Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Josue 23

Ang Pamamaalam ni Josue

23 At nangyari, pagkaraan ng maraming araw, nang mabigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang Israel sa lahat nilang mga kaaway sa palibot, at si Josue ay matanda na at puspos na ng mga taon,

ay tinawag ni Josue ang buong Israel, ang kanilang matatanda, mga pinuno, mga hukom, at ang kanilang mga tagapamahala, at sinabi sa kanila, “Ako'y matanda na at puspos na ng mga taon.

Inyong nakita ang lahat ng ginawa ng Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng bansang ito para sa inyo; sapagkat lumaban ang Panginoon ninyong Diyos para sa inyo.

Narito, aking itinatakda sa inyo bilang pamana sa inyong mga lipi ang mga bansang nalalabi pati ang mga bansang aking inihiwalay, mula sa Jordan hanggang sa Malaking Dagat sa kanluran.

Itataboy sila ng Panginoon ninyong Diyos mula sa harapan ninyo, at palalayasin sila sa inyong paningin, at inyong aangkinin ang kanilang lupain na gaya ng ipinangako ng Panginoon ninyong Diyos sa inyo.

Kaya't kayo'y magpakatatag na mabuti at maingat na gawin ang lahat na nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises, at huwag kayong lumiko sa kanan o sa kaliwa;

huwag kayong makihalo sa mga bansang ito na nalalabi sa gitna ninyo; huwag din ninyong banggitin ang mga pangalan ng kanilang mga diyos, ni susumpa sa pamamagitan nila, ni maglilingkod o yuyukod sa mga iyon;

kundi humawak kayo sa Panginoon ninyong Diyos na gaya ng inyong ginawa hanggang sa araw na ito.

Sapagkat pinalayas ng Panginoon sa harapan ninyo ang malalaki at malalakas na bansa; at tungkol sa inyo, ay walang tao na nakatagal sa harapan ninyo hanggang sa araw na ito.

10 Magagawa(A) ng isa sa inyo na mapatakbo ang isanlibo sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ang nakikipaglaban para sa inyo, gaya ng ipinangako niya sa inyo.

11 Kaya't ingatan ninyo ang inyong sarili, ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos.

12 Sapagkat kapag kayo'y tumalikod at sumanib sa nalabi sa mga bansang ito na naiwan sa gitna ninyo, at kayo'y nagsipag-asawa sa kanilang mga kababaihan, at sila sa inyo,

13 ay alamin ninyong lubos na hindi patuloy na palalayasin ng Panginoon ninyong Diyos ang mga bansang ito sa inyong paningin, kundi sila'y magiging silo at bitag sa inyo, isang panghampas sa inyong tagiliran at mga tinik sa inyong mga mata hanggang sa kayo'y mapuksa dito sa mabuting lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos.

14 “At ngayon, sa araw na ito ay malapit na akong humayo sa lakad ng buong lupa, at nalalaman ninyo sa inyong mga puso at kaluluwa na walang bagay na nagkulang sa lahat na mga mabuting bagay na ipinangako ng Panginoon ninyong Diyos tungkol sa inyo; lahat ay nangyari sa inyo, wala kahit isang bagay na nagkulang.

15 Kaya't kung paanong ang lahat ng mga mabuting bagay na ipinangako ng Panginoon ninyong Diyos ay nangyari sa inyo, ay gayundin dadalhin ng Panginoon sa inyo ang lahat ng masasamang bagay, hanggang sa kayo'y mapuksa niya dito sa mabuting lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos.

16 Kapag sinuway ninyo ang tipan ng Panginoon ninyong Diyos na kanyang iniutos sa inyo, at humayo at naglingkod sa ibang mga diyos at yumukod sa mga iyon, ang galit ng Panginoon ay mag-iinit laban sa inyo, at kayo'y kaagad na mapupuksa sa mabuting lupain na kanyang ibinigay sa inyo.”

Mga Gawa 3

Ang Pagpapagaling sa Lumpo

Isang araw, sina Pedro at Juan ay pumanhik sa templo sa oras ng pananalangin, nang ikasiyam na oras.[a]

At may isang lalaking lumpo mula pa sa pagkapanganak ang noon ay ipinapasok. Araw-araw siya'y inilalagay nila sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda, upang manghingi ng limos sa mga pumapasok sa templo.

