M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Miriam ay Nagkaketong
12 Sina Miriam at Aaron ay nagsalita laban kay Moises dahil sa babaing Cusita na kanyang napangasawa (sapagkat talagang nag-asawa siya ng isang babaing Cusita).
2 At kanilang sinabi, “Ang Panginoon ba'y nagsasalita sa pamamagitan lamang ni Moises? Hindi ba nagsalita rin naman siya sa pamamagitan natin?” At narinig ito ng Panginoon.
3 Ang lalaki ngang si Moises ay napakaamo, higit kaysa lahat ng lalaki sa ibabaw ng lupa.
4 At sinabi agad ng Panginoon kina Moises, Aaron at Miriam, “Lumabas kayong tatlo patungo sa toldang tipanan.” At silang tatlo ay lumabas.
5 Ang Panginoon ay bumaba sa isang haliging ulap, at tumayo sa pintuan ng tolda, at tinawag sina Aaron at Miriam at sila'y kapwa lumapit.
6 At kanyang sinabi, “Pakinggan ninyo ngayon ang aking mga salita. Kung mayroon sa gitna ninyo na isang propeta, akong Panginoon ay magpapakilala sa kanya sa pangitain, at kakausapin ko siya sa panaginip.
7 Ang(A) aking lingkod na si Moises ay hindi gayon; ipinagkatiwala ko sa kanya ang aking buong sambahayan.
8 Sa kanya'y nakikipag-usap ako nang harapan,[a] nang maliwanag, at hindi sa malabong salitaan; at ang anyo ng Panginoon ay kanyang nakikita. Bakit hindi kayo natakot na magsalita laban sa aking lingkod na si Moises?”
9 Ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban sa kanila; at siya'y umalis.
10 Nang ang ulap ay lumayo sa tolda, si Miriam ay naging ketongin na kasimputi ng niyebe. Tiningnan ni Aaron si Miriam, at nakita na ito'y ketongin.
11 At sinabi ni Aaron kay Moises, “O panginoon ko, huwag mo kaming parusahan,[b] sapagkat gumawa kaming may kahangalan, at kami ay nagkasala.
12 Huwag mong itulot sa kanya, isinasamo ko sa iyo, na maging parang isang patay na naagnas ang kalahati ng kanyang laman paglabas sa tiyan ng kanyang ina.”
13 At tumawag si Moises sa Panginoon, “Pagalingin mo siya, O Diyos, ipinapakiusap ko sa iyo.”
14 Sinabi(B) ng Panginoon kay Moises, “Kung siya'y niluraan ng kanyang ama sa kanyang mukha, hindi ba niya dadalhin ang kanyang kahihiyan nang pitong araw? Kulungin siyang pitong araw sa labas ng kampo, at pagkatapos ay madadala siyang muli sa loob.”
15 Si Miriam ay pitong araw na kinulong sa labas ng kampo at ang bayan ay hindi umalis upang maglakbay hanggang si Miriam ay nadalang muli sa loob.
16 Pagkatapos nito ay naglakbay ang bayan mula sa Haserot, at nagkampo sa ilang ng Paran.
Nagpadala ng mga Espiya sa Canaan(C)
13 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Magsugo ka ng mga lalaki upang lihim na siyasatin ang lupain ng Canaan, na aking ibibigay sa mga anak ni Israel. Isang lalaki sa bawat isa sa mga lipi ng kanilang mga ninuno ay susuguin ninyo, na bawat isa'y pinuno sa kanila.”
3 Kaya't sinugo sila ni Moises mula sa ilang ng Paran ayon sa utos ng Panginoon. Silang lahat ay mga lalaking pinuno sa mga anak ni Israel.
4 At ito ang kanilang mga pangalan: mula sa lipi ni Ruben ay si Samua na anak ni Zacur;
5 mula sa lipi ni Simeon ay si Shafat na anak ni Hori;
6 mula sa lipi ni Juda ay si Caleb na anak ni Jefone;
7 mula sa lipi ni Isacar ay si Igal na anak ni Jose;
8 mula sa lipi ni Efraim ay si Hosheas na anak ni Nun;
9 mula sa lipi ni Benjamin ay si Palti na anak ni Rafu;
10 mula sa lipi ni Zebulon ay si Gadiel na anak ni Sodi;
11 mula sa lipi ni Jose, samakatuwid ay sa lipi ni Manases ay si Gaddi na anak ni Susi;
12 mula sa lipi ni Dan ay si Amiel na anak ni Gemalli;
13 mula sa lipi ni Aser ay si Sethur na anak ni Micael;
14 mula sa lipi ni Neftali ay si Nahabi na anak ni Vapsi;
15 mula sa lipi ni Gad ay si Geuel na anak ni Maci.
