Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 31

Paghihiganti sa Midianita

31 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Ipaghiganti mo ang mga anak ni Israel sa mga Midianita; pagkatapos nito'y ititipon ka sa iyong bayan.”

At sinabi ni Moises sa bayan, “Kayong mga lalaki ay maghanda ng sandata para sa pakikipaglaban upang labanan ang Midianita at igawad ang paghihiganti ng Panginoon sa Midian.

Sa bawat lipi ay isang libo ang susuguin ninyo sa pakikipaglaban.”

Sa gayo'y sinugo ang libu-libong Israelita, isang libo sa bawat lipi, labindalawang libong may sandata para sa pakikipaglaban.

Sinugo sila ni Moises sa pakikipaglaban, isang libo sa bawat lipi, sila at si Finehas na anak ng paring si Eleazar, na may mga kasangkapan ng santuwaryo at may mga trumpeta na panghudyat sa kanyang kamay.

Nakipaglaban sila sa Midian gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises, at kanilang pinatay ang bawat lalaki.

Pinatay nila ang mga hari sa Midian: sina Evi, Rekem, Zur, Hur, at Reba, limang hari sa Midian. Sina Balaam na anak ni Beor ay kanilang pinatay rin ng tabak.

At binihag ng mga anak ng Israel ang mga babae sa Midian at ang kanilang mga bata. Ang lahat ng kanilang mga hayop at mga kawan, at ang lahat ng kanilang ari-arian ay kanilang sinamsam.

10 Ang lahat ng kanilang mga bayan sa mga dakong kanilang tinitirhan at ang lahat nilang mga tolda ay kanilang sinunog sa apoy.

11 Kanilang dinala ang lahat ng kanilang nakuha, at ang lahat ng kanilang nasamsam, maging tao at hayop.

12 Ang mga bihag, ang nasamsam, at ang mga natangay ay kanilang dinala kay Moises at sa paring si Eleazar, at sa kapulungan ng mga anak ni Israel na nasa kampo sa mga kapatagan ng Moab, na nasa tabi ng Jordan sa Jerico.

13 Si Moises at ang paring si Eleazar, at ang lahat ng mga pinuno sa kapulungan, ay lumabas upang salubungin sila sa labas ng kampo.

14 Si Moises ay nagalit sa mga pinuno ng hukbo, sa mga pinuno ng libu-libo at sa mga pinuno ng daan-daan na nanggaling sa pakikipaglaban.

15 Sinabi ni Moises sa kanila, “Hinayaan ba ninyong mabuhay ang lahat ng mga babae?

16 Ang(A) mga babaing ito, dahil sa payo ni Balaam, ang naging dahilan upang ang mga anak ni Israel ay magtaksil sa Panginoon sa nangyari sa Peor, kaya't nagkasalot sa kapulungan ng Panginoon.

17 Ngayon ay patayin ninyo ang lahat ng mga batang lalaki at bawat babae na nakakilala na ng lalaki sa pamamagitan ng pagsiping sa mga ito.

18 Ngunit ang lahat ng mga dalaga na hindi pa nakakilala ng lalaki dahil hindi pa nasisipingan ang mga ito ay hayaan ninyong mabuhay upang mapasainyo.

19 Manatili kayo sa labas ng kampo sa loob ng pitong araw. Sinuman sa inyo na nakamatay ng sinumang tao, at nakahawak ng anumang pinatay ay maglilinis sa ikatlong araw at sa ikapitong araw, kayo at ang inyong mga bihag.

20 Ang bawat kasuotan, lahat ng yari sa balat, sa balahibo ng kambing, at lahat ng bagay na yari sa kahoy ay linisin ninyo.

Pagbabahagi ng Samsam at Bihag

21 Sinabi ng paring si Eleazar sa mga mandirigma ng hukbo na pumunta sa pakikipaglaban, “Ito ang tuntunin ng kautusan na iniutos ng Panginoon kay Moises:

22 Ang ginto, pilak, tanso, bakal, lata, tingga,

23 at bawat bagay na hindi natutupok sa apoy ay inyong pararaanin sa apoy, at iyon ay magiging malinis. Gayunma'y inyong lilinisin iyon ng tubig para sa karumihan at ang lahat na hindi nakakatagal sa apoy ay inyong pararaanin sa tubig.

24 Inyong lalabhan ang inyong mga damit sa ikapitong araw, at kayo'y magiging malinis, at pagkatapos nito'y makakapasok kayo sa kampo.”

