Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Pedro 1-3

Pagbati Mula kay Pedro

Mula kay Simon Pedro na lingkod at apostol ni Jesu-Cristo.

Mahal kong mga kapatid na kabahagi sa napakahalagang pananampalataya na tinanggap din namin. Ang pananampalatayang itoʼy ibinigay sa atin ni Jesu-Cristo na ating Dios at Tagapagligtas, dahil matuwid siya.

Sumainyo nawa ang higit pang biyaya at kapayapaan dahil sa pagkakakilala ninyo sa ating Dios at Panginoong Jesu-Cristo.

Pinili Tayo ng Dios na Maging mga Anak Niya

Ang kapangyarihan ng Dios ang nagbigay sa atin ng lahat ng kailangan natin para mamuhay nang may kabanalan. Itoʼy sa pamamagitan ng pagkakakilala natin sa kanya na tumawag sa atin. Tinawag niya tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan niya at kabutihan. At sa pamamagitan din nito, ipinagkaloob niya sa atin ang mahahalaga at dakila niyang mga pangako. Ginawa niya ito para makabahagi tayo sa kabanalan ng Dios at matakasan ang mapanirang pagnanasa na umiiral sa mundong ito. Dahil dito, pagsikapan ninyong maidagdag sa pananampalataya nʼyo ang kabutihang-asal; sa kabutihang-asal, ang kaalaman; sa kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa pagpipigil sa sarili, ang pagtitiis; sa pagtitiis, ang kabanalan; sa kabanalan, ang pag-ibig sa mga kapatid kay Cristo; at sa pag-ibig sa mga kapatid kay Cristo, ang pag-ibig sa lahat. Sapagkat kung ang mga katangiang ito ay nasa inyo at lumalago, nagiging makabuluhan at kapaki-pakinabang ang pagkakakilala nʼyo sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Ngunit ang mga nagkukulang sa mga katangiang ito ay mga bulag sa katotohanan. Nakalimutan na nilang nilinis na sila ng Dios sa dati nilang mga kasalanan.

10 Kaya nga, minamahal kong mga kapatid kay Cristo, pagsikapan ninyong mapatunayan na mga tinawag nga kayo at pinili ng Dios. Sapagkat kung gagawin nʼyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod, 11 kundi buong galak kayong tatanggapin sa walang katapusang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

12 Kaya lagi ko kayong pinapaalalahanan tungkol sa mga bagay na ito, kahit alam nʼyo na ang mga ito at matatag na kayo sa katotohanang tinanggap ninyo. 13 At sa palagay ko, nararapat lang na paalalahanan ko kayo sa mga bagay na ito habang nabubuhay pa ako, 14 dahil alam kong hindi na ako magtatagal sa mundong ito. Ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo ang nagpahayag nito sa akin. 15 Kaya gagawin ko ang lahat para makatiyak akong maaalala nʼyo pa rin ang mga itinuro ko kahit wala na ako rito.

Naging Saksi Kami sa Kapangyarihan ni Cristo

16 Ang mga ipinangaral namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay hindi kwentong gawa-gawa lang. Nasaksihan namin mismo ang kadakilaan niya. 17 Sapagkat nang parangalan at papurihan si Jesu-Cristo ng Dios Ama, narinig namin ang tinig ng Makapangyarihang Dios na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.” 18 Narinig namin mismo ang tinig na nanggaling sa langit noong kasama namin si Jesus doon sa banal na bundok. 19 Dahil nga rito, lalong tumibay ang paniniwala namin sa mga ipinahayag ng mga propeta noon. Kaya nararapat lang na bigyan nʼyo ng pansin ang mga sinabi nila, dahil para itong ilaw na tumatanglaw sa madilim na lugar hanggang sa araw ng pagdating ng Panginoon. Tulad siya ng tala sa umaga na nagbibigay-liwanag sa isipan ninyo.[a] 20 Higit sa lahat, dapat ninyong tandaan na ang lahat ng isinulat ng mga propeta sa Kasulatan ay hindi ayon sa sarili nilang interpretasyon. 21 Sapagkat hindi galing sa sarili nilang kalooban ang mga ipinangaral nila kundi sa Banal na Espiritu na nag-udyok sa kanila upang sabihin ang salita ng Dios.

