Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 14

Tumutol ang Buong Kapulungan

14 Kaya't ang buong kapulungan ay sumigaw nang malakas; at ang taong-bayan ay umiyak nang gabing iyon.

At nagreklamo ang lahat ng mga anak ni Israel laban kina Moises at Aaron. Sinabi sa kanila ng buong sambayanan, “Namatay na sana tayo sa lupain ng Ehipto! O kaya'y namatay na sana tayo sa ilang na ito!

Bakit kaya tayo dinala ng Panginoon sa lupaing ito, upang tayo'y bumagsak sa tabak? Ang ating mga asawa at ang ating mga anak ay magiging biktima. Hindi ba mas mabuti para sa atin na tayo'y magbalik sa Ehipto?”

Kaya't sinabi nila sa isa't isa, “Maglagay tayo ng isang pinuno at tayo'y magbalik sa Ehipto.”

Nang magkagayon, sina Moises at Aaron ay nagpatirapa sa harap ng buong kapulungan ng bayan ng mga anak ni Israel.

Si Josue na anak ni Nun, at si Caleb na anak ni Jefone, na mga kasama ng mga nagsiyasat nang lihim sa lupain, ay pinunit ang kanilang mga damit.

At sinabi nila sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, “Ang lupain na aming pinuntahan upang lihim na siyasatin ay isang napakagandang lupain.

Kung kalulugdan tayo ng Panginoon ay dadalhin nga niya tayo sa lupaing iyon, at ibibigay niya sa atin; isang lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot.

Huwag(A) lamang kayong maghimagsik laban sa Panginoon ni matakot sa mga tao ng lupaing iyon, sapagkat sila'y para lamang tinapay sa atin; ang kanyang kalinga ay inalis sa kanila, at ang Panginoon ay kasama natin; huwag kayong matakot sa kanila.”

10 Subalit pinagbantaan sila ng buong sambayanan na babatuhin sila ng mga bato. At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa toldang tipanan sa lahat ng mga anak ni Israel.

Ang Babala ng Panginoon at ang Pagsamo ni Moises

11 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan ako hahamakin ng bayang ito? At hanggang kailan sila hindi maniniwala sa akin, sa kabila ng mga tanda na aking ginawa sa kanila?

12 Hahampasin ko sila ng salot, at tatanggalan ko sila ng mana at gagawin kitang isang bansang mas malaki at mas matibay kaysa kanila.”

13 Ngunit(B) sinabi ni Moises sa Panginoon, “Kung gayo'y mababalitaan ito ng mga taga-Ehipto, sapagkat dinala mo ang bayang ito ng iyong kapangyarihan mula sa kanila;

14 at kanilang sasabihin sa mga naninirahan sa lupaing ito. Kanilang nabalitaan na ikaw Panginoon ay nasa gitna ng bayang ito, sapagkat ikaw Panginoon ay nagpakita nang mukhaan, at ang iyong ulap ay nakatindig sa ibabaw ng mga iyon, at ikaw ay nangunguna sa kanila, sa isang haliging ulap sa araw, at sa isang haliging apoy sa gabi.

15 Kung papatayin mo ang bayang ito na parang isang tao, magsasalita nga ang mga bansang nakarinig ng iyong katanyagan at kanilang sasabihin,

16 ‘Sapagkat hindi kayang dalhin ng Panginoon ang bayang ito sa lupain na kanyang ipinangakong ibibigay sa kanila, kaya't kanyang pinaslang sila sa ilang.’

17 At ngayon, idinadalangin ko sa iyo, hayaan mong ang kapangyarihan ng Panginoon ay maging dakila, ayon sa iyong ipinangako,

18 ‘Ang(C) Panginoon ay mabagal sa pagkagalit at sagana sa tapat na pag-ibig, na nagpapatawad ng kasamaan at ng pagsuway, ngunit kailanman ay hindi pinapawalang-sala ang may sala, na dinadalaw ang kasamaan ng mga magulang sa mga anak sa ikatlo at sa ikaapat na salinlahi.

19 Hinihiling ko sa iyo, patawarin mo ang kasamaan ng bayang ito ayon sa kadakilaan ng iyong tapat na pag-ibig, at ayon sa iyong pagpapatawad sa bayang ito, mula sa Ehipto hanggang ngayon.”