Nang nakita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos.

Ngunit pagtitig sa kanya ni Pedro, kasama si Juan, ay sinabi, “Tingnan mo kami.”

Itinuon niya ang kanyang pansin sa kanila na umaasang mayroong tatanggapin mula sa kanila.

Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak at ginto, ngunit ang nasa akin ay siya kong ibinibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret,[b] tumayo ka at lumakad.”

Kanyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya'y itinindig at agad na lumakas ang kanyang mga paa at mga bukung-bukong.

Siya'y lumukso, tumayo at nagpalakad-lakad; pumasok siya sa templo na kasama nila, lumalakad, lumulukso, at nagpupuri sa Diyos.

Nakita siya ng lahat ng tao na lumalakad at nagpupuri sa Diyos.

10 Nakilala nila na siya nga ang dating nakaupo at namamalimos sa Pintuang Maganda ng templo; at sila'y napuno ng pagtataka at pagkamangha sa nangyari sa kanya.

Nangaral si Pedro sa Portiko ni Solomon

11 Samantalang siya'y nakahawak kina Pedro at Juan, sama-samang nagtakbuhan sa kanila ang mga tao, na lubhang namangha, sa tinatawag na portiko ni Solomon.

12 Nang makita ito ni Pedro, nagsalita siya sa mga tao, “Kayong mga Israelita, bakit ninyo ito ikinamamangha? Bakit ninyo kami tinititigan na para bang sa pamamagitan ng aming sariling kapangyarihan o kabanalan ay napalakad namin siya?

13 Niluwalhati ng(A) Diyos ni Abraham, ng Diyos ni Isaac, at ng Diyos ni Jacob, at ng Diyos ng ating mga ninuno ang kanyang lingkod[c] na si Jesus na inyong ibinigay at inyong itinakuwil sa harap ni Pilato, bagaman siya'y nagpasiyang pawalan siya.

14 Ngunit(B) inyong itinakuwil ang Banal at ang Matuwid at inyong hininging ipagkaloob sa inyo ang isang mamamatay-tao,

15 at inyong pinatay ang May-akda ng buhay, na muling binuhay ng Diyos mula sa mga patay; mga saksi kami sa bagay na ito.

16 At sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan, ang kanyang pangalan ang nagpalakas sa taong ito na inyong nakikita at nakikilala. Ang pananampalataya sa pamamagitan ni Jesus ang nagkaloob sa taong ito ng ganitong sakdal na kalusugan sa harapan ninyong lahat.

17 “At ngayon, mga kapatid, nalalaman kong ginawa ninyo iyon sa inyong kamangmangan tulad ng inyong mga pinuno.

18 Ngunit sa ganitong paraan ay tinupad ng Diyos ang kanyang ipinahayag na mangyayari sa pamamagitan ng lahat ng mga propeta, na ang kanyang Cristo ay magdurusa.

19 Kaya nga magsisi kayo at magbalik-loob upang mapawi ang inyong mga kasalanan,

20 upang ang mga panahon ng kaginhawahan ay dumating mula sa harapan ng Panginoon; at upang kanyang suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, si Jesus.

21 Siya'y dapat manatili sa langit hanggang sa mga panahon ng pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay, na sinabi ng Diyos noong una sa pamamagitan ng bibig ng kanyang mga banal na propeta.

22 Tunay(C) na sinabi ni Moises, ‘Ang Panginoong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa inyong mga kapatid.[d] Pakinggan ninyo siya sa lahat ng bagay na sabihin niya sa inyo.

23 Ang(D) bawat tao na hindi makinig sa propetang iyon ay lubos na pupuksain mula sa bayan.’[e]

24 At ang lahat ng mga propeta, mula kay Samuel at ang mga sumunod sa kanya, sa dami ng mga nagsalita, ay nagpahayag din tungkol sa mga araw na ito.

25 Kayo(E) ang mga anak ng mga propeta, at ng tipan na ibinigay ng Diyos sa inyong mga ninuno, na sinasabi kay Abraham, ‘At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng mga angkan sa lupa.’

26 Nang piliin ng Diyos ang kanyang lingkod siya ay kanyang unang isinugo sa inyo, upang kayo'y pagpalain sa pamamagitan ng pagtalikod ng bawat isa sa inyo sa inyong mga kasamaan.”

