M’Cheyne Bible Reading Plan
Tumutol ang Efraimita
12 Ang mga lalaki ng Efraim ay nagtipon at tumawid patungo sa Zafon at sinabi nila kay Jefta, “Bakit ka tumawid upang lumaban sa mga anak ni Ammon, at hindi mo kami tinawag upang sumama sa iyo? Susunugin namin ang iyong bahay na kasama ka.”[a]
2 Sinabi ni Jefta sa kanila, “Ako at ang aking bayan ay may matinding labanan sa mga anak ni Ammon; at nang tawagan ko kayo ay hindi ninyo ako iniligtas sa kanilang kamay.
3 Nang makita ko na ako'y hindi ninyo iniligtas ay inilagay ko ang aking buhay sa aking kamay. Ako'y tumawid laban sa mga anak ni Ammon, at sila'y ibinigay ng Panginoon sa aking kamay. Bakit kayo umahon dito sa akin sa araw na ito upang makipaglaban sa akin?”
4 Nang magkagayo'y tinipon ni Jefta ang mga lalaki sa Gilead, at nakipaglaban sa Efraim. Ginapi ng mga lalaki ng Gilead ang Efraim, sapagkat kanilang sinabi, “Kayo'y mga takas sa Efraim, kayong mga Gileadita, sa gitna ng Efraim, at Manases.”
5 At sinakop ng mga Gileadita ang mga tawiran sa Jordan sa gitna ng mga Efraimita. At kapag sinabi ng mga takas sa Efraim na, “Paraanin mo ako,” ay sinasabi ng mga lalaki ng Gilead sa kanya, “Ikaw ba'y Efraimita?” Kung kanyang sabihin, “Hindi,”
6 ay sinasabi nga nila sa kanya, “Sabihin mo ang Shibolet” at sinabi niya, “Sibolet;” sapagkat hindi niya mabigkas ito nang tama. Kaya't kanilang darakpin at papatayin siya sa mga tawiran ng Jordan. At ang napatay nang panahong iyon sa Efraim ay apatnapu't dalawang libo.
Namatay si Jefta
7 Naghukom si Jefta sa Israel nang anim na taon. Pagkatapos ay namatay si Jefta na Gileadita, at inilibing sa kanyang lunsod sa Gilead.[b]
8 Pagkatapos niya, si Ibzan na taga-Bethlehem ang naghukom sa Israel.
9 Siya'y mayroong tatlumpung anak na lalaki, at ang tatlumpung anak na babae ay kanyang pinapag-asawa sa labas ng kanyang angkan, at tatlumpung anak na babae naman ay kanyang ipinasok mula sa labas para sa kanyang mga anak na lalaki. At naghukom siya sa Israel nang pitong taon.
10 Si Ibzan ay namatay at inilibing sa Bethlehem.
11 Pagkatapos niya, si Elon na Zebulonita ay naghukom sa Israel; at naghukom siya sa Israel nang sampung taon.
12 At si Elon na Zebulonita ay namatay, at inilibing sa Aijalon sa lupain ng Zebulon.
13 Pagkatapos niya, si Abdon na anak ni Hillel na Piratonita ay naghukom sa Israel.
14 Siya'y nagkaroon ng apatnapung anak na lalaki at tatlumpung apo na sumasakay sa pitumpung asno, at siya'y naghukom sa Israel nang walong taon.
15 At si Abdon na anak ni Hillel na Piratonita ay namatay, at inilibing sa Piraton sa lupain ng Efraim, sa lupaing maburol ng mga Amalekita.
Sumama si Timoteo kina Pablo at Silas
16 Nakarating si Pablo[a] sa Derbe at sa Listra. Naroon ang isang alagad na ang pangalan ay Timoteo, na anak ng isang babaing Judio na mananampalataya, ngunit Griyego ang kanyang ama.
2 Maganda ang patotoo tungkol sa kanya ng mga kapatid sa Listra at Iconio.
3 Nais ni Pablo na sumama sa kanya si Timoteo; at nang kanyang kunin siya ay kanyang tinuli dahil sa mga Judio na nasa mga lugar na iyon sapagkat nalalaman ng lahat na ang kanyang ama ay isang Griyego.