25 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

26 “Ang samsam na nakuha ninyo maging tao o hayop ay bilangin mo at ng paring si Eleazar, at ng mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno sa kapulungan.

27 Hatiin mo sa dalawa ang samsam, sa mga lalaking mandirigma na lumabas sa pakikipaglaban at sa buong kapulungan.

28 Bigyan mo ng buwis ang Panginoon para sa mga lalaking mandirigma na pumunta sa pakikipaglaban: isa sa bawat limang daang tao, at gayundin sa mga hayop, at sa mga asno at mga kawan.

29 Sa kalahating nauukol sa kanila ay kukunin mo iyon at ibibigay mo sa paring si Eleazar na handog sa Panginoon.

30 Sa kalahati na nauukol sa mga anak ni Israel ay kunin mo ang isang samsam sa bawat limampu, sa mga tao, mga baka, mga asno, mga kawan, sa lahat ng hayop at ibigay mo sa mga Levita na siyang namamahala sa tabernakulo ng Panginoon.”

31 Ginawa nga ni Moises at ng paring si Eleazar ang ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

32 Ang nabihag bukod pa sa nasamsam ng mga taong nakipaglaban ay animnaraan at pitumpu't limang libong tupa,

33 pitumpu't dalawang libong baka,

34 animnapu't isang libong asno,

35 at tatlumpu't dalawang libong tao lahat, mga babae na hindi pa nakakilala ng lalaki sa pamamagitan ng pagsiping sa mga ito.

36 Ang kalahati, na siyang bahagi niyong mga pumunta sa pakikipaglaban ay umaabot sa bilang na tatlong daan tatlumpu't pitong libo at limang daang tupa.

37 Ang buwis na tupa sa Panginoon ay animnaraan at pitumpu't lima.

38 Ang mga baka ay tatlumpu't anim na libo; at ang buwis sa Panginoon ay pitumpu't dalawa.

39 Ang mga asno ay tatlumpung libo at limang daan; at ang buwis sa Panginoon ay animnapu't isa.

40 Ang mga tao ay labing-anim na libo; at ang buwis sa Panginoon ay tatlumpu't dalawang tao.

41 Ibinigay ni Moises ang buwis, na ukol sa handog sa Panginoon, sa paring si Eleazar, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

42 Ang kalahati ay sa mga anak ni Israel, na inihiwalay ni Moises sa mga taong nakipaglaban.

43 Ang kalahati na nauukol sa kapisanan ay tatlong daan at tatlumpu't pitong libo at limang daang tupa,

44 tatlumpu't anim na libong baka,

45 tatlumpung libo't limang daang asno,

46 at labing-anim na libong tao.

47 Ang kalahati na nauukol sa mga anak ni Israel ay kinuha ni Moises, ang isa sa bawat limampu, sa tao at gayundin sa hayop, at ibinigay sa mga Levita na namamahala sa tabernakulo ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

48 Ang mga pinuno na namamahala sa libu-libo ng hukbo, ang mga pinuno ng libu-libo, at ang mga pinuno ng daan-daan ay lumapit kay Moises.

49 Sinabi nila kay Moises, “Binilang ng iyong mga lingkod ang mga lalaking mandirigma na nasa aming kapangyarihan, at walang kulang kahit isa man sa amin.

50 Aming dinala bilang handog sa Panginoon ang nakuha ng bawat lalaki na mga hiyas na ginto, mga panali sa braso, at mga pulseras, mga singsing na pantatak, mga hikaw, at mga kuwintas sa leeg upang ipantubos sa aming mga sarili sa harap ng Panginoon.”

51 At kinuha ni Moises at ng paring si Eleazar ang kanilang ginto na lahat ay nasa anyong hiyas.

52 Ang lahat ng gintong handog na kanilang inihandog sa Panginoon, ng mga pinuno ng libu-libo, at ng mga pinuno ng daan-daan, ay labing-anim na libo pitong daan at limampung siklo.

53 (Sapagkat ang mga lalaki na nakipaglaban ay kanya-kanyang nag-uwi ng mga samsam.)

54 At kinuha ni Moises at ng paring si Eleazar ang ginto ng mga pinuno ng libu-libo at ng daan-daan, at ipinasok sa toldang tipanan bilang alaala sa mga anak ni Israel sa harap ng Panginoon.

Mga Awit 75-76

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Puksain. Salmo ni Asaf. Isang Awit.

