Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Juan 9-10

Habang naglalakad si Jesus, nakita niya ang isang lalaking bulag mula pa sa pagkasilang. Tinanong siya ng mga alagad niya, “Rabbi, sino ba ang nagkasala't ang lalaking ito ay ipinanganak na bulag, siya o ang kanyang mga magulang?” Sumagot si Jesus, “Hindi ang lalaking ito, ni ang mga magulang niya ang nagkasala; ipinanganak siyang bulag upang sa pamamagitan niya, ang mga gawa ng Diyos ay maihayag. Kailangan nating gawin ang mga gawa niya na nagsugo sa akin habang maliwanag pa; dumarating ang gabi at wala nang makagagawa nito. (A)Habang ako ay nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.” Matapos niyang sabihin ito, dumura siya sa lupa at gumawa ng putik sa pamamagitan ng laway. Ipinahid niya iyon sa mata ng lalaki, at sinabihan ito, “Humayo ka at maghilamos sa imbakan ng tubig ng Siloam” (na ang ibig sabihin ay isinugo). Kaya nagpunta siya at naghilamos—at bumalik siyang nakakakita na. Ang mga kapitbahay at ang mga nakakita sa kanya noon na siya’y pulubi pa ay nagsimulang magtanong, “Hindi ba siya ang lalaking dating namamalimos?” May ilang nagsasabing, “Siya nga iyon.” Ang iba naman ay nagsasabing, “Hindi, kamukha lang siya.” Ngunit paulit-ulit niyang sinasabing, “Ako ang taong iyon.” 10 Kung kaya paulit-ulit nila siyang tinatanong, “Kung gayon, ano'ng nangyari at nakakakita ka na?” 11 Sumagot siya, “Ang lalaking tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik, ipinahid niya iyon sa aking mga mata, at sinabihan akong pumunta sa Siloam at maghilamos. Kung kaya't nagpunta ako roon at naghilamos, at ako'y nakakita na.” 12 Sinabi nila sa kanya, “Nasaan siya?” Sinabi niya, “Hindi ko alam.”

13 Dinala nila sa mga Fariseo ang lalaking dating bulag. 14 Araw ng Sabbath noon nang gumawa ng putik si Jesus at pagalingin ang kanyang mga mata, 15 kaya nagsimula ring magtanong ang mga Fariseo sa lalaki kung paano siya muling nakakita. Sinabi niya sa kanila, “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata. Pagkatapos ay naghilamos ako, at ngayo’y nakakakita na ako.” 16 Ilan sa mga Fariseo ay nagsabing, “Ang taong ito ay hindi mula sa Diyos, dahil hindi niya sinusunod ang batas ng Sabbath.” Subalit ang iba naman ay nagsabi rin, “Paanong makagagawa ng mga himalang tulad nito ang isang makasalanang tao?” At sila ay nagkahati-hati. 17 Kaya sinabi uli nila sa bulag, “Ano'ng masasabi mo tungkol sa kanya na nagbigay sa iyo ng paningin?” Sinabi niya, “Siya ay propeta.”

