Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Juan 11:30-57

30 (Hindi pa nga dumarating si Jesus sa nayon, kundi naroroon pa sa dakong kinasalubungan sa kaniya ni Marta.)

31 Ang mga Judio nga na kaniyang mga kasama sa bahay, at nangagsisialiw sa kaniya, pagkakita nilang si Maria, na siya'y nagtindig na madali at lumabas, ay nagsisunod sa kaniya, na inaakalang paroroon siya sa libingan upang doo'y tumangis.

32 Si Maria nga, pagdating niya sa kinaroroonan ni Jesus, at pagkakita sa kaniya, ay nagpatirapa sa kaniyang paanan, na sinabi sa kaniya, Panginoon, kung ikaw sana'y narito, disin ay hindi namatay ang aking kapatid.

33 Nang makita nga ni Jesus na siya'y tumatangis, at gayon din ang mga Judiong nagsisitangis na kasama niyang dumating, ay nalagim siya sa espiritu, at nagulumihanan,

34 At sinabi, Saan ninyo siya inilagay? Sinabi nila sa kaniya, Panginoon, halika at tingnan mo.

35 Tumangis si Jesus.

36 Sinabi nga ng mga Judio, Tingnan ninyo kung gaano ang pagibig niya sa kaniya!

37 Datapuwa't ang ilan sa kanila'y nagsipagsabi, Hindi baga magagawa ng taong ito, na (A)nagpadilat ng mga mata ng bulag, na ang taong ito naman ay huwag mamatay?

38 Si Jesus nga sa muling pagkalagim sa kaniyang sarili ay naparoon sa libingan. Yaon nga'y isang yungib, at (B)mayroong isang batong nakatakip sa ibabaw noon.

39 Sinabi ni Jesus, Alisin ninyo ang bato. Si Marta, na kapatid niyaong namatay, ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, sa ngayon ay nabubulok na ang bangkay sapagka't may apat na araw nang siya'y namamatay.

40 Sinabi sa kaniya ni Jesus, (C)Di baga sinabi ko sa iyo, na, kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo (D)ang kaluwalhatian ng Dios?

41 Kaya't inalis nila ang bato. At itiningin ni Jesus sa itaas ang kaniyang mga mata, at sinabi, Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, na ako'y iyong dininig.

42 At nalalaman ko na ako'y lagi mong (E)dinirinig: nguni't ito'y sinabi ko dahil sa karamihang nasa palibot, upang sila'y magsisampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin.

43 At nang masabi niya ang gayon, ay sumigaw siya ng malakas na tinig, Lazaro, lumabas ka.

44 Siya na patay ay lumabas, (F)na natatalian ang mga kamay at mga paa ng mga kayong panglibing; at ang kaniyang mukha ay nababalot ng isang panyo. Sinabi sa kanila ni Jesus, Siya'y inyong kalagan, at bayaan ninyo siyang yumaon.

45 Marami nga sa mga Judio ang nagsiparoon kay Maria (G)at nangakakita ng ginawa niya, ay nagsisampalataya sa kaniya.

46 Datapuwa't ang ilan sa kanila ay nagsiparoon sa (H)mga Fariseo, at sinaysay sa kanila ang mga bagay na ginawa ni Jesus.

47 Ang mga pangulong saserdote nga (I)at ang mga Fariseo ay nangagpulong, at nagsipagsabi, Ano ang ginagawa natin? sapagka't ang taong ito'y gumagawa ng maraming tanda.

48 Kung siya'y ating pabayaang gayon, ang lahat ng mga tao ay magsisisampalataya sa kaniya: at magsisiparito ang mga Romano at pagkukunin ang ating kinaroroonan at gayon din naman ang ating bansa.

49 Nguni't ang isa sa kanila na (J)si Caifas, na dakilang saserdote nang taong (K)yaon, ay nagsabi sa kanila, Kayo'y walang nalalamang anoman.

50 Ni inyong niwawari na sa inyo'y nararapat na ang isang tao ay mamatay dahil sa bayan, at hindi ang buong bansa ay mapahamak.

51 Ito nga'y sinabi niya na hindi sa kaniyang sarili: kundi palibhasa ay dakilang saserdote nang taong yaon, ay hinulaan niya na si Jesus ay dapat mamatay dahil sa bansa;

52 At (L)hindi dahil sa bansa lamang, (M)kundi upang matipon din naman niya sa isa ang mga anak ng Dios na nagsisipangalat.

53 Kaya't mula nang araw na yaon ay pinagsanggunianan nilang ipapatay siya.

54 Si Jesus ay hindi (N)na naglalakad ng hayag sa gitna ng mga Judio, kundi naparoon doon sa lupaing malapit sa ilang, sa isang bayan na tinatawag na Efraim; at siya'y nanahanan doong kasama ng mga alagad.

55 Ang paskua nga ng mga Judio (O)ay malapit na: at maraming nagsiahon sa Jerusalem mula sa lupaing yaon bago magpaskua, (P)upang magsipaglinis.

56 Pinaghahanap nga nila si Jesus, at pinaguusapan ng isa't isa, samantalang nangakatayo sila sa templo, Anong akala ninyo? Na hindi na kaya siya paririto sa pista?

57 Ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo nga ay nangagutos, na, kung ang sinomang tao'y nakakaalam ng kung saan siya naroroon, ay dapat niyang ihayag, upang kanilang madakip siya.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978