Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Josue 24

Nagsalita si Josue sa Bayan sa Shekem

24 Tinipon ni Josue ang lahat ng mga lipi ng Israel sa Shekem, at tinawag ang matatanda ng Israel at ang kanilang mga pinuno, mga hukom, mga tagapamahala; at sila'y humarap sa Diyos.

Sinabi(A) ni Josue sa buong bayan, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Ang inyong mga ninuno ay nanirahan nang unang panahon sa kabila ng Ilog, si Terah, na ama ni Abraham at ama ni Nahor, at sila'y naglingkod sa ibang mga diyos.

Kinuha(B) ko ang inyong amang si Abraham mula sa kabila ng Ilog at pinatnubayan ko siya sa buong lupain ng Canaan, at pinarami ko ang kanyang binhi at ibinigay ko sa kanya si Isaac.

Kay(C) Isaac ay ibinigay ko sina Jacob at Esau; at ibinigay ko kay Esau ang bundok ng Seir upang angkinin; at si Jacob at ang kanyang mga anak ay lumusong sa Ehipto.

Sinugo(D) ko sina Moises at Aaron at sinalot ko ang Ehipto sa pamamagitan ng aking ginawa sa gitna niyon; at pagkatapos ay inilabas ko kayo.

At(E) inilabas ko ang inyong mga ninuno sa Ehipto, at kayo'y dumating sa dagat. Hinabol ng mga karwahe at ng mga mangangabayo ng mga Ehipcio ang inyong mga ninuno hanggang sa Dagat na Pula.

At nang sila'y tumangis sa Panginoon, nilagyan niya ng kadiliman ang pagitan ninyo at ang mga Ehipcio, at itinabon ang dagat sa kanila at tinakpan sila. Nakita ng inyong mga mata kung ano ang aking ginawa sa Ehipto at kayo'y nanirahan sa ilang nang matagal na panahon.

Pagkatapos(F) ay dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo na naninirahan sa kabila ng Jordan, at sila'y nakipaglaban sa inyo. Ibinigay ko sila sa inyong kamay, at inyong inangkin ang kanilang lupain at nilipol ko sila sa harapan ninyo.

Nang(G) magkagayo'y tumindig si Balak na anak ni Zipor, na hari ng Moab, at nilabanan ang Israel; at siya'y nagsugo at inanyayahan si Balaam na anak ni Beor upang sumpain kayo.

10 Ngunit hindi ko pinakinggan si Balaam; kaya't binasbasan niya kayo. Gayon ko kayo iniligtas sa kanyang kamay.

11 Nang(H) kayo'y tumawid sa Jordan at dumating sa Jerico, ang mga tao sa Jerico ay nakipaglaban sa inyo, gayundin ang mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergeseo, Heveo, at ang mga Jebuseo; at ibinigay ko sila sa inyong kamay.

12 Sinugo(I) ko ang malalaking putakti sa unahan ninyo na sa harapan ninyo ay itinaboy ang dalawang hari ng mga Amoreo, iyon ay hindi sa pamamagitan ng inyong tabak, ni ng inyong pana.

13 At(J) aking binigyan kayo ng lupain na hindi ninyo pinagpaguran at ng mga lunsod na hindi ninyo itinayo, at ang mga iyon ay inyong tinatahanan. Kayo'y kumakain ng bunga ng mga ubasan at olibo na hindi ninyo itinanim.’

14 “Ngayon nga'y matakot kayo sa Panginoon, at paglingkuran ninyo siya sa katapatan at sa katotohanan. Alisin ninyo ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabila ng Ilog at sa Ehipto, at inyong paglingkuran ang Panginoon.

15 Ngayon kung ayaw ninyong maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabila ng Ilog, o ang mga diyos ng mga Amoreo na ang lupain nila ay inyong tinitirahan; ngunit sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod sa Panginoon.”

16 At ang taong-bayan ay sumagot, “Malayo nawa sa amin na aming pabayaan ang Panginoon upang maglingkod sa ibang mga diyos.

17 Sapagkat ang Panginoon nating Diyos ang nagdala sa atin at sa ating mga ninuno mula sa lupain ng Ehipto, papalabas sa bahay ng pagkaalipin, at siyang gumawa ng mga dakilang tandang iyon sa ating paningin, at iningatan tayo sa lahat ng daan na ating pinuntahan, at sa gitna ng lahat ng mga bayan na ating dinaanan.

