Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
2 Cronica 7

Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay suma buong templo.

Nang (A)makatapos nga ng pananalangin si Salomon, ang (B)apoy ay lumagpak mula sa langit, at sinupok ang handog na susunugin at ang mga hain; (C)at napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay.

At ang mga saserdote ay hindi mangakapasok sa bahay ng Panginoon, sapagka't napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon.

At ang lahat na mga anak ni Israel ay nagsitingin, nang ang apoy ay lumagpak, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nasa bahay; at sila'y nangagpatirapa sa lupa sa pabimento, at nagsisamba, at nangagpasalamat sa Panginoon, na nagsisipagsabi, Sapagka't siya'y mabuti; sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man.

Nagsunog ng mga handog.

(D)Nang magkagayo'y ang hari at ang buong bayan ay naghandog ng hain sa harap ng Panginoon.

At ang haring Salomon ay naghandog ng hain sa dalawangpu't dalawang libong baka, at isang daan at dalawangpung libong tupa. Gayon ang hari at ang buong bayan ay nagtalaga sa bahay ng Dios.

At ang mga saserdote ay nagsitayo ayon sa kanilang mga katungkulan; gayon din ang mga Levita na may mga panugtog ng tugtugin ng Panginoon, na ginawa ni David na hari na ipinagpasalamat sa Panginoon, (sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man), nang si David ay dumalangin sa pamamagitan ng kanilang pangangasiwa: at ang mga saserdote ay nangagpatunog ng mga pakakak sa harap nila, at ang buong Israel ay tumayo.

Bukod dito'y itinalaga ni Salomon ang gitna ng looban na nasa harap ng bahay ng Panginoon; sapagka't doon niya inihandog ang mga handog na susunugin, at ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan, sapagka't ang tansong dambana na ginawa ni Salomon ay hindi makakaya sa handog na susunugin, at sa handog na harina, at sa taba.

Ang pista ng pagtatalaga.

Sa gayo'y ipinagdiwang ang kapistahan nang panahong yaon na pitong araw, ni Salomon, at ng buong Israel na kasama niya, ng totoong malaking kapisanan, mula sa pasukan sa Hamath (E)hanggang sa batis ng Egipto.

At sa ikawalong araw ay nagsipagdiwang sila ng dakilang kapulungan: (F)sapagka't kanilang iningatan ang pagtatalaga sa dambana na pitong araw, at ang kapistahan ay pitong araw.

10 At sa ikadalawangpu't tatlong araw ng ikapitong buwan, ay kaniyang pinauwi ang bayan sa kanilang mga tolda, na galak at may masayang puso dahil sa kabutihan na ipinakita ng Panginoon kay David, at kay Salomon, at sa Israel na kaniyang bayan.

11 (G)Ganito tinapos ni Salomon ang bahay ng Panginoon, at ang bahay ng hari: at lahat na isinaloob ni Salomon gawin sa bahay ng Panginoon, at sa kaniyang sariling bahay, ay nagkawakas ng mabuti.

12 At ang Panginoon ay napakita kay Salomon sa gabi, at sinabi sa kaniya, Aking narinig ang iyong dalangin, (H)at pinili ko ang dakong ito sa aking sarili na pinakabahay na hainan.

13 Kung aking sarhan ang langit na anopa't huwag magkaroon ng ulan, o kung aking utusan ang balang na lamunin ang lupain, o kung ako'y magsugo ng salot sa gitna ng aking bayan;

14 Kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at dumalangin, at hanapin ang aking mukha, at talikuran ang kanilang masamang mga lakad; (I)akin ngang didinggin sa langit, at ipatatawad ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain.

15 Ngayo'y ang aking mga mata ay didilat, at ang aking pakinig ay makikinig, sa dalangin na gagawin sa dakong ito.

16 Sapagka't ngayon ay aking pinili at itinalaga ang bahay na ito, upang ang aking pangalan ay dumoon magpakailan man; at ang aking mga mata at ang aking puso ay doroong palagi.

17 At tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harap ko, gaya ng inilakad ni David na iyong ama, at iyong gagawin ang ayon sa lahat na aking iniutos sa iyo, at iyong iingatan ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kahatulan;

18 Akin ngang itatatag ang luklukan ng iyong kaharian ayon sa aking itinipan kay David na iyong ama, na sinasabi, (J)Hindi magkukulang sa iyo ng lalake na magpupuno sa Israel.

Pangako at babala ng Panginoon.