16 Ito ang mga pangalan ng mga lalaki na isinugo ni Moises upang lihim na siyasatin ang lupain. At tinawag ni Moises na Josue si Hosheas na anak ni Nun.
17 Isinugo sila ni Moises upang lihim na siyasatin ang lupain ng Canaan at sinabi sa kanila, “Umakyat kayo sa Negeb at umakyat kayo sa mga kaburulan.
18 Tingnan ninyo kung ano ang lupain, at ang mga taong naninirahan doon, kung sila'y malakas o mahina, kung sila'y kaunti o marami;
19 at kung ano ang lupain na kanilang tinatahanan, kung mabuti o masama; at kung ano ang mga lunsod na kanilang tinatahanan, kung sa mga kampo o sa mga may pader,
20 at kung ang lupain ay mataba o payat, kung mayroong kahoy o wala. Magpakatapang kayo at magdala kayo rito ng mga bunga ng lupain.” Ang panahong iyon ay panahon ng mga unang hinog na ubas.
21 Kaya't sila'y umakyat, at kanilang lihim na siniyasat ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa pagpasok sa Hamat.
22 Sila'y umakyat sa Negeb, at sila'y nakarating sa Hebron; at si Ahiman, si Sesai at si Talmai, na mga anak ni Anak, ay naroon. (Ang Hebron ay itinayo pitong taon bago ang Zoan sa Ehipto).
23 At sila'y dumating sa libis ng Escol, at sila'y pumutol doon ng isang sangang may isang kumpol na ubas, at dinala sa isang pingga ng dalawa sa kanila. Sila'y nagdala rin ng mga prutas na granada, at mga igos.
24 Ang dakong iyon ay tinawag na libis ng Escol, dahil sa kumpol na pinutol ng mga anak ni Israel mula doon.
Ang Masamang Balita ng mga Espiya
25 At sila'y nagbalik pagkatapos na lihim na siyasatin ang lupain, sa katapusan ng apatnapung araw.
26 Sila'y dumating kina Moises at Aaron at sa buong sambayanan ng mga anak ni Israel, sa ilang ng Paran, sa Kadesh; at kanilang dinalhan sila ng balita at ang buong sambayanan, at kanilang ipinakita sa kanila ang bunga ng lupain.
27 Kanilang sinabi sa kanya, “Kami ay dumating sa lupaing iyon na kung saan ay sinugo mo kami, at tunay na iyon ay dinadaluyan ng gatas at pulot; at ito ang bunga niyon.
28 Gayunman, ang mga tao na tumitira sa lupaing iyon ay malalakas, at ang mga bayan ay may pader at napakalalaki; at saka aming nakita roon ang mga anak ni Anak.
29 Ang Amalekita ay naninirahan sa lupain ng Negeb, ang mga Heteo, ang mga Jebuseo, at ang mga Amoreo ay naninirahan sa mga bundok. Ang mga Cananeo ay naninirahan sa tabi ng dagat, at sa mga pampang ng Jordan.”
30 Ngunit pinatahimik ni Caleb ang bayan sa harapan ni Moises, at sinabi, “Ating akyatin agad at sakupin sapagkat kayang kaya nating lupigin iyon.”
31 Ngunit sinabi ng mga lalaking umakyat na kasama niya, “Hindi tayo makakaakyat laban sa mga taong iyon, sapagkat sila'y malalakas kaysa atin.
32 Kaya't sila'y nagdala ng masamang balita tungkol sa lupaing kanilang siniyasat, sa mga anak ni Israel, na sinasabi, “Ang lupain na aming pinaroonan upang lihim na siyasatin ay isang lupain na nilalamon ang mga naninirahan doon; at lahat ng tao na aming nakita roon ay malalaking tao.
33 At(D) nakita namin doon ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anak, na mula sa mga Nefilim; at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga tipaklong, at gayundin kami sa kanilang paningin.”
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.
49 Pakinggan ninyo ito, kayong lahat na mga bayan!
Pakinggan ninyo, kayong lahat na nananahan sa daigdig,
2 maging mababa at mataas,
mayaman at dukha na magkakasama!