18 Itinaboy ng Panginoon sa harapan natin ang lahat ng mga bayan, ang mga Amoreo na naninirahan sa lupain. Dahil dito kami ay maglilingkod din sa Panginoon sapagkat siya'y ating Diyos.”

19 Subalit sinabi ni Josue sa bayan, “Kayo'y hindi makakapaglingkod sa Panginoon sapagkat siya'y isang banal na Diyos; siya'y Diyos na mapanibughuin; hindi niya ipatatawad ang inyong pagsuway ni ang inyong mga kasalanan.

20 Kapag inyong tinalikuran ang Panginoon at naglingkod sa ibang mga diyos, siya ay hihiwalay at kayo ay sasaktan at lilipulin, pagkatapos na kanyang gawan kayo ng mabuti.”

21 At sinabi ng bayan kay Josue, “Hindi; kundi kami ay maglilingkod sa Panginoon.”

22 At sinabi ni Josue sa bayan, “Kayo'y mga saksi laban sa inyong sarili na inyong pinili ang Panginoon upang paglingkuran siya.” At sinabi nila, “Kami ay mga saksi.”

23 Sinabi niya, “Kung gayon ay alisin ninyo ang ibang mga diyos na nasa gitna ninyo at ilapit ninyo ang inyong puso sa Panginoon, na Diyos ng Israel.”

24 At sinabi ng bayan kay Josue, “Ang Panginoon nating Diyos ay aming paglilingkuran, at ang kanyang tinig ay aming susundin.”

25 Kaya't nakipagtipan si Josue sa bayan nang araw na iyon at gumawa ng mga tuntunin at batas para sa kanila sa Shekem.

26 Isinulat ni Josue ang mga salitang ito sa aklat ng kautusan ng Diyos; at siya'y kumuha ng malaking bato, at inilagay sa lilim ng ensina na nasa tabi ng santuwaryo ng Panginoon.

27 Sinabi ni Josue sa buong bayan, “Tingnan ninyo, ang batong ito ay magiging saksi laban sa atin, sapagkat narinig nito ang lahat ng mga salita ng Panginoon na kanyang sinalita sa atin; kaya't ito'y magiging saksi laban sa inyo, kapag itinakuwil ninyo ang inyong Diyos.”

28 Sa gayo'y pinauwi ni Josue ang bayan patungo sa kanilang pamana.

Namatay Sina Josue at Eleazar

29 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Josue na anak ni Nun na lingkod ng Panginoon ay namatay sa gulang na isandaan at sampung taon.

30 Kanilang(K) inilibing siya sa kanyang sariling pamana sa Timnat-sera, na nasa lupaing maburol ng Efraim sa hilaga ng bundok ng Gaas.

31 At naglingkod ang Israel sa Panginoon sa lahat ng mga araw ni Josue, at sa lahat ng mga araw ng matatandang naiwang buháy pagkamatay ni Josue at nakaalam ng lahat ng mga ginawa ng Panginoon para sa Israel.

32 Ang(L) mga buto ni Jose na dinala ng mga anak ni Israel mula sa Ehipto ay inilibing nila sa Shekem, sa bahagi ng lupang binili ni Jacob sa mga anak ni Hamor na ama ni Shekem sa halagang isandaang pirasong salapi; iyon ay naging pamana sa mga anak ni Jose.

33 Namatay si Eleazar na anak ni Aaron at kanilang inilibing siya sa Gibeah, ang bayan ni Finehas na kanyang anak, na ibinigay sa kanya sa lupaing maburol ng Efraim.

Mga Gawa 4

Humarap sina Pedro at Juan sa Sanhedrin

Habang si Pedro at si Juan[a] ay nagsasalita pa sa taong-bayan, lumapit sa kanila ang mga pari, ang pinuno sa templo, at ang mga Saduceo,

na lubhang nayayamot sapagkat nagtuturo sila sa mga tao, at nagpapahayag na kay Jesus ay may muling pagkabuhay sa mga patay.

Sila'y kanilang dinakip at ibinilanggo hanggang sa kinabukasan sapagkat noon ay gabi na.

Ngunit marami sa mga nakarinig ang sumampalataya; at ang bilang nila ay mga limang libo.

Nang sumunod na araw, nagtipon sa Jerusalem ang kanilang mga pinuno, ang matatanda at ang mga eskriba;

at si Anas, na pinakapunong pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang buong angkan ng pinakapunong pari.