20 At sinabi ng Panginoon, “Ako'y nagpatawad ayon sa iyong salita;

21 gayunman,(D) na kung paanong ako'y buháy at kung paanong mapupuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang buong lupa,

22 wala sa mga taong iyon na nakakita ng aking kaluwalhatian at ng aking mga tanda na aking ginawa sa Ehipto at sa ilang, ngunit tinukso pa rin ako nitong makasampung ulit, at hindi dininig ang aking tinig,

23 ang makakakita sa lupain na aking ipinangako sa kanilang mga ninuno, at walang sinuman sa kanila na humamak sa akin ang makakakita nito.

24 Ngunit(E) ang aking lingkod na si Caleb, sapagkat siya'y nagtaglay ng ibang espiritu at sumunod nang lubos sa akin, ay dadalhin ko sa lupain na kanyang pinaroonan; at aariin ng kanyang mga binhi.

25 Ngayon, sapagkat ang mga Amalekita at ang mga Cananeo ay naninirahan sa libis, bumalik kayo bukas at kayo'y maglakbay sa daang patungo sa Dagat na Pula.”

Ang Parusa sa Israel

26 At nagsalita ang Panginoon kina Moises at Aaron, na sinasabi,

27 “Hanggang kailan magrereklamo laban sa akin ang masamang kapulungang ito? Aking narinig ang mga reklamo ng mga anak ni Israel na kanilang sinasabi laban sa akin.

28 Sabihin mo sa kanila, ‘Ako'y buháy, sabi ng Panginoon, kung ano ang sinabi ninyo sa aking pandinig ay gayon ang gagawin ko sa inyo.

29 Ang(F) inyong mga bangkay ay mabubuwal sa ilang na ito; at ang lahat na nabilang sa inyo ayon sa inyong kabuuang bilang, mula sa dalawampung taong gulang pataas na nagreklamo laban sa akin,

30 ay hindi papasok sa lupaing aking ipinangako na patitirahan ko sa inyo, maliban kay Caleb na anak ni Jefone at kay Josue na anak ni Nun.

31 Ngunit ang inyong mga bata, na inyong sinabing magiging mga biktima ay aking papapasukin, at kanilang makikilala ang lupain na inyong itinakuwil.

32 Ngunit tungkol sa inyo, ang inyong mga bangkay ay mabubuwal sa ilang na ito.

33 At(G) ang inyong mga anak ay magiging palaboy sa ilang na apatnapung taon, at magdurusa dahil sa kawalan ninyo ng pananampalataya, hanggang sa ang huli sa inyong mga bangkay ay humandusay sa ilang.

34 Ayon sa bilang ng mga araw na inyong lihim na ipinagsiyasat sa lupain, samakatuwid ay apatnapung araw, sa bawat araw ay isang taon, inyong pananagutan ang inyong mga kasamaan, nang apatnapung taon, at inyong makikilala ang aking sama ng loob!

35 Akong Panginoon ang nagsalita, tunay na ito'y aking gagawin sa buong masamang kapulungang ito, na nagtitipon laban sa akin. Sa ilang na ito, sila'y magwawakas, at dito sila mamamatay.’”

36 Ang mga lalaki na sinugo ni Moises upang lihim na magsiyasat sa lupain, na bumalik at naging dahilan upang magreklamo ang buong kapulungan laban sa kanya dahil sa paghahatid ng masamang balita laban sa lupain,

37 samakatuwid ay ang mga taong naghatid ng masamang balita tungkol sa lupain ay namatay sa salot sa harap ng Panginoon.

38 Ngunit si Josue na anak ni Nun, at si Caleb na anak ni Jefone ay naiwang buháy sa mga taong iyon na pumaroon upang lihim na siyasatin ang lupain.

Hinabol Hanggang sa Horma(H)

39 At sinabi ni Moises ang mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel at ang bayan ay lubhang nanangis.

40 Kinaumagahan, sila'y maagang bumangon at umakyat sa taluktok ng bundok, na sinasabi, “Narito kami, at kami ay aakyat sa dakong ipinangako ng Panginoon, sapagkat kami ay nagkasala.”

41 Ngunit sinabi ni Moises, “Bakit sinusuway ninyo ngayon ang utos ng Panginoon? Iyan ay hindi magtatagumpay.

42 Huwag kayong umahon, baka kayo'y masaktan sa harap ng mga kaaway, sapagkat ang Panginoon ay hindi ninyo kasama.

43 Sapagkat naroon ang mga Amalekita at ang mga Cananeo sa harap ninyo, at kayo'y babagsak sa tabak, sapagkat kayo'y tumalikod sa pagsunod sa Panginoon, kaya't ang Panginoon ay hindi ninyo makakasama.”