4 At sa kanilang paglalakbay sa mga bayan-bayan, kanilang dinadala sa kanila ang mga utos na napagpasiyahan ng mga apostol at ng matatanda sa Jerusalem.
5 Kaya't ang mga iglesya ay lumakas sa pananampalataya at nadagdagan ang kanilang bilang araw-araw.
Ang Pangitain ni Pablo sa Troas
6 At naglakbay sila sa lupain ng Frigia at Galacia, dahil pinagbawalan sila ng Espiritu Santo na ipangaral ang salita sa Asia.
7 Nang sila'y dumating sa tapat ng Misia, ay pinagsikapan nilang makapasok sa Bitinia ngunit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus.
8 At paglampas nila sa Misia ay nagtungo sila sa Troas.
9 Nang gabing iyon ay lumitaw ang isang pangitain kay Pablo: may isang lalaking taga-Macedonia na nakatayo at nakikiusap sa kanya na sinasabi, “Tumawid ka patungo sa Macedonia, at tulungan mo kami.”
10 At pagkakita niya sa pangitain, sinikap naming pumunta agad sa Macedonia, na naniniwalang kami'y tinawag ng Diyos upang ipangaral ang magandang balita sa kanila.
Nanampalataya si Lydia
11 Kaya't pagtulak mula sa Troas, tumuloy kami sa Samotracia, at nang sumunod na araw ay sa Neapolis;
12 at mula roo'y sa Filipos, na pangunahing lunsod sa distrito ng Macedonia, at ito'y sakop ng Roma. Kami ay tumigil sa lunsod na ito nang ilang araw.
13 At sa araw ng Sabbath ay pumunta kami sa labas ng pintuan sa may tabi ng ilog na sa palagay namin ay may dakong panalanginan, at kami'y umupo, at nakipag-usap sa mga babaing nagtitipon doon.
14 At nakinig sa amin ang isang babaing ang pangalan ay Lydia na sumasamba sa Diyos. Siya'y mula sa lunsod ng Tiatira at isang mangangalakal ng mga telang kulay-ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang puso upang makinig na mabuti sa mga bagay na sinasabi ni Pablo.
15 Nang siya'y mabautismuhan na, kasama ang kanyang sambahayan, ay nakiusap siya sa amin, na sinasabi, “Kung inyong hinatulan na ako'y tapat sa Panginoon, tumuloy kayo sa aking bahay, at doon tumigil.” At kami'y napilit niya.
Nabilanggo sina Pablo at Silas sa Filipos
16 Samantalang papunta kami sa dakong panalanginan, sinalubong kami ng isang aliping batang babae na may espiritu ng panghuhula at nagdadala ng maraming pakinabang sa kanyang mga amo sa pamamagitan ng panghuhula.
17 Siya'y sumusunod kay Pablo at sa amin, na sumisigaw, “Ang mga taong ito ay mga alipin ng Kataas-taasang Diyos, na nagpapahayag sa inyo ng daan ng kaligtasan.”
18 At ginawa niya ito sa loob ng maraming araw. Ngunit nang mabagabag na si Pablo ay lumingon siya at sinabi sa espiritu, “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo na lumabas ka sa kanya.” At ito ay lumabas nang oras ding iyon.
19 Ngunit nang makita ng kanyang mga amo na wala na ang inaasahan nilang pakinabang ay hinuli nila sina Pablo at Silas, at kinaladkad sila sa pamilihan, sa harapan ng mga pinuno.
20 Nang maiharap na sila sa mga hukom, ay sinabi nila, “Ang mga taong ito ay mga Judio, at ginugulo nila ang ating lunsod.
21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang hindi ipinahihintulot sa ating mga Romano na tanggapin at gawin.”
22 Ang maraming tao ay sama-samang tumindig laban sa kanila; at pinunit ng mga hukom ang mga damit nina Pablo at Silas,[b] at ipinag-utos na hagupitin sila.
23 Nang sila'y mahagupit na nila nang maraming ulit, itinapon sila sa bilangguan, at pinagbilinan ang tanod ng bilangguan na sila'y bantayang mabuti.
