Chronological
Mga Karapatan at Responsibilidad ng Isang Apostol
9 Hindi baʼt malaya ako? Hindi baʼt isa akong apostol? Hindi baʼt nagpakita mismo sa akin ang ating Panginoong Jesus? Hindi baʼt dahil sa akin kaya kayo naging mga mananampalataya? 2 Kahit hindi man ako kilalanin ng iba bilang apostol, alam kong kikilalanin ninyo ako dahil kayo mismo ang katunayan ng aking pagiging apostol, at dahil sa akin kaya ngayon kayo ay nasa Panginoon. 3 At ito nga ang isinasagot ko sa mga taong hindi kumikilala sa akin bilang apostol.
4 Bilang apostol, wala ba kaming karapatang tumanggap ng pagkain at inumin mula sa mga napangaralan namin? 5 Wala ba kaming karapatang magsama ng asawang mananampalataya sa aming mga paglalakbay, tulad ng ginagawa ng mga kapatid sa Panginoon, ni Pedro, at ng iba pang mga apostol? 6 Kami lang ba ni Bernabe ang kinakailangang magtrabaho para sa aming ikabubuhay? 7 Mayroon bang sundalo na siya pa ang gumagastos para sa kanyang paglilingkod? Mayroon bang nagtatanim na hindi nakikinabang sa mga bunga nito? At mayroon bang nag-aalaga ng kambing na hindi nakikinabang sa gatas nito?
8 Ang sinasabi kong ito ay hindi lamang opinyon ng tao, kundi itinuturo mismo ng Kautusan. 9 Sapagkat nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang baka habang gumigiik.”[a] Ang mga baka lamang ba ang tinutukoy dito ng Dios? 10 Hindi. Maging tayo ay tinutukoy niya, kaya ito isinulat. Sapagkat ang nag-aararo at ang gumigiik ay umaasang makakabahagi sa aanihin. 11 Nagtanim kami sa inyo ng mga espiritwal na pagpapapala. Malaking bagay ba kung umani naman kami ng mga materyal na pagpapala sa inyo? 12 Kung ang ibang mga mangangaral ay may karapatang tumanggap mula sa inyo, hindi baʼt lalo na kami? Ngunit kahit may karapatan kami ay hindi kami humingi sa inyo. Tiniis namin ang lahat upang sa ganoon ay walang maging hadlang sa pagpapalaganap ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. 13 Hindi nʼyo ba alam na ang mga naglilingkod sa templo ay tumatanggap ng pagkain mula sa templo, at ang mga naglilingkod sa altar ay tumatanggap din ng parte sa mga bagay na inialay sa altar? 14 Sa ganito rin namang paraan, iniutos ng Panginoon na ang mga tumanggap ng Magandang Balita ay dapat tumulong sa mga pangangailangan ng mga nangangaral ng Magandang Balita para mabuhay sila.
15 Ngunit hindi ko ginamit ang karapatan kong iyan. At hindi ako sumusulat sa inyo upang magbigay kayo sa akin ng tulong. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa sa maalis ang karapatan kong ipagmalaki ito.[b] 16 Hindi ko ipinagmamalaki ang pangangaral ko ng Magandang Balita, dahil tungkulin ko ito. Nakakaawa ako kung hindi ko ipapangaral ang Magandang Balita! 17 Kung ginagawa ko ito nang kusang-loob, may maaasahan akong gantimpala. Ngunit ang totoo, ginagawa ko lamang ang aking tungkulin dahil ito ang gawaing ipinagkatiwala ng Dios sa akin. 18 Ano ngayon ang gantimpala ko? Ang itinuturing kong gantimpala ay ang kaligayahan na akoʼy hindi nagpapabayad sa aking pangangaral ng Magandang Balita, kahit may karapatan akong tumanggap ng bayad sa pangangaral ko nito.
19 Kahit hindi ako isang alipin, nagpaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng mas marami na sasampalataya kay Cristo. 20 Sa piling ng mga kapwa ko Judio, namumuhay ako bilang Judio upang mahikayat ko silang sumampalataya kay Cristo. Kaya kahit wala man ako sa ilalim ng Kautusan ng mga Judio, sinusunod ko ito upang madala ko sila sa pananampalataya. 21 Sa piling naman ng mga hindi Judio, namumuhay ako na parang wala sa ilalim ng Kautusan upang madala sila sa pananampalataya. Hindi nangangahulugan na hindi ko na sinusunod ang mga utos ng Dios, dahil ang totoo, sinusunod ko ang mga utos ni Cristo. 22 Sa mahihina pa ang pananampalataya, nakikibagay ako upang mapatatag ko sila kay Cristo. Nakikibagay ako sa lahat ng tao, upang sa kahit anong paraan ay mailigtas ko ang ilan sa kanila. 23 Ginagawa ko ang lahat ng ito sa ikalalaganap ng Magandang Balita, upang makabahagi rin ako sa mga pagpapala nito.