Ang mga Huwad na Guro

Ngunit nagkaroon din ng mga huwad na propeta sa mga mamamayan ng Israel noong araw, at ganito rin ang mangyayari sa inyo. Magkakaroon ng mga huwad na guro sa inyo at palihim nilang ituturo ang mga aral na makakasira sa pananampalataya ninyo. Itatakwil nila maging ang Panginoon na tumubos sa kanila, kaya biglang darating sa kanila ang kapahamakan. Sa kabila nito, marami pa ring susunod sa nakakahiya nilang pamumuhay, at dahil sa kanila, malalapastangan ang katotohanang sinusunod natin. Dahil sa kasakiman nila, lilinlangin nila kayo sa pamamagitan ng matatamis na salita para kwartahan kayo. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila, at malapit na silang lipulin.

Kahit nga ang mga anghel ay hindi kinaawaan ng Dios nang nagkasala sila. Sa halip, itinapon sila sa malalim at madilim na hukay para roon hintayin ang Araw ng Paghuhukom. Hindi rin kinaawaan ng Dios ang mga tao noong unang panahon dahil sa kasamaan nila, kundi nilipol silang lahat sa baha. Tanging si Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay at ang pito niyang kasama ang nakaligtas. Hinatulan din ng Dios ang mga lungsod ng Sodom at Gomora dahil sa kasamaan nila, at sinunog ang mga ito, para ipakita ang mangyayari sa masasama. Pero iniligtas ng Dios si Lot, isang taong matuwid na nababahala sa malaswang pamumuhay ng mga tao. Habang naninirahan doon si Lot, araw-araw niyang nasasaksihan ang masasama nilang gawain at labis na naghihirap ang kalooban niya. 9-10 Kaya makikita natin na alam ng Panginoon kung paano iligtas sa mga pagsubok ang mga matuwid, at kung paano parusahan ang masasama. Parurusahan niya lalo na ang mga sumusunod sa masasamang nasa ng kanilang laman at ayaw magpasakop sa kanya, hanggang sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom. Ang binabanggit kong mga huwad na guro ay mayayabang at mapangahas. Hindi sila natatakot lapastanganin ang mga makapangyarihang nilalang. 11 Kahit ang mga anghel, na higit pang malakas at makapangyarihan sa mga gurong ito, ay hindi nilalapastangan ang mga makapangyarihang nilalang sa harap ng Panginoon. 12 Pero nilalapastangan ng mga gurong ito ang mga bagay na wala naman silang alam. Para silang mga hayop na walang isip at ipinanganak para hulihin at patayin. Talagang lilipulin ang mga taong ito. 13 Ito ang kabayaran sa ginagawa nilang kasamaan. Mahilig silang gumawa ng lantarang kalaswaan. Malaking kahihiyan at kapintasan ang dala nila sa inyo. Natutuwa silang lokohin kayo habang kumakain silang kasama ninyo sa mga pagsasalo-salo ninyo. 14 Kung tumingin sila sa babae, puno ito ng pagnanasa. Wala silang tigil sa paggawa ng kasalanan at hinihikayat pa ang mga taong mahihina. Sanay sila sa pagiging sakim. Mga isinumpa sila! 15 Tinalikuran nila ang tamang daan, kaya sila naligaw. Sinunod nila ang halimbawa ni Balaam na anak ni Beor na pumayag masuhulan sa paggawa ng masama. 16 At dahil nilabag niya ang utos ng Dios, sinumbatan siya ng asno[b] niyang nakapagsalita na parang tao upang mapigilan siya sa kabaliwan niya.