24 Nang kanyang matanggap ang utos na ito, kanyang ipinasok sila sa kaloob-looban ng bilangguan at ikinabit ang kanilang mga paa sa mga panggapos.
25 Ngunit nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno sa Diyos, at sila'y pinapakinggan ng mga bilanggo.
26 At biglang nagkaroon ng isang malakas na lindol, anupa't ang mga pundasyon ng bilangguan ay nayanig, agad na nabuksan ang lahat ng mga pinto, at nakalag ang mga tanikala ng bawat isa.
27 Nang magising ang bantay ng bilangguan at makitang bukas ang mga pinto ng bilangguan, binunot niya ang kanyang tabak at magpapakamatay na sana dahil sa pag-aakalang nakatakas ang mga bilanggo.
28 Ngunit sumigaw si Pablo nang malakas, “Huwag mong saktan ang iyong sarili, sapagkat naririto kaming lahat.”
29 At ang bantay[c] ay humingi ng mga ilaw at tumakbo sa loob, at nanginginig sa takot na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas.
30 Nang sila'y mailabas ay sinabi niya, “Mga ginoo, ano ang kailangan kong gawin upang maligtas?”
31 At kanilang sinabi, “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.”
32 Ipinangaral nila sa kanya ang salita ng Panginoon at sa lahat ng nasa kanyang bahay.
33 Sila'y kanyang kinuha nang oras ding iyon ng gabi, at hinugasan ang kanilang mga sugat, at agad siyang binautismuhan, pati ang buo niyang sambahayan.
34 Sila'y kanyang pinapanhik sa kanyang bahay at hinainan sila ng pagkain. Siya at ang kanyang buong sambahayan ay nagalak na sumampalataya siya sa Diyos.
35 Kinaumagahan, ang mga hukom ay nagsugo ng mga kawal, na nagsasabi, “Pakawalan mo ang mga taong iyon.”
36 At iniulat ng bantay ng bilangguan kay Pablo ang mga salitang ito, na sinasabi, “Ipinag-utos ng mga hukom na kayo'y pakawalan; kaya't ngayon ay lumabas kayo at humayo nang payapa.”
37 Subalit sinabi sa kanila ni Pablo, “Pinalo nila kami sa harap ng bayan, na hindi nahatulan, mga lalaking Romano, at kami'y itinapon sa bilangguan at ngayo'y lihim na kami'y pawawalan nila? Hindi maaari! Hayaan silang pumarito at kami'y pakawalan.”
38 Iniulat ng mga kawal ang mga salitang ito sa hukom at sila'y natakot nang kanilang marinig na sila'y mga mamamayang Romano;
39 kaya sila'y dumating at humingi sa kanila ng paumanhin. At sila'y kanilang inilabas at hiniling sa kanila na lisanin ang lunsod.
40 Nang sila'y makalabas sa bilangguan, pumunta sila kay Lydia; at nang makita nila ang mga kapatid, ay kanilang inaliw sila, pagkatapos ay umalis.
Ang Kaaway mula sa Hilaga
25 Ang(A) salita na dumating kay Jeremias tungkol sa buong sambayanan ng Juda, nang ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda (iyon din ang unang taon ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia),
2 na binigkas ni Jeremias na propeta sa buong sambayanan ng Juda, at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem, na sinasabi,
3 “Sa loob ng dalawampu't tatlong taon, mula nang ikalabintatlong taon ni Josias, na anak ni Amon, na hari ng Juda, hanggang sa araw na ito, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, at ako'y matiyagang nagsalita sa inyo, ngunit hindi kayo nakinig.
4 Hindi kayo nakinig ni ikiniling man ang inyong mga tainga upang makinig bagaman patuloy na sinugo ng Panginoon sa inyo ang lahat niyang mga lingkod na propeta,
5 na nagsasabi, ‘Bawat isa sa inyo ay tumalikod mula sa kanyang masamang lakad at masasamang mga gawa, at kayo'y mananatili sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga ninuno, mula nang una at hanggang sa magpakailanman.