24 Sa ating pagsunod sa Dios ay para tayong mananakbo. Alam ninyo na sa isang takbuhan, marami ang sumasali ngunit isa lang ang nananalo. Kaya pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang makamit ninyo ang gantimpala. 25 Ang bawat manlalaro ay nagsasanay nang mabuti at dinidisiplina ang sarili upang makamit ang gantimpala. Ginagawa niya ito para sa gantimpalang hindi nagtatagal. Ngunit ang gantimpalang hinahangad natin ay magtatagal magpakailanman. 26 Kaya nga, may layunin at direksyon ang aking pagtakbo. Kung baga sa isang boksingero, hindi ako sumusuntok sa hangin. 27 Dinidisiplina ko ang aking katawan at sinusupil ko ang masasamang pagnanasa nito, dahil baka pagkatapos kong ipangaral ang Magandang Balita sa iba ay ako pa ang hindi makatanggap ng gantimpala mula sa Dios.
Babala sa Pagsamba sa mga Dios-diosan
10 Mga kapatid, gusto kong malaman ninyo ang nangyari sa aming mga ninuno noon na kasama ni Moises. Ginabayan sila ng Dios sa pamamagitan ng isang ulap na nanguna sa kanila, at tinulungan sila sa kanilang pagtawid sa Dagat na Pula. 2 Sa pamamagitan ng ulap at ng dagat ay parang binautismuhan sila bilang mga tagasunod ni Moises. 3 Kumain silang lahat ng pagkaing mula sa Dios. 4 At uminom din silang lahat ng inuming ibinigay niya, dahil uminom sila ng tubig na pinaagos ng Dios mula sa Bato. Ang Batong iyon na sumama sa kanila ay walang iba kundi si Cristo. 5 Ngunit sa kabila nito, karamihan sa kanila ay gumawa ng hindi kalugod-lugod sa Dios, at dahil dito, nangalat ang kanilang mga bangkay sa ilang.
6 Ang mga nangyaring iyon sa kanila ay nagsisilbing aral sa atin para mabigyan tayo ng babala upang hindi tayo hindi tayo maghangad ng masasamang bagay tulad ng ginawa nila. 7 Huwag kayong sumamba sa mga dios-diosan, tulad ng ginawa ng iba sa kanila. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Nagpista ang mga tao, nag-inuman at nagsayawan sa pagsamba nila sa mga dios-diosan.”[c] 8 Huwag kayong gumawa ng sekswal na imoralidad, tulad ng ginawa ng iba sa kanila, kaya pinarusahan sila ng Dios, at 23,000 ang namatay sa kanila sa loob lang ng isang araw. 9 Huwag ninyong subukin ang Panginoon tulad ng ginawa ng iba sa kanila, kaya namatay sila sa tuklaw ng mga ahas. 10 Huwag din kayong mareklamo tulad ng ilan sa kanila, kaya pinatay sila ng Anghel ng kamatayan.
11 Ang mga bagay na itoʼy nangyari bilang halimbawa sa atin, at isinulat upang magsilbing babala sa ating mga nabubuhay sa panahong nalalapit na ang katapusan ng lahat.
12 Kaya kung iniisip ninyo na matatag na kayo sa inyong pananampalataya, mag-ingat kayo at baka mahulog kayo sa kasalanan! 13 Walang pagsubok na dumarating sa inyo na hindi naranasan ng ibang tao. Ngunit maaasahan natin ang pangako ng Dios na hindi niya tayo pababayaang subukin ng higit pa sa ating makakaya. Kaya kung dumaranas kayo ng pagsubok, gagawa siya ng paraan para mapagtagumpayan ninyo ito.
14 Kaya mga minamahal, huwag kayong sasamba sa mga dios-diosan. 15 Sinasabi ko ito sa inyo bilang mga taong nakakaunawa, kaya pag-isipan ninyo ang sinasabi ko. 16 Sa tuwing nagtitipon tayo bilang pag-alaala sa kamatayan ni Cristo, may iniinom tayo na ating pinasasalamatan sa Dios at may tinapay din tayong hinahati-hati at kinakain. Hindi baʼt pakikibahagi ito sa dugo at katawan ni Cristo? 17 Kaya nga, iisang katawan lang tayo kahit maraming bahagi, dahil iisang tinapay lang ang ating pinagsasaluhan.