17 Ang mga huwad na gurong itoʼy tulad ng mga natuyong batis at mga ulap na tinatangay ng malakas na hangin. Inilaan na sila ng Dios sa kadiliman. 18 Mayabang silang magsalita, pero wala namang kabuluhan. Sinasabi nilang hindi masama ang pagsunod sa masasamang nasa ng laman. Kaya nahihikayat nilang bumalik sa imoralidad ang mga taong kakatalikod pa lamang sa masamang pamumuhay. 19 Ipinapangako nila ang kalayaan sa mga nahihikayat nila, pero sila mismo ay mga alipin ng kasalanang magpapahamak sa kanila. Sapagkat alipin ang tao ng anumang kumokontrol sa kanya. 20 Ang mga taong nakakilala na kay Jesu-Cristo na Panginoon at Tagapagligtas ay tumalikod na sa kasamaan ng mundo. Ngunit kung muli silang bumalik sa kasamaan at maging alipin muli nito, mas masahol pa sa dati ang magiging kalagayan nila. 21 Mas mabuti pang hindi na nila natagpuan ang landas patungo sa matuwid na pamumuhay, kaysa sa natagpuan ito at talikuran lang sa bandang huli ang mga banal na utos na ibinigay sa kanila. 22 Bagay sa kanila ang kasabihan,

    “Ang asoʼy kumakain ng suka niya.”[c]
    At, “Ang baboy, paliguan man ay babalik din sa kanyang lubluban.”

Ang Pagbabalik ng Panginoon

Mga minamahal, pangalawang sulat ko na ito sa inyo. Sa mga sulat ko, sinikap kong gisingin ang kaisipan nʼyo sa kabutihan, sa pamamagitan ng pagpapaalala sa inyo ng ilang bagay. Nais kong ipaalala sa inyo ang mga salita ng mga propeta ng Dios noong una at ang utos na ibinigay sa inyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo. Una sa lahat, dapat ninyong maunawaan na sa mga huling araw ay darating ang mga manlilibak at susundin ang masasama nilang nasa. Sasabihin nila, “Hindi baʼt nangako si Cristo na babalik siya? Nasaan na siya ngayon? Namatay na ang mga magulang namin pero wala pa ring pagbabago mula nang likhain ang mundo.” Sinasadya nilang kalimutan ang katotohanan na nilikha ng Dios ang langit sa pamamagitan ng kanyang salita. At nilikha niya ang lupa mula sa tubig at sa pamamagitan ng tubig.[d] At sa pamamagitan din ng tubig, bumaha sa mundo at nalipol ang lahat. Sa pamamagitan din ng kanyang salita, itinakdang tupukin ng Dios sa apoy ang kasalukuyang langit at lupa sa Araw ng Paghuhukom at paglipol sa masasama.

Ngunit huwag sana ninyong kakalimutan mga minamahal, na sa Panginoon, walang pinagkaiba ang isang araw sa isang libong taon. Para sa kanya ang mga ito ay pareho lang. Hindi nagpapabaya ang Panginoon sa pagtupad sa pangako niya, gaya ng inaakala ng ilan. Ang totoo, binibigyan lang niya ng pagkakataong magsisi ang lahat sa mga kasalanan nila, dahil ayaw niyang mapahamak ang sinuman. 10 Ang araw ng Panginoon ay darating na tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, biglang mawawala ang kalangitan na may nakakapangilabot na ugong. Masusunog ang lupa[e], at mawawala ang lahat ng nasa lupa. 11 Kung ganito ang magiging kahihinatnan ng lahat, dapat kayong mamuhay nang banal at makadios, 12 habang hinihintay nʼyo ang araw ng pagdating ng Dios at ginagawa ang makakayanan nʼyo para mapadali ang pagdating niya. Sa araw na ito, masusunog ang langit sa apoy at matutunaw ang lahat ng nasa lupa sa tindi ng init. 13 Ngunit ayon sa pangako niya, may maaasahan din tayong bagong langit at lupa na paghaharian ng katarungan.

