M’Cheyne Bible Reading Plan
37 At kahoy na akasia ang ginawang (A)kaban ni Bezaleel: na may dalawang siko't kalahati ang haba niyaon, at may isang siko't kalahati ang luwang niyaon, at may isang siko't kalahati ang taas niyaon:
2 At kaniyang binalot ng taganas na ginto sa loob at sa labas, at iginawa ng isang kornisang ginto sa palibot.
3 At ipinagbubo niya ng apat na argolyang ginto, sa apat na sulok niyaon; sa makatuwid baga'y dalawang argolya sa isang tagiliran.
4 At siya'y gumawa ng mga pingga na kahoy na akasia, at pinagbalot ng ginto.
5 At isinuot ang mga pingga sa mga argolya, sa mga tagiliran ng kaban, upang mabuhat ang kaban.
6 At gumawa siya ng isang luklukan ng awa na taganas na ginto: na may dalawang siko at kalahati ang haba, at may isang siko't kalahati ang luwang.
7 At siya'y gumawa ng dalawang querubing ginto; na niyari niya sa pamukpok sa dalawang dulo ng luklukan ng awa;
8 Isang querubin sa isang dulo, at isang querubin sa kabilang (B)dulo: na kaputol ng luklukan ng awa, ginawa niya ang mga querubin sa dalawang dulo.
9 At ibinubuka ng mga querubin ang mga pakpak na paitaas, na nalililiman ng kanilang mga pakpak ang luklukan ng awa, na nagkakaharap ang kanilang mga mukha; sa dakong luklukan ng awa nakaharap ang mga mukha ng mga querubin.
Ang paggagawa ng dulang.
10 (C)At ginawa rin niya ang dulang na kahoy na akasia; na may dalawang siko ang haba niyaon, at isang siko ang luwang niyaon, at isang siko't kalahati ang taas niyaon:
11 At binalot niya ng taganas na ginto, at iginawa niya ng isang kornisang ginto sa palibot.
12 At iginawa niya ng isang gilid na may isang kamay ang luwang sa palibot, at iginawa ng isang ginintong kornisa ang gilid sa palibot.
13 At ipinagbubo ng apat na argolyang ginto, at inilagay ang mga argolya sa apat na sulok na ukol sa apat na paa niyaon.
14 Malapit sa gilid ang mga argolya, na daraanan ng mga pingga, upang mabuhat ang dulang.
15 At ginawa niya ang mga pingga na kahoy na akasia, at pinagbalot ng ginto, upang mabuhat ang dulang.
16 At ginawa niyang taganas na ginto ang mga kasangkapang nasa ibabaw ng dulang, (D)ang mga pinggan niyaon, at ang mga kutsara niyaon, at ang mga tasa niyaon, at ang mga kopa niyaon, na pagbubuhusan.
Ang paggagawa ng kandelero.
17 (E)At kaniyang ginawa ang kandelero na taganas na ginto: niyari niya sa pamukpuk ang kandelero, ang tungtungan niyaon at ang haligi niyaon; ang mga kopa niyaon, ang mga globito niyaon, at ang mga bulaklak ay kaputol niyaon:
18 At may anim na sangang lumalabas sa dalawang tagiliran niyaon; tatlong sanga ng kandelero ay sa isang tagiliran, at tatlong sanga ng kandelero ay sa kabilang tagiliran:
19 Tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa isang sanga, isang globito at isang bulaklak; at tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa kabilang sanga, isang globito at isang bulaklak: gayon sa anim na sangang lumalabas sa kandelero.
20 At sa kandelero'y may apat na kopang anyong bulaklak ng almendro, sangpu ng mga globito niyaon, at ng mga bulaklak niyaon:
21 At may isang globito sa ilalim ng dalawa sa mga sanga na kaputol niyaon, at isang globito sa ilalim ng kabilang dalawa sa mga sanga na kaputol niyaon, at isang globito sa ilalim ng dalawang sanga na kaputol niyaon, sapagka't ang anim na sanga ay lumalabas doon.
