Read the Gospels in 40 Days
Tinukso ng Diyablo si Jesus(A)
4 Pagkatapos, dinala ng Espiritu si Jesus sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. 2 Pagkatapos mag-ayuno ng apatnapung araw at apatnapung gabi, siya ay nagutom. 3 Dumating ang manunukso at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, ipag-utos mong maging tinapay ang mga batong ito.” 4 Ngunit sumagot si Jesus,
“Nasusulat,
‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao,
kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.’ ”
5 Kasunod nito'y dinala siya ng diyablo sa banal na lungsod at inilagay siya sa tuktok ng templo. 6 Sinabi nito sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, tumalon ka mula riyan, sapagkat nasusulat,
‘Uutusan niya ang kanyang mga anghel na ingatan ka,’
at ‘Mga kamay nila sa iyo ay sasalo,
upang ang paa mo'y hindi masaktan sa bato.’ ”
7 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.’ ” 8 Muli, dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan at ang dangal ng mga ito. 9 Sinabi nito sa kanya, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng mga ito, kung yuyukod ka at sasamba sa akin.” 10 Sumagot sa kanya si Jesus, “Layas, Satanas! Sapagkat nasusulat,
‘Ang Panginoong Diyos ang iyong sasambahin
at siya lamang ang iyong paglilingkuran.’ ”
11 At iniwan siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran.
Sinimulan ni Jesus ang Kanyang Gawain sa Galilea(B)
12 Nabalitaan ni Jesus na si Juan ay dinakip kaya't pumunta siya sa Galilea. 13 Nilisan niya ang Nazareth at siya'y nanirahan sa Capernaum na nasa tabing-dagat, sa nasasakupan ng Zebulun at Neftali, 14 upang matupad ang salita ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias:
15 “Ang lupain ng Zebulun at ang lupain ng Neftali—
daang patungo sa dagat, sa ibayo ng Jordan, Galilea ng mga Hentil—
16 Ang bayang itong nasasadlak sa kadiliman
ay nakakita ng malaking tanglaw,
Sa kanilang nakaupo sa lilim ng kamatayan
ay may liwanag na sumilang.”
17 Mula noon ay nagsimulang mangaral ng ganito si Jesus, “Magsisi kayo, sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.”
Tinawag ni Jesus ang mga Unang Alagad(C)
18 Habang naglalakad sa baybayin ng lawa ng Galilea, nakita ni Jesus ang magkapatid na si Simon (na binansagang Pedro) at si Andres, na naghuhulog ng lambat sa dagat, sapagkat sila ay mga mangingisda. 19 At sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.” 20 Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. 21 Sa paglalakad pa niya ay nakita niya ang magkapatid na Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka silang kasama ang kanilang ama at nag-aayos ng mga lambat. Tinawag niya ang magkapatid. 22 Agad nilang iniwan ang bangka pati ang kanilang ama, at sumunod sa kanya.
Nangaral at Nagpagaling ng mga Maysakit si Jesus(D)
23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea sa pagtuturo sa mga sinagoga ng mga Judio at pagpapahayag ng Magandang Balita ng kaharian. Pinagagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman ng mga tao. 24 Kaya't kumalat ang balita tungkol sa kanya sa buong Syria. Dinala sa kanya ang lahat ng maysakit, ang mga pinahihirapan ng iba't ibang uri ng sakit at kirot, ang mga sinasaniban ng mga demonyo, ang mga may epilepsiya, at ang mga paralitiko. Silang lahat ay kanyang pinagaling. 25 At sumunod sa kanya ang napakaraming tao mula sa Galilea at sa Decapolis, mula sa Jerusalem at Judea, at mula sa ibayo ng Jordan.
Ang Sermon sa Bundok
5 Nang makita ni Jesus ang maraming tao, umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya ay lumapit ang kanyang mga alagad. 2 Nagsimula siyang magturo sa kanila, nagsasabing:
Ang Mapapalad(E)
3 “Pinagpala ang mga mapagpakumbabang-loob,
sapagkat para sa kanila ang kaharian ng langit.
4 Pinagpala ang mga nagdadalamhati,
sapagkat sila ay aaliwin.
5 Pinagpala ang mga maamo,
sapagkat mamanahin nila ang lupa.