6 Huwag kayong sumunod sa ibang mga diyos upang paglingkuran at sambahin sila, o galitin ako sa pamamagitan ng gawa ng inyong mga kamay. Kung gayo'y hindi ko kayo gagawan ng masama!’
7 Gayunma'y hindi kayo nakinig sa akin, sabi ng Panginoon; kaya't ginalit ninyo ako sa pamamagitan ng gawa ng inyong mga kamay tungo sa inyong sariling kapahamakan.
8 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Sapagkat hindi ninyo pinakinggan ang aking mga salita,
9 tatawagin ko ang lahat ng mga lipi sa hilaga, at si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, ang aking lingkod. Dadalhin ko sila laban sa lupaing ito at sa mga mamamayan nito, at laban sa lahat ng mga bansang ito sa palibot. Ganap ko silang lilipulin, at gagawin ko silang kasuklamsuklam, pagsisitsitan at isang walang hanggang kakutyaan,[a] sabi ng Panginoon.
10 Bukod(B) dito'y papawiin ko sa kanila ang tinig ng kasayahan at ang tinig ng katuwaan, ang tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, ang ingay ng mga batong gilingan, at ang liwanag ng ilawan.
11 Ang(C) buong lupaing ito ay magiging guho at katatakutan; at ang mga bansang ito ay maglilingkod sa hari ng Babilonia sa loob ng pitumpung taon.
12 At pagkalipas ng pitumpung taon, parurusahan ko ang hari ng Babilonia at ang bansang iyon, ang lupain ng mga Caldeo, dahil sa kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon, at gagawin ko iyong wasak magpakailanman.
13 Dadalhin ko sa lupaing iyon ang lahat ng mga salitang aking binitiwan laban doon, ang lahat ng nakasulat sa aklat na ito na inihayag ni Jeremias laban sa lahat ng mga bansa.
14 Sapagkat gagawin din silang mga alipin ng maraming bansa at mga dakilang hari, at gagantihan ko sila ayon sa kanilang mga gawa, at sa gawa ng kanilang mga kamay.”
Ang Saro ng Alak ng Kabagsikan ay Inihandog sa Lahat ng Bansa
15 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, sa akin, “Kunin mo sa aking kamay itong saro ng alak ng poot, at painumin mo ang lahat ng bansa na pinagsuguan ko sa iyo.
16 Sila'y iinom at magpapagiray-giray, at mauulol dahil sa tabak na aking ibibigay sa kanila.”
17 Kaya't kinuha ko ang saro mula sa kamay ng Panginoon, at pinainom ko ang lahat ng mga bansang pinagsuguan sa akin ng Panginoon:
18 ang Jerusalem at ang mga bayan ng Juda, ang mga hari at mga pinuno nito, upang gawin silang giba, katatakutan, kakutyaan at sumpa gaya ng sa araw na ito;
19 Si Faraon na hari ng Ehipto, ang kanyang mga lingkod, mga pinuno, at ang buong sambayanan niya;
20 at ang lahat ng mga dayuhang kasama nila, ang lahat ng hari sa lupain ng Uz, at ang lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo, (Ascalon, Gaza, at ang Ekron, at ang nalabi sa Asdod);
21 ang Edom, Moab, at ang mga anak ni Ammon;
22 lahat ng mga hari ng Tiro, lahat ng mga hari ng Sidon, at ang mga hari sa baybayin sa kabila ng dagat;
23 ang Dedan, Tema, Buz, at ang lahat ng nagpuputol ng mga sulok ng kanilang buhok;
24 lahat ng mga hari ng Arabia at ang lahat ng mga hari ng halu-halong lipi na naninirahan sa disyerto;
25 lahat ng mga hari ng Zimri, lahat ng mga hari ng Elam, lahat ng mga hari ng Media;
26 lahat ng mga hari sa hilaga, malayo at malapit, na magkakasunod; at ang lahat ng mga kaharian sa daigdig, na nasa ibabaw ng lupa. Pagkatapos nila ang hari ng Sheshach[b] ay iinom.
27 “At iyong sasabihin sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kayo'y uminom, magpakalasing, at magsuka. Mabuwal kayo at huwag nang bumangon pa, dahil sa tabak na aking ibibigay sa inyo.’