Jeremias 12

Tinanong ni Jeremias ang Panginoon

12 Ikaw ay matuwid, O Panginoon,
    kapag ako'y maghaharap ng paratang sa iyo;
    gayunma'y hayaan mong ilahad ko ang aking panig sa harapan mo.
Bakit nagtatagumpay ang lakad ng masama?
    Bakit lumalago ang lahat ng mga taksil?
Itinatanim mo sila, oo, at sila'y nagkakaugat;
    sila'y lumalaki, oo, at sila'y nagbubunga;
ikaw ay malapit sa kanilang bibig,
    at malayo sa kanilang mga puso.
Ngunit ikaw, O Panginoon, kilala mo ako;
    nakikita mo ako, at sinusubok mo ang aking isipan tungkol sa iyo.
Hilahin mo silang gaya ng mga tupa para sa katayan,
    at ihanda mo sila para sa araw ng pagkatay.
Hanggang kailan tatangis ang lupain,
    at matutuyo ang mga damo sa buong lupain?
Dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon,
    ang mga hayop at ang mga ibon ay nawala,
    sapagkat sinasabi ng mga tao, “Hindi niya makikita ang ating huling wakas.”
Kung ikaw ay nakitakbo sa mga mananakbo, at kanilang pinagod ka,
    paano ka makikipag-unahan sa mga kabayo?
At kung sa isang tiwasay na lupain ay nabubuwal ka,
    paano ka na sa kagubatan ng Jordan?
Sapagkat maging ang iyong mga kapatid at ang sambahayan ng iyong ama
    ay nagtaksil sa iyo;
    sila'y sumisigaw ng malakas sa hulihan mo;
huwag mo silang paniwalaan,
    bagaman sila'y nagsasalita ng kaaya-ayang salita sa iyo.”

Ang Hatol ng Panginoon sa Juda at sa Kanyang mga Kaaway

“Pinabayaan ko ang aking bahay,
    tinalikuran ko ang aking mana;
ibinigay ko ang pinakamamahal ng aking kaluluwa
    sa kamay ng kanyang mga kaaway.
Ang aking mana para sa akin
    ay naging parang leon sa gubat;
inilakas niya ang kanyang tinig laban sa akin,
    kaya't kinamumuhian ko siya.
Ang akin bang mana ay naging parang batik-batik na ibong mandaragit?
    Laban ba sa kanya ang mga ibong mandaragit na nakapaligid sa kanya?
Humayo kayo, tipunin ninyo ang lahat ng mababangis na hayop,
    dalhin ninyo sila upang sakmalin siya.
10 Sinira ng maraming pastol ang aking ubasan,
    kanilang niyurakan ang aking bahagi,
ginawa nilang ilang na wasak
    ang aking kalugud-lugod na bahagi.
11 Winasak nila ito, ito'y wasak,
    ito'y tumatangis sa akin.
Ang buong lupain ay nawawasak,
    gayunma'y walang taong nakakapansin nito.
12 Ang mga manglilipol ay dumating sa lahat ng lantad na kaitaasan sa ilang;
sapagkat ang tabak ng Panginoon ay nananakmal
    mula sa isang dulo ng lupain hanggang sa kabilang dulo ng lupain;
    walang taong may kapayapaan.
13 Sila'y naghasik ng trigo at nagsiani ng mga tinik;
    pinagod nila ang kanilang mga sarili ngunit walang napalâ.
Ikahihiya nila ang inyong mga ani,
    dahil sa mabangis na galit ng Panginoon.”

14 Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa lahat ng aking masasamang kapwa na gumalaw sa mana na aking ipinamana sa aking bayang Israel: “Narito, bubunutin ko sila sa kanilang lupain, at aking bubunutin ang sambahayan ng Juda mula sa kanila.

15 At mangyayari, pagkatapos na aking mabunot sila, ako'y babalik at maaawa sa kanila; at muli ko silang ibabalik sa kani-kanilang mana at sa kani-kanilang lupain.

16 At mangyayari, kung kanilang masikap na pag-aaralan ang mga lakad ng aking bayan, na sumumpa sa pamamagitan ng pangalan ko, ‘Habang buháy ang Panginoon;’ gaya ng kanilang itinuro sa bayan ko na pagsumpa sa pamamagitan ng pangalan ni Baal, ay maitatayo nga sila sa gitna ng aking bayan.

17 Ngunit kung ang alinmang bansa ay hindi makikinig, kung gayo'y lubos ko itong bubunutin at lilipulin, sabi ng Panginoon.”

Mateo 26

Ang Balak Laban kay Jesus(A)

26 Nang matapos ni Jesus ang lahat ng mga salitang ito ay sinabi niya sa kanyang mga alagad,

“Nalalaman(B) ninyo na pagkaraan ng dalawang araw ay darating ang Paskuwa, at ibibigay ang Anak ng Tao upang ipako sa krus.”

Pagkatapos nito ang mga punong pari at ang matatanda sa bayan ay nagkatipon sa palasyo ng pinakapunong pari, na tinatawag na Caifas.

At sila'y nagsabwatan upang hulihin si Jesus sa pamamagitan ng daya, at patayin siya.

Ngunit sinabi nila, “Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang mga taong-bayan.”

Binuhusan ng Pabango si Jesus(C)

Nang si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin,

lumapit(D) sa kanya ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro na may lamang mamahaling pabango at ibinuhos sa kanyang ulo, habang siya'y nakaupo sa may hapag.

Subalit nang makita ito ng mga alagad, ay nagalit sila, na nagsasabi, “Anong layunin ng pag-aaksayang ito?

Sapagkat maipagbibili sana ito sa malaking halaga, at maibibigay sa mga dukha.”

10 Ngunit nang malaman ni Jesus ay sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginugulo ang babae? Sapagkat gumawa siya sa akin ng isang mabuting bagay.

11 Sapagkat(E) lagi ninyong kasama ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo laging makakasama.

12 Sapagkat sa pagbubuhos niya ng pabangong ito sa aking katawan, ginawa niya iyon upang ihanda ako sa paglilibing.

13 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, saan man ipangaral ang magandang balitang ito sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaing ito ay sasaysayin bilang pag-alaala sa kanya.”

Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(F)

14 Pagkatapos, isa sa labindalawa, na tinatawag na Judas Iscariote ang nagpunta sa mga punong pari,

15 at(G) nagsabi, “Anong ibibigay ninyo sa akin, kung ibibigay ko siya sa inyo?” At kanilang ipinagtimbang siya ng tatlumpung pirasong pilak.

16 At mula noon ay humanap siya ng pagkakataon na maipagkanulo si Jesus.[a]

Ang Hapunang Pampaskuwa ni Jesus at ng Kanyang mga Alagad(H)

17 Nang unang araw ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga alagad kay Jesus, na nagsasabi, “Saan mo ibig na ipaghanda ka namin upang kumain ka ng kordero ng paskuwa?”

18 At sinabi niya, “Pumunta kayo sa isang tao sa lunsod at sabihin ninyo sa kanya, ‘Sinabi ng Guro, Malapit na ang oras ko; sa iyong bahay ko gaganapin ang paskuwa kasama ng aking mga alagad.’”

19 At ginawa ng mga alagad ang ayon sa ipinag-utos sa kanila ni Jesus, at inihanda nila ang paskuwa.

20 Pagsapit ng gabi, umupo siyang kasalo ng labindalawang alagad.[b]

21 At samantalang sila'y kumakain ay sinabi niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na isa sa inyo ay magkakanulo sa akin.”

22 At sila'y labis na nalungkot, at isa-isang nagpasimulang magsabi sa kanya, “Ako ba, Panginoon?”

23 Sumagot(I) siya at sinabi, “Ang kasabay kong nagsawsaw ng kanyang kamay sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin.

24 Tunay na papanaw ang Anak ng Tao tulad ng nasusulat tungkol sa kanya, ngunit kahabag-habag ang taong iyon na sa pamamagitan niya'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sana sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.”

25 At si Judas na sa kanya'y nagkanulo, ay sumagot at nagsabi, “Hindi ako iyon, Rabi?” Sinabi niya sa kanya, “Ikaw ang nagsabi.”

Ang Banal na Hapunan(J)

26 Habang sila'y kumakain ay dumampot si Jesus ng tinapay, binasbasan niya ito at pinagputul-putol, at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, “Kumuha kayo, kainin ninyo; ito ang aking katawan.”