6 Pinagpala ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran,
sapagkat sila'y bibigyang-kasiyahan.
7 Pinagpala ang mga mahabagin,
sapagkat sila ay kahahabagan.
8 Pinagpala ang mga dalisay ang kalooban,
sapagkat makikita nila ang Diyos.
9 Pinagpala ang mga nagsisikap para sa kapayapaan,
sapagkat sila ay ituturing na mga anak ng Diyos.
10 Pinagpala ang mga inaapi nang dahil sa katuwiran,
sapagkat para sa kanila ang kaharian ng langit.
11 Pinagpala kayo kapag dahil sa akin, kayo'y inaalipusta, inaapi at pinararatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan. 12 Magalak kayo at matuwa, sapagkat malaki ang gantimpala ninyo sa langit, sapagkat gayundin nila inusig ang mga propetang nauna sa inyo.
Asin at Ilaw(F)
13 “Kayo ang asin ng lupa, ngunit kung mawalan na ng lasa ang asin, paano pa maibabalik ang alat nito? Wala na itong paggagamitan liban sa ito'y itapon at tapak-tapakan ng mga tao. 14 Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Hindi maikukubli ang isang lungsod na itinayo sa ibabaw ng isang burol. 15 Hindi nagsisindi ng ilawan ang mga tao at ilalagay lamang sa ilalim ng isang takalan. Sa halip, ilalagay ito sa ibabaw ng isang patungan, nang sa gayo'y magbigay liwanag ito sa lahat ng nasa bahay. 16 Sa gayunding paraan ay paliwanagin ninyo ang inyong ilaw sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin ang inyong Amang nasa langit.
Ang Turo tungkol sa Kautusan
17 “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-saysay ang Kautusan o ang sinulat ng mga propeta. Naparito ako hindi upang ipawalang-saysay kundi isakatuparan ang mga ito. 18 Sapagkat tinitiyak ko sa inyo, lumipas man ang langit at ang lupa, ni isang munting titik o isang kudlit ng Kautusan ay hindi lilipas hanggang sa maisakatuparan ang lahat ng mga bagay. 19 Kaya't sinumang sumuway kahit sa pinakamaliit sa mga utos na ito at turuan ang mga tao ng pagsuway ay ituturing na pinakamaliit sa kaharian ng langit. Ngunit sinumang tumutupad at nagtuturo sa mga tao na sundin ang mga ito ay ituturing na dakila sa kaharian ng langit. 20 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, kung ang inyong pagiging matuwid ay hindi hihigit sa pagiging matuwid ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit.
Turo tungkol sa Galit
21 “Narinig ninyong sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag kang papatay, at sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’ 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman; sinumang magsabi sa kanyang kapatid, "Raca",[a] ay pananagutin sa Sanhedrin; at sinumang magsabi, ‘Ulol ka’ ay mananagot sa impiyernong nagliliyab sa apoy. 23 Kaya't kung mag-aalay ka ng iyong handog sa dambana at doon ay naalala mong may sama ng loob sa iyo ang iyong kapatid, 24 iwan mo ang iyong handog sa harap ng dambana at umalis ka. Makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid at pagkatapos ay bumalik ka at ialay mo ang iyong handog. 25 Agad kang makipagkasundo sa naghabla sa iyo habang papunta pa lamang kayo sa hukuman, kung hindi ay ibibigay ka niya sa hukom, at ibibigay ka ng hukom sa bantay at ikaw ay masasadlak sa bilangguan. 26 Tinitiyak ko sa iyo, hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo naibabayad ang kahuli-hulihan mong barya.
Turo tungkol sa Pangangalunya
27 “Narinig ninyong sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ 28 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo na ang bawat tumitingin sa babae nang may mahalay na pagnanasa ay nagkasala na ng pangangalunya sa kanyang puso. 29 Kung nagiging sanhi ng iyong pagkakasala ang iyong kanang mata, dukutin mo ito at itapon. Sapagkat mas mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa maitapon ang iyong buong katawan sa impiyerno. 30 At kung nagiging sanhi ng iyong pagkakasala ang iyong kanang kamay, putulin mo ito at itapon. Sapagkat mas mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang iyong buong katawan ay mapunta sa impiyerno.