Nang kanilang mailagay na ang mga bilanggo sa gitna nila, sila ay kanilang tinanong, “Sa anong kapangyarihan, o sa anong pangalan ninyo ginawa ito?”

At si Pedro na puspos ng Espiritu Santo ay sumagot sa kanila, “Kayong mga pinuno ng bayan at matatanda,

kung kami sa araw na ito'y sinisiyasat dahil sa kabutihang ginawa sa isang taong may kapansanan, na tinatanong kung paano napagaling ang taong ito,

10 dapat malaman ninyong lahat at ng buong sambahayan ng Israel, na nakatayo ang taong ito sa inyong harapan na walang sakit sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus, at binuhay ng Diyos mula sa mga patay.

11 Itong si Jesus,[b]

‘ang(A) bato na itinakuwil ninyong mga tagapagtayo
    ang siyang naging batong panulukan.’

12 Walang kaligtasan sa kanino pa man, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ating ikaliligtas.”

13 Nang makita nila ang katapangan nina Pedro at Juan, at nang malamang sila'y mga taong walang pinag-aralan at mga karaniwan lamang, ay namangha sila at kanilang nakilala na sila'y mga kasama ni Jesus.

14 At yamang nakikita nila ang taong pinagaling na nakatayong kasama nila ay wala silang masabing pagtutol.

15 Kaya't kanilang inutusan sila na umalis sa kapulungan, samantalang pinag-uusapan pa nila ang pangyayari.

16 Kanilang sinabi, “Anong gagawin natin sa mga taong ito? Sapagkat hayag sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem ang isang kapansin-pansing tanda na ginawa sa pamamagitan nila; at hindi natin ito maikakaila.

17 Ngunit upang huwag na itong lalo pang kumalat sa bayan, atin silang bigyan ng babala na huwag na silang magsalita pa sa kaninuman sa pangalang ito.”

18 Kaya't sila'y ipinatawag nila at inutusan na sa anumang paraan ay huwag na silang magsalita ni magturo sa pangalan ni Jesus.

19 Ngunit sumagot sa kanila si Pedro at si Juan, “Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig muna sa inyo sa halip na sa Diyos, kayo ang humatol,

20 sapagkat hindi maaaring hindi namin sabihin ang aming nakita at narinig.”

21 Pagkatapos na muling bigyan ng babala, kanilang hinayaan silang umalis na walang nakitang anumang bagay upang sila'y kanilang maparusahan dahil sa mga tao, sapagkat niluluwalhati nilang lahat ang Diyos dahil sa nangyari.

22 Sapagkat mahigit nang apatnapung taong gulang ang tao na ginawan nitong himala ng pagpapagaling.

Nanalangin Upang Magkaroon ng Katapangan

23 Pagkatapos na sila'y mapalaya, pumunta sila sa kanilang mga kasamahan at iniulat ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga punong pari at ng matatanda.

24 Nang(B) ito'y kanilang marinig, sama-sama silang nagtaas ng kanilang tinig sa Diyos, at nagsabi, “O Panginoon na gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon,

25 ikaw(C) na nagsabi sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng bibig ng aming amang si David, na iyong lingkod,

‘Bakit nagalit ang mga Hentil,
    at nagbabalak ang mga tao ng mga bagay na walang kabuluhan?
26 Ang mga hari sa lupa ay naghanda upang lumaban,
    at ang mga pinuno ay nagtipon,
    laban sa Panginoon, at laban sa kanyang Cristo.’

27 Sapagkat(D) sa katotohanan, sa lunsod na ito, sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ng mga Hentil at ng bayan ng Israel, ay nagsama-sama laban sa iyong banal na Lingkod[c] na si Jesus, na iyong pinahiran,

28 upang gawin ang anumang itinakda ng iyong kamay at ng iyong pasiya na mangyayari.

29 At ngayon, Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga banta at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na masabi ang iyong salita ng may buong katapangan,

30 habang iyong iniuunat ang iyong kamay upang magpagaling at ginagawa ang mga tanda at mga kababalaghan sa pamamagitan ng pangalan ng iyong banal na lingkod na si Jesus.”

31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang dakong pinagtitipunan nila at silang lahat ay napuno ng Espiritu Santo, at kanilang ipinahayag na may katapangan ang salita ng Diyos.