27 At kumuha siya ng isang saro[c] at nang makapagpasalamat ay ibinigay sa kanila, na nagsasabi, “Uminom kayong lahat nito,

28 sapagkat(K) ito ang aking dugo ng tipan,[d] na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.

29 At sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ako iinom ng katas ng ubas na ito hanggang sa araw na iyon na iinumin kong panibago na kasalo kayo sa kaharian ng aking Ama.”

30 At pagkaawit nila ng isang himno ay nagtungo sila sa Bundok ng mga Olibo.

Paunang Sinabi ang Pagtatatwa ni Pedro(L)

31 Pagkatapos(M) ay sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayong lahat ay tatalikod[e] dahil sa akin sa gabing ito; sapagkat nasusulat, ‘Sasaktan ko ang pastol, at ang mga tupa ng kawan ay magkakawatak-watak.’

32 Subalit(N) matapos na ako'y maibangon na ay mauuna ako sa inyo sa Galilea.”

33 Ngunit sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Kung ang lahat man ay tumalikod dahil sa iyo, ako kailanma'y hindi tatalikod.”

34 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, sa gabing ito, bago tumilaok ang manok, ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.”

35 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Kahit kinakailangang ako'y mamatay na kasama mo, ay hindi kita ipagkakaila.” Gayundin ang sinabi ng lahat ng mga alagad.

Nanalangin si Jesus sa Getsemani(O)

36 Pagkatapos ay pumunta si Jesus na kasama sila sa isang pook na tinatawag na Getsemani, at sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Maupo kayo rito, samantalang ako'y pupunta sa dako roon at mananalangin.”

37 Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo, at nagpasimula siyang malungkot at mabagabag.

38 At sinabi niya sa kanila, “Lubhang nalulungkot ang aking kaluluwa na halos ay ikamatay. Manatili kayo rito at makipagpuyat sa akin.”

39 Paglakad pa niya ng malayu-layo, siya'y nagpatirapa at nanalangin, na nagsasabi, “Ama ko, kung maaari, lumampas sana sa akin ang kopang ito; gayunma'y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.”

40 At lumapit siya sa mga alagad, at sila'y kanyang naratnang natutulog, at sinabi niya kay Pedro, “Samakatuwid, hindi ninyo kayang makipagpuyat sa akin ng isang oras?

41 Kayo'y maging handa at manalangin, upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espiritu ay tunay na nagnanais subalit ang laman ay mahina.”

42 Muli, sa ikalawang pagkakataon, umalis siya at nanalangin, na nagsasabi, “Ama ko, kung hindi maaaring lumampas ito, malibang inumin ko ito, ang iyong kalooban ang siyang mangyari.”

43 At muli siyang lumapit at naratnan silang natutulog, sapagkat antok na antok na sila.[f]

44 Kaya sila'y muli niyang iniwan, at umalis, at nanalangin sa ikatlong pagkakataon na sinasabi ang gayunding mga salita.

45 Pagkatapos ay lumapit siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Masdan ninyo, malapit na ang oras, at ang Anak ng Tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.

46 Bumangon kayo, lumakad tayo. Masdan ninyo, malapit na ang nagkakanulo sa akin.”

Dinakip si Jesus(P)

47 At habang nagsasalita pa siya, dumating si Judas, na isa sa labindalawa, at kasama niya ang napakaraming tao na may mga tabak at mga pamalo, mula sa mga punong pari at sa matatanda ng bayan.

48 At ang nagkanulo sa kanya ay nagbigay sa kanila ng isang palatandaan, na sinasabi, ‘Ang hahalikan ko ay iyon na nga; dakpin ninyo siya.’

49 Kaagad siyang lumapit kay Jesus, at sinabi, “Magandang gabi,[g] Rabi!” at kanyang hinagkan siya.

50 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo ang layunin ng pagparito mo.” Pagkatapos ay lumapit sila at kanilang hinawakan si Jesus at siya'y kanilang dinakip.

51 Ang isa sa mga kasama ni Jesus ay nag-unat ng kanyang kamay at bumunot ng kanyang tabak. Tinaga niya ang alipin ng pinakapunong pari at tinagpas ang tainga nito.