28 “At kung ayaw nilang tanggapin ang saro sa iyong kamay upang inuman, sasabihin mo nga sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Kailangang uminom kayo!
29 Sapagkat narito, ako'y nagsisimulang gumawa ng kasamaan sa lunsod na tinatawag sa aking pangalan, at kayo ba'y aalis na hindi mapaparusahan? Kayo'y tiyak na parurusahan sapagkat ako'y tumatawag ng tabak laban sa lahat ng naninirahan sa lupa, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.’
30 “Kaya ikaw ay magsasalita ng mga salitang propesiyang ito laban sa kanilang lahat at sabihin mo sa kanila:
‘Ang Panginoon ay dadagundong mula sa itaas,
at ilalakas ang kanyang tinig mula sa kanyang banal na tahanan;
siya'y uungol nang malakas laban sa kanyang kawan;
siya'y sisigaw, gaya ng mga pumipisa ng ubas,
laban sa lahat ng naninirahan sa lupa.
31 Ang ingay ay aabot hanggang sa mga dulo ng lupa;
sapagkat ang Panginoon ay may usapin laban sa mga bansa,
siya'y pumapasok sa paghatol kasama ng lahat ng laman.
Tungkol sa masasama, sila'y ibibigay niya sa tabak, sabi ng Panginoon.’
32 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
Narito, ang kasamaan ay lumalaganap sa mga bansa
at isang malakas na bagyo ay namumuo
mula sa pinakamalayong bahagi ng daigdig!
33 “At ang mapapatay ng Panginoon sa araw na iyon ay magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo. Sila'y hindi tataghuyan, o titipunin, o ililibing man; sila'y magiging dumi sa ibabaw ng lupa.
34 “Humagulhol kayo, mga pastol, at sumigaw;
at gumulong kayo sa abo, kayong mga panginoon ng kawan;
sapagkat ang mga araw ng pagkatay sa inyo at pangangalat ninyo ay dumating na,
at kayo'y babagsak na parang piling sisidlan.
35 Walang daang matatakbuhan ang mga pastol,
o pagtakas man para sa mga panginoon ng kawan.
36 Pakinggan ninyo ang sigaw ng mga pastol,
at ang hagulhol ng mga panginoon ng kawan!
Sapagkat sinisira ng Panginoon ang kanilang pastulan,
37 at ang payapang mga kulungan ay nasasalanta
dahil sa mabangis na galit ng Panginoon.
38 Gaya ng leon ay iniwan niya ang kanyang kublihan,
sapagkat ang kanilang lupain ay nasira
dahil sa tabak ng manlulupig,
at dahil sa kanyang mabangis na galit.”
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)
11 Nang malapit na sila sa Jerusalem, sa may Betfage at Betania, malapit sa bundok ng mga Olibo, sinugo ni Jesus[a] ang dalawa sa kanyang mga alagad,
2 at sa kanila'y sinabi, “Pumunta kayo sa nayong nasa tapat ninyo at kaagad sa inyong pagpasok doon ay matatagpuan ninyo ang isang nakataling batang asno na hindi pa nasasakyan ng tao. Kalagan at kunin ninyo iyon.
3 At kung may magsabi sa inyo, ‘Bakit ninyo ginagawa ito?’ sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon’ at ipadadala niya agad rito.”
4 Umalis sila at kanilang natagpuan ang batang asno na nakatali sa pintuan sa labas ng lansangan. At kinalagan nila ito.
5 Ang ilan sa nakatayo roon ay nagsabi sa kanila, “Anong ginagawa ninyo na inyong kinakalagan ang batang asno?”
6 At sinabi nila sa kanila ang sinabi ni Jesus at kanilang pinayagan sila.
7 Pagkatapos, dinala nila ang batang asno kay Jesus at inilagay nila sa ibabaw ng batang asno ang kanilang mga balabal at siya'y sumakay rito.
8 Maraming tao ang naglatag ng kanilang balabal sa daan at ang iba'y naglatag ng mga sanga na kanilang pinutol mula sa mga bukid.