3 Ang aking bibig ay magsasalita ng karunungan;
ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay magiging pang-unawa.
4 Ikikiling ko ang aking pandinig sa isang kawikaan,
ipapaliwanag ko sa tunog ng alpa ang aking palaisipan.
5 Bakit ako matatakot sa mga panahon nang kaguluhan,
kapag pinaliligiran ako ng mga umuusig sa akin ng kasamaan,
6 mga taong nagtitiwala sa kanilang kayamanan,
at ipinaghahambog ang kasaganaan ng kanilang mga kayamanan?
7 Tunay na sa anumang paraan ay walang taong makakatubos sa kanyang kapatid,
ni ibigay sa Diyos ang kabayaran ng kanyang buhay.
8 Sapagkat ang pantubos sa kanyang kaluluwa ay mahal,
at dapat siyang huminto magpakailanman,
9 na siya'y patuloy na mabuhay magpakailanman,
na siya'y huwag makakita ng kabulukan.
10 Oo, makikita niya na maging mga pantas ay namamatay,
ang mangmang at ang hangal ay parehong dapat mamatay
at ang kanilang kayamanan sa iba'y iiwan.
11 Ang kanilang libingan ay kanilang mga tahanan magpakailanman,
kanilang mga lugar na tirahan sa lahat ng salinlahi;
tinatawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang sariling mga pangalan.
12 Ngunit ang tao'y hindi mananatili sa kanyang karangalan,
siya'y gaya ng mga hayop na namamatay.
13 Ito ang daan noong mga hangal,
at noong mga iba na pagkatapos nila ay sumasang-ayon sa kanilang salita. (Selah)
14 Gaya ng mga tupa ay para sa Sheol sila nakatalaga,
ang kamatayan ay magiging pastol nila,
at ang kanilang kagandahan ay mapapasa sa Sheol upang matunaw,
at ang kanilang anyo ay maaagnas;
ang Sheol ang kanilang magiging tahanan.
15 Ngunit tutubusin ng Diyos ang aking kaluluwa mula sa kapangyarihan ng Sheol,
sapagkat ako'y tatanggapin niya. (Selah)
16 Huwag kang matakot kapag may yumaman,
kapag ang kaluwalhatian ng kanyang bahay ay lumalago.
17 Sapagkat kapag siya'y namatay ay wala siyang madadala,
ang kanyang kaluwalhatian ay hindi bababang kasunod niya.
18 Bagaman habang siya'y nabubuhay ay binabati niya ang kanyang sarili,
at bagaman ang tao'y tumatanggap ng papuri kapag siya'y gumawa ng mabuti para sa sarili,
19 siya'y paroroon sa salinlahi ng kanyang mga magulang;
na hindi sila makakakita ng liwanag kailanman.
20 Taong nasa karangalan, subalit hindi nakakaunawa,
ay gaya ng mga hayop na namamatay.
Kapayapaang Walang Hanggan(A)
2 Ang salita na nakita ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem.
2 At mangyayari sa mga huling araw,
na ang bundok ng bahay ng Panginoon
ay matatatag bilang pinakamataas sa mga bundok,
at itataas sa ibabaw ng mga burol;
at lahat ng bansa ay pupunta roon.
3 Maraming tao ang darating at magsasabi:
“Halina kayo, at tayo'y umahon sa bundok ng Panginoon,
sa bahay ng Diyos ni Jacob;
upang turuan niya tayo ng kanyang mga daan,
at tayo'y lumakad sa kanyang mga landas.”
Sapagkat mula sa Zion ay lalabas ang tagubilin,
at ang salita ng Panginoon mula sa Jerusalem.
4 Kanyang(B) hahatulan ang mga bansa,
at magpapasiya para sa maraming tao;
at kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod,
at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit;
ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa,
o matututo pa ng pakikipagdigma.
5 O sambahayan ni Jacob,
halikayo at tayo'y lumakad
sa liwanag ng Panginoon.
Wawakasan ang Kapalaluan
6 Sapagkat tinanggihan mo ang iyong bayan,
ang kay Jacob na sambahayan,
sapagkat sila'y punô ng mga manghuhula mula sa silangan,
at mga mangkukulam na gaya ng mga Filisteo,
at sila'y nakikipagkamay sa mga anak ng mga dayuhan.