Turo tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(G)
31 “Sinabi rin, ‘Ang sinumang lalaking magpaalis at humiwalay sa kanyang asawang babae ay dapat magbigay sa babae ng kasulatan ng paghihiwalay.’ 32 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo, sinumang lalaking magpaalis at humiwalay sa kanyang asawa, maliban sa kadahilanang pangangalunya ay nagtutulak sa kanyang asawa na mangalunya. At sinumang magpakasal sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.
Ang Turo tungkol sa Panunumpa
33 “Narinig din ninyong sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag kang sisira sa iyong sinumpaan, sa halip ay tutuparin mo ang iyong sinumpaan sa Panginoon.’ 34 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo, huwag ninyong gagamitin sa panunumpa ang anuman, kahit ang langit, sapagkat iyon ang trono ng Diyos, 35 o kaya'y ang lupa, sapagkat ito ang tuntungan ng kanyang mga paa, kahit ang Jerusalem, sapagkat ito ang lungsod ng dakilang hari. 36 Huwag mo ring gagamitin sa iyong panunumpa ang iyong ulo, sapagkat hindi mo kayang paputiin o paitimin ni isa mang hibla ng iyong buhok. 37 Ngunit magsabi kayo ng ‘Oo’ kung ‘Oo’, at ‘Hindi’ kung ‘Hindi’. Anumang higit pa rito ay galing na sa masama.
Ang Turo tungkol sa Paghihiganti(H)
38 “Narinig ninyong sinabi, ‘Mata sa mata, at ngipin sa ngipin.’ 39 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo: Huwag ninyong labanan ang masamang tao. Sa halip, kapag sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kabila. 40 At kung isinakdal ka sa hukuman ng sinuman at nakuha ang iyong damit, hayaan mong makuha rin niya ang iyong balabal. 41 At kung sapilitan kang palakarin ng sinuman ng isang milya, lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya. 42 Magbigay ka sa nanghihingi sa iyo, at huwag magdamot sa nanghihiram sa iyo.
Ang Pagmamahal sa Kaaway(I)
43 “Narinig ninyong sinabi, ‘Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.’ 44 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, 45 upang kayo'y maging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang kanyang araw sa masasama gayundin sa mabubuti, at nagpapadala siya ng ulan sa mga matuwid, gayundin sa mga di-matuwid. 46 Sapagkat kung ang mamahalin ninyo ay iyon lamang nagmamahal sa inyo, ano'ng mapapala ninyo? Hindi ba't ganyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung sa mga kapatid lamang ninyo kayo bumabati, mayroon ba kayong ginagawang higit kaysa iba? Hindi ba't ganoon din ang ginagawa ng mga Hentil? 48 Kaya't dapat kayong maging ganap tulad ng inyong Amang nasa langit.
Turo tungkol sa Paglilimos
6 “Tiyakin ninyo na ang paggawa ninyo ng mabuti ay hindi pakitang-tao lamang. Kung hindi ay hindi kayo tatanggap ng gantimpala mula sa inyong Amang nasa langit. 2 Kaya't kapag nagbibigay ka sa mga dukha, huwag kang magpapatugtog ng trumpeta sa harapan mo, tulad ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa mga sinagoga at sa mga lansangan, upang sila'y parangalan ng mga tao. Tinitiyak ko sa inyo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala. 3 Sa halip, kapag nagbibigay ka sa mga dukha, huwag mong ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay, 4 upang maging lihim ang iyong pagbibigay. At gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita sa ginawa mo nang lihim.
Turo tungkol sa Pananalangin(J)
5 “Kapag kayo'y nananalangin, huwag ninyong tularan ang mga mapagkunwari; sapagkat gustung-gusto nilang tumayo at manalangin sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng mga lansangan, upang sila'y makita ng mga tao. Tinitiyak ko sa inyo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala. 6 Subalit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid, isara mo ang pintuan, at manalangin ka sa iyong Amang hindi nakikita. At gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita sa mga lihim na bagay. 7 Kapag kayo'y nananalangin, huwag ninyong daanin sa maraming salitang walang kabuluhan na tulad ng ginagawa ng mga Hentil, sapagkat akala nila'y pakikinggan sila dahil sa dami ng kanilang sinasabi. 8 Huwag ninyo silang tularan, sapagkat alam na ng inyong Ama ang kailangan ninyo bago pa man kayo humingi. 9 Manalangin nga kayo tulad nito:
'Ama naming nasa langit,
pakabanalin nawa ang iyong pangalan.
