Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Hukom 5

Ang Awit ni Debora

Nang magkagayo'y umawit si Debora at si Barak na anak ni Abinoam nang araw na iyon,

“Sapagkat ang mga pinuno ay nanguna sa Israel,
    sapagkat kusang inihandog ng bayan ang kanilang sarili,
    purihin ninyo ang Panginoon!
“Makinig kayo, mga hari; pakinggan ninyo, mga prinsipe;
     Panginoon ako'y aawit,
    ako'y gagawa ng himig sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
Panginoon, nang ikaw ay lumabas sa Seir,
    nang ikaw ay humayo mula sa lupain ng Edom,
ang lupa'y nanginig,
    ang langit naman ay nagpatak,
    oo, ang mga ulap ay nagpatak ng tubig.
Ang(A) mga bundok ay nayanig sa harap ng Panginoon, yaong sa Sinai,
    sa harap ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
“Sa mga araw ni Shamgar na anak ni Anat,
    sa mga araw ni Jael, ang mga paglalakbay ay tumigil,
    at ang mga manlalakbay ay bumagtas sa mga lihis na landas.
Ang mga magsasaka ay huminto sa Israel, sila'y tumigil,
hanggang sa akong si Debora ay bumangon,
    bumangon bilang ina sa Israel.
Nang piliin ang mga bagong diyos,
    nasa mga pintuang-bayan ang digmaan.
May nakita bang kalasag o sibat
    sa apatnapung libo sa Israel?
Ang aking puso ay nasa mga pinuno sa Israel,
    na kusang-loob na naghandog ng kanilang sarili sa bayan;
    purihin ang Panginoon!
10 “Saysayin ninyo, kayong mga nakasakay sa mapuputing asno,
    kayong nakaupo sa maiinam na alpombra,
    at kayong lumalakad sa daan.
11 Sa tugtog ng mga manunugtog sa mga dakong igiban ng tubig,
    doon nila inuulit ang mga tagumpay ng Panginoon,
    ang mga tagumpay ng kanyang magbubukid sa Israel.
“Bumaba nga ang bayan ng Panginoon sa mga pintuang-bayan.
12 “Gumising ka, gumising ka, Debora!
    Gumising ka, gumising ka, bumigkas ka ng awit!
Bumangon ka, Barak, at ihatid mo ang iyong mga bihag,
    ikaw na anak ni Abinoam.
13 Bumaba nga ang nalabi sa mga maharlika;
    at ang bayan ng Panginoon ay bumaba dahil sa kanya laban sa mga makapangyarihan.
14 Mula sa Efraim na kanilang ugat, sila ay naghanda patungo sa libis,
    sa likuran mo ay ang Benjamin, na kasama ng iyong mga kamag-anak;
sa Makir nagmula ang mga pinuno,
    at sa Zebulon ang may hawak ng tungkod ng pinuno;
15 ang mga pinuno sa Isacar ay dumating na kasama ni Debora;
    at ang Isacar ay tapat kay Barak,
    sa libis ay dumaluhong sila sa kanyang mga sakong.
Sa gitna ng mga angkan ni Ruben,
    nagkaroon ng lubusang pagsasaliksik ng puso.
16 Bakit ka nanatili sa gitna ng mga kulungan ng tupa,
    upang makinig ba ng mga pagtawag sa mga kawan?
Sa gitna ng mga angkan ng Ruben,
    nagkaroon ng lubusang pagsasaliksik ng puso.
17 Ang Gilead ay nanatili sa kabila ng Jordan;
    at ang Dan, bakit siya'y nanatili sa mga barko?
Ang Aser ay nanatili sa mga baybayin ng dagat,
    at nanahan sa kanyang mga daong.
18 Ang Zebulon ay isang bayan na nagsuong ng kanilang buhay sa kamatayan,
    gayundin ang Neftali sa matataas na dako ng kaparangan.
19 “Ang mga hari ay dumating, sila'y lumaban;
    nang magkagayo'y lumaban ang mga hari ng Canaan,
sa Taanac na nasa tabi ng tubig sa Megido;
    sila'y hindi nakasamsam ng pilak.
20 Mula sa langit ang mga bituin ay nakipaglaban,
    mula sa kanilang paglakad sila'y nakipaglaban kay Sisera.
21 Tinangay sila ng rumaragasang Kishon,
    ng rumaragasang agos, ng Ilog Kishon.
    Sumulong ka, kaluluwa ko, nang may lakas!
22 “Nang magkagayo'y yumabag ang mga paa ng mga kabayo,
    na may pagkaripas, pagkaripas ng kanyang mga kabayong pandigma.
23 “Sumpain si Meroz, sabi ng anghel ng Panginoon,
    sumpain nang mapait ang mga naninirahan doon,
sapagkat sila'y hindi dumating upang tumulong sa Panginoon,
    upang tumulong sa Panginoon, laban sa makapangyarihan.
24 “Higit na pinagpala sa lahat ng babae si Jael,
    ang asawa ni Eber na Kineo,
    higit siyang pinagpala sa lahat ng babaing naninirahan sa tolda.
25 Siya'y[a] humingi ng tubig, at binigyan niya ng gatas;
    kanyang dinalhan siya ng mantekilya sa maharlikang mangkok.
26 Hinawakan ng kanyang kamay ang tulos ng tolda,
    at ng kanyang kanang kamay ang pamukpok ng mga manggagawa;
kanyang pinukpok si Sisera ng isang pukpok,
    dinurog niya ang kanyang ulo,
    kanyang binasag at tinusok ang kanyang noo.
27 Siya'y nabuwal, siya'y nalugmok,
    siya'y bumulagta sa kanyang paanan,
sa kanyang paanan siya ay nabuwal, siya ay nalugmok,
    kung saan siya nabuwal, doon siya patay na bumagsak.
28 “Mula sa bintana siya ay dumungaw,
    ang ina ni Sisera ay sumigaw sa pagitan ng durungawan:
‘Bakit ang kanyang karwahe ay natatagalang dumating?
    Bakit nababalam ang mga yabag ng kanyang mga karwahe?’
29 Ang kanyang mga pinakapantas na babae ay sumagot sa kanya,
    siya na rin ang sumagot sa kanyang sarili,
30 ‘Hindi ba sila nakakatagpo at naghahati-hati ng samsam?
    Isa o dalawang dalaga, sa bawat lalaki;
kay Sisera ay samsam na damit na may sari-saring kulay,
    samsam na sari-saring kulay ang pagkaburda,
    dalawang piraso ng kinulayang gawa, binurdahan para sa aking leeg bilang samsam?’
31 “Gayon nalipol ang lahat ng iyong mga kaaway, Panginoon!
    Ngunit ang iyong mga kaibigan ay maging tulad ng araw sa pagsikat niya sa kanyang kalakasan.”

At ang lupain ay nagpahinga na apatnapung taon.

Mga Gawa 9

Tinawag si Saulo(A)

Samantala, si Saulo na may masidhing pagbabanta ng kamatayan laban sa mga alagad ng Panginoon ay pumunta sa pinakapunong pari.

Humingi siya sa pinakapunong pari[a] ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang kung siya'y makatagpo ng sinumang kabilang sa Daan, mga lalaki o mga babae, ay dadalhin niya silang nakagapos sa Jerusalem.

Sa kanyang paglalakbay, dumating siya sa malapit sa Damasco, biglang kumislap sa palibot niya ang isang liwanag mula sa langit.

Bumagsak siya sa lupa at nakarinig ng isang tinig na sa kanya'y nagsasabi, “Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?”

Sinabi niya, “Sino ka, Panginoon?” At siya'y sumagot, “Ako si Jesus na iyong inuusig.

Tumindig ka at pumasok sa lunsod, at sasabihin sa iyo ang dapat mong gawin.”

Ang mga taong naglalakbay na kasama niya ay hindi makapagsalita, sapagkat naririnig nila ang tinig ngunit walang nakikitang sinuman.

Tumindig si Saulo mula sa lupa; at pagmulat ng kanyang mga mata, ay wala siyang makita; kaya't kanilang inakay siya sa kamay at ipinasok siya sa Damasco.

Sa loob ng tatlong araw, siya'y walang paningin at hindi kumain ni uminom man.

10 Noon ay may isang alagad sa Damasco na ang pangalan ay Ananias. Sinabi sa kanya ng Panginoon sa isang pangitain, “Ananias.” At sinabi niya, “Narito ako, Panginoon.”

11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Tumindig ka at pumunta sa lansangang tinatawag na Tuwid. Ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangalan ay Saulo. Sa sandaling ito'y nananalangin siya,

12 at nakita niya sa pangitain ang isang lalaking ang pangalan ay Ananias na pumapasok, at ipinapatong ang kanyang mga kamay sa kanya upang muli niyang tanggapin ang kanyang paningin.”

13 Ngunit sumagot si Ananias, “Panginoon, nabalitaan ko mula sa marami ang tungkol sa lalaking ito, kung gaano katindi ang kasamaang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem;

14 at siya'y may pahintulot mula sa mga punong pari na gapusin ang lahat ng mga tumatawag sa iyong pangalan.”

15 Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pumunta ka sapagkat siya'y isang kasangkapang pinili ko upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Hentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel;

16 sapagkat ipapakita ko sa kanya kung gaano karaming bagay ang dapat niyang tiisin alang-alang sa aking pangalan.”

17 Kaya't umalis si Ananias at pumasok sa bahay. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo[b] at sinabi niya, “Kapatid na Saulo, isinugo ako ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan sa iyong pagpunta rito upang muli mong tanggapin ang iyong paningin, at mapuspos ka ng Espiritu Santo.”

18 Agad nalaglag mula sa kanyang mata ang bagay na parang mga kaliskis, at nakakita siyang muli. At siya'y tumayo at binautismuhan,

19 at pagkatapos kumain ay muli siyang lumakas. Sa loob ng ilang araw ay kasama siya ng mga alagad na nasa Damasco.

Ang Pangangaral ni Saulo sa Damasco

20 Agad niyang ipinangaral sa mga sinagoga si Jesus, na sinasabing siya ang Anak ng Diyos.

21 Lahat nang nakarinig sa kanya ay namangha, at nagsabi, “Hindi ba ito ang lalaking pumuksa sa Jerusalem sa mga tumatawag sa pangalang ito? At naparito siya para sa layuning ito, upang sila'y dalhing nakagapos sa harap ng mga punong pari.”

22 Ngunit lalo pang naging makapangyarihan sa pangangaral si Saulo, at kanyang nilito ang mga Judio na naninirahan sa Damasco sa pagpapatunay na si Jesus ang Cristo.

23 Nang(B) makalipas ang maraming araw, nagbalak ang mga Judiong siya'y patayin.

24 Ngunit ang kanilang balak ay nalaman ni Saulo. Kanilang binantayan ang mga pintuan araw at gabi upang siya'y patayin;

25 ngunit nang gabi na, kinuha siya ng kanyang mga alagad, at siya'y ibinaba sa kabila ng pader; inihugos siya sa isang tiklis.

Si Saulo sa Jerusalem

26 Nang siya'y dumating sa Jerusalem, pinagsikapan niyang makisama sa mga alagad. Silang lahat ay natakot sa kanya sapagkat hindi sila naniniwala na siya'y isang alagad.

27 Subalit kinuha siya ni Bernabe, iniharap siya sa mga apostol, isinalaysay sa kanila kung paanong nakita niya sa daan ang Panginoon, na nakipag-usap sa kanya, at kung paanong siya'y nangaral sa Damasco na may katapangan sa pangalan ni Jesus.

28 Kaya't siya'y naging kasa-kasama nila sa Jerusalem,

29 na nangangaral na may katapangan sa pangalan ng Panginoon. Siya'y nagsalita at nakipagtalo sa mga Helenista at pinagsikapan nilang siya'y patayin.

30 Nang malaman ito ng mga kapatid, kanilang inihatid siya sa Cesarea, at siya'y pinapunta sa Tarso.

31 Sa gayo'y nagkaroon ng kapayapaan at tumatag ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria, na namumuhay na may takot sa Panginoon at may kaaliwan ng Espiritu Santo, ito ay dumami.

Si Pedro sa Lidda at Joppa

32 Sa pagdalaw ni Pedro sa lahat ng dako sa mga mananampalataya, pumunta rin siya sa mga banal na naninirahan sa Lidda.

33 Doo'y natagpuan niya ang isang lalaki na ang pangalan ay Aeneas na lumpo at walong taon nang nakaratay.

34 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Aeneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo; bumangon ka, at ayusin mo ang iyong higaan.” Agad naman siyang bumangon.

35 Siya'y nakita ng lahat ng mga naninirahan sa Lidda at sa Sharon, at sila'y bumaling sa Panginoon.

36 Noon ay may isang alagad sa Joppa na ang pangalan ay Tabita, na sa Griyego ay Dorcas.[c] Siya'y puspos ng mabubuting gawa at ng pagkakawanggawa.

37 Nang mga araw na iyon, siya'y nagkasakit at namatay. Nang siya'y mahugasan na nila, kanilang ibinurol siya sa isang silid sa itaas.

38 Sapagkat malapit ang Lidda sa Joppa, nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay naroroon, nagsugo sila sa kanya ng dalawang tao at ipinakiusap sa kanya, “Pumarito ka sa amin sa lalong madaling panahon.”

39 Kaagad tumayo si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating niya, kanilang inihatid siya sa silid sa itaas. Lahat ng mga babaing balo ay nakatayo sa kanyang tabi at umiiyak, at ipinapakita ang mga kasuotan at iba pang mga damit na ginawa ni Dorcas, noong siya'y kasama pa nila.

40 Pinalabas silang lahat ni Pedro, at pagkatapos ay lumuhod at nanalangin siya. Bumaling siya sa bangkay at kanyang sinabi, “Tabita, bumangon ka.” Iminulat niya ang kanyang mga mata, at nang makita niya si Pedro ay naupo siya.

41 Iniabot ni Pedro sa kanya ang kanyang kamay at siya'y itinindig. Pagkatapos tawagin ang mga banal at ang mga babaing balo, siya'y iniharap niyang buháy.

42 Ito'y napabalita sa buong Joppa at marami ang nanampalataya sa Panginoon.

43 Si Pedro[d] ay nanatili sa loob ng maraming araw sa Joppa, na kasama ni Simon na isang tagapagluto ng balat.

Jeremias 18

Si Jeremias sa Bahay ng Magpapalayok

18 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,

“Tumindig ka, bumaba ka sa bahay ng magpapalayok, at doo'y iparirinig ko sa iyo ang aking mga salita.”

Kaya't bumaba ako sa bahay ng magpapalayok, at naroon siya na gumagawa sa kanyang gulong na panggawa.

At ang sisidlan na kanyang ginagawa mula sa luwad ay nasira sa kamay ng magpapalayok, at muli niya itong ginawa upang maging panibagong sisidlan, ayon sa ikinasiya na gawin ng magpapalayok.

Pagkatapos ay dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na sinasabi,

“O sambahayan ng Israel, hindi ko ba magagawa sa inyo ang gaya ng ginawa ng magpapalayok na ito? sabi ng Panginoon. Gaya ng putik sa kamay ng magpapalayok, gayon kayo sa kamay ko, O sambahayan ng Israel.

Kung sa anumang sandali ay magsalita ako ng tungkol sa isang bansa o sa isang kaharian na ito'y aking bubunutin, ibabagsak at lilipulin,

at kung ang bansang iyon na aking pinagsalitaan ay humiwalay sa kanilang kasamaan ay magbabago ang isip ko tungkol sa kasamaan na binabalak kong gawin doon.

At kung sa anumang sandali ay magsalita ako tungkol sa isang bansa o kaharian, na ito'y aking itatayo at itatanim,

10 kung ito'y gumawa ng kasamaan sa aking paningin, na hindi nakikinig sa aking tinig, ay magbabago ang isip ko tungkol sa kabutihan na binabalak kong gawin doon.

11 Kaya't ngayon, sabihin mo sa mga kalalakihan ng Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Ako'y bumubuo ng kasamaan laban sa inyo, at bumabalangkas ng balak laban sa inyo. Manumbalik ang bawat isa sa inyo mula sa kanyang masamang lakad, at baguhin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa.’

12 “Ngunit kanilang sinabi, ‘Wala iyang kabuluhan! Susunod kami sa aming sariling mga panukala, at bawat isa'y kikilos ng ayon sa katigasan ng kanyang masamang puso.’

13 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
Ipagtanong mo sa mga bansa,
    sinong nakarinig ng katulad nito?
Ang birhen ng Israel
    ay gumawa ng kakilakilabot na bagay.
14 Iniiwan ba ng niyebe ng Lebanon
    ang mga bato ng Sirion?
Natutuyo ba ang mga tubig sa bundok,
    ang umaagos na malamig na tubig?
15 Ngunit kinalimutan ako ng aking bayan,
    sila'y nagsusunog ng insenso sa mga di-tunay na diyos;
at sila'y natisod sa kanilang mga lakad,
    sa mga sinaunang landas,
at lumakad sa mga daan sa tabi-tabi,
    hindi sa lansangang-bayan,
16 na ginagawa ang kanilang lupain na isang katatakutan,
    isang bagay na hahamakin magpakailanman.
    Bawat isang dumaraan doon ay kinikilabutan
    at iniiling ang kanyang ulo.
17 Ikakalat ko sila na gaya ng hanging silangan
    sa harapan ng kaaway.
Ipapakita ko sa kanila ang aking likod, hindi ang aking mukha,
    sa araw ng kanilang kapahamakan.”

18 Nang magkagayo'y sinabi nila, “Halikayo, at magpakana tayo ng mga pakana laban kay Jeremias, sapagkat ang kautusan ay hindi mawawala sa pari, o ang payo sa pantas, o ang salita man sa propeta. Halikayo, saktan natin siya sa pamamagitan ng dila at huwag nating pansinin ang kanyang mga salita.”

Si Jeremias ay Nanalangin Laban sa mga Kaaway

19 Bigyang-pansin mo ako, O Panginoon,
    at pakinggan mo ang sinasabi ng aking mga kaaway!
20 Ang kasamaan ba'y ganti sa kabutihan?
    Gayunma'y gumawa sila ng hukay para sa aking buhay.
Alalahanin mo kung paanong ako'y tumayo sa harapan mo,
    upang magsalita ng mabuti para sa kanila,
    upang ilayo ang iyong poot sa kanila.
21 Kaya't ibigay mo ang kanilang mga anak sa taggutom,
    ibigay mo sila sa kapangyarihan ng tabak;
ang kanila nawang mga asawa ay mawalan ng anak at mabalo.
    Ang kanila nawang mga lalaki ay mamatay sa salot
    at ang kanilang mga kabataan ay mapatay ng tabak sa labanan.
22 Makarinig nawa ng daing mula sa kanilang mga bahay,
    kapag bigla mong dinala ang mga mandarambong sa kanila!
Sapagkat sila'y gumawa ng hukay upang kunin ako,
    at naglagay ng mga bitag para sa aking mga paa.
23 Gayunman, ikaw, O Panginoon, ay nakakaalam
    sa lahat nilang balak na ako'y patayin.
Huwag mong patawarin ang kanilang kasamaan,
    ni pawiin man ang kanilang kasalanan sa iyong paningin.
Bumagsak sana sila sa harapan mo.
    Harapin mo sila sa panahon ng iyong galit.

Marcos 4

Ang Talinghaga ng Manghahasik(A)

Siya'y(B) muling nagpasimulang magturo sa tabi ng dagat. At nagtipon sa palibot niya ang napakaraming tao, kaya't siya'y sumakay sa isang bangkang nasa lawa at naupo roon. Ang lahat ng tao ay nasa dalampasigan.

Sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga at sa kanyang pagtuturo ay sinabi niya sa kanila,

“Makinig kayo. Ang isang manghahasik ay lumabas upang maghasik.

At nangyari, sa kanyang paghahasik, ang ilang binhi ay nahulog sa tabi ng daan at nagdatingan ang mga ibon at kinain ito.

Ang iba ay nahulog sa batuhan na doo'y walang maraming lupa. Agad itong sumibol sapagkat hindi malalim ang lupa.

Nang sumikat ang araw, nainitan ito at dahil sa walang ugat, ito'y natuyo.

Ang iba ay nahulog sa tinikan at lumaki ang mga tinik at sinakal ito, at ito'y hindi namunga.

Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa at namunga, na tumataas, lumalago at namumunga ng tatlumpu, animnapu, at isandaan.”

At sinabi niya, “Ang may taingang pandinig ay makinig.”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)

10 Nang siya'y mag-isa na, ang mga nasa palibot niya kasama ang labindalawa ay nagtanong sa kanya tungkol sa mga talinghaga.

11 At sinabi niya sa kanila, “Sa inyo ipinagkaloob ang hiwaga ng kaharian ng Diyos, ngunit sa kanilang nasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa mga talinghaga;

12 upang(D) kung sa pagtingin ay hindi sila makakita; at sa pakikinig ay hindi sila makaunawa, baka sila'y magbalik-loob at mapatawad.”

13 At sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nalalaman ang talinghagang ito? Paano nga ninyo mauunawaan ang lahat ng mga talinghaga?