7 Ang kanilang lupain naman ay punô ng pilak at ginto,
at walang katapusan ang kanilang mga kayamanan;
ang kanila namang lupain ay punô ng mga kabayo,
at ang kanilang mga karwahe ay wala ring katapusan.
8 Ang kanilang lupain ay punô ng mga diyus-diyosan;
kanilang sinasamba ang gawa ng kanilang mga kamay,
na ginawa ng kanilang sariling mga daliri.
9 Kaya't ang tao ay hinahamak
at ang mga tao ay ibinababa—
huwag mo silang patawarin!
10 Pumasok(C) ka sa malaking bato,
at magkubli ka sa alabok,
mula sa pagkatakot sa Panginoon
at sa karangalan ng kanyang kamahalan.
11 Ang mga tinging mapagmataas ng tao ay ibababa,
at ang kapalaluan ng mga tao ay pangungumbabain,
at ang Panginoon lamang ang itataas
sa araw na iyon.
12 Sapagkat may araw ang Panginoon ng mga hukbo
laban sa lahat ng palalo at mapagmataas,
laban sa lahat ng itinaas at ito'y ibababa;
13 laban sa lahat ng sedro ng Lebanon,
na matayog at mataas;
at laban sa lahat ng ensina ng Basan;
14 laban sa lahat ng matataas na bundok,
at laban sa lahat ng mga burol na matayog,
15 laban sa bawat matayog na tore,
at laban sa bawat matibay na pader,
16 laban sa lahat ng mga sasakyang-dagat ng Tarsis,
at laban sa lahat ng magagandang barko.
17 At ang kahambugan ng tao ay hahamakin,
at ang pagmamataas ng mga tao ay ibababa;
at ang Panginoon lamang ang itataas sa araw na iyon.
18 Ang mga diyus-diyosan ay mapapawing lubos.
19 Ang mga tao ay papasok sa mga yungib ng malalaking bato,
at sa mga butas ng lupa,
sa harapan ng pagkatakot sa Panginoon,
at sa karangalan ng kanyang kamahalan,
kapag siya'y bumangon upang yanigin ang lupa.
20 Sa araw na iyon ay ihahagis ng mga tao
ang kanilang mga diyus-diyosang pilak, at ang kanilang mga diyus-diyosang ginto,
na kanilang ginawa upang sambahin,
sa mga daga at mga paniki;
21 upang pumasok sa mga siwang ng malalaking bato,
at sa mga bitak ng mga bangin,
sa harapan ng pagkatakot sa Panginoon,
at sa karangalan ng kanyang kamahalan,
kapag siya'y bumangon upang yanigin ang lupa.
22 Layuan ninyo ang tao,
na ang hinga ay nasa kanyang ilong,
sapagkat ano siya para pahalagahan?
10 Yamang ang kautusan ay anino lamang ng mabubuting bagay na darating, at hindi ang tunay na larawan ng mga bagay na ito, kailanman ay hindi nito mapapasakdal ang mga lumalapit sa pamamagitan ng gayunding mga alay na laging inihahandog taun-taon.
2 Sapagkat kung di gayon, hindi ba sana ay itinigil nang ihandog ang mga iyon? Kung ang mga sumasamba na nalinis nang minsan, sana ay hindi na sila nagkaroon pa ng kamalayan sa kasalanan.
3 Ngunit sa pamamagitan ng mga handog na ito ay may pagpapaalala ng mga kasalanan taun-taon.
4 Sapagkat hindi maaaring mangyari na ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay makapag-alis ng mga kasalanan.
5 Kaya't(A) pagdating ni Cristo[a] sa sanlibutan ay sinabi niya,
“Hindi mo nais ang alay at handog,
ngunit ipinaghanda mo ako ng isang katawan;
6 sa mga handog na sinusunog at sa mga handog para sa mga kasalanan
ay hindi ka nalugod.
7 Kaya't sinabi ko, ‘Narito, ako'y dumating upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos,’
sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin.”
8 Nang sabihin niya sa itaas na, “Hindi mo ibig at hindi mo rin kinalugdan ang alay at mga handog, at mga buong handog na sinusunog at mga alay para sa kasalanan” na inihahandog ayon sa kautusan,
9 pagkatapos ay idinagdag niya, “Narito, ako'y dumating upang gawin ang iyong kalooban.” Inalis niya ang una, upang maitatag ang ikalawa,
10 at sa pamamagitan ng kalooban niya tayo'y ginawang banal sa pamamagitan ng pag-aalay ng katawan ni Cristo minsan magpakailanman.