18 Tingnan ninyo ang mga Israelita. Ang mga kumakain ng mga handog ay mga kabahagi sa gawain sa altar. 19 Ano ang ibig kong sabihin? Sinasabi ko ba na may kabuluhan ang mga dios-diosan o ang pagkaing inihandog sa kanila? 20 Hindi! Ang ibig kong sabihin ay inialay nila ang mga handog na iyan sa masasamang espiritu at hindi sa Dios. Ayaw kong maging kabahagi kayo ng masasamang espiritu. 21 Hindi tayo maaaring makiinom sa baso ng Panginoon at sa baso ng masasamang espiritu, at hindi rin tayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng masasamang espiritu. 22 Gusto ba nating magselos ang Panginoon? Mas makapangyarihan ba tayo kaysa sa kanya?
23 Maaari nating gawin ang kahit ano, pero hindi lahat ay nakakabuti o nakakatulong. 24 Huwag lamang ang sarili ninyong kapakanan ang inyong isipin kundi ang kapakanan din ng iba.
25 Kumain kayo ng anumang nabibili sa pamilihan ng karne at huwag nang magtanong kung ito baʼy inihandog sa mga dios-diosan o hindi, upang hindi na kayo usigin ng inyong konsensya. 26 Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Ang mundo at ang lahat ng naroroon ay pag-aari ng Panginoon.”
27 Kung imbitahan kayo ng isang hindi mananampalataya sa isang salo-salo at gusto ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo nang hindi na nagtatanong kung ito baʼy inihandog sa mga dios-diosan o hindi, upang hindi na kayo usigin ng inyong konsensya. 28 Ngunit kung sinabihan kayo na ang pagkain ay inihandog sa mga dios-diosan, huwag na kayong kumain, alang-alang sa nagsabi nito sa inyo, upang walang mabalisang konsensya. 29 Hindi ang inyong konsensya ang ibig kong tukuyin, kundi ang konsensya ng inyong kapwa.
Maaaring sabihin ng iba sa inyo, “Bakit ko hahadlangan ang gusto ko dahil lang sa konsensya ng iba? 30 Bakit ako susumbatan sa pagkain ko ng isang bagay na ipinagpasalamat ko naman sa Dios?” 31 Ito ang maisasagot ko riyan: Anuman ang inyong gawin, kumain man o uminom, gawin ninyo ang lahat sa ikapupuri ng Dios. 32 Huwag kayong gagawa ng kahit anong makakatisod sa pananampalataya ng mga Judio o hindi Judio, o sa iglesya ng Dios. 33 Sundin ninyo ang aking ginagawa: Sinisikap ko na sa lahat ng aking ginagawa ay matutulungan ko ang lahat. Hindi ang sarili kong kapakanan ang aking iniisip kundi ang kapakanan ng iba upang maligtas sila.
11 Kaya nga, tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.
Ang Pagtatakip sa Ulo Kapag Sumasamba
2 Pinupuri ko kayo dahil lagi ninyo akong inaalala, at sinusunod ninyo ang mga itinuro ko sa inyo. 3 Ngayon, gusto kong malaman ninyo na si Cristo ang ulo ng bawat lalaki, at ang lalaki ang siya namang ulo ng babae, at ang Dios naman ang ulo ni Cristo. 4 Kung ang isang lalaki ay nananalangin o nagpapahayag ng mensahe ng Dios na may takip ang ulo, nagdadala siya ng kahihiyan sa kanyang ulo na si Cristo. 5 Ang babae namang nananalangin o nagpapahayag ng mensahe ng Dios na walang takip ang ulo ay nagdadala ng kahihiyan sa kanyang ulo na walang iba kundi ang lalaki, at para na rin siyang nagpakalbo. 6 Kung ayaw magtakip ng ulo ang isang babae, magpaputol na lang siya ng buhok. Ngunit kahiya-hiya naman sa babae ang magpaputol ng buhok o magpakalbo, kaya dapat siyang magtakip ng ulo. 7 Hindi dapat magtakip ng ulo ang lalaki kapag sumasamba dahil siyaʼy larawan at karangalan ng Dios. Ngunit ang babae ang karangalan ng lalaki. