Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 35

Ang mga Lunsod para sa mga Levita

35 At(A) nagsalita ang Panginoon kay Moises sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico, na sinasabi,

“Iutos mo sa mga anak ni Israel na kanilang bigyan ang mga Levita mula sa mana na kanilang pag-aari, ng mga lunsod na matitirahan. Ang mga pastulan sa palibot ng mga lunsod na iyon ay ibibigay rin ninyo sa mga Levita.

Magiging kanila ang mga lunsod upang tirahan; at ang kanilang mga pastulan ay para sa kanilang mga kawan, mga pag-aari, at sa lahat nilang mga hayop.

Ang mga pastulan sa mga lunsod na inyong ibibigay sa mga Levita ay isang libong siko sa palibot mula sa pader ng lunsod hanggang sa dakong labas.

Ang inyong susukatin sa labas ng lunsod sa dakong silangan ay dalawang libong siko, at sa dakong timog ay dalawang libong siko, at sa kanluran ay dalawang libong siko, at sa dakong hilaga ay dalawang libong siko, na ang lunsod ay sa gitna. Ito ang magiging kanilang mga pastulan sa mga lunsod.

Ang mga lunsod na inyong ibibigay sa mga Levita ay ang anim na lunsod na kanlungan, na siya ninyong ibibigay na matatakasan ng nakamatay ng tao. Bukod pa dito ay magbibigay kayo ng apatnapu't dalawang lunsod.

Lahat ng mga lunsod na inyong ibibigay sa mga Levita ay apatnapu't walong lunsod; kasama ang kanilang mga pastulan.

Tungkol sa mga lunsod na inyong ibibigay mula sa ari-arian ng mga anak ni Israel ay kukuha kayo ng marami mula sa malalaking lipi at sa maliliit na lipi ay kukuha kayo ng kaunti; bawat isa ayon sa kanyang mana na kanyang minamana ay magbibigay ng kanyang mga lunsod sa mga Levita.”

Mga Lunsod-Kanlungan(B)

At(C) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

10 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila, ‘Pagtawid ninyo ng Jordan sa lupain ng Canaan,

11 ay pipili kayo ng mga lunsod na magiging lunsod-kanlungan para sa inyo, upang ang nakamatay ng sinumang tao nang hindi sinasadya ay makatakas patungo doon.

12 Ang mga lunsod na iyon ay magiging sa inyo'y kanlungan laban sa tagapaghiganti upang ang nakamatay ay huwag mamatay, hanggang sa siya'y tumayo sa harap ng kapulungan para hatulan.

13 Ang mga lunsod na inyong ibibigay ay ang inyong anim na lunsod-kanlungan.

14 Magbibigay kayo ng tatlong lunsod sa kabila ng Jordan, at tatlong lunsod ang ibibigay ninyo sa lupain ng Canaan upang maging mga lunsod-kanlungan.

15 Ang anim na lunsod na ito ay magiging kanlungan para sa mga anak ni Israel, mga dayuhan, at sa mga makikipamayan sa kanila, upang ang bawat nakamatay ng sinumang tao nang hindi sinasadya ay makatakas patungo doon.

16 Ngunit kung kanyang hampasin ang kanyang kapwa ng isang kasangkapang bakal, na anupa't namatay, siya nga'y mamamatay-tao; ang mamamatay-tao ay tiyak na papatayin.

17 Kung kanyang pukpukin ng isang batong nasa kamay na ikamamatay at namatay nga, siya ay mamamatay-tao; ang mamamatay-tao ay tiyak na papatayin.

18 O kung kanyang saktan ng isang sandatang kahoy na hawak sa kamay na ikamamatay ng tao, at namatay nga, siya ay mamamatay-tao; ang mamamatay-tao ay tiyak na papatayin.

19 Ang tagapaghiganti ng dugo ay siyang papatay sa pumatay. Kapag natagpuan niya ay kanyang papatayin.

20 Kung kanyang itinulak dahil sa poot, o kanyang pinukol ng isang bagay, na nagbabanta, anupa't siya'y namatay;

21 o sa pakikipag-away ay nanuntok na anupa't namatay, ang nanuntok ay tiyak na papatayin; siya'y mamamatay-tao; ang tagapaghiganti ng dugo ay siyang papatay sa pumatay, kapag kanyang natagpuan siya.