11 At(B) bawat pari ay tumatayo araw-araw na naglilingkod at paulit-ulit na nag-aalay ng gayunding mga handog na kailanman ay hindi nakapag-aalis ng mga kasalanan.
12 Ngunit(C) nang makapaghandog si Cristo[b] ng isa lamang alay para sa mga kasalanan para sa lahat ng panahon, siya ay umupo sa kanan ng Diyos,
13 at buhat noon ay naghihintay hanggang sa ang kanyang mga kaaway ay maging tuntungan ng kanyang mga paa.
14 Sapagkat sa pamamagitan ng isang pag-aalay ay kanyang pinasakdal para sa lahat ng panahon ang mga pinababanal.
15 At ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo rin sa atin, sapagkat pagkatapos niyang sabihin,
16 “Ito(D) ang tipan na aking gagawin sa kanila,
pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon;
ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang mga puso,
at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang pag-iisip,”
17 sinabi(E) rin niya,
“At ang kanilang mga kasalanan at mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa.”
18 Kung saan may kapatawaran ng mga ito, ay wala ng pag-aalay para sa kasalanan.
Lumapit Tayo sa Diyos
19 Kaya, mga kapatid, yamang mayroon tayong pagtitiwala na pumasok sa santuwaryo sa pamamagitan ng dugo ni Jesus,
20 na kanyang binuksan para sa atin ang isang bago at buháy na daan, sa pamamagitan ng tabing, samakatuwid ay sa kanyang laman,
21 at yamang mayroon tayong isang pinakapunong pari sa bahay ng Diyos,
22 tayo'y(F) lumapit na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, na ang mga puso ay winisikang malinis mula sa isang masamang budhi at nahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig.
23 Panghawakan nating matatag ang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-aalinlangan, sapagkat siya na nangako ay tapat.
24 At ating isaalang-alang kung papaano gigisingin ang isa't isa sa pag-ibig at sa mabubuting gawa,
25 na huwag nating pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng ugali ng iba, kundi palakasin ang loob ng isa't isa, lalung-lalo na kapag inyong nakikita na papalapit na ang Araw.
26 Sapagkat kung sinasadya nating magkasala, matapos nating tanggapin ang lubos na pagkakilala sa katotohanan, ay wala ng natitira pang alay para sa mga kasalanan,
27 kundi(G) isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway.
28 Ang(H) sumuway sa kautusan ni Moises, sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay walang awang namamatay.
29 Gaano(I) pa kayang higpit na parusa sa akala ninyo, ang nararapat sa kanila na yumurak sa Anak ng Diyos at lumapastangan sa dugo ng tipan na nagpabanal sa kanila, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya?
30 Sapagkat(J) kilala natin ang nagsabi, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti.” At muli, “Huhukuman ng Panginoon ang kanyang bayan.”
31 Isang kakilakilabot na bagay ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buháy.
32 Subalit alalahanin ninyo ang mga nakaraang araw, na pagkatapos na kayo'y maliwanagan, ay nagtiis kayo ng matinding pakikipaglaban na may pagdurusa,
33 na kung minsan ay hayagang inilalantad sa pag-alipusta at pag-uusig, at kung minsan ay nagiging mga kabahagi ng mga nagdaranas ng gayon.
34 Sapagkat kayo'y nahabag sa mga bilanggo, at tinanggap ninyo nang buong galak ang pagkasamsam sa inyong mga ari-arian, palibhasa'y inyong nalalamang mayroon kayong isang pag-aaring higit na mabuti at tumatagal.
35 Kaya't huwag ninyong itakuwil ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala.
36 Sapagkat kailangan ninyo ng pagtitiis, upang kapag inyong nagampanan ang kalooban ng Diyos ay tanggapin ninyo ang pangako.
37 Sapagkat(K) “sa sandaling panahon,
ang siyang dumarating ay darating, at hindi maaantala.
38 Ngunit ang aking matuwid na lingkod ay mabubuhay sa pananampalataya.
Ngunit kung siya'y tumalikod, ang aking kaluluwa ay hindi malulugod sa kanya.”
39 Ngunit tayo'y hindi kabilang sa mga umuurong kaya't sila'y napapahamak, kundi kabilang sa mga may pananampalataya kaya't naliligtas.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001