Nagtutulungan ang mga Mananampalataya

32 Ang(E) buong bilang ng mga sumampalataya ay may pagkakaisa sa puso at kaluluwa; sinuma'y walang nagsabing kanya ang anuman sa kanyang mga ari-arian, kundi lahat nilang pag-aari ay para sa lahat.

33 At pinatotohanan ng mga apostol na may dakilang kapangyarihan ang pagkabuhay ng Panginoong Jesus at sumakanilang lahat ang dakilang biyaya.

34 Walang sinumang naghihirap sa kanila sapagkat ipinagbili ng lahat ng may-ari ang kanilang mga lupa at mga bahay at dinala ang pinagbilhan ng mga ito.

35 At inilagay nila ang mga ito sa paanan ng mga apostol at ipinamahagi sa bawat isa, ayon sa kailangan ng sinuman.

36 Si Jose, isang Levitang tubo sa Cyprus, na tinaguriang Bernabe ng mga apostol (na ang kahulugan ay “anak ng pagpapalakas ng loob”),

37 ay nagbili ng isang bukid na kanyang pag-aari, at dinala niya ang salapi at inilagay sa paanan ng mga apostol.

Jeremias 13

Ang Pamigkis na Lino

13 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, “Humayo ka at bumili ka ng isang pamigkis na lino, at ibigkis mo sa iyong baywang at huwag mong ilubog sa tubig.”

Kaya't bumili ako ng pamigkis ayon sa salita ng Panginoon, at inilagay ko sa aking baywang.

At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin sa ikalawang pagkakataon, na sinasabi,

“Kunin mo ang pamigkis na iyong binili, na nasa iyong baywang, at bumangon ka at pumunta sa Eufrates, at ikubli mo ito sa isang bitak ng malaking bato.”

Kaya't pumunta ako, at ikinubli ko iyon sa tabi ng Eufrates gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon.

At nangyari, pagkaraan ng maraming araw sinabi ng Panginoon sa akin, “Bumangon ka, pumunta ka sa Eufrates at kunin mo roon ang pamigkis na iniutos kong itago mo roon.”

Pumunta nga ako sa Eufrates, at hinukay ko at kinuha ang pamigkis mula sa dakong pinagtaguan ko nito. At narito, bulok na ang pamigkis at hindi na mapapakinabangan.

Nang magkagayo'y dumating sa akin ang salita ng Panginoon na sinasabi,

“Ganito ang sabi ng Panginoon: Sa gayon ko rin bubulukin ang kapalaluan ng Juda at ang malaking kapalaluan ng Jerusalem.

10 Ang masamang bayang ito, na ayaw makinig sa mga salita ko, na may katigasang sumusunod sa kanilang puso, at sumunod sa ibang mga diyos upang paglingkuran at sambahin sila, ay magiging gaya ng pamigkis na ito, na hindi na mapapakinabangan.

11 Sapagkat kung paanong ang pamigkis ay kumakapit sa baywang ng isang lalaki, gayon ko pinakapit sa akin ang buong sambahayan ng Israel at ang buong sambahayan ng Juda, sabi ng Panginoon; upang sila para sa akin ay maging isang bayan, isang pangalan, isang kapurihan at kaluwalhatian, ngunit ayaw nilang makinig.

Ang Sisidlan ng Alak

12 “Kaya't sasabihin mo sa kanila ang salitang ito. ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, “Bawat sisidlan ng alak ay mapupuno ng alak:”’ At kanilang sasabihin sa iyo, ‘Hindi ba namin nalalaman na ang bawat sisidlan ng alak ay mapupuno ng alak?’

13 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Aking pupunuin ng kalasingan ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito: ang mga hari na nakaluklok sa trono ni David, ang mga pari, ang mga propeta, at ang lahat ng naninirahan sa Jerusalem.

14 At pag-uumpugin ko sila, maging ang mga magulang at ang mga anak na magkakasama, sabi ng Panginoon. Hindi ako magpapatawad, o maaawa man, o mahahabag, upang sila'y hindi ko lipulin.’”

