Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 32

Ang Ruben, Gad, at ang Kalahati ng Lipi ni Manases ay Nanirahan sa Gilead(A)

32 Ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad ay may lubhang napakaraming hayop. Nang kanilang makita ang lupain ng Jazer at ang lupain ng Gilead ay mabuting lugar iyon para sa hayop,

lumapit at nagsalita ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa mga pinuno ng sambayanan, na sinasabi:

“Ang Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Hesbon, Eleale, Saban, Nebo, at ang Beon,

na lupaing winasak ng Panginoon sa harap ng kapulungan ng Israel ay lupaing mabuti para sa hayop, at ang iyong mga lingkod ay may mga hayop.”

At sinabi nila, “Kung kami ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin ay ibigay sa iyong mga lingkod ang lupaing ito bilang ari-arian; at huwag mo na kaming patawirin sa Jordan.”

Sinabi ni Moises sa mga anak ni Gad at sa mga anak ni Ruben, “Pupunta ba ang inyong mga kapatid sa pakikipaglaban, samantalang kayo'y nakaupo rito?

At bakit pinanghihina ninyo ang loob ng mga anak ni Israel, upang huwag magpatuloy sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila?

Ganyan(B) ang ginawa ng inyong mga ninuno nang sila'y aking suguin, mula sa Kadesh-barnea upang lihim na siyasatin ang lupain.

Sapagkat nang sila'y makaahon sa libis ng Escol at makita ang lupain, ay kanilang pinanghina ang loob ng mga anak ni Israel upang huwag pumasok sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila.

10 Ang(C) galit ng Panginoon ay nagningas nang araw na iyon, at siya'y sumumpa na sinasabi,

11 ‘Tunay na walang taong lumabas sa Ehipto, mula sa dalawampung taong gulang pataas na makakakita ng lupain na aking ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob; sapagkat sila'y hindi lubos na sumunod sa akin;

12 liban kay Caleb na anak ni Jefone na Kenizeo, at si Josue na anak ni Nun sapagkat sila'y lubos na sumunod sa Panginoon.’

13 Ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kanyang pinagala-gala sila sa ilang nang apatnapung taon hanggang sa ang buong salinlahing iyon na gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon ay nalipol.

14 At, ngayo'y bumangon kayo na kapalit ng inyong mga ninuno, supling ng mga taong makasalanan, upang dagdagan pa ninyo ang matinding galit ng Panginoon sa Israel.

15 Sapagkat kung kayo'y lumihis ng pagsunod sa kanya ay kanyang muling iiwan sila sa ilang; at inyong lilipulin ang buong bayang ito.”

16 Sila'y lumapit sa kanya, at nagsabi, “Gagawa kami rito ng mga kulungan para sa aming mga hayop, at ng mga bayan para sa aming mga bata.

17 Ngunit kami ay maghahandang lumaban upang magpauna sa mga anak ni Israel hanggang sa aming madala sila sa kanilang lugar; at ang aming mga bata ay maninirahan sa mga bayang may pader dahil sa mga naninirahan sa lupain.

18 Kami ay hindi babalik sa aming mga bahay, hanggang sa ang lahat ng mga anak ni Israel ay magkaroon ng kanilang sariling pag-aari,

19 sapagkat hindi kami makikihati sa kanilang mana sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa dako pa roon; sapagkat tinanggap na namin ang aming mana rito sa dakong silangan ng Jordan.”

20 At sinabi ni Moises sa kanila, “Kung gagawin ninyo ang bagay na ito; kung kayo'y maghahandang lumaban upang pumaroon sa harap ng Panginoon sa pakikipaglaban,

21 at bawat may sandata sa inyo ay tatawid sa Jordan sa harap ng Panginoon, hanggang sa kanyang mapalayas ang kanyang mga kaaway sa harap niya;

22 at ang lupain ay mapasuko sa harap ng Panginoon; kung gayon ay makababalik kayo at magiging malaya sa pananagutan sa Panginoon at sa Israel; at ang lupaing ito ay magiging inyong pag-aari sa harap ng Panginoon.

23 Ngunit kung hindi ninyo gagawin ang ganito, kayo'y magkakasala laban sa Panginoon at tiyak na tutugisin kayo ng inyong kasalanan.

24 Igawa ninyo ng mga lunsod ang inyong mga bata, at ng mga kulungan ang inyong mga tupa; at gawin ninyo ang inyong sinabi.”

25 Nagsalita ang mga anak nina Gad at ang mga anak ni Ruben kay Moises, na sinasabi, “Gagawin ng iyong mga lingkod ang gaya ng iniutos ng aking panginoon.

26 Ang aming mga bata, mga asawa, kawan at buong bakahan ay mananatili riyan sa mga bayan ng Gilead.

27 Ngunit ang iyong mga lingkod ay tatawid, bawat lalaki na may sandata sa pakikipaglaban, sa harap ng Panginoon upang makipaglaban gaya ng sinabi ng aking panginoon.”

28 Sa(D) gayo'y nag-utos si Moises tungkol sa kanila sa paring si Eleazar, kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng mga lipi ng mga anak ni Israel.

29 At sinabi sa kanila ni Moises, “Kung ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben ay tatawid na kasama ninyo sa Jordan, ang lahat ng lalaki na may sandata sa pakikipaglaban, sa harap ng Panginoon; at kung ang lupain ay mapasuko sa harap ninyo ay ibibigay ninyo sa kanila bilang ari-arian ang lupain ng Gilead.

30 Ngunit kung sila'y hindi tatawid na kasama ninyo na may sandata, magkakaroon sila ng pag-aari na kasama ninyo sa lupain ng Canaan.”

31 Ang mga anak nina Gad at Ruben ay sumagot, “Kung ano ang sinabi ng Panginoon sa iyong mga lingkod ay gayon ang gagawin namin.

32 Kami ay tatawid na may sandata sa harap ng Panginoon sa lupain ng Canaan, at ang magiging pag-aari naming mana ay sa dakong ito ng Jordan.”

33 At ibinigay ni Moises sa mga anak nina Gad, at sa mga anak ni Ruben, at sa kalahati ng lipi ni Manases na anak ni Jose ang kaharian ni Sihon na hari ng mga Amoreo, at ang kaharian ni Og na hari sa Basan, ang lupain at ang mga bayan niyon, sa loob ng mga hangganan niyon, samakatuwid ay ang mga bayan sa buong lupain.

34 Itinayo ng mga anak ni Gad ang Dibon, ang Atarot, ang Aroer,

35 ang Atarot-sofan, ang Jazer, ang Jogbeha,

36 ang Bet-nimra at ang Bet-haran: na mga bayang may pader, at kulungan din naman ng mga tupa.

37 Itinayo naman ng mga anak ni Ruben ang Hesbon, Eleale, Kiryataim,

38 ang Nebo, Baal-meon, (na ang pangalan ng mga iyon ay pinalitan,) at ang Sibma. Binigyan nila ng ibang mga pangalan ang mga bayan na kanilang itinayo.

39 Ang mga anak ni Makir na anak ni Manases ay pumunta sa Gilead, sinakop ito, at pinalayas ang mga Amoreo na naroroon.

40 Ibinigay ni Moises ang Gilead kay Makir na anak ni Manases; at kanyang tinirhan.

41 Si Jair na anak ni Manases ay pumaroon at sinakop ang mga bayan niyon at tinawag ang mga ito na Havot-jair.

42 Si Noba ay pumaroon at sinakop ang Kenat at ang mga nayon niyon. Tinawag ito na Noba, ayon sa kanyang sariling pangalan.

Mga Awit 77

Sa Punong Mang-aawit: ayon kay Jedutun. Salmo ni Asaf.

77 Ang aking tinig ay papailanglang sa Diyos,
    at ako'y dadaing ng malakas;
ang aking tinig ay papailanglang sa Diyos,
    at papakinggan niya ako.
Hinahanap ko ang Panginoon sa araw ng aking kaguluhan;
    sa gabi'y nakaunat ang aking kamay, at hindi nangangalay;
    ang kaluluwa ko'y tumatangging mabigyang kaaliwan.
Naaalala ko ang Diyos, at ako'y nababalisa;
    nang ako'y nagdaramdam, ang diwa ko'y nanlulupaypay. (Selah)