19 Nguni't kung kayo ay magsisihiwalay, at iiwan ninyo ang aking mga palatuntunan, at ang aking mga utos na aking inilagay sa harap ninyo, at magsisiyaon at magsisipaglingkod sa ibang mga dios, at magsisisamba sa kanila:

20 Akin ngang bubunutin sila sa aking lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na ito na aking itinalaga para sa aking pangalan, at iwawaksi ko sa aking paningin, at gagawin kong isang kawikaan, at isang kakutyaan sa gitna ng lahat ng mga bayan.

21 At ang bahay na ito na totoong mataas, bawa't magdaan sa kaniya'y magtataka, at magsasabi, Bakit ginawa ng Panginoon ang ganito sa lupaing ito, at sa bahay na ito?

22 At sila'y magsisisagot, Sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang na naglabas sa kanila sa lupain ng Egipto, at nanghawak sa ibang mga dios at sinamba nila, at pinaglingkuran nila: kaya't kaniyang dinala ang lahat na kasamaang ito sa kanila.

2 Juan

(A)Ang matanda sa hirang na (B)ginang at sa kaniyang mga anak, (C)na aking iniibig sa katotohanan; at hindi lamang ako, kundi pati ng lahat ng mga nakakakilala (D)ng katotohanan;

Alangalang sa katotohanan na nananahan sa atin, at sasa atin magpakailan man:

(E)Sumaatin nawa ang biyaya, awa, at kapayapaang mula sa Dios Ama at kay Jesucristo, Anak ng Ama, sa katotohanan at sa pagibig.

Ako'y lubhang nagagalak na aking nasumpungan ang ilan sa iyong mga anak (F)na nagsisilakad sa katotohanan, ayon sa ating tinanggap na utos sa Ama.

At ngayo'y ipinamamanhik ko sa iyo, ginang, (G)na hindi waring sinusulatan kita ng isang bagong utos, kundi niyaong ating tinanggap nang pasimula, na tayo'y mangagibigan sa isa't isa.

(H)At ito ang pagibig, na tayo'y mangagsilakad ayon sa kaniyang mga utos. Ito ang utos, na tayo'y mangagsilakad sa kaniya, gaya ng inyong narinig nang pasimula.

Sapagka't maraming magdaraya na nangagsilitaw sa sanglibutan, sa makatuwid ay (I)ang mga hindi nangagpapahayag na si Jesucristo ay napariritong nasa laman. Ito ang magdaraya at (J)ang anticristo.

Mangagingat kayo sa inyong sarili, upang (K)huwag ninyong iwala ang mga bagay na aming pinagpagalan, kundi upang tanggapin ninyo ang isang lubos na kagantihan.

Ang sinomang nagpapatuloy at hindi nananahan sa aral ni Cristo, ay (L)hindi kinaroroonan ng Dios: ang nananahan sa aral, ay kinaroroonan ng Ama at gayon din ng Anak.

10 Kung sa inyo'y dumating ang sinoman, at hindi dala ang aral na ito, ay (M)huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, at huwag ninyo siyang batiin:

11 Sapagka't ang bumabati sa kaniya ay (N)nararamay sa kaniyang masasamang gawa.

12 (O)Yamang may maraming mga bagay na isusulat sa inyo, ay hindi ko ibig isulat sa papel at tinta; datapuwa't inaasahan kong pumariyan sa inyo, at makipagusap ng mukhaan, (P)upang malubos ang inyong galak.

13 Ang mga anak ng iyong (Q)hirang na kapatid na babae ay bumabati sa iyo.

Habacuc 2

Ang kaabaaba ay sinalita sa Caldea.

Ako'y tatayo sa (A)aking bantayan, at lalagay ako sa moog, at tatanaw upang maalaman ko kung ano ang kaniyang sasalitain sa akin, at kung ano ang aking isasagot tungkol sa aking daing.

At ang Panginoon ay sumagot sa akin, at nagsabi, (B)Isulat mo ang pangitain, at (C)iukit mo na malinaw sa mga tapyas na bato upang makatakbo ang bumabasa niyaon.

Sapagka't ang (D)pangitain ay sa panahong takda pa, at nagmamadali sa pagkatapos, at hindi magbubulaan: bagaman nagluluwat ay hintayin mo; sapagka't walang pagsalang (E)darating, hindi magtatagal.

Narito, ang kaniyang kaluluwa ay nagpapalalo, hindi tapat sa kaniya; nguni't (F)ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya.

Oo, (G)bukod dito'y ang alak ay magdaraya, isang taong hambog, at hindi natitira sa bahay; na lumaki ang kaniyang nasa na parang Sheol, at siya'y parang kamatayan, at hindi masisiyahan, kundi pinipisan sa kaniya ang lahat na bansa, at ibinubunton sa kaniya ang lahat na bayan.