Nagbabala si Jeremias tungkol sa Kapalaluan

15 Dinggin ninyo at bigyang-pansin, huwag kayong maging palalo,
    sapagkat nagsalita ang Panginoon.
16 Luwalhatiin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos,
    bago siya magpadilim,
bago matisod ang inyong mga paa
    sa mga madilim na bundok,
at habang kayo'y naghahanap ng liwanag,
    ay gagawin niya itong anino ng kamatayan
    at gagawin niya itong pusikit na kadiliman.
17 Ngunit kung hindi kayo makikinig,
    ang aking kaluluwa ay lihim na iiyak dahil sa inyong kapalaluan;
at ang mga mata ko ay iiyak nang mapait at dadaluyan ng mga luha,
    sapagkat ang kawan ng Panginoon ay dinalang-bihag.

18 Sabihin mo sa hari at sa inang reyna,
    “Kayo'y magpakumbaba, kayo'y umupo,
sapagkat ang inyong magandang korona
    ay bumaba na mula sa inyong ulo.”
19 Ang mga bayan ng Negeb ay nasarhan,
    at walang magbukas sa mga iyon,
ang buong Juda ay nadalang-bihag,
    buong nadalang-bihag.

20 “Itanaw ninyo ang inyong mga mata,
    at masdan ninyo ang mga nanggagaling sa hilaga.
Nasaan ang kawan na ibinigay sa iyo,
    ang iyong magandang kawan?
21 Ano ang iyong sasabihin kapag kanilang inilagay bilang iyong puno
    yaong tinuruan mo upang makipagkaibigan sa iyo?
Hindi ka ba masasaktan
    gaya ng isang babae na manganganak?
22 At kung iyong sasabihin sa iyong puso,
    ‘Bakit dumating sa akin ang mga bagay na ito?’
Dahil sa laki ng iyong kasamaan
    ay itinaas ang iyong palda
    at nagdaranas ka ng karahasan.
23 Mababago ba ng taga-Etiopia ang kanyang balat,
    o ng leopardo ang kanyang mga batik?
Kung gayon ay makakagawa rin kayo ng mabuti,
    kayong mga sanay gumawa ng masama.
24 Ikakalat ko kayo[a] na gaya ng ipa
    na itinaboy ng hangin mula sa ilang.
25 Ito ang iyong kapalaran,
    ang bahaging itinakda ko sa iyo, sabi ng Panginoon;
sapagkat kinalimutan mo ako,
    at nagtiwala ka sa kasinungalingan.
26 Ako mismo ang magtataas ng iyong palda sa ibabaw ng iyong mukha,
    at ang iyong kahihiyan ay makikita.
27 Nakita ko ang iyong mga kasuklamsuklam na gawa,
    ang iyong mga pangangalunya, at mga paghalinghing, ang kahalayan ng iyong pakikiapid,
    sa mga burol sa parang.
Kahabag-habag ka, O Jerusalem!
    Gaano pa katagal
    bago ka maging malinis?”

Mateo 27

Dinala si Jesus kay Pilato(A)

27 Kinaumagahan, ang lahat ng mga punong pari at ang matatanda sa bayan ay sama-samang nag-usap laban kay Jesus upang siya'y ipapatay.

Siya'y ginapos nila, dinala sa labas, at ibinigay nila kay Pilato na gobernador.

Nagpakamatay si Judas(B)

At(C) si Judas na nagkanulo kay Jesus,[a] nang nakitang hinatulan na ito, ay nagsisi at isinauli ang tatlumpung pirasong pilak sa mga punong pari at sa matatanda,

na sinasabi, “Ako'y nagkasala sa pagkakanulo ko sa dugong walang sala.” Ngunit sinabi nila, “Ano iyon sa amin? Ikaw ang bahala diyan.”

At inihagis niya sa templo ang mga piraso ng pilak at siya'y umalis. Humayo siya at nagbigti.

Subalit habang pinupulot ng mga punong pari ang mga piraso ng pilak, nagsabi sila, “Hindi matuwid na ilagay ang mga ito sa kabang-yaman, sapagkat dugo ang kapalit ng halagang ito.”

Pagkatapos mag-usap, ibinili nila ang mga iyon ng bukid ng magpapalayok upang paglibingan ng mga dayuhan.

Kaya't ang bukid na iyon ay tinawag na Bukid ng Dugo hanggang sa araw na ito.

Kaya't(D) natupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta Jeremias,[b] na sinasabi, “At kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, ang halaga niya na itinuring na halaga ng ilan sa mga anak ng Israel,

10 at ibinigay nila ang mga iyon para sa bukid ng magpapalayok, gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon.”