Ang mga Lunsod-Kanlungan para sa Nakamatay

22 “Ngunit kung sa pagkabigla ay kanyang maitulak na walang alitan, o mahagisan niya ng anumang bagay na hindi tinambangan,

23 o ng anumang bato na ikamamatay ng tao, na hindi niya nakikita at kanyang naihagis sa kanya, na anupa't namatay at hindi niya kaaway, at hindi niya pinaghahangaran ng masama;

24 kung gayon ang kapulungan ang siyang hahatol sa mamamatay-tao at sa tagapaghiganti ng dugo, ayon sa mga batas na ito.

25 Ililigtas ng kapulungan ang nakamatay sa kamay ng tagapaghiganti ng dugo, at siya'y pababalikin ng kapulungan sa kanyang lunsod-kanlungan na kanyang tinakasan at siya'y mananatili roon hanggang sa pagkamatay ng pinakapunong pari, na binuhusan ng banal na langis.

26 Ngunit kung ang nakamatay ay lumabas sa anumang panahon sa hangganan ng kanyang lunsod-kanlungan na kanyang tinakasan,

27 at nakita siya ng tagapaghiganti ng dugo sa labas ng hangganan ng kanyang lunsod-kanlungan, at patayin ng tagapaghiganti ng dugo ang nakamatay, hindi siya mananagot sa dugo,

28 sapagkat ang tao ay dapat manatili sa kanyang lunsod-kanlungan hanggang sa pagkamatay ng pinakapunong pari; ngunit pagkamatay ng pinakapunong pari ang nakamatay ay makakabalik sa lupain na kanyang pag-aari.

Ang Batas tungkol sa Mamamatay-Tao

29 “Ang mga bagay na ito ay magiging isang tuntunin at batas sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi sa lahat ng inyong mga tirahan.

30 Kung(D) ang sinuman ay pumatay ng isang tao, ang pumatay ay papatayin sa patotoo ng mga saksi; ngunit walang taong maaaring patayin sa patotoo ng isang saksi.

31 Bukod dito, huwag kayong tatanggap ng suhol para sa buhay ng mamamatay-tao na nagkasala ng pagpatay, kundi siya'y papatayin.

32 Huwag kayong tatanggap ng suhol sa kaninumang tumakas sa kanyang lunsod-kanlungan, upang siya'y makabalik at manirahan sa kanyang lupain bago mamatay ang pinakapunong pari.

33 Kaya't huwag ninyong parurumihin ang lupain na inyong kinaroroonan, sapagkat ang dugo ay nagpaparumi ng lupain at walang paglilinis na magagawa sa lupa dahil sa dugo na dumanak doon, maliban sa pamamagitan ng dugo ng taong nagpadanak niyon.

34 Huwag ninyong durungisan ang lupain na inyong tinitirhan, sa kalagitnaan na aking tinitirhan; sapagkat ako ang Panginoon ay naninirahan sa gitna ng mga anak ni Israel.”

Mga Awit 79

Awit ni Asaf.

79 O(A) Diyos, ang mga pagano sa iyong mana ay dumating,
    kanilang dinungisan ang iyong templong banal;
    ang Jerusalem sa mga guho ay kanilang inilagay.
Ang mga katawan ng iyong mga lingkod ay ibinigay nila
    bilang pagkain sa mga ibon sa himpapawid,
    ang laman ng iyong mga banal sa mga hayop sa lupa.
Ang kanilang dugo ay parang tubig na ibinuhos nila
    sa palibot ng Jerusalem;
    at walang sinumang sa kanila'y maglibing.
Kami'y naging tampulan ng pagtuya sa aming mga kalapit,
    ang mga nasa palibot namin kami'y nililibak at nilalait.
Hanggang kailan, O Panginoon? Magagalit ka ba habang panahon?
    Ang iyo bang mapanibughong poot ay mag-aalab na parang apoy?
Ibuhos mo ang iyong galit sa mga bansang
    hindi kumikilala sa iyo,
at sa mga kaharian
    na hindi tumatawag sa pangalan mo!
Sapagkat ang Jacob ay kanilang nilapa,
    at ang kanyang tahanan ay kanilang giniba.

Huwag mong alalahanin laban sa amin
    ang kasamaan ng aming mga ninuno,
mabilis nawang dumating ang iyong kahabagan upang salubungin kami,
    sapagkat kami ay lubhang pinababa.
Tulungan mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
    para sa kaluwalhatian ng iyong pangalan;
iligtas mo kami at patawarin ang aming mga kasalanan,
    alang-alang sa iyong pangalan.
10 Bakit sasabihin ng mga bansa,
    “Nasaan ang kanilang Diyos?”
Nawa'y ang paghihiganti para sa dugong nabuhos ng iyong mga lingkod
    ay malaman ng mga bansa sa harap ng aming mga mata.

11 Ang daing ng mga bilanggo'y dumating nawa sa iyong harapan,
    ayon sa iyong dakilang kapangyarihan iligtas mo ang mga nakatakdang mamatay!
12 Ibalik mo ng pitong ulit sa sinapupunan ng aming mga kalapit-bansa
    ang mga pagkutyang ikinutya nila sa iyo, O Panginoon.
13 Kung gayon kaming iyong bayan, ang mga tupa sa iyong pastulan,
    ay magpapasalamat sa iyo magpakailanman;
    sa lahat ng salinlahi ang papuri sa iyo'y aming isasalaysay.

Isaias 27

Ililigtas ang Israel

27 Sa(A) araw na iyon ay parurusahan ng Panginoon, ng kanyang matigas, malaki, at matibay na tabak ang leviatan na tumatakas na ahas, ang leviatan na pumupulupot na ahas, at kanyang papatayin ang dambuhala na nasa dagat.

Sa araw na iyon:

“Isang magandang ubasan, umawit kayo tungkol doon!
    Akong Panginoon ang siyang nag-aalaga,
    bawat sandali ay dinidilig ko iyon.
Baka saktan ng sinuman,
    aking binabantayan ito gabi't araw.
Wala akong galit.
Kung mayroon sana akong mga dawag at mga tinik para makipaglaban!
    Ako'y hahayo laban sa kanila, sama-sama ko silang susunugin.
O kung hindi ay kumapit sila sa akin upang mapangalagaan,
    makipagpayapaan sila sa akin,
    makipagpayapaan sila sa akin.”

Sa mga araw na darating ay mag-uugat ang Jacob,
    ang Israel ay uusbong at mamumulaklak
    at pupunuin nila ng bunga ang buong sanlibutan.

Kanya bang sinaktan siya na gaya ng pananakit niya sa mga nanakit sa kanila?
    O pinatay ba sila na gaya ng pagpatay sa mga pumatay sa kanila?
Sa pamamagitan ng pagpapalayas, sa pamamagitan ng pagkabihag ay nakipagtunggali ka laban sa kanila,
    kanyang inalis siya ng kanyang malakas na ihip sa araw ng hangin mula sa silangan.
Kaya't sa pamamagitan nito ay mapagbabayaran ang pagkakasala ng Jacob,
    at ito ang buong bunga ng pag-aalis ng kanyang kasalanan:
kapag kanyang pinagdurug-durog na gaya ng batong tisa
    ang lahat ng mga bato ng dambana,
    walang Ashera o dambana ng insenso ang mananatiling nakatayo.
10 Sapagkat ang lunsod na may kuta ay nag-iisa,
    isang tahanang pinabayaan at iniwanan gaya ng ilang.
Doon manginginain ang guya,
    doo'y humihiga siya, at babalatan ang mga sanga niyon.
11 Kapag ang mga sanga niyon ay natuyo, ang mga iyon ay babaliin;
    darating ang mga babae at gagawa ng apoy mula sa mga iyon.
Sapagkat ito ay isang bayan na walang unawa;
    kaya't ang gumawa sa kanila ay hindi mahahabag sa kanila,
    siya na humubog sa kanila ay hindi magpapakita sa kanila ng lingap.