18 Hindi makapaniwala ang mga Judio na siyang dating bulag ay nakakakita na. Kaya tinawag nila ang kanyang mga magulang 19 at tinanong nila ang mga ito, “Ito ba ang inyong anak na sinasabi ninyong ipinanganak na bulag? Paanong nangyari na nakakakita na siya ngayon?” 20 Sumagot ang kanyang mga magulang, “Alam naming siya ang aming anak, at siya ay ipinanganak na bulag. 21 Pero, hindi namin alam kung bakit nakakakita na siya ngayon, at kung sino ang nagpagaling sa kanya. Tanungin ninyo siya. Nasa tamang gulang na siya para magpaliwanag tungkol sa kanyang sarili.” 22 Sinabi ito ng mga magulang niya dahil takot sila sa mga Judio; nagkasundo na kasi ang mga Judio na ang sinumang magsabi na si Jesus ang Cristo ay palalayasin sa sinagoga. 23 Kaya sinabi ng mga magulang niya, “May sapat na gulang na siya; tanungin ninyo siya.” 24 Sa pangalawang pagkakataon, tinawag nilang muli ang lalaking dating bulag, at sinabi sa kanya, “Magbigay-luwalhati ka sa Diyos! Alam naming makasalanan ang taong iyon.” 25 Sumagot siya, “Hindi ko alam kung siya nga ay makasalanan. Isang bagay ang nalalaman ko, na ako ay dating bulag, at ngayon ay nakakakita na.” 26 Sinabi nila sa kanya, “Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano niya pinagaling ang iyong mga mata?” 27 Sumagot siya sa kanila, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong makinig. Bakit gusto ninyong marinig ito ulit? Gusto rin ba ninyong maging mga alagad niya?” 28 Kaya't pinagsabihan nila siya nang masakit, “Ikaw ay alagad niya, ngunit kami ay mga alagad ni Moises. 29 Alam naming nangusap ang Diyos kay Moises, ngunit ang taong iyon, hindi namin alam kung saan siya galing.” 30 Sumagot ang lalaki, “Nakapagtataka naman ito! Hindi ninyo alam kung saan siya galing, pero siya ang nagpagaling ng mga mata ko. 31 Alam nating ang Diyos ay hindi nakikinig sa mga makasalanan, at siya ay nakikinig sa sumasamba sa kanya at gumagawa ng kalooban niya. 32 Simula pa noon, wala pang nabalitaang sinuman na nagpagaling ng mga mata ng isang ipinanganak na bulag. 33 Kung ang taong ito ay hindi galing sa Diyos, wala siyang magagawa.” 34 Sumagot sila sa kanya, “Ipinanganak kang makasalanan at tinuturuan mo kami?” At pinalayas nila ang lalaki.

35 Narinig ni Jesus na itinaboy nila ang lalaki, at nang matagpuan niya ito'y sinabi niya, “Naniniwala ka ba sa Anak ng Tao?” 36 Sumagot ang lalaki, “Sino siya, ginoo? Sabihin mo sa akin upang maniwala ako sa kanya.” 37 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Nakita mo na siya, siya ngayon ang nagsasalita sa iyo.” 38 Sinabi niya, “Panginoon, naniniwala ako.” At sinamba niya si Jesus. 39 Sinabi ni Jesus, “Nagpunta ako rito sa sanlibutan upang humatol; at upang ang mga hindi nakakakita ay makakita, at ang mga nakakakita ay maging bulag.” 40 Narinig ito ng ilan sa mga Fariseong naroon kaya sinabi sa kanya, “Bulag din ba kami?” 41 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung kayo ay bulag, hindi sana kayo nagkasala. Ngunit ngayong sinasabi ninyong nakakakita kayo, ang kasalanan ay nananatili sa inyo.

Si Jesus ang Mabuting Pastol

10 “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, sinumang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi dumadaan sa pintuan nito kundi sa ibang daan ay magnanakaw at tulisan. Ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. Ang bantay sa pinto ang nagbubukas para sa kanya, at ang mga tupa ay nakikinig sa tinig niya. Tinatawag niya ang sarili niyang mga tupa sa pangalan at siya ang naglalabas sa kanila. Matapos niyang dalhin sa labas ang lahat ng kanya, pinangungunahan niya sila, at sumusunod sila sa kanya dahil kilala nila ang tinig niya. Hinding-hindi sila susunod sa hindi nila kakilala, kundi tatakbo silang papalayo sa kanya sapagkat hindi nila nakikilala ang tinig ng iba.” Gumamit si Jesus ng ganitong talinghaga sa kanila, subalit hindi nila naintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin.