75 Kami ay nagpapasalamat sa iyo, O Diyos;
    kami ay nagpapasalamat, malapit ang iyong pangalan.
Ang mga kagila-gilalas mong gawa ay sinasaysay ng mamamayan.

At sa aking piniling takdang panahon,
    may katarungan akong hahatol.
Kapag ang lupa ay nayayanig at ang lahat ng mga naninirahan dito,
    ako ang nagpapatatag sa mga haligi nito. (Selah)
Aking sinabi sa hambog, “Huwag kang magyabang,”
    at sa masama, “Huwag mong itaas ang iyong sungay;
huwag mong itaas ang iyong sungay nang mataas,
    huwag kang magsalita nang may matigas na ulo.”

Sapagkat hindi mula sa silangan, o mula sa kanluran,
    ni mula man sa ilang ang pagkataas;
kundi ang Diyos ang hukom,
    ang isa'y ibinababa at ang iba'y itinataas naman.
Sapagkat sa kamay ng Panginoon ay may isang kopa,
    may alak na bumubula, hinalong totoo;
at kanyang ibubuhos ang laman nito,
    tunay na ang masasama sa lupa
    ay ibubuhos at iinumin ang latak nito.
Ngunit ako'y magpapahayag magpakailanman,
    ako'y aawit ng mga papuri sa Diyos ni Jacob.
10 Lahat ng mga sungay ng masama ay aking puputulin,
    ngunit ang mga sungay ng matuwid ay itataas.

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Salmo ni Asaf. Isang Awit.

76 Sa Juda ang Diyos ay kilala,
    ang kanyang pangalan sa Israel ay dakila.
Natatag sa Salem ang kanyang tahanan,
    sa Zion ang kanyang dakong tirahan.
Doo'y binali niya ang humahagibis na mga palaso,
    ang kalasag, ang tabak, at mga sandata sa pakikidigma. (Selah)

Ikaw ay maluwalhati, higit na marangal,
    kaysa mga bundok na walang hanggan.
Ang matatapang ay inalisan ng kanilang samsam,
    sila'y lumubog sa pagkakatulog,
at wala sa mga mandirigma
    ang makagamit ng kanilang mga kamay.
Sa iyong saway, O Diyos ni Jacob,
    ang mangangabayo at ang kabayo ay nahandusay sa mahimbing na pagkakatulog.

Ngunit ikaw, ikaw ay kakilakilabot!
    Sinong makakatayo sa iyong harapan,
    kapag minsang ang galit ay napukaw?
Mula sa langit ang hatol ay iyong ipinarinig,
    ang lupa ay natakot, at tumahimik,
nang ang Diyos ay bumangon sa paghatol,
    upang iligtas ang lahat ng naaapi sa sandaigdigan. (Selah)

10 Tunay na pupurihin ka ng poot ng tao;
    ang nalabi sa poot ay ibibigkis mo sa iyo.
11 Mamanata ka sa Panginoon mong Diyos, at tuparin mo ang mga iyon,
    magdala nawa ng mga kaloob ang lahat ng nasa kanyang palibot,
    sa kanya na nararapat pag-ukulan ng takot,
12 siyang pumuputol ng espiritu ng mga pinuno,
    na kinatatakutan ng mga hari sa mundo.