Si Jesus sa Harapan ni Pilato(E)

11 Si Jesus ay nakatayo sa harap ng gobernador at tinanong siya ng gobernador, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” At sinabi ni Jesus sa kanya, “Ikaw ang nagsasabi.”

12 Ngunit nang siya'y paratangan ng mga punong pari at ng matatanda ay hindi siya sumagot ng anuman.

13 At sinabi ni Pilato sa kanya, “Hindi mo ba naririnig kung gaano karaming bagay ang kanilang ipinaparatang laban sa iyo?”

14 Subalit hindi siya sumagot sa kanya kahit isang salita man lamang, na lubhang ikinamangha ng gobernador.

Hinatulang Mamatay si Jesus(F)

15 Noon sa kapistahan, nakaugalian na ng gobernador na pakawalan para sa mga tao ang sinumang bilanggo na kanilang maibigan.

16 Nang panahong iyon ay mayroon silang isang bilanggo na kilala sa kasamaan, na tinatawag na Jesus Barabas.[c]

17 Kaya't nang sila'y magkatipon ay sinabi ni Pilato sa kanila, “Sino ang ibig ninyong pakawalan ko sa inyo? Si Barabas, o si Jesus na tinatawag na Cristo?”

18 Sapagkat nabatid niya na dahil sa inggit ay kanilang ibinigay si Jesus sa kanya.

19 At samantalang nakaupo siya sa luklukan ng paghuhukom, nagpasabi sa kanya ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa matuwid na taong iyan, sapagkat sa araw na ito'y labis akong naghirap sa panaginip dahil sa kanya.”

20 Subalit hinikayat ng mga punong pari at ng matatanda ang maraming tao na hingin nila si Barabas at patayin naman si Jesus.

21 Sumagot muli ang gobernador at sinabi sa kanila, “Alin sa dalawa ang ibig ninyong pakawalan ko sa inyo?” At sinabi nila, “Si Barabas.”

22 Sinabi sa kanila ni Pilato, “At anong gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?” Sinabi nilang lahat, “Ipako siya sa krus!”

23 At sinabi niya, “Bakit, anong kasamaan ang ginawa niya?” Ngunit lalo silang nagsigawan, na nagsasabi, “Ipako siya sa krus!”

24 Kaya't(G) nang makita ni Pilato na wala siyang magawa, sa halip ay nagsisimula pa nga ang isang malaking gulo, siya'y kumuha ng tubig at naghugas ng kanyang mga kamay sa harap ng napakaraming tao, na sinasabi, “Wala akong kasalanan sa dugo ng taong ito.[d] Kayo na ang bahala diyan.”

25 At sumagot ang buong bayan at nagsabi, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang kanyang dugo.”

26 Pagkatapos ay pinakawalan niya sa kanila si Barabas ngunit si Jesus, pagkatapos hagupitin, ay ibinigay upang ipako sa krus.

Nilibak ng mga Kawal si Jesus(H)

27 Dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa Pretorio at tinipon nila ang buong pangkat ng mga kawal sa paligid niya.

28 At siya'y kanilang hinubaran at dinamitan ng isang balabal na pulang-pula.

29 Sila'y gumawa ng isang koronang tinik, ipinatong ito sa kanyang ulo, at inilagay sa kanang kamay niya ang isang tambo. Lumuhod sila sa harapan niya at siya'y kanilang nilibak, na nagsasabi, “Mabuhay, Hari ng mga Judio!”

30 Siya'y kanilang niluraan. Kinuha nila ang tambo at hinampas ang kanyang ulo.

31 Pagkatapos na siya'y libakin, hinubad nila sa kanya ang balabal, isinuot sa kanya ang mga damit niya, at kanilang inilabas siya upang ipako sa krus.

Ipinako si Jesus sa Krus(I)

32 Sa paglabas nila'y kanilang nasalubong ang isang taong taga-Cirene, na Simon ang pangalan. Pinilit nila ang taong ito na pasanin ang krus ni Jesus.[e]

33 At nang sila'y makarating sa isang dakong tinatawag na Golgota, (na ang kahulugan ay, “Ang Dako ng Bungo”),

34 kanilang binigyan(J) siya ng alak na may kahalong apdo upang inumin. Ngunit nang kanyang matikman ay ayaw niyang inumin.