22 Ang mga globito at ang mga sanga ay kaputol ng kandelero: ang kabuoa'y isa lamang putol na yari sa pamukpok, taganas na ginto.
23 At kaniyang ginawa ang mga ilawan niyaong pito, at ang mga pangipit niyaon, at ang mga pinggan niyaon, na taganas na ginto.
24 Na isang talento na taganas na ginto ginawa niya, at ang lahat ng mga kasangkapan niyaon.
Ang paggagawa ng dambana ng kamangyan.
25 (F)At kaniyang ginawa ang dambanang suuban na kahoy na akasia: isang siko ang haba niyaon, at isang siko ang luwang niyaon, parisukat at dalawang siko ang taas niyaon; ang mga anyong sungay niyaon ay kaputol din.
26 At kaniyang binalot ng taganas na ginto ang ibabaw niyaon, at ang mga tagiliran niyaon sa palibot, at ang mga anyong sungay niyaon: at kaniyang iginawa ng isang kornisang ginto sa palibot.
27 At iginawa niya ng dalawang gintong argolya sa ilalim ng kornisa, sa dakong itaas ng dalawang panig, sa ibabaw ng dalawang panig, na pagsusuutan ng mga pingga upang mabuhat.
28 At kaniyang ginawa ang mga pingga na kahoy na akasia, at mga binalot na ginto.
29 At kaniyang ginawa (G)ang banal na langis na pangpahid, at ang (H)taganas na kamangyan na mainam na pabango ayon sa katha ng manggagawa ng pabango.
16 (A)Ang mga bagay na ito'y aking sinalita sa inyo, (B)upang kayo'y huwag mangatisod.
2 Kayo'y palalayasin nila sa mga sinagoga: (C)oo, dumarating ang oras, (D)na ang sinomang pumatay sa inyo ay aakalaing naghahandog siya ng paglilingkod sa Dios.
3 At ang mga bagay na ito'y gagawin nila, sapagka't hindi nila nakikilala ang Ama, ni ako man.
4 Datapuwa't ang mga bagay na ito'y sinalita ko sa inyo, upang kung dumating ang kanilang oras, ay inyong mangaalaala, kung paanong sinabi ko sa inyo. At ang mga bagay na ito'y hindi ko sinabi sa inyo buhat pa nang una, sapagka't ako'y sumasa inyo.
5 Datapuwa't ngayong (E)ako'y paroroon sa nagsugo sa akin; at (F)sinoman sa inyo ay walang nagtatanong sa akin, Saan ka paroroon?
6 Nguni't sapagka't sinalita ko ang mga bagay na ito sa inyo, ay napuno (G)ng kalumbayan ang inyong puso.
7 Gayon ma'y sinasalita ko sa inyo ang katotohanan: Nararapat sa inyo na ako'y yumaon; sapagka't kung hindi ako yayaon, (H)ang Mangaaliw ay hindi paririto sa inyo; nguni't kung ako'y yumaon, siya'y susuguin ko sa inyo.
8 At siya, pagparito niya, ay kaniyang susumbatan ang sanglibutan tungkol sa kasalanan, at sa katuwiran, at sa paghatol:
9 (I)Tungkol sa kasalanan, sapagka't hindi sila nagsisampalataya sa akin;
10 (J)Tungkol sa katuwiran, sapagka't ako'y paroroon sa Ama, at hindi na ninyo ako makikita;
11 Tungkol sa paghatol, (K)sapagka't ang prinsipe ng sanglibutang ito ay hinatulan na.
12 Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, (L)nguni't ngayon ay hindi ninyo mangatitiis.
13 Gayon ma'y kung siya, ang (M)Espiritu ng katotohanan ay dumating, (N)ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka't hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating.