Isaias 23

Ang Pahayag tungkol sa Tiro at Sidon

23 Ang(A) pahayag tungkol sa Tiro.

Tumaghoy kayo, kayong mga sasakyang-dagat ng Tarsis;
    sapagkat sira ang Tiro, walang bahay o kanlungan!
Mula sa lupain ng Cyprus
    ay inihayag ito sa kanila.
Tumahimik kayo, kayong mga naninirahan sa baybayin;
    O mga mangangalakal ng Sidon,
ang iyong mga sugo ay nagdaraan sa dagat,
    at nasa baybayin ng malawak na mga tubig,
ang iyong kinita ay ang binhi ng Sihor,
    ang ani ng Nilo,
    ikaw ang mangangalakal ng mga bansa.
Mahiya ka, O Sidon, sapagkat nagsalita ang dagat,
    ang tanggulan ng dagat, na nagsasabi,
“Hindi ako nagdamdam, o nanganak man,
    o nag-alaga man ako ng mga binata,
    o nagpalaki ng mga dalaga.”
Kapag ang balita ay dumating sa Ehipto,
    magdadalamhati sila dahil sa balita tungkol sa Tiro.
Dumaan kayo sa Tarsis,
    umiyak kayo, kayong mga naninirahan sa baybayin!
Ito ba ang inyong masayang lunsod,
    na mula pa noong unang araw ang pinagmulan,
na dinadala ng kanyang mga paa
    upang sa malayo ay manirahan?
Sinong nagpanukala nito
    laban sa Tiro na siyang nagkakaloob ng mga korona,
na ang mga negosyante ay mga pinuno,
    na ang mga mangangalakal ay mararangal sa lupa.
Pinanukala ito ng Panginoon ng mga hukbo,
    upang hamakin ang kapalaluan ng buong kaluwalhatian,
    upang hiyain ang lahat na mararangal sa lupa.
10 Apawan mo ang iyong lupain na gaya ng Nilo,
    O anak na babae ng Tarsis;
    wala nang pampigil.
11 Kanyang iniunat ang kanyang kamay sa karagatan,
    kanyang niyanig ang mga kaharian.
Ang Panginoon ay nag-utos tungkol sa Canaan,
    upang gibain ang mga tanggulan.
12 At kanyang sinabi,
“Ikaw ay hindi na magagalak pa,
    O ikaw na aping anak na birhen ng Sidon;
bumangon ka, magdaan ka sa Chittim,
    doon ma'y hindi ka magkakaroon ng kapahingahan.”

13 Tingnan mo ang lupain ng mga Caldeo! Ito ay ang bayan; hindi ito ang Asiria. Itinalaga nila ang Tiro para sa maiilap na hayop. Kanilang itinayo ang kanilang mga muog, giniba nila ang kanyang mga palasyo, kanyang ginawa siyang isang guho.

14 Tumangis kayo, kayong mga sasakyang-dagat ng Tarsis,
    sapagkat ang inyong tanggulan ay giba.

15 At sa araw na iyon ang Tiro ay malilimutan sa loob ng pitumpung taon, gaya ng mga araw ng isang hari. Pagkatapos ng pitumpung taon ay mangyayari sa Tiro ang gaya sa awit ng masamang babae:[a]

16 “Kumuha ka ng alpa,
    lumibot ka sa lunsod,
    ikaw na masamang babaing nalimutan!
Gumawa ka ng matamis na himig,
    umawit ka ng maraming awit,
    upang ikaw ay maalala.”

17 Sa katapusan ng pitumpung taon, dadalawin ng Panginoon ang Tiro, at siya'y babalik sa kanyang pangangalakal, at magiging masamang babae sa lahat ng kaharian ng sanlibutan sa ibabaw ng lupa.

18 At ang kanyang kalakal at ang kanyang upa ay itatalaga sa Panginoon. Hindi ito itatago o iimbakin man, kundi ang kanyang paninda ay magbibigay ng saganang pagkain at magarang pananamit para sa mga namumuhay na kasama ng Panginoon.

1 Juan 1

Ang Salita ng Buhay

Yaong(A) buhat sa pasimula, na aming narinig, nakita ng aming mga mata, aming napagmasdan, at nahipo ng aming mga kamay, tungkol sa salita ng buhay—

at(B) ang buhay na ito ay nahayag, aming nakita, aming pinatototohanan, at sa inyo'y aming ibinabalita ang buhay na walang hanggan, na kasama ng Ama at sa amin ay ipinahayag.

Ipinahahayag namin sa inyo yaong aming nakita at narinig upang kayo rin naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin; at tunay na ang ating pakikisama ay sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo.

Isinusulat namin ang mga bagay na ito upang ang aming[a] kagalakan ay malubos.

Ang Diyos ay Liwanag

At ito ang mensahe na aming narinig sa kanya at sa inyo'y aming ipinahahayag, na ang Diyos ay liwanag, at sa kanya'y walang anumang kadiliman.

Kung sinasabi nating tayo'y may pakikisama sa kanya, at tayo'y lumalakad sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi natin ginagawa ang katotohanan.

Ngunit kung tayo'y lumalakad sa liwanag, na tulad niya na nasa liwanag, may pakikisama tayo sa isa't isa, at ang dugo ni Jesus na kanyang Anak ang lumilinis sa atin sa lahat ng kasalanan.

Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at ang katotohanan ay wala sa atin.

Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at banal na magpapatawad sa ating mga kasalanan at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan.

10 Kung sinasabi nating tayo'y hindi nagkasala, ginagawa natin siyang sinungaling at ang kanyang salita ay wala sa atin.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001