35 At(K) nang siya'y maipako nila sa krus, pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan.

36 Pagkatapos, sila'y umupo at binantayan siya roon.

37 At sa itaas ng kanyang ulo ay inilagay nila ang paratang sa kanya, na nasusulat, “ITO SI JESUS ANG HARI NG MGA JUDIO.”

38 At may dalawang tulisan na ipinakong kasama niya, isa sa kanan at isa sa kaliwa.

39 Siya'y(L) inalipusta ng mga nagdaraan at pailing-iling,

40 na(M) nagsasabi, “Ikaw na gigiba sa templo, at sa ikatlong araw ay itatayo ito, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!”

41 Sa gayunding paraan ay nilibak siya ng mga punong pari, kasama ng mga eskriba at ng matatanda, na nagsasabi,

42 “Nagligtas siya ng iba; hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Siya ang Hari ng Israel; bumaba siya ngayon sa krus, at maniniwala tayo sa kanya.

43 Nagtiwala(N) siya sa Diyos; kanyang iligtas siya ngayon kung ibig niya, sapagkat sinabi niya, ‘Ako'y Anak ng Diyos.’”

44 Sa gayunding paraan ay inalipusta siya ng mga tulisan na ipinako sa krus na kasama niya.

Namatay si Jesus(O)

45 Mula nang oras na ikaanim[f] ay nagdilim sa buong lupain hanggang sa oras na ikasiyam.[g]

46 At(P) nang malapit na ang oras na ikasiyam[h] ay sumigaw si Jesus ng may malakas na tinig, na sinasabi, “Eli, Eli, lama sabacthani?” na ang kahulugan ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

47 At nang marinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon ay sinabi nila, “Tinatawag ng taong ito si Elias.”

48 Tumakbo(Q) kaagad ang isa sa kanila at kumuha ng isang espongha, pinuno ito ng suka,[i] inilagay sa isang tambo, at ibinigay sa kanya upang inumin.

49 Ngunit sinabi ng iba, “Pabayaan ninyo siya, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya.”

50 At muling sumigaw si Jesus ng may malakas na tinig at nalagot ang kanyang hininga.

51 At(R) nang sandaling iyon, ang tabing ng templo ay napunit sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba; nayanig ang lupa; at nabiyak ang mga bato.

52 Nabuksan ang mga libingan at maraming katawan ng mga banal na natulog[j] ay bumangon,

53 at paglabas nila sa mga libingan pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay ay pumasok sila sa banal na lunsod at nagpakita sa marami.

54 Nang makita ng senturion at ng mga kasamahan niyang nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga bagay na nangyari, sila'y lubhang natakot, at nagsabi, “Tunay na ito ang Anak ng Diyos.”[k]

55 At(S) marami ding babae roon na nakatanaw mula sa malayo na sumunod kay Jesus buhat sa Galilea, na naglingkod sa kanya.

56 Kasama sa mga iyon ay si Maria Magdalena, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.

Inilibing si Jesus(T)

57 Kinagabihan, dumating ang isang mayamang mula sa Arimatea, na ang pangalan ay Jose, na naging alagad din ni Jesus.

58 Pumunta ang taong ito kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At ipinag-utos ni Pilato na ibigay iyon.

59 Kinuha ni Jose ang bangkay at binalot niya iyon ng isang malinis na telang lino,

60 at inilagay sa kanyang sariling bagong libingan, na kanyang inukit sa bato. Pagkatapos ay iginulong niya ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan, at siya'y umalis.

61 Si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay naroon at nakaupo sa tapat ng libingan.

Binantayan ang Libingan

62 Kinabukasan, pagkatapos ng araw ng Paghahanda, ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nagpulong sa harapan ni Pilato,

63 na(U) nagsasabi, “Ginoo, natatandaan namin na sinabi ng mandarayang iyon nang nabubuhay pa siya, ‘Pagkaraan ng tatlong araw ay babangon akong muli.’

64 Kaya't ipag-utos mo na bantayan ang libingan hanggang sa ikatlong araw, baka pumaroon ang kanyang mga alagad at siya'y nakawin, at sabihin sa mga tao, ‘Siya'y bumangon mula sa mga patay,’ at magiging masahol pa ang huling pandaraya kaysa una.”

65 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Mayroon kayong bantay,[l] humayo kayo, bantayan ninyo sa paraang alam ninyo.”

66 Kaya't sila'y pumaroon, at iningatan nila ang libingan, tinatakan ang bato, na kasama nila ang bantay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001