14 Luluwalhatiin niya ako: sapagka't kukuha siya sa nasa akin, at sa inyo'y ipahahayag.
15 Ang lahat ng mga bagay na nasa Ama (O)ay akin: kaya sinabi ko, na siya'y kukuha sa nasa akin, at sa inyo'y ipahahayag.
16 Sangdali na lamang, (P)at ako'y hindi na ninyo makikita; at muling sandali pa, at ako'y inyong makikita.
17 Ang ilan sa kaniyang mga alagad nga ay nangagsangusapan, Ano itong sinasabi niya sa atin, Sangdali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita; at muling sangdali pa, at ako'y inyong makikita: at, Sapagka't ako'y paroroon sa Ama?
18 Sinabi nga nila, Ano nga itong sinasabi niya, Sangdali na lamang? Hindi namin nalalaman kung ano ang sinasabi niya.
19 Natalastas ni Jesus na sa kaniya'y ibig nilang itanong, at sa kanila'y sinabi niya, Nangagtatanungan kayo tungkol dito sa aking sinabi, Sangdali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita, at muling sangdali pa, at ako'y inyong makikita?
20 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayo'y magsisiiyak at magsisipanaghoy, datapuwa't ang sanglibutan ay magagalak: kayo'y mangalulumbay, datapuwa't (Q)ang inyong kalumbayan ay magiging kagalakan.
21 Ang babae pagka nanganganak (R)ay nalulumbay, sapagka't dumating ang kaniyang oras: nguni't pagkapanganak niya sa sanggol, ay hindi na niya naalaala ang hirap dahil sa kagalakan sa pagkapanganak sa isang tao sa sanglibutan.
22 At kayo nga sa ngayon ay may kalumbayan: nguni't muli ko kayong makikita, at magagalak ang inyong puso, at walang makapagaalis sa inyo ng inyong kagalakan.
23 (S)At sa araw na yaon ay hindi kayo magtatanong sa akin ng anomang tanong. (T)Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung kayo'y hihingi ng anoman sa Ama, ay ibibigay niya sa inyo sa aking pangalan.
24 Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihinging anoman sa pangalan ko: kayo'y magsihingi, at kayo'y tatanggap, (U)upang malubos ang inyong kagalakan.
25 Sinalita ko sa inyo ang mga bagay na ito sa malalabong pananalita: darating ang oras, na hindi ko na kayo pagsasalitaan sa malalabong pananalita, kundi (V)maliwanag na sa inyo'y sasaysayin ko ang tungkol sa Ama.
26 Sa araw na yao'y magsisihingi kayo sa aking pangalan: at sa inyo'y hindi ko sinasabi, na kayo'y idadalangin ko sa Ama;
27 Sapagka't (W)ang Ama rin ang umiibig sa inyo, sapagka't ako'y inyong inibig, (X)at kayo'y nagsisampalataya na ako'y nagbuhat sa Ama.
28 Nagbuhat ako sa Ama, (Y)at naparito ako sa sanglibutan: muling iniiwan ko ang sanglibutan, at (Z)ako'y paroroon sa Ama.
29 Sinasabi ng kaniyang mga alagad, Narito, ngayo'y nagsasalita kang malinaw, at wala kang sinasalitang anomang malabong pananalita.
30 Ngayon ay nakikilala namin na nalalaman mo ang lahat ng mga bagay, at hindi nangangailangan na tanungin ka ng sinoman: dahil dito'y nagsisisampalataya kami na ikaw ay nagbuhat sa Dios.
31 Sinagot sila ni Jesus, Ngayon baga'y nagsisisampalataya kayo?
32 Narito, ang oras ay dumarating, (AA)oo, dumating na, na kayo'y mangangalat, ang bawa't tao sa kanikaniyang sarili, at ako'y iiwan ninyong magisa: (AB)at gayon ma'y hindi ako nagiisa, sapagka't ang Ama ay sumasa akin.
33 Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo'y magkaroon (AC)sa akin ng kapayapaan. (AD)Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni't laksan ninyo ang loob; (AE)aking dinaig ang sanglibutan.