44 Ngunit sila'y nagpumilit umakyat sa taluktok ng bundok; gayunman ang kaban ng tipan ng Panginoon at si Moises ay hindi lumabas sa kampo.

45 Nang magkagayon ang mga Amalekita at ang mga Cananeo na naninirahan sa bundok na iyon ay bumaba, nilupig sila at hinabol hanggang sa Horma.

Mga Awit 50

Ang Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihan, ang Diyos na Panginoon,
    ay nagsalita at tinatawag ang lupa
    mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyon.
Mula sa Zion na kasakdalan ng kagandahan,
    nagliliwanag ang Diyos.

Ang aming Diyos ay dumarating at hindi siya tatahimik;
    nasa harapan niya ang apoy na tumutupok,
    at malakas na bagyo sa kanyang palibot.
Siya'y tumatawag sa langit sa kaitaasan,
    at sa lupa upang hatulan niya ang kanyang bayan:
“Tipunin mo sa akin ang aking mga banal,
    yaong nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng alay!”
Ang langit ay nagpapahayag ng kanyang katuwiran;
    sapagkat ang Diyos ay siyang hukom! (Selah)

“Makinig, O aking bayan, at magsasalita ako,
    O Israel, ako'y magpapatotoo laban sa iyo.
    Ako'y Diyos, Diyos mo.
Hindi kita sinasaway dahil sa iyong mga handog;
    laging nasa harapan ko ang iyong mga handog na sinusunog.
Hindi ako tatanggap ng baka mula sa iyong bahay,
    ni ng kambing na lalaki sa iyong mga kawan.
10 Sapagkat bawat hayop sa gubat ay akin,
    ang hayop sa libong mga burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok;
    at ang lahat ng mga gumagala sa parang ay akin.

12 “Kung ako'y gutom, sa iyo ay hindi ko sasabihin,
    sapagkat ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng laman ng mga toro,
    o umiinom ng dugo ng mga kambing?
14 Mag-alay sa Diyos ng pasasalamat na alay,
    at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan;
15 at tumawag ka sa akin sa araw ng kabagabagan;
    ililigtas kita, at luluwalhatiin mo ako.”

16 Ngunit sa masama ay sinabi ng Diyos:
    “Anong karapatan mo upang ipahayag ang aking mga tuntunin,
    o ilagay ang aking tipan sa iyong bibig?
17 Sapagkat ang disiplina ay kinapopootan mo,
    at iyong iwinawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18 Kapag nakakakita ka ng magnanakaw, ikaw ay natutuwa sa kanya,
    at sumasama ka sa mga mangangalunya.

19 “Ibinibigay mo sa iyong bibig ang malayang paghahari ng kasamaan,
    at ang iyong dila ay kumakatha ng pandaraya.
20 Ikaw ay umuupo at nagsasalita laban sa iyong kapatid;
    iyong sinisiraan ang anak ng iyong sariling ina.
21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y nanahimik;
    iniisip mong ako'y gaya mo.
Ngunit ngayo'y sinasaway kita, at ipinapataw ang paratang sa harapan mo.

22 “Kayong nakakalimot sa Diyos, tandaan ninyo ito,
    baka kayo'y aking pagluray-lurayin at walang magligtas sa inyo!
23 Ang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpaparangal sa akin;
    sa kanya na nag-aayos ng kanyang lakad
    ang pagliligtas ng Diyos ay ipapakita ko rin!”

Isaias 3-4

Kaguluhan sa Jerusalem

Sapagkat, inaalis ng Makapangyarihan, ng Panginoon ng mga hukbo,
    sa Jerusalem at sa Juda
ang panustos at tungkod,
    ang lahat na panustos na tinapay
    at ang lahat na panustos na tubig;
ang magiting na lalaki at ang mandirigma
    ang hukom at ang propeta,
    ang manghuhula at ang matanda;
ang kapitan ng limampu,
    at ang marangal na tao,
ang tagapayo, at ang bihasang salamangkero,
    at ang dalubhasa sa pag-eengkanto.
Gagawin kong pinuno nila ang mga batang lalaki,
    at ang mga sanggol ang mamumuno sa kanila.
Aapihin ng mga tao ang isa't isa,
    bawat isa'y ang kanyang kapwa,
ang kabataan ay magpapalalo laban sa matanda
    at ang hamak laban sa marangal.

