 55 At kung umiihip ang hangin mula sa katimugan ay sinasabi ninyong iinit, at nagkakaganoon nga. 56 Mga mapagkunwari! Marunong kayong umunawa ng palatandaan sa lupa at sa langit, bakit hindi ninyo nauunawaan ang mga tanda ng kasalukuyang panahon?”

Makipagkasundo sa Kaaway(J)

57 “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan kung ano ang tamang gawin? 58 Kapag ikaw ay isinakdal, sikapin mong makipagkasundo ka sa nagsakdal sa iyo bago dumating sa hukuman; baka kaladkarin ka niya sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa tanod, at ibilanggo ka naman nito. 59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.