Iba't ibang kawikaan. Pinagpaparis ang matuwid at ang masama.
13 Dinidinig ng pantas na anak ang turo ng kaniyang ama:
(A)Nguni't hindi dinidinig ng mangduduwahagi ang saway.
2 Ang tao ay kakain ng mabuti ayon (B)sa bunga ng kaniyang bibig:
Nguni't ang magdaraya ay kakain ng karahasan,
3 (C)Siyang nagiingat ng kaniyang bibig, nagiingat ng kaniyang buhay:
Nguni't siyang nagbubukang maluwang ng kaniyang mga labi ay magkakaroon ng kapahamakan.
4 Ang tamad ay nagnanasa, at walang anoman:
Nguni't ang kaluluwa ng masipag ay tataba.
5 Ang matuwid ay nagtatanim sa pagsisinungaling:
Nguni't ang masama ay kasuklamsuklam, at napapahiya.
6 Bumabantay (D)ang katuwiran sa matuwid na lakad;
Nguni't inilulugmok ng kasamaan ang makasalanan.
7 (E)May nagpapakayaman, gayon ma'y walang anoman:
(F)May nagpapakadukha, gayon ma'y may malaking kayamanan.
8 Ang katubusan sa buhay ng tao ay siyang kaniyang mga kayamanan:
Nguni't ang dukha ay hindi nakikinig sa banta.
9 Ang ilaw ng matuwid ay nagagalak:
(G)Nguni't ang ilawan ng masama ay papatayin.
10 Sa kapalaluan, ang dumarating ay pagtatalo lamang:
Nguni't ang karunungan ay nangasa nangaturuang maigi.
11 Ang kayamanang tinangkilik sa walang kabuluhan ay (H)huhupa:
Nguni't siyang nagpipisan sa paggawa ay mararagdagan.
12 Ang pagasa na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso:
(I)Nguni't pagka ang nasa ay dumarating ay punong kahoy ng buhay.
13 (J)Sinomang humamak sa salita ay nagdadala ng kapahamakan sa sarili:
Nguni't siyang natatakot sa utos ay gagantihin.
14 (K)Ang kautusan ng pantas ay bukal ng buhay,
Upang lumayo sa mga silo ng kamatayan.
15 Ang mabuting kaunawaan ay nagbibigay lingap:
Nguni't ang lakad ng mananalangsang ay mahirap.
16 Bawa't mabait na tao ay gumagawang may kaalaman:
Nguni't ang mangmang ay nagkakalat ng kamangmangan.
17 Ang masamang sugo ay nahuhulog sa kasamaan:
Nguni't ang tapat na (L)sugo ay kagalingan.
18 Karalitaan at kahihiyan ang tatamuhin ng nagtatakuwil ng saway:
Nguni't (M)siyang nakikinig ng saway ay magkakapuri.
19 Ang nasa na natupad ay matamis sa kaluluwa:
Nguni't kasuklamsuklam sa mga mangmang na humiwalay sa kasamaan.
20 Lumalakad ka na kasama ng mga pantas na tao, at ikaw ay magiging pantas;
Nguni't ang kasama ng mga mangmang ay mapapariwara.
21 (N)Ang kasamaan ay humahabol sa mga makasalanan;
Nguni't ang matuwid ay gagantihan ng mabuti.
22 Ang mabuti ay nagiiwan ng mana sa mga anak ng kaniyang mga anak;
(O)At ang kayamanan ng makasalanan ay nalalagay na ukol sa matuwid.
23 Maraming pagkain ang nasa pagsasaka ng dukha:
Nguni't may napapahamak dahil sa kawalan ng kaganapan.
24 (P)Siyang naguurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak:
Nguni't siyang umiibig ay nagpaparusang maminsanminsan.