Kapag hinawakan ng lalaki ang kanyang kapatid
    sa bahay ng kanyang ama, na nagsasabi:
“Ikaw ay may damit,
    ikaw ay maging aming pinuno,
at ang wasak na ito
    ay mapapasailalim ng iyong pamamahala”;
sa araw na iyon ay magsasalita siya na nagsasabi:
“Hindi ako magiging tagapagpagaling;
    sa aking bahay ay wala kahit tinapay o damit man;
huwag ninyo akong gawing
    pinuno ng bayan.”
Sapagkat ang Jerusalem ay giba,
    at ang Juda ay bumagsak;
sapagkat ang kanilang pananalita at ang kanilang mga gawa ay laban sa Panginoon,
    na nilalapastangan ang kanyang maluwalhating presensiya.

Ang kanilang pagtatangi ng mga tao ay sumasaksi laban sa kanila;
    at kanilang ipinahahayag ang kanilang mga kasalanan na gaya ng Sodoma,
    hindi nila ikinukubli ito.
Kahabag-habag sila!
    Sapagkat sila'y nagdala ng kasamaan sa kanilang sarili.
10 Sabihin ninyo sa matuwid, na iyon ay sa ikabubuti nila,
    sapagkat sila'y kakain ng bunga ng kanilang mga gawa.
11 Kahabag-habag ang masama! Ikasasama nila iyon,
    sapagkat ang ginawa ng kanyang mga kamay ay gagawin sa kanya.
12 Tungkol sa aking bayan, mga bata ang nang-aapi sa kanila,
    at ang mga babae ang namumuno sa kanila.
O bayan ko, inililigaw kayo ng inyong mga pinuno,
    at ginugulo ang daan ng iyong mga landas.

Hinatulan ang Kanyang Bayan

13 Ang Panginoon ay tumayo upang magsanggalang,
    kinuha niya ang kanyang lugar upang ang kanyang bayan ay hatulan.
14 Ang Panginoon ay papasok sa paghatol
    kasama ng matatanda at mga pinuno ng kanyang bayan:
“Kayo ang lumamon ng ubasan,
    ang samsam ng mga dukha ay nasa inyong mga bahay.
15 Anong ibig ninyong sabihin na inyong dinudurog ang aking bayan,
    at ginigiling ang mukha ng mga dukha?” sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo.

Babala sa Kababaihan ng Jerusalem

16 Sinabi ng Panginoon:

Sapagkat ang mga anak na babae ng Zion ay mapagmataas,
    at nagsisilakad na may naghahabaang mga leeg,
    at mga matang nagsisiirap,
na lumalakad na pakendeng-kendeng habang humahayo,
    at ipinapadyak ang kanilang mga paa;
17 kaya't sasaktan ng Panginoon
    ang bao ng ulo ng mga anak na babae ng Zion,
    at ilalantad ng Panginoon ang kanilang mga lihim na bahagi.

18 Sa araw na iyon ay aalisin ng Panginoon ang mga hiyas ng kanilang mga paa, at ang mga hiyas ng ulo, at ang mga pahiyas na may hugis ng kalahating buwan;

19 ang mga kuwintas, ang mga pulseras, at ang mga belo;

20 ang mga laso ng buhok, ang mga palamuti sa braso, ang mga pamigkis, ang mga sisidlan ng pabango, at ang mga anting-anting,

21 ang mga singsing, ang mga hiyas na pang-ilong;

22 ang mga damit na pamista, ang mga balabal, ang mga kapa, ang mga pitaka;

23 ang maninipis na kasuotan, ang pinong lino, ang mga turbante, at ang mga belo.

24 Sa halip na maiinam na pabango ay kabulukan;
    at sa halip na pamigkis ay lubid;
at sa halip na ayos na buhok ay kakalbuhan;
    at sa halip na pamigkis na maganda ay pamigkis na damit-sako;
    kahihiyan sa halip na kagandahan.
25 Ang iyong mga lalaki ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak,
    at ang iyong magigiting ay sa pakikipagdigma.
26 At ang kanyang mga pintuan ay tataghoy at tatangis;
    at siya'y wasak na uupo sa ibabaw ng lupa.

Pitong babae ang hahawak sa isang lalaki sa araw na iyon, na magsasabi, “Kami ay kakain ng aming sariling tinapay at magsusuot ng aming sariling kasuotan, hayaan mo lamang na tawagin kami sa iyong pangalan; alisin mo ang aming kahihiyan.”

Muling Itatayo ang Jerusalem

Sa araw na iyon ay magiging maganda at maluwalhati ang sanga ng Panginoon, at ang bunga ng lupain ay ipagmamalaki at sa ikaluluwalhati ng mga nakaligtas na taga-Israel.