14 Kaya nga, mga minamahal, habang inaasahan nʼyo ang bagay na ito, pagsikapan ninyong mamuhay nang mapayapa, malinis, at walang kapintasan sa paningin niya. 15 Alalahanin nʼyo na kaya hindi pa dumarating ang Panginoon ay para bigyan ng pagkakataong maligtas ang mga tao, gaya nga ng mga isinulat sa inyo ng mahal nating kapatid na si Pablo sa pamamagitan ng karunungang ibinigay sa kanya ng Panginoon. 16 At ito rin ang sinasabi niya sa lahat ng sulat niya. May ilang bahagi sa mga sulat niya na mahirap intindihin, na binibigyan ng maling kahulugan ng mga hangal at mahihina ang pananampalataya, gaya ng ginagawa nila sa ibang mga Kasulatan. Kaya sila mismo ang nagpapahamak sa sarili nila. 17 Mga minamahal, alam na ninyo ito kahit noon pa. Kaya mag-ingat kayo nang hindi kayo maloko sa pamamagitan ng mga maling aral ng mga taong suwail, at mawalay sa mabuti ninyong kalagayan sa Dios. 18 Sa halip, lumago kayo sa biyaya ng Dios at sa pagkakakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Purihin siya ngayon at magpakailanman! Amen.

Judas

Mula kay Judas na alipin ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago.

Mahal kong mga pinili ng Dios Ama na maging kanya, na minamahal niya at iniingatan ni Jesu-Cristo:

Sumainyo nawa ang higit pang awa, kapayapaan, at pag-ibig mula sa Dios.

Mga Huwad at Sinungaling na Guro

Mga minamahal, gustong-gusto ko sanang sumulat sa inyo tungkol sa kaligtasang natanggap natin, pero naisip ko na mas kailangan ko ngayong sumulat tungkol sa mga bagay na magpapalakas ng inyong loob upang manindigan sa mga aral ng ating pananampalataya. Ang mga aral na ito ay ipinagkatiwala ng Dios sa mga pinabanal[a] niya, at hindi dapat baguhin. Sumulat ako sa inyo dahil hindi ninyo namalayan na napasok kayo ng ilang mga tao na pinipilit baguhin ang mga aral tungkol sa biyaya ng Dios upang makagawa ng kalaswaan. Tinalikuran nila ang ating Panginoong Jesu-Cristo na nagmamay-ari ng ating buhay. Silaʼy mga taong walang Dios na noon pa man ay nakatakda nang parusahan ayon sa Kasulatan.

Kahit alam nʼyo na, gusto ko pa ring ipaalala sa inyo na kahit iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita sa pagkaalipin sa Egipto, sa bandang huli ay pinatay niya ang ilan sa kanila dahil hindi sila sumampalataya sa kanya. Alalahanin nʼyo rin ang mga anghel na hindi nanatili sa dati nilang kalagayan kundi iniwan ang kanilang lugar. Ginapos ng Dios ang mga iyon ng mga kadenang hindi mapuputol, at ikinulong sa napakadilim na lugar hanggang sa araw na hahatulan sila. At alalahanin nʼyo rin ang nangyari sa Sodom at Gomora at sa mga kalapit na bayan nila. Katulad ng mga anghel na iyon, gumawa sila ng lahat ng uri ng kalaswaan, pati na ng kahalayan sa hindi nila kauri. Pinarusahan sila sa walang hanggang apoy bilang babala sa lahat.