12 Sa araw na iyon, mula sa Ilog Eufrates hanggang sa batis ng Ehipto, gigiikin ng Panginoon ang bunga niyon, at kayo'y titipuning isa-isa, O kayong mga anak ni Israel.

13 At sa araw na iyon, ang malaking trumpeta ay hihipan; at silang nawala sa lupain ng Asiria, at silang mga itinaboy sa lupain ng Ehipto ay darating upang sumamba sa Panginoon sa banal na bundok sa Jerusalem.

1 Juan 5

Ang Ating Tagumpay sa Sanlibutan

Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ay siyang Cristo ay ipinanganak ng Diyos, at ang bawat umiibig sa magulang[a] ay umiibig din naman sa anak.

Dito'y ating nakikilala na iniibig natin ang mga anak ng Diyos, kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad natin ang kanyang mga utos.

Sapagkat(A) ito ang pag-ibig sa Diyos, na ating tuparin ang kanyang mga utos at ang kanyang mga utos ay hindi pabigat.

Sapagkat ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay dumadaig sa sanlibutan at ito ang tagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya.

Sino ang dumadaig sa sanlibutan, kundi ang sumasampalatayang si Jesus ang Anak ng Diyos?

Ang mga Patotoo sa Anak ng Diyos

Ito ang siyang naparito sa pamamagitan ng tubig at ng dugo, si Jesu-Cristo; hindi sa tubig lamang, kundi sa tubig at sa dugo. At ang Espiritu ang nagpapatotoo, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan.

Sapagkat may tatlong nagpapatotoo:[b]

ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo; at ang tatlo ay nagkakaisa.

Kung tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, ay higit na dakila ang patotoo ng Diyos, sapagkat ito ang patotoo ng Diyos na siya'y nagpapatotoo tungkol sa kanyang Anak.

10 Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may patotoo sa kanyang sarili. Ang hindi sumasampalataya sa Diyos ay ginagawa siyang sinungaling, sapagkat hindi siya sumampalataya sa patotoo na ibinigay ng Diyos tungkol sa kanyang Anak.

11 At(B) ito ang patotoo, na tayo'y binigyan ng Diyos ng buhay na walang hanggan at ang buhay na ito ay nasa kanyang Anak.

12 Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Diyos ay hindi kinaroroonan ng buhay.

Ang Buhay na Walang Hanggan

13 Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo upang inyong malaman na kayo'y mayroong buhay na walang hanggan sa inyong nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos.

14 Ito ang ating kapanatagan sa kanya, na kung tayo'y humingi ng anumang bagay na ayon sa kanyang kalooban, tayo'y pinapakinggan niya.

15 At kung ating nalalaman na tayo'y pinapakinggan niya sa anumang ating hingin, nalalaman natin na natanggap natin ang mga kahilingang hinihingi natin sa kanya.

16 Kung makita ng sinuman ang kanyang kapatid na nagkakasala ng kasalanang hindi tungo sa kamatayan, ay idalangin siya at bibigyan siya ng Diyos ng buhay, na ukol sa mga nagkakasala ng hindi tungo sa kamatayan. May kasalanang tungo sa kamatayan, hindi tungkol dito ang sinasabi ko na idalangin ninyo.

17 Lahat ng kalikuan ay kasalanan, at may kasalanang hindi tungo sa kamatayan.

18 Alam natin na ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi patuloy na nagkakasala; subalit ang ipinanganak ng Diyos ay nag-iingat sa kanyang sarili, at hindi siya ginagalaw ng masama.

19 Alam natin na tayo'y sa Diyos at ang buong sanlibutan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng masama.

20 At alam natin na naparito ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pagkaunawa upang ating makilala siya na totoo; at tayo'y nasa kanya na totoo, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Ito ang tunay na Diyos, at buhay na walang hanggan.

21 Mga munting anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan.[c]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001