Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Lucas 1:21-38

21 Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya nang ganoon sa loob ng Templo. 22 Paglabas niya, hindi na siya makapagsalita, kaya't mga senyas na lamang ang ginagamit niya. Napag-isip-isip ng mga tao na baka nakakita siya ng pangitain sa loob ng Templo. Si Zacarias ay nanatiling pipi.

23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod ay umuwi na siya. 24 Hindi nga nagtagal at naglihi si Elizabeth. Hindi ito lumabas ng bahay sa loob ng limang buwan. 25 Sinabi ni Elizabeth, “Ngayo'y kinahabagan ako ng Panginoon. Ginawa niya ito upang alisin ang aking kahihiyan sa harap ng mga tao!”

Ipinahayag ang Pagsilang ni Jesus

26 Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elizabeth, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang bayan sa Galilea, upang kausapin ang 27 isang(A) dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni David. 28 Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!”

29 Naguluhan si Maria sa sinabi ng anghel at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pagbati. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31 Makinig(B) ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. 32 Siya'y(C) magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay walang katapusan.”

34 “Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?” tanong ni Maria.

35 Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Hindi ba't ang kamag-anak mong si Elizabeth ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, 37 sapagkat(D) walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos.”

38 Sumagot si Maria, “Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Pagkatapos, umalis na ang anghel.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.