Pinigilan mong magsara ang talukap ng aking mga mata,
    ako'y totoong naguguluhan at hindi ako makapagsalita.
Ginugunita ko ang mga unang araw,
    ang mga taóng nagdaan.
Sa gabi'y nakikipag-usap ako sa aking puso;
    ako'y magbubulay-bulay sa aking puso at ang aking diwa ay magsisiyasat.
“Magtatakuwil ba ang Panginoon magpakailanman?
    At hindi na ba muling masisiyahan?
Ang kanya bang tapat na pag-ibig ay huminto na magpakailanman?
    Ang kanya bang mga pangako sa lahat ng panahon ay nawakasan?
Nakalimot na ba ang Diyos na maging mapagbiyaya?
    Sa kanya bang galit ay isinara niya ang kanyang awa? (Selah)
10 At aking sinabi, “Ipinaghihinagpis ko
    na ang kanang kamay ng Kataas-taasan ay nagbago.”

11 Aking gugunitain ang mga gawa ng Panginoon;
    oo, aking aalalahanin ang mga kahanga-hangang gawa mo noong unang panahon.
12 Ako'y magbubulay-bulay sa lahat mong mga gawa,
    at magmumuni tungkol sa iyong mga gawa.
13 Ang iyong daan, O Diyos, ay banal.
    Sinong diyos ang dakila na gaya ng aming Diyos?
14 Ikaw ang Diyos na gumagawa ng mga kababalaghan,
    na nagpahayag ng iyong kalakasan sa gitna ng mga bayan.
15 Tinubos mo ng iyong kamay ang iyong bayan,
    ang mga anak ni Jacob at ni Jose. (Selah)

16 Nang makita ka ng tubig, O Diyos;
    nang makita ka ng tubig, sila'y natakot:
    oo, ang kalaliman ay nanginig.
17 Ang alapaap ay nagbuhos ng tubig;
    nagpakulog ang himpapawid,
    ang mga palaso mo ay humagibis sa bawat panig.
18 Ang tunog ng iyong kulog ay nasa ipu-ipo;
    pinagliwanag ng mga kidlat ang daigdig;
    ang lupa ay nanginig at nayanig.
19 Ang daan mo'y nasa dagat,
    ang landas mo'y nasa malalaking tubig;
    gayunman ang bakas mo'y hindi nakita.
20 Iyong pinatnubayan ang iyong bayan na parang kawan
    sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron.

Isaias 24

Hahatulan ng Panginoon ang mga Bansa

24 Gigibain ng Panginoon ang lupa at ito'y sisirain,
    at pipilipitin niya ang ibabaw nito at ang mga naninirahan doon ay pangangalatin.
At kung paano sa mga tao, gayon sa pari;
    kung paano sa alipin, gayon sa kanyang panginoon;
    kung paano sa alilang babae, gayon sa kanyang panginoong babae;
kung paano sa mamimili, gayon sa nagbibili;
    kung paano sa nagpapahiram, gayon sa manghihiram;
    kung paano sa nagpapautang, gayon sa mangungutang.
Lubos na mawawalan ng laman ang lupa, at lubos na masisira;
    sapagkat ang salitang ito ay sa Panginoon mula.