Kaya’t sinabi muli ni Jesus sa kanila, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, ako ang pintuan ng mga tupa. Ang lahat ng dumating na nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan; ngunit ang mga tupa ay hindi nakinig sa kanila. Ako ang pintuan. Sinumang pumapasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Siya ay papasok at lalabas at makatatagpo ng pastulan. 10 Ang magnanakaw ay dumarating lamang upang magnakaw, pumatay, at sumira. Dumating ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, at magkaroon nito nang sagana. 11 (B)Ako ang mabuting pastol. Ang mabuting pastol ay nag-aalay ng kanyang buhay para sa mga tupa. 12 Ang taong upahan ay hindi pastol at hindi rin siya ang may-ari ng mga tupa. Kapag nakikita niyang dumarating ang asong gubat, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakbong papalayo. Sinasakmal ng asong gubat ang mga ito at pinagwawatak-watak sila. 13 Tumatakbo ang taong upahan dahil wala siyang malasakit sa mga tupa. 14 (C)Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang aking mga tupa at ako’y kilala nila, 15 kung paanong ako’y kilala ng Ama at siya’y kilala ko; at iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa. 16 Ngunit mayroon pa akong ibang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kailangang dalhin ko rin sila rito at makikinig sila sa tinig ko. Sa gayon, magkakaroon ng iisang kawan at iisang pastol. 17 Dahil dito, minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay upang muli ko itong kunin. 18 Walang kumukuha nito sa akin, subalit iniaalay ko ito nang kusang-loob. Mayroon akong kapangyarihang ialay ito, at mayroon din akong kapangyarihang bawiin ito. Tinanggap ko ang utos na ito mula sa aking Ama.”

19 At muling nagkaroon ng paghahati sa mga Judio dahil sa mga salitang ito. 20 Marami sa kanila ang nagsasabing, “Sinasaniban siya ng demonyo at siya’y nababaliw. Bakit kayo nakikinig sa kanya?” 21 Ang iba nama'y nagsasabing, “Ang mga salitang ito ay hindi galing sa isang sinasaniban ng demonyo. Kaya ba ng demonyo na magpagaling ng bulag?”

Tinanggihan ng mga Judio si Jesus

22 (D)Taglamig noon at sa Jerusalem ay ipinagdiriwang ang Pista ng Pagtatalaga. 23 Si Jesus ay naglalakad sa templo, sa portiko ni Solomon. 24 Pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw ang Cristo, sabihin mo sa amin nang malinaw.” 25 Sumagot si Jesus sa kanila, “Sinabi ko na sa inyo ngunit hindi kayo naniniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin. 26 Ngunit hindi kayo naniniwala, dahil hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Nakikinig sa tinig ko ang aking mga tupa. Kilala ko sila at sumusunod sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan at kailanma’y hindi sila mamamatay. Walang makaaagaw sa kanila mula sa aking kamay. 29 (E)Ang aking Ama ay higit na dakila; siya ang nagbigay sa akin ng lahat at walang makaaagaw sa kanila mula sa kamay ng aking Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.” 31 Muling pumulot ng mga bato ang mga Judio para batuhin siya. 32 Sumagot si Jesus sa kanila, “Nagpakita ako sa inyo ng maraming mabubuting gawa mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan para batuhin ninyo ako?” 33 (F)Sumagot ang mga Judio, “Hindi ka namin babatuhin dahil sa mabuting gawa, kundi sa iyong paglapastangan. Dahil ikaw na isang tao lamang ay nagpapakilalang Diyos.” 34 (G)Sumagot si Jesus sa kanila, “Hindi ba nasusulat sa inyong batas, ‘Sinabi ko, kayo ay mga diyos’? 35 Kung ang mga dinatnan ng salita ng Diyos ay tinawag na mga ‘diyos’, at ang kasulatan ay hindi mapapawalang bisa, 36 bakit ninyo sinasabing ako na itinalaga at isinugo ng Ama sa sanlibutan ay lumalapastangan dahil sinabi kong, ‘Ako ang Anak ng Diyos’? 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. 38 Subalit kung ginagawa ko ang mga iyon, kahit na hindi ninyo ako pinaniniwalaan, paniwalaan ninyo ang mga gawa, upang malaman ninyo at maunawaan na ang Ama ay nasa akin at ako ay nasa Ama.” 39 Pagkatapos, tinangka nilang muli na dakpin si Jesus, subalit nakatakas siya sa kanilang mga kamay.

40 (H)Muling umalis si Jesus at tumawid ng Ilog Jordan patungo sa pinagbautismuhan ni Juan noong una, at nanatili siya roon. 41 Maraming pumunta sa kanya na nagsasabi, “Hindi gumawa si Juan ng anumang himala, ngunit lahat ng sinabi ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo.” 42 At marami roon ang sumampalataya kay Jesus.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.