14 Ang manghahasik ay naghahasik ng salita.

15 Ito ang mga nasa tabi ng daan na nahasikan ng salita. Nang kanilang mapakinggan ito, agad dumating si Satanas at inagaw ang salitang inihasik sa kanila.

16 Gayundin naman ang mga nahasik sa batuhan, nang marinig nila ang salita, agad nila itong tinanggap na may galak;

17 at hindi ito nagkaugat sa kanilang sarili, kundi panandalian lamang. Kaya't nang dumating ang kapighatian o ang mga pag-uusig dahil sa salita, kaagad silang tumatalikod.[a]

18 Ang iba'y nahasik sa tinikan. Ang mga ito ang nakinig ng salita,

19 ngunit ang mga alalahanin ng sanlibutan, ang pang-akit ng mga kayamanan, at ang mga pagnanasa sa ibang bagay ay pumasok at sinakal ang salita at ito'y hindi nakapamunga.

20 Ang mga ito ang nahasik sa mabuting lupa: narinig nila ang salita, tinanggap ito at namumunga ng tatlumpu, animnapu at isandaan.”

Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(E)

21 At(F) sinabi niya sa kanila, “Inilalabas ba ang ilawan upang ilagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan, at hindi sa talagang lalagyan ng ilawan?

22 Sapagkat(G) walang bagay na nakatago na hindi ihahayag; o walang nalilihim na hindi ilalantad sa liwanag.

23 Kung ang sinuman ay may taingang ipandirinig, hayaan siyang makinig.”

24 At(H) sinabi niya sa kanila, “Pag-ingatan ninyo kung ano ang inyong pinapakinggan: sa panukat na inyong isinusukat, kayo'y susukatin; at higit pa ang sa inyo'y ibibigay.

25 Sapagkat(I) ang mayroon ay lalo pang bibigyan; at ang wala, pati na ang nasa kanya ay kukunin pa.”

Ang Binhing Tumutubo

26 Sinabi niya, “Ang kaharian ng Diyos ay gaya ng isang taong naghahasik ng binhi sa lupa,

27 at natutulog at bumabangon siya sa gabi at araw. Sumisibol at lumalaki ang binhi na hindi niya nalalaman kung paano.

28 Ang lupa mismo ang nagpapasibol sa halaman,[b] una ang usbong, saka ang uhay, pagkatapos ay ang uhay na hitik sa butil.

29 Ngunit(J) kapag hinog na ang bunga, agad niyang kinukuha ang karit, sapagkat dumating na ang pag-aani.”

Ang Butil ng Mustasa(K)

30 Kanyang sinabi, “Sa ano natin maihahambing ang kaharian ng Diyos; o anong talinghaga ang gagamitin natin para dito?

31 Ito'y tulad sa butil ng binhi ng mustasa na kapag naihasik sa lupa, bagama't siyang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na nasa lupa,

32 ngunit kapag ito'y naihasik ay tumutubo, nagiging mas malaki kaysa lahat ng mga halaman, at nagsasanga ng malalaki, anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay nakakagawa ng mga pugad sa lilim nito.”

Ang mga Talinghaga ni Jesus

33 Sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga, sinabi niya sa kanila ang salita, ayon sa kakayahan nilang makinig.

34 At hindi siya nagsalita sa kanila maliban sa talinghaga ngunit sa kanyang sariling mga alagad ay sarilinan niyang ipinapaliwanag ang lahat ng mga bagay.

Pinatigil ni Jesus ang Unos(L)

35 Nang araw ding iyon, nang sumapit na ang gabi ay sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”

36 Pagkaiwan sa maraming tao, siya'y kanilang isinama sa bangka, ayon sa kanyang kalagayan. At may iba pang mga bangka na kasama niya.

37 At nagkaroon ng isang malakas na unos, sumalpok ang mga alon sa bangka, anupa't ang bangka ay halos napupuno na ng tubig.

38 Ngunit siya'y nasa hulihan ng bangka at natutulog na may inuunan. Siya'y ginising nila, at sinabi sa kanya, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?”

39 Paggising niya ay sinaway niya ang hangin at sinabi sa dagat, “Pumayapa ka. Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan.

40 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natakot? Wala ba kayong pananampalataya?”

41 Sila'y sinidlan ng malaking takot at sinabi sa isa't isa, “Sino nga ito, na pati ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001