25 (Q)Ang matuwid ay kumakain hanggang sa kabusugan ng kaniyang kaluluwa;
Nguni't ang tiyan ng masama ay mangangailangan.
6 Mga anak, (A)magsitalima kayo sa inyong mga magulang sa Panginoon: sapagka't ito'y matuwid.
2 Igalang mo ang iyong ama (B)at ina (na siyang unang utos na may pangako),
3 Upang yumaon kang mabuti, at ikaw ay mabuhay na malaon sa lupa.
4 At, (C)kayong mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak: kundi (D)inyong turuan sila ayon sa saway at (E)aral ng Panginoon.
5 Mga alipin, (F)magsitalima kayo sa mga yaong ayon sa laman ay inyong mga panginoon, (G)na may takot at panginginig, sa (H)katapatan ng inyong puso, na (I)gaya ng kay Cristo;
6 Hindi ang paglilingkod sa paningin, na gaya ng pagbibigay lugod sa mga tao; kundi bagkus gaya ng mga (J)alipin ni Cristo, na ginagawa mula sa puso ang kalooban ng Dios;
7 (K)Maglingkod na may mabuting kalooban, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao:
8 Yamang napagaalaman na anomang mabuting bagay na gawin ng bawa't isa, (L)ay gayon din ang muling tatanggapin niya sa Panginoon, (M)maging alipin o laya.
9 At kayong (N)mga panginoon, gayon din ang inyong gawin sa kanila, at iwan ninyo ang mga pagbabala: yamang napagaalaman na ang Panginoon nila at ninyo ay nasa langit, (O)at sa kaniya'y walang itinatanging tao.
10 Sa katapustapusa'y (P)magpakalakas kayo sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan.
11 Mangagbihis kayo ng (Q)buong kagayakan (R)ng Dios, upang kayo'y magsitibay laban sa mga lalang ng diablo.
12 Sapagka't (S)ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa (T)mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga (U)namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.
13 Dahil dito magsikuha kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y mangakatagal (V)sa araw na masama, at kung magawa ang lahat, ay magsitibay.
14 (W)Magsitibay nga kayo, na ang inyong mga baywang ay may bigkis na katotohanan, na (X)may sakbat na baluti ng katuwiran,
15 At ang inyong mga paa ay may panyapak na paghahanda ng evangelio ng kapayapaan;
16 Bukod dito ay taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na siyang ipapatay ninyo sa lahat ng nangagniningas na suligi ng masama.
17 At magsikuha rin naman kayo ng turbante ng kaligtasan, at (Y)ng tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Dios:
18 (Z)Na magsipanalangin kayo (AA)sa Espiritu ng lahat ng panalangin at daing sa buong panahon, at mangagpuyat sa buong katiyagaan at (AB)daing na patungkol sa lahat ng mga banal,
19 At sa akin, (AC)upang ako'y pagkalooban ng pananalita sa pagbubuka ng aking bibig, upang ipakilalang may katapangan (AD)ang hiwaga ng evangelio,
20 Na dahil dito (AE)ako'y isang sugong (AF)natatanikalaan; upang sa ganito ako'y magsalita na may katapangan gaya ng nararapat na aking salitain.
21 Datapuwa't (AG)upang mangaalaman ninyo naman ang mga bagay na ukol sa akin, at ang kalagayan ko, si Tiquico na aking minamahal na kapatid at tapat na ministro sa Panginoon, ay siyang magpapakilala sa inyo (AH)ng lahat ng mga bagay:
22 Na siyang aking sinugo sa inyo sa bagay na ito, upang makilala ninyo ang aming kalagayan, at upang kaniyang aliwin ang inyong mga puso.
23 Kapayapaan nawa sa mga kapatid, at pagibig na may pananampalataya, mula sa Dios Ama at sa Panginoong Jesucristo.
24 Ang biyaya nawa'y sumalahat ng mga nagsisiibig sa ating Panginoong Jesucristo ng pagibig na walang pagkasira. Siya nawa.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978