Ganyan din ang mga taong nakapasok sa inyo nang hindi ninyo namalayan. May mga pangitain sila na nag-uudyok sa kanila na gumawa ng kahalayan sa sarili nilang katawan. At dahil din sa mga pangitaing iyon, ayaw nilang magpasakop sa kapangyarihan ng Panginoon, at nilalait nila ang mga makapangyarihang nilalang. Kahit na si Micael na pinuno ng mga anghel ay hindi nanlait ng ganoon. Sapagkat nang makipagtalo siya sa diyablo kung sino sa kanila ang kukuha ng bangkay ni Moises, hindi siya nangahas umakusa nang may panlalait. Sa halip, sinabi lang niya, “Sawayin ka ng Panginoon!” 10 Pero ang mga taong itoʼy nanlalait sa mga bagay na hindi nila naiintindihan. Tulad ng mga hayop na hindi iniisip ang kanilang ginagawa, wala silang ibang sinusunod kundi ang likas na damdamin nila na siyang nagdadala sa kanila sa kapahamakan. 11 Nakakaawa ang sasapitin ng mga taong ito dahil sinunod nila ang ginawa ni Cain. Tinularan din nila si Balaam, dahil kahit alam nilang mali ang ginagawa nila, patuloy pa rin nila itong ginagawa dahil nasilaw sila sa salapi. At tulad din ni Kora, naghihimagsik sila laban sa Dios, kaya sila ay parurusahan ding tulad niya. 12 Ang mga taong itoʼy nakakasira[b] sa pagsasalo-salo ninyo bilang magkakapatid sa Panginoon. Ang tanging habol nila ay kumain at uminom, at hindi sila nahihiya sa ginagawa nila. Wala silang iniisip kundi ang kanilang sarili. Para silang mga ulap na tinatangay ng hangin pero wala namang dalang ulan. Para rin silang mga punongkahoy na walang bunga sa kapanahunan nito, binunot pati ang ugat at talagang patay na. 13 At kung paanong nakikita ang bula ng malalakas na alon sa dagat, nakikita rin ang mga gawa nilang kahiya-hiya. Para rin silang mga ligaw na bituin. Itinakda sila ng Dios para sa napakadilim na lugar, at mananatili sila roon magpakailanman.

14 Si Enoc, na kabilang sa ikapitong henerasyon mula kay Adan ay may propesiya tungkol sa kanila. Sinabi niya, “Makinig kayo, darating ang Panginoon na kasama ang libu-libo niyang mga anghel 15 para hatulan ang lahat at parusahan ang mga hindi kumikilala sa Dios dahil sa masasama nilang gawa at masasakit na pananalita laban sa kanya.” 16 Ang mga taong ito na sumasalungat sa katotohanan ay mareklamo, mapagpuna, at ang tanging sinusunod ay ang masasamang hangarin nila. Mayabang sila sa kanilang pananalita, at nililinlang nila ang mga tao para makuha ang gusto nila.

Mga Payo at Babala

17 Ngunit lagi ninyong tandaan, mga minamahal, ang sinabi ng mga apostol ni Jesu-Cristo na ating Panginoon. 18 Sinabi nila, “Sa mga huling araw, darating ang mga taong mapanlait na ang tanging sinusunod ay ang masasama nilang hangarin.” 19 Sila ang mga taong gumagawa ng paraan upang masira ang pagkakaisa ninyo. Makamundo sila, at wala sa kanila ang Banal na Espiritu. 20 Ngunit mga minamahal, magpakatatag kayo sa inyong banal na pananampalataya. Lagi kayong manalangin sa tulong ng Banal na Espiritu. 21 Manatili kayo sa pag-ibig ng Dios, habang hinihintay ninyo ang buhay na walang hanggan na ibibigay ng ating Panginoong Jesu-Cristo dahil sa awa niya sa atin. 22 Maawa kayo sa mga nag-aalinlangan. 23 Tulungan ninyo ang iba na maligtas sa kaparusahan, na para bang nagliligtas kayo ng isang bagay na masusunog na. Maawa kayo kahit sa mga taong napakasama, pero mag-ingat kayo sa masasama nilang gawa. Kasuklaman ninyo kahit na ang damit nilang nadumihan ng kasamaan nila.

Papuri at Pasasalamat sa Dios

24 At ngayon, purihin natin ang Dios – siya na makakapag-ingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makakapagdala sa inyo sa kanyang harapan nang walang kapintasan at may lubos na kagalakan. 25 Siya lang ang Dios at ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapurihan, karangalan, kadakilaan at kapangyarihan, mula pa noong una, hanggang ngayon, at magpakailanman. Amen.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®