9 Ang(B) mga nauuna at ang mga sumusunod ay nagsisigawan, “Hosana! Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!
10 Mapalad ang dumarating na kaharian ng ating amang si David! Hosana sa kataas-taasan!”
11 Pumasok siya sa Jerusalem at pumunta sa templo. Nang matingnan niya sa palibot ang lahat ng bagay, palibhasa'y hapon na, pumunta siya sa Betania na kasama ang labindalawa.
Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos(C)
12 Kinabukasan, nang dumating sila mula sa Betania ay nagutom siya.
13 At pagkatanaw niya sa malayo ng isang puno ng igos na may mga dahon, lumapit siya upang tingnan kung may matatagpuan siya roon. At nang siya'y makalapit doon, wala siyang natagpuang anuman kundi mga dahon, sapagkat hindi pa panahon ng mga igos.
14 Sinabi niya rito, “Wala nang sinumang makakakain pa ng bunga mula sa iyo.” Ito'y narinig ng kanyang mga alagad.
Si Jesus sa Templo(D)
15 Pagkatapos ay dumating sila sa Jerusalem. Pumasok siya sa templo at sinimulan niyang itaboy ang mga nagbibili at ang mga bumibili sa loob ng templo. Ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagbibili ng mga kalapati.
16 Hindi niya pinahintulutan ang sinuman na magdala ng anuman na padadaanin sa templo.
17 Nagturo(E) siya at sinabi, “Hindi ba nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan para sa lahat ng mga bansa?’ Ngunit ginawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”
18 Narinig ito ng mga punong pari at ng mga eskriba at sila'y naghanap ng paraan kung paano nila siya mapapatay, sapagkat natatakot sila sa kanya dahil maraming tao ang namangha sa kanyang aral.
19 Nang sumapit na ang gabi, sila ay lumabas sa lunsod.
Ang Aral mula sa Namatay na Punong Igos(F)
20 Kinaumagahan habang sila'y nagdaraan, nakita nila ang puno ng igos na natuyo mula sa mga ugat.
21 Nang maalala ni Pedro ay sinabi niya sa kanya, “Rabi, tingnan mo! Ang puno ng igos na iyong isinumpa ay tuyo na.”
22 At sumagot si Jesus sa kanila, “Magkaroon kayo ng pananampalataya sa Diyos.
23 Katotohanang(G) sinasabi ko sa inyo, na ang sinumang magsabi sa bundok na ito, ‘Mabunot ka at mapatapon ka sa dagat,’ at hindi nag-aalinlangan sa kanyang puso, kundi naniniwala na mangyayari ang kanyang sinabi, ay mangyayari nga iyon sa kanya.
24 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng bagay na iyong idalangin at hingin, paniwalaan ninyong tinanggap na ninyo at iyon ay mapapasainyo.
25 Kapag(H) kayo'y nakatayo na nananalangin, magpatawad kayo kung mayroon kayong anumang laban sa kaninuman; upang patawarin kayo sa inyong mga kasalanan ng inyong Ama na nasa langit.
26 [Ngunit kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin kayo patatawarin sa inyong mga kasalanan ng inyong Ama na nasa mga langit.]”
Pag-aalinlangan sa Awtoridad ni Jesus(I)
27 Sila'y muling pumunta sa Jerusalem. Samantalang naglalakad siya sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari, ang mga eskriba, at ang matatanda.
28 Sinabi nila sa kanya, “Sa anong awtoridad mo ginagawa ang mga bagay na ito? O sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na gawin ang mga bagay na ito?”
29 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tatanungin ko kayo ng isang tanong. Sagutin ninyo ako at sasabihin ko sa inyo kung sa anong awtoridad ko ginagawa ang mga bagay na ito.
30 Ang bautismo ba ni Juan, ay mula sa langit, o sa mga tao? Sagutin ninyo ako.”
31 Nagtalo sila sa isa't isa, “Kung sabihin natin, ‘Mula sa langit’ ay sasabihin niya, ‘Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?’
32 Ngunit kung sabihin natin, ‘Mula sa mga tao’” ay natatakot sila sa maraming tao sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang tunay na propeta.
33 Kaya't sinagot nila si Jesus, “Hindi namin nalalaman.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ko ginagawa ang mga bagay na ito.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001