Siyang naiwan sa Zion, at siyang nanatili sa Jerusalem ay tatawaging banal, bawat nakatala sa mga nabubuhay sa Jerusalem,

kapag hinugasan ng Panginoon ang karumihan ng mga anak na babae ng Zion, at nilinis ang dugo ng Jerusalem sa gitna ng bayan sa pamamagitan ng espiritu ng paghuhukom at ng espiritu ng pagsunog.

At(A) ang Panginoon ay lilikha sa itaas ng buong kinalalagyan ng Bundok ng Zion, at sa itaas ng kanyang mga kapulungan ng isang ulap sa araw, at ng usok at liwanag ng nagniningas na apoy sa gabi; sapagkat sa itaas ng lahat ng kaluwalhatian ay magkakaroon ng isang bubong at kanlungan.

At iyon ay magiging kanlungan kapag araw laban sa init, at kanlungan at kublihan mula sa bagyo at ulan.

Mga Hebreo 11

Ang Pananampalataya

11 Ngayon, ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan, ang paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita.

Tunay na sa pamamagitan nito ang mga tao noong una ay tumanggap ng patotoo.

Sa(A) pananampalataya ay nauunawaan natin na ang mga sanlibutan ay nilikha sa pamamagitan ng salita ng Diyos, anupa't ang mga bagay na nakikita ay nagmula sa mga bagay na hindi nakikita.

Ang Pananampalataya nina Abel, Enoc, at Noe

Sa(B) pananampalataya si Abel ay nag-alay sa Diyos ng higit na dakilang handog kaysa kay Cain. Sa pamamagitan nito siya'y pinuri bilang matuwid at ang Diyos ang nagpapatotoo sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanyang mga kaloob. Patay na siya, gayunma'y nagsasalita pa sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.

Sa(C) pananampalataya si Enoc ay dinalang paitaas anupa't hindi na niya naranasan ang kamatayan. “Hindi na siya natagpuan, sapagkat siya'y kinuha ng Diyos.” Sapagkat bago siya dinalang paitaas, pinatotohanan na ang Diyos ay nalugod sa kanya.

At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos,[a] sapagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga masigasig na humahanap sa kanya.

Sa(D) pananampalataya si Noe, nang mabigyan ng Diyos ng babala tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay pinakinggan ang babala at gumawa ng isang daong para sa kaligtasan ng kanyang sambahayan. Sa pamamagitan nito ay hinatulan niya ang sanlibutan, at siya'y naging tagapagmana ng katuwirang ayon sa pananampalataya.

Ang Pananampalataya ni Abraham

Sa(E) pananampalataya si Abraham, nang tawagin, ay sumunod upang pumunta sa isang lugar na kanyang tatanggapin bilang pamana; at siya'y pumunta na hindi nalalaman ang kanyang pupuntahan.

Sa(F) pananampalataya siya'y dumayo sa lupang pangako na tulad ng sa ibang lupain, at nanirahan sa mga tolda na kasama sina Isaac at Jacob, na kapwa mga tagapagmana ng gayunding pangako.

10 Sapagkat siya'y umaasa sa lunsod na may mga kinasasaligan, na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos.

11 Sa(G) pananampalataya, maging si Sarah na isang baog ay tumanggap ng kakayahang magkaanak, bagaman lipas na sa tamang gulang, palibhasa'y itinuring niyang tapat ang nangako.

12 Kaya't(H) mula naman sa isang lalaki na parang patay na, ay isinilang ang mga inapo na kasindami ng mga bituin sa langit, at gaya ng di mabilang na mga buhangin sa tabi ng dagat.

13 Ang(I) lahat ng mga ito ay namatay sa pananampalataya na hindi tinanggap ang mga pangako, ngunit mula sa malayo ang mga iyon ay kanilang natanaw at binati. Kanilang ipinahayag na sila'y pawang mga dayuhan at manlalakbay sa ibabaw ng lupa,

14 sapagkat ang mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nagpapakilalang sila ay naghahanap ng sariling bayan.

15 Kung kanilang naalala ang kanilang pinanggalingan, nagkaroon sana sila ng pagkakataong makabalik.

16 Ngunit sila ay nagnanais ng isang higit na mabuting lupain, samakatuwid ay ang makalangit. Kaya't ang Diyos ay hindi nahihiyang tawaging Diyos nila, sapagkat kanyang ipinaghanda sila ng isang lunsod.

