Read the Gospels in 40 Days
Ang Nawalang Tupa(A)
15 Lumalapit noon kay Jesus ang lahat ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan upang makinig sa kanya. 2 Nagbulungan ang mga Fariseo at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at nakikisalo siya sa kanila.” 3 Kaya't isinalaysay niya sa kanila ang talinghagang ito: 4 “Sino sa inyo na may isandaang tupa at mawala ang isa, ang hindi mag-iiwan sa siyamnapu't siyam sa ilang at maghahanap sa nawala hanggang ito'y matagpuan? 5 Kapag natagpuan na niya ito ay nagagalak niya itong papasanin, 6 at pagdating sa bahay ay aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko ang aking nawalang tupa.’ 7 Sinasabi ko sa inyo, sa gayunding paraan, magkakaroon ng higit pang kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisi kaysa siyamnapu't siyam na matutuwid na hindi nangangailangan ng pagsisisi.”
Ang Nawalang Pilak
8 “O sino kayang babaing may sampung pirasong salaping pilak, kung mawawalan ng isang piraso ay hindi magsisindi ng ilawan at magwawalis ng bahay at matiyagang maghahanap hanggang sa matagpuan iyon? 9 At kapag natagpuan na niya ito ay tatawagin ang mga kaibigan at kapitbahay at magsasabing, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko ang aking salaping pilak na nawawala.’ 10 Sinasabi ko sa inyo, sa gayunding paraan, magkakaroon ng kagalakan ang mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi.”
Ang Alibughang Anak
11 Sinabi pa niya, “Isang tao ang may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi ng nakababata sa kanyang ama, ‘Ama, ibigay mo na sa akin ang mamanahin ko.’ At hinati ng ama sa kanila ang kanyang ari-arian. 13 Pagdaan ng ilang araw, tinipon ng nakababata ang lahat ng kanya at umalis siya patungo sa malayong lupain. Doon ay nilustay niya ang kanyang kabuhayan sa maaksayang pamumuhay. 14 Nang maubos na niya ang lahat, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon kaya nagsimula na siyang mangailangan. 15 Namasukan siya sa isang mamamayan sa lupaing iyon at ipinadala siya nito sa bukid upang magpakain ng mga baboy. 16 Dahil sa gutom ay gusto na niyang kainin kahit ang mga pinagbalatan ng gulay na kinakain ng mga baboy ngunit wala kahit isa man na nagbigay sa kanya ng anuman. 17 Subalit nang matauhan ay sinabi niya sa kanyang sarili, ‘Marami sa mga upahang lingkod ng aking ama ang sobra-sobra sa busog sa pagkain, samantalang ako rito'y namamatay sa gutom. 18 Babalik ako sa aking ama at sasabihin kong, “Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. 19 Hindi na ako karapat-dapat tawaging iyong anak. Ituring mo ako bilang isa sa iyong mga upahang lingkod.” ’ 20 Kaya siya ay tumindig at umuwi sa kanyang ama. Ngunit malayo pa lang siya ay natanaw na siya ng kanyang ama at labis itong naawa sa kanya. Tumakbo ito sa kanya, niyakap siya at hinalikan. 21 Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat tawaging iyong anak.’ 22 Ngunit sinabi ng ama sa kanyang mga lingkod, ‘Magmadali kayo! Dalhin ninyo rito ang pinakamagandang balabal at isuot sa kanya. Suotan ninyo ng singsing ang kanyang daliri at ng mga sandalyas ang kanyang mga paa. 23 Kunin ninyo ang pinatabang guya at katayin. Tayo ay kakain at magdiriwang! 24 Sapagkat patay ang anak kong ito ngunit muling nabuhay. Siya ay nawala ngunit natagpuan.’ At nagsimula nga silang magdiwang.
25 “Nasa bukid noon ang nakatatandang anak at sa kanyang pag-uwi, nang malapit na siya sa bahay ay nakarinig siya ng tugtugan at sayawan. 26 Tinawag niya ang isa sa mga lingkod at tinanong kung ano ang nangyayari. 27 At sinabi nito sa kanya, ‘Narito na ang iyong kapatid! Ipinagkatay siya ng iyong ama ng pinatabang guya. Sapagkat nabawi siya ng iyong ama na ligtas at malusog.’ 28 Nagalit ang nakatatandang anak at ayaw pumasok. Kaya't lumabas ang kanyang ama at nakiusap sa kanya. 29 Ngunit sumagot siya sa kanyang ama, ‘Nakikita po ninyo na maraming taon na akong naglilingkod sa inyo at hindi ko sinuway kailanman ang inyong utos. Ngunit hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang kambing upang makipagsaya ako sa aking mga kaibigan. 30 Subalit nang bumalik ang anak mong ito na naglustay ng iyong kabuhayan sa masasamang babae, ipinagkatay mo pa siya ng pinatabang guya.’ 31 Kaya't sinabi ng ama sa kanya, ‘Anak, lagi kitang kapiling at sa iyo ang lahat ng sa akin. 32 Ngunit nararapat lamang tayong magsaya at magalak sapagkat patay ang kapatid mong ito ngunit muling nabuhay. Siya ay nawala ngunit natagpuan.’ ”
Ang Talinghaga ng Tusong Katiwala