Ang lupa ay tumatangis at natutuyo,
    ang sanlibutan ay nanghihina at natutuyo,
    ang mapagmataas na bayan sa lupa ay lilipas.
Ang lupa ay nadumihan
    ng mga doo'y naninirahan,
sapagkat kanilang sinuway ang kautusan,
    nilabag ang tuntunin,
    sinira ang walang hanggang tipan.
Kaya't nilamon ng sumpa ang lupa,
    at silang naninirahan doon ay nagdurusa dahil sa kanilang pagkakasala,
kaya't nasunog ang mga naninirahan sa lupa,
    at kakaunting tao ang nalabi.
Ang alak ay tumatangis,
    ang puno ng ubas ay nalalanta,
    lahat ng masayang puso ay nagbubuntong-hininga.
Ang saya ng mga alpa ay tumigil,
    ang ingay nila na nagagalak ay nagwakas,
    ang galak ng lira ay huminto.
Sila'y hindi magsisiinom ng alak na may awitan;
    ang matapang na alak ay nagiging mapait sa kanila na nagsisiinom niyon.
10 Ang lunsod na magulo ay bumagsak.
    Bawat bahay ay nasarhan, upang walang taong makapasok doon.
11 May sigawan sa mga lansangan dahil sa kakulangan sa alak;
    lahat ng kagalakan ay natapos na,
    sa lupa ay nawala ang kasayahan.
12 Naiwan sa lunsod ang pagkawasak,
    at ang pintuan ay winasak.
13 Sapagkat ganito ang mangyayari sa lupa
    sa gitna ng mga bansa,
kapag inuga ang isang punong olibo,
    gaya ng pamumulot ng ubas pagkatapos ng pag-aani.
14 Inilakas nila ang kanilang mga tinig, sila'y umawit sa kagalakan,
    dahil sa kadakilaan ng Panginoon ay sumigaw sila mula sa kanluran.
15 Kaya't mula sa silangan ay luwalhatiin ninyo ang Panginoon;
    sa mga pulo ng dagat, ang pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
16 Mula sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa ay nakarinig kami ng mga awit ng papuri,
    ng kaluwalhatian sa Matuwid.
Ngunit aking sinabi, “Nanghihina ako,
    nanghihina ako, kahabag-habag ako!
Sapagkat ang mga taksil ay gumagawa ng kataksilan.
    Ang mga taksil ay gumagawang may lubhang kataksilan.”

17 Ang takot, ang hukay, at ang bitag ay nasa iyo,
    O naninirahan sa lupa.
18 Siyang tumatakas sa tunog ng pagkasindak
    ay mahuhulog sa hukay;
at siyang umaakyat mula sa hukay
    ay mahuhuli sa bitag.
Sapagkat ang mga bintana ng langit ay nakabukas,
    at ang mga pundasyon ng lupa ay umuuga.
19 Ang lupa ay lubos na nagiba,
    ang lupa ay lubos na nasira,
    ang lupa ay marahas na niyanig.
20 Pagiray-giray na parang taong lasing ang lupa,
    ito'y gumigiray na parang dampa;
at ang kanyang paglabag ay nagiging mabigat sa kanya,
    at ito'y bumagsak, at hindi na muling babangon pa.

21 At sa araw na iyon, parurusahan ng Panginoon
    ang hukbo ng langit, sa langit,
    at ang mga hari sa lupa, sa ibabaw ng lupa.
22 At sila'y matitipong sama-sama,
    kagaya ng mga bilanggo sa hukay,
sila'y sasarhan sa bilangguan,
    at pagkaraan ng maraming araw sila'y parurusahan.
23 Kung magkagayo'y malilito ang buwan,
    at ang araw ay mapapahiya;
sapagkat ang Panginoon ng mga hukbo ay maghahari
    sa bundok ng Zion at sa Jerusalem;
at sa harapan ng kanyang matatanda ay ihahayag niya ang kanyang kaluwalhatian.

1 Juan 2

Si Cristo ang Ating Tagapagtanggol

Mga munti kong anak, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo, upang kayo'y huwag magkasala. Ngunit kung ang sinuman ay magkasala, tayo ay may Tagapagtanggol sa harap ng Ama, si Jesu-Cristo na siyang matuwid.

Siya ang kabayaran para sa ating mga kasalanan, at hindi lamang para sa atin kundi para din sa kasalanan ng buong sanlibutan.

At sa ganito'y nalalaman natin na siya'y kilala natin, kung tinutupad natin ang kanyang mga utos.

Ang nagsasabing, “Kilala ko siya,” ngunit hindi tinutupad ang kanyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya.

Ngunit ang sinumang tumutupad ng kanyang salita, tunay na naging ganap sa taong ito ang pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan nito'y nalalaman nating tayo'y nasa kanya.

Ang nagsasabing siya'y nananatili sa kanya ay nararapat ding lumakad gaya ng kanyang paglakad.

Ang Bagong Utos

Mga(A) minamahal, hindi bago ang utos na isinusulat ko sa inyo, kundi ang dating utos na nasa inyo na buhat nang pasimula; ang dating utos ay ang salita na inyong narinig.