52 Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ni Jesus, “Ibalik mo ang iyong tabak sa kanyang lalagyan, sapagkat ang lahat ng humahawak ng tabak ay sa tabak mamatay.

53 O sa akala mo ba'y hindi ako maaaring tumawag sa aking Ama, at padadalhan niya ako ngayon din ng mahigit sa labindalawang pangkat[h] ng mga anghel?

54 Ngunit kung gayo'y paanong matutupad ang mga kasulatan, na ganito ang kinakailangang mangyari?”

55 Sa(Q) oras na iyon ay sinabi ni Jesus sa mga napakaraming tao, “Kayo ba'y lumabas na parang laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga pamalo upang dakpin ako? Araw-araw ay nakaupo ako sa templo na nagtuturo, at hindi ninyo ako dinakip.

56 Subalit nangyari ang lahat ng ito, upang matupad ang mga kasulatan ng mga propeta.” Pagkatapos ay iniwan siya ng lahat ng mga alagad at sila'y tumakas.

Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin(R)

57 Si Jesus ay dinala ng mga dumakip sa kanya kay Caifas, na pinakapunong pari, na kung saan nagkatipon ang mga eskriba at matatanda.

58 Ngunit sumunod si Pedro sa kanya ng may kalayuan, hanggang sa bakuran ng pinakapunong pari. Siya'y pumasok, at umupong kasama ng mga tanod upang makita niya kung ano ang mangyayari.

59 At ang mga punong pari at ang buong Sanhedrin ay humanap ng mga bulaang saksi laban kay Jesus upang kanilang maipapatay siya.

60 Ngunit wala silang natagpuan bagaman maraming humarap na mga bulaang saksi. Pagkatapos ay may dalawang dumating,

61 at(S) nagsabi, “Sinabi ng taong ito, ‘Kaya kong gibain ang templo ng Diyos, at muling itayo sa loob ng tatlong araw.’”

62 Tumindig ang pinakapunong pari at sinabi sa kanya, “Wala ka bang isasagot? Ano itong ibinibintang ng mga ito laban sa iyo?”

63 Ngunit hindi umimik si Jesus. At sinabi ng pinakapunong pari sa kanya, “Pinanunumpa kita sa harapan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.”

64 Sinabi(T) ni Jesus sa kanya, “Ikaw ang nagsabi, ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay inyong makikita ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at dumarating na nasa mga ulap ng langit.”

65 Nang(U) magkagayo'y pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang mga damit, na sinasabi, “Nagsalita siya ng kalapastanganan. Bakit kailangan pa natin ng mga saksi? Narito, narinig ninyo ngayon ang kanyang kalapastanganan.

66 Ano sa palagay ninyo?” Sumagot sila at sinabi, “Karapat-dapat siya sa kamatayan.”

67 Pagkatapos(V) ay kanilang niluraan siya sa kanyang mukha at siya'y kanilang pinagsusuntok; at sinampal siya ng iba,

68 na nagsasabi, “Ipahayag mo sa amin, ikaw na Cristo! Sino ang sumuntok sa iyo?”

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(W)

69 Samantala, si Pedro ay nakaupo sa labas ng bakuran. Lumapit sa kanya ang isang aliping babae, na nagsasabi, “Ikaw ay kasama rin ni Jesus na taga-Galilea.”

70 Subalit ipinagkaila niya ito sa harap nilang lahat, na sinasabi, “Hindi ko alam ang sinasabi mo.”

71 At paglabas niya sa tarangkahan ay nakita siya ng isa pang alipin, at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito ay kasama rin ni Jesus na taga-Nazaret.”

72 At muling ipinagkaila niya ito nang may panunumpa, “Hindi ko kilala ang taong iyon.”

73 Pagkalipas ng ilang sandali ay lumapit ang mga nakatayo roon at sinabi nila kay Pedro, “Talagang ikaw nga ay isa rin sa kanila, sapagkat nahahalata sa iyong pananalita.”

74 Pagkatapos ay nagpasimula siyang magsalita ng masama at manumpa, “Hindi ko kilala ang taong iyon.” At kaagad tumilaok ang manok.

75 At naalala ni Pedro ang salitang sinabi ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok, ay tatlong ulit mo akong ikakaila.” At siya'y lumabas at mapait na tumangis.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001