17 Sa(J) pamamagitan ng pananampalataya, nang subukin si Abraham, ay kanyang inihandog si Isaac. Siya na tumanggap ng mga pangako ay handang maghandog ng kanyang bugtong na anak,

18 na(K) tungkol sa kanya ay sinabi, “Kay Isaac ay tatawagin ang iyong binhi.”

19 Itinuring niya na maging mula sa mga patay ay maaaring buhayin ng Diyos ang isang tao, at sa matalinghagang pananalita, siya'y muli niyang tinanggap.

20 Sa(L) pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau tungkol sa mga bagay na mangyayari.

21 Sa(M) pananampalataya, si Jacob nang mamamatay na ay binasbasan niya ang bawat isa sa mga anak ni Jose, at sumamba sa ibabaw ng kanyang tungkod.

22 Sa(N) pananampalataya, nang malapit nang mamatay si Jose ay binanggit niya ang tungkol sa paglikas ng mga Israelita, at nagbilin tungkol sa kanyang mga buto.

Ang Pananampalataya ni Moises

23 Sa(O) pananampalataya, nang ipanganak si Moises ay itinago siya ng tatlong buwan ng kanyang mga magulang, sapagkat kanilang nakitang maganda ang bata, at hindi sila natakot sa utos ng hari.

24 Sa(P) pananampalataya, nang nasa hustong gulang na si Moises ay tumangging siya'y tawaging anak ng anak na babae ni Faraon,

25 na pinili pa ang mapasama sa kaapihan ng bayan ng Diyos, kaysa magkaroon ng pansamantalang kasiyahan ng kasalanan.

26 Kanyang itinuring na malaking kayamanan ang magdusa alang-alang kay Cristo, kaysa sa mga kayamanan ng Ehipto, sapagkat kanyang pinagtutuunan ng pansin ang gantimpala.

27 Sa pananampalataya ay iniwan niya ang Ehipto, at hindi natakot sa poot ng hari, sapagkat siya ay matiyagang nagpatuloy na tulad sa nakakakita sa kanya na hindi nakikita.

28 Sa(Q) pananampalataya'y itinatag niya ang paskuwa at ang pagwiwisik ng dugo, upang huwag silang galawin ng Mamumuksa ng mga panganay.

Ang Pananampalataya ng Iba Pang Israelita

29 Sa(R) pananampalataya'y tinahak nila ang Dagat na Pula na tulad sa tuyong lupa, ngunit nang tangkaing gawin ito ng mga Ehipcio ay nalunod sila.

30 Sa(S) pananampalataya'y gumuho ang pader ng Jerico, pagkatapos na malibot sa loob ng pitong araw.

31 Sa(T) pananampalataya si Rahab, na nagbibili ng aliw, ay hindi napahamak na kasama ng mga sumuway, sapagkat payapa niyang tinanggap ang mga espiya.

32 At(U) ano pa ang dapat kong sabihin? Sapagkat kukulangin ako ng panahon kung isasalaysay ko pa ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at sa mga propeta;

33 na(V) ang mga ito, sa pamamagitan ng pananampalataya'y lumupig ng mga kaharian, naglapat ng katarungan, nagtamo ng mga pangako, nagpatikom ng mga bibig ng mga leon,

34 pumatay(W) ng bisa ng apoy, tumakas sa mga talim ng tabak, lumakas mula sa kahinaan, naging makapangyarihan sa digmaan, nagpaurong ng mga hukbong dayuhan.

35 Tinanggap(X) ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay na muli. Ang iba'y pinahirapan at tumangging tumanggap ng paglaya upang makamit nila ang higit na mabuting pagkabuhay na muli.

36 Ang(Y) iba'y nagtiis ng pagkalibak at paghagupit, at maging ng mga tanikala at pagkabilanggo.

37 Sila'y(Z) pinagbabato hanggang mamatay, nilagari, pinagpapatay sa tabak, sila'y naglibot na may suot na balat ng mga tupa at kambing, mga naghihirap, pinag-uusig, inaapi

38 (na sa mga iyon ay hindi karapat-dapat ang sanlibutan). Sila'y nagpalabuy-laboy sa mga ilang, sa mga kabundukan, sa mga yungib, at sa mga lungga sa lupa.

39 At ang lahat ng mga ito, bagaman pinuri dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi nila tinanggap ang ipinangako,

40 yamang naghanda ang Diyos ng lalong mabuting bagay para sa atin, upang huwag silang gawing sakdal na hiwalay sa atin.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001