Gayunma'y isinusulat ko sa inyo ang isang bagong utos na tunay sa kanya at sa inyo, sapagkat ang kadiliman ay lumilipas at ang tunay na liwanag ay tumatanglaw na.

Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag at napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa hanggang ngayon.

10 Ang umiibig sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at sa kanya'y walang anumang kadahilanang ikatitisod.

11 Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman. Siya ay lumalakad sa kadiliman at hindi niya nalalaman kung saan siya pupunta, sapagkat ang kanyang mga mata ay binulag ng kadiliman.

12 Mga munting anak, kayo'y sinusulatan ko
    sapagkat ipinatawad sa inyo ang inyong mga kasalanan dahil sa kanyang pangalan.
13 Mga ama, kayo'y sinusulatan ko,
    sapagkat inyong nakilala siyang nagbuhat pa nang pasimula.
Mga kabataang lalaki, kayo'y sinusulatan ko
    sapagkat inyong dinaig ang masama.
14 Mga anak, kayo'y sinusulatan ko
    sapagkat inyong nakilala ang Ama.
Mga ama, kayo'y sinusulatan ko
    sapagkat inyong nakilala siyang nagbuhat pa nang pasimula.
Mga kabataan, kayo'y sinusulatan ko
    sapagkat kayo'y malalakas,
    at ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo, at inyong dinaig ang masama.

15 Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang pag-ibig ng Ama ay wala sa sinumang umiibig sa sanlibutan.

16 Sapagkat ang lahat na nasa sanlibutan, ang masamang pagnanasa ng laman, ang pagnanasa ng mga mata, at ang pagmamataas sa buhay, ay hindi mula sa Ama kundi sa sanlibutan.

17 Ang sanlibutan at ang pagnanasa nito ay lumilipas, ngunit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.

Ang Anti-Cristo

18 Mga anak, huling oras na! Gaya ng inyong narinig na darating ang anti-Cristo, kahit ngayon ay lumitaw na ang maraming anti-Cristo. Kaya nalalaman nating huling oras na.

19 Sila'y lumabas sa atin, ngunit sila'y hindi sa atin; sapagkat kung sila'y kabilang sa atin ay magpapatuloy sana silang kasama natin. Ngunit sa paglabas nila ay ginawa nilang maliwanag na silang lahat ay hindi kabilang sa atin.

20 Ngunit kayo'y pinahiran[a] ng Banal, at nalalaman ninyo ang lahat ng mga bagay.

21 Sinusulatan ko kayo, hindi dahil sa hindi ninyo nalalaman ang katotohanan, kundi dahil nalalaman ninyo iyon, at nalalaman ninyo na walang kasinungalingan na nagmumula sa katotohanan.

22 Sino ang sinungaling kundi ang nagkakaila na si Jesus ay siyang Cristo? Ito ang anti-Cristo, ang nagkakaila sa Ama at sa Anak.

23 Ang sinumang nagkakaila sa Anak, ay hindi sumasakanya ang Ama. Ang nagpapahayag sa Anak ay sumasakanya rin ang Ama.

24 Manatili sa inyo ang inyong narinig buhat nang pasimula. Kung nananatili sa inyo ang narinig ninyo buhat nang pasimula, kayo naman ay mananatili sa Anak at sa Ama.

25 At ito ang pangako na kanyang ipinangako sa atin, ang buhay na walang hanggan.

26 Isinulat ko sa inyo ang mga bagay na ito tungkol sa mga mandaraya sa inyo.

27 Tungkol sa inyo, ang pagpapahid[b] na inyong tinanggap ay nananatili sa inyo, kaya't hindi na ninyo kailangan pang kayo'y turuan ng sinuman. Ngunit kayo'y tinuturuan ng kanyang pagpapahid tungkol sa lahat ng mga bagay, at ito'y totoo at hindi kasinungalingan, kung paanong kayo'y tinuruan nito, ay gayon kayo manatili sa kanya.

28 At ngayon, mga munting anak, manatili kayo sa kanya; upang kung mahayag siya ay magkaroon kayo ng pagtitiwala, at hindi mapahiya sa harapan niya sa kanyang pagdating.

29 Kung nalalaman ninyong siya'y matuwid, makakatiyak kayo na ang bawat gumagawa ng katuwiran ay ipinanganak niya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001