10 'Dumating nawa ang iyong kaharian,
matupad nawa ang iyong kalooban, dito sa lupa tulad ng sa langit.
11 Bigyan mo po kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw.
12 Patawarin mo po kami sa aming mga pagkakautang,
kung paanong nagpatawad kami sa mga nagkakautang sa amin.
13 At huwag mo kaming pabayaan sa panahon ng pagsubok,
sa halip ay iligtas mo po kami mula sa masama.'[b]
14 Sapagkat kung pinatatawad ninyo ang iba sa kanilang mga kasalanan, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. 15 Ngunit kung hindi kayo nagpapatawad sa mga pagkakasala ng iba, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong mga pagkakasala.
Turo tungkol sa Pag-aayuno
16 “Kapag kayo'y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot gaya ng mga mapagkunwari, sapagkat pinalulungkot nila ang kanilang mga hitsura upang mahalata ng iba na sila ay nag-aayuno. Tinitiyak ko sa inyo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala. 17 Sa halip, kapag ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka ng buhok at maghilamos ka, 18 upang ang pag-aayuno mo ay hindi makita ng iba maliban ng iyong Amang hindi nakikita. At gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita sa lihim.
Ang Kayamanan sa Langit(K)
19 “Huwag kayong mag-impok para sa inyong mga sarili ng mga kayamanan dito sa lupa, kung saan ang bukbok at kalawang ay sumisira at kung saan ang mga magnanakaw ay nakapanloloob at nakapagnanakaw. 20 Sa halip ay mag-impok kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan ang bukbok at ang kalawang ay hindi makakapanira at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi nakapanloloob at nakapagnanakaw. 21 Sapagkat kung saan nakalagak ang iyong kayamanan, doon din naman malalagak ang iyong puso.
Ang Ilawan ng Katawan(L)
22 “Ang mata ang pinakatanglaw ng katawan. Kaya't kung malusog ang iyong mata, mapupuno ng liwanag ang iyong buong katawan. 23 Subalit kung masama ang iyong mata, mapupuno ng kadiliman ang iyong buong katawan. Kaya't kung ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman, napakalaking kadiliman iyan!
Diyos o Kayamanan(M)
24 “Walang taong maaaring maglingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang pangalawa, o kaya'y magiging tapat siya sa isa at hindi igagalang ang pangalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod sa Diyos at sa salapi.
Tungkol sa Pagkabalisa(N)
25 “Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong ikabalisa ang inyong ikabubuhay, kung ano ang inyong kakainin o kung ano ang inyong iinumin, ni ang inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba't mas mahalaga ang buhay kaysa sa pagkain, at ang katawan kaysa sa pananamit? 26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid! Hindi sila nagtatanim o gumagapas o nagtitipon sa kamalig, gayunma'y pinakakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa kanila? 27 At sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay nakapagdaragdag ng isang oras[c] sa haba ng kanyang buhay? 28 At bakit nag-aalala kayo tungkol sa pananamit? Masdan ninyo ang mga ligaw na bulaklak sa parang, lumalaki sila nang hindi naman nagpapagal ni humahabi ng tela, 29 gayunma'y sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagbihis nang tulad sa isa sa mga ito. 30 At kung gayon nga binibihisan ng Diyos ang damo sa parang na ngayon ay buháy ngunit bukas ay inihahagis sa kalan, kayo pa kaya ang hindi niya bihisan, kayong mahina ang pananampalataya? 31 Kaya't huwag kayong mabalisa at magtanong, ‘Ano ang aming kakainin?’ o ‘Ano ang aming iinumin?’ o ‘Ano ang isusuot namin?’ 32 Sapagkat ang mga bagay na ito ang pinagsisikapang makamtan ng mga Hentil, at nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga ito. 33 Subalit pagsikapan muna ninyong matagpuan ang kaharian ng Diyos at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo. 34 Kaya't huwag kayong mag-alala para sa araw ng bukas, sapagkat mag-aalala ang bukas para sa kanyang sarili. Sapat na para sa buong maghapon ang mga alalahanin nito.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.