16 Sinabi rin niya sa mga alagad, “May isang mayaman na may katiwala. Isinusumbong sa kanya na nilulustay nito ang kanyang mga kayamanan. 2 Tinawag niya ito at tinanong, ‘Ano itong narinig ko tungkol sa iyo? Magbigay-sulit ka ng ipinagkatiwala sa iyo, sapagkat hindi ka na maaaring maging katiwala pa.’ 3 Sinabi ng katiwala sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayong tinanggal na sa akin ang pangangasiwa? Hindi ko kayang magbungkal ng lupa at nahihiya naman akong mamalimos. 4 Alam ko na ang gagawin ko! Maalis man ako sa pangangasiwa, may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.’ 5 Kaya't isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kanyang panginoon. Sinabi niya sa una, ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ 6 At sinabi nito, ‘Sandaang tapayan ng langis.’ Sinabi niya naman dito, ‘Kunin mo ang katibayan ng iyong pagkakautang, maupo ka at isulat mo agad na limampu.’ 7 Pagkatapos ay sinabi naman niya sa isa pa, ‘Magkano ang utang mo?’ At sinabi nitong, ‘Sandaang kabang trigo.’ Sinabi niya rito, ‘Kunin mo ang katibayan ng iyong pagkakautang at isulat mo na walumpu.’ 8 Pinuri ng panginoon ang madayang katiwala dahil sa katusuhan nito. Sapagkat ang mga anak ng sanlibutang ito ay mas tuso sa pamamahala ng kanilang pamumuhay kaysa mga anak ng liwanag. 9 Sinasabi ko sa inyo, makipagkaibigan kayo gamit ang kayamanan ng sanlibutan upang kung maubos na ito ay tatanggapin kayo sa walang hanggang mga tahanan. 10 Ang tapat sa kaunti ay tapat din sa marami at ang hindi tapat sa kaunti ay hindi rin tapat sa marami. 11 Kaya kung hindi kayo naging tapat sa kayamanan ng sanlibutan, sino ang magtitiwala sa inyo sa tunay na kayamanan? 12 At kung hindi kayo naging tapat sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng sarili ninyong kayamanan? 13 Walang aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon. Sapagkat kapopootan niya ang isa ngunit iibigin ang isa pa. O kaya naman ay magiging tapat siya sa isa ngunit kamumuhian ang isa pa. Hindi kayo maaaring maglingkod sa Diyos at sa salapi.”
Ang Kautusan at ang Paghahari ng Diyos(B)
14 Ngunit narinig ng mga Fariseong maibigin sa salapi ang lahat ng iyon kaya siya'y kanilang kinutya. 15 Kaya sinabi niya sa kanila, “Nagkukunwari kayong matuwid sa harapan ng mga tao, ngunit alam ng Diyos ang inyong puso. Sapagkat ang pinahahalagahan ng tao ay kasuklam-suklam sa Diyos. 16 Ang Kautusan at ang mga Propeta ay hanggang kay Juan. Buhat noon, ipinangangaral na ang Magandang Balita ng paghahari ng Diyos at nagpupumilit makapasok ang bawat isa. 17 Mas madali pang mawala ang langit at lupa kaysa mawala ang isang kudlit sa Kautusan. 18 Sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa at nag-asawa ng iba ay nangangalunya at ang makipag-asawa sa hiniwalayang babae ay nangangalunya rin.
Ang Mayamang Lalaki at si Lazaro
19 “May mayamang tao na nagsusuot ng mamahaling damit at kumakain nang sagana araw-araw. 20 Isang pulubi namang nagngangalang Lazaro ang nakalupasay sa may pintuan ng mayaman. Marami siyang sugat sa katawan. 21 Masaya na siyang makakain mula sa mga nahuhulog sa hapag ng mayaman. Kahit ang mga aso ay lumalapit at dinidilaan ang kanyang mga sugat. 22 Namatay ang pulubi at dinala siya ng mga anghel sa kandungan ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing. 23 Sa gitna ng pagdurusa niya sa Hades, tumingala siya at nakita niya sa kalayuan si Abraham at si Lazaro sa kandungan nito. 24 Kaya't pasigaw niyang sinabi, ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin! Isugo mo si Lazaro upang isawsaw ang kanyang daliri sa tubig at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.’ 25 Ngunit sinabi ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mong sa iyong buhay ay nagtamasa ka ng mabubuting bagay, samantalang si Lazaro naman ay dumanas ng hirap. Ngayon siya ay inaaliw dito at ikaw naman ay nagdurusa. 26 Bukod dito, may inilagay na malawak na bangin sa pagitan natin upang ang gustong makatawid mula rito patungo sa inyo ay hindi makatatawid o makatawid mula riyan patungo rito.’ 27 Sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon, ipinakikiusap ko sa iyo Ama, na isugo mo siya sa bahay ng aking ama, 28 sapagkat mayroon akong limang kapatid na lalaki, upang si Lazaro'y magpatotoo sa kanila at nang hindi sila humantong sa lugar ng kaparusahang ito.’ 29 Ngunit sinabi ni Abraham, ‘Nasa kanila si Moises at ang mga propeta. Hayaan mong ang mga kapatid mo'y makinig sa kanila.’ 30 Sumagot ang mayaman, ‘Hindi sapat ang mga iyon, Amang Abraham. Ngunit kung isa mula sa mga patay ang magpupunta sa kanila, magsisisi sila.’ 31 Sinabi naman ni Abraham, ‘Kung hindi sila nakikinig kay Moises at sa mga propeta, hindi rin sila makikinig kahit may isang bumangon mula sa mga patay.’ ”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.