Hindi baga ang lahat ng ito ay magbabadya ng talinhaga laban sa kaniya, at ng nakagagalit na kawikaan laban sa kaniya, at mangagsasabi, Sa aba niya na nagpaparami ng di kaniya! hanggang kailan? at nagpapasan siya sa kaniyang sarili ng mga sangla!

Hindi baga sila mangagtitindig, na bigla na kakagat sa iyo, at magsisigising na babagabag sa iyo, at ikaw ay magiging samsam sa kanila?

Dahil sa iyong sinamsaman ang (H)maraming bansa, lahat ng nalabi sa mga tao ay magsisisamsam sa iyo, (I)dahil sa dugo ng mga tao, at dahil sa karahasang ginawa sa lupain, sa bayan at sa lahat ng nagsisitahan doon.

Sa aba niya na (J)nagiimpok ng masamang pakinabang para sa kaniyang sangbahayan, upang kaniyang mailagay ang pugad niya sa itaas, upang siya'y maligtas sa kamay ng kasamaan!

10 Ikaw ay naghaka ng ikahihiya ng iyong sangbahayan, sa paghihiwalay ng maraming tao, at ikaw ay nagkasala laban sa iyong sarili.

11 Sapagka't ang bato ay dadaing mula sa pader, at ang tahilan mula sa mga kahoy ay sasagot.

12 Sa aba niya na nagtatayo ng bayan (K)sa pamamagitan ng dugo, at nagtatatag ng bayan sa pamamagitan ng kasamaan!

13 Narito, hindi baga dahil sa Panginoon ng mga hukbo na (L)ang mga tao ay nagsisigawa para sa apoy, at ang mga bansa ay nangagpapakapagod sa walang kabuluhan?

14 Sapagka't ang lupa ay mapupuno ng (M)kaalaman ng kaluwalhatian ng Panginoon, gaya ng pagtakip ng tubig sa dagat.

15 Sa aba niya na nagpapainom ng alak sa kaniyang kapuwa, na idinadagdag mo ang iyong kamandag, at nilalasing mo rin naman siya, upang iyong mamasdan ang kaniyang kahubaran!

16 Ikaw ay puno ng kahihiyan, at hindi ng kaluwalhatian: uminom ka naman, at maging gaya ng isang hindi tuli; ang saro ng kanan ng Panginoon ay mababalik sa iyo, at kasuklamsuklam na kahihiyan ang mahahalili sa iyong kaluwalhatian.

17 Sapagka't ang pangdadahas na ginawa sa (N)Libano ay tatakip sa iyo, at ang panggigiba sa mga hayop na nakatakot sa kanila; dahil sa dugo ng mga tao, at dahil sa pangdadahas na ginawa sa lupain, sa bayan, at sa lahat na nagsisitahan doon.

18 (O)Anong napapakinabang ng larawang inanyuan na yao'y inanyuan ng manggagawa niyaon; ng binubong larawan, na tagapagturo ng mga kasinungalingan, na tinitiwalaan ng nagaanyo sa kaniya, na gumawa ng mga piping diosdiosan?

19 Sa aba niya na nagsasabi sa kahoy, Gumising ka; sa piping bato, Bumangon ka! Magtuturo baga ito? Narito, nababalot ng ginto at pilak, at walang hinga sa loob niyaon.

20 Nguni't ang Panginoo'y (P)nasa kaniyang banal na (Q)templo: tumahimik ang buong lupa sa harap niya.

Lucas 21

21 At siya'y tumunghay, at (A)nakita ang mga taong mayayaman na nangaghuhulog ng kanilang mga alay sa kabang-yaman.

At nakita niya ang isang dukhang babaing bao na doo'y naghuhulog ng (B)dalawang lepta.

At sinabi niya, Sa katotohana'y sinasabi ko sa inyo, Ang dukhang babaing baong ito ay naghulog ng higit kay sa kanilang lahat.

Sapagka't ang lahat ng mga yaon ay nangaghulog sa mga alay ng sa kanila'y labis; datapuwa't siya, sa kaniyang kasalatan ay inihulog ang buong kaniyang ikabubuhay na nasa kaniya.

At samantalang sinasalita (C)ng ilan ang tungkol sa templo, kung paanong ito'y pinalamutihan ng magagandang bato at mga hain, ay kaniyang sinabi,

Tungkol sa mga bagay na ito na inyong nangakikita, ay darating ang mga araw, (D)na walang maiiwan ditong isang bato sa ibabaw ng kapuwa bato, na hindi ibabagsak.

At kanilang itinanong sa kaniya, na sinasabi, Guro, kailan nga mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda pagka malapit ng mangyari ang mga bagay na ito?

At sinabi niya, Mangagingat kayo na huwag kayong mangailigaw: (E)sapagka't marami ang paririto sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at, Malapit na ang panahon: huwag kayong magsisunod sa kanila.

At pagka kayo'y nangakarinig ng mga digmaan at mga kaguluhan, ay huwag kayong mangasindak: sapagka't kinakailangang mangyari muna ang mga bagay na ito; datapuwa't hindi (F)pa malapit ang wakas.

10 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanila, Magtitindig ang isang bansa laban sa bansa, at ang isang kaharian laban sa kaharian;

11 At magkakaroon ng malalakas na lindol, at sa iba't ibang dako ay magkakagutom at magkakasalot; at magkakaroon ng mga bagay na kakilakilabot, at ng mga dakilang tanda mula sa langit.

12 Datapuwa't bago mangyari ang lahat ng mga bagay na ito, ay huhulihin (G)kayo, at paguusigin kayo, na kayo'y ibibigay sa mga sinagoga at (H)sa mga bilangguan, na kayo'y dadalhin sa harapan ng mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan.

13 Ito'y magiging patotoo (I)sa inyo.

14 Pagtibayin nga ninyo ang inyong mga puso, (J)na huwag munang isipin kung paano ang inyong isasagot:

15 Sapagka't bibigyan ko kayo ng (K)isang bibig at karunungan, na hindi mangyayaring masalangsang o matutulan man ng lahat ninyong mga kaalit.

16 Datapuwa't kayo'y ibibigay ng kahit mga magulang, at mga kapatid, at mga kamaganak, at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang iba sa inyo.

17 At kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan.

18 At hindi mawawala kahit (L)isang buhok ng inyong ulo.

19 Sa inyong (M)pagtitiis ay maipagwawagi ninyo ang inyong mga kaluluwa.

20 Datapuwa't pagka nangakita ninyong (N)nakukubkob ng mga hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo'y talastasin ninyo na ang kaniyang (O)pagkawasak ay malapit na.

21 Kung magkagayo'y ang mga nasa Judea ay magsitakas sa mga bundok; at ang mga nasa loob ng bayan ay magsilabas; (P)at ang mga nasa parang ay huwag magsipasok sa bayan.

22 Sapagka't ito ang mga araw ng paghihiganti, (Q)upang maganap ang lahat ng mga bagay na nangasusulat.

23 Sa aba ng mga nagdadalang-tao, at ng mga nagpapasuso sa mga araw na yaon! sapagka't magkakaroon ng malaking kahapisan sa ibabaw ng lupa, at kagalitan sa bayang ito.

24 At sila'y mangabubuwal sa pamamagitan ng talim ng tabak, at dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa: at (R)yuyurakan ang Jerusalem ng mga Gentil, (S)hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Gentil.

25 At magkakaroon ng mga tanda sa araw at buwan at mga bituin; at sa lupa'y magkakaroon ng kasalatan sa mga bansa, na matitilihan dahil sa ugong ng dagat at mga daluyong;

26 Magsisipanglupaypay ang mga tao dahil sa takot, at dahil sa paghihintay ng mga bagay na darating sa ibabaw ng sanglibutan: sapagka't mangangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit.

27 At kung magkagayo'y makikita nila ang Anak ng tao na pariritong nasa isang alapaap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.

28 Datapuwa't kung magpasimulang mangyari ang mga bagay na ito, ay magsitingin kayo, at itaas ninyo ang inyong mga ulo; sapagka't malapit na ang pagkatubos ninyo.

29 At sinalita niya sa kanila ang isang talinghaga: Masdan ninyo ang puno ng igos at ang lahat ng mga punong kahoy:

30 Pagka nangagdadahon na sila, ay nakikita ninyo at nalalaman ninyo sa inyong sarili na malapit na ang tagaraw.

31 Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyong nangyari ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang kaharian ng Dios.

32 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

33 Ang langit at ang lupa ay lilipas: datapuwa't ang aking mga salita ay hindi lilipas.

34 Datapuwa't mangagingat kayo sa inyong sarili, baka mangalugmok ang inyong mga puso sa katakawan, at sa kalasingan, at sa mga pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at (T)dumating na bigla sa inyo ang araw na yaon na gaya ng silo:

35 Sapagka't gayon darating sa kanilang lahat na nangananahan sa ibabaw ng buong lupa.

36 (U)Datapuwa't mangagpuyat kayo sa bawa't panahon, (V)na mangagsidaing, upang kamtin ninyo ang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang (W)mangakatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao.

37 At araw-araw ay (X)nagtuturo siya sa templo; at lumalabas (Y)gabi-gabi at tumatahan sa bundok na tinatawag na Olivo.

38 At ang buong bayan ay maagang pumaparoon sa kaniya sa templo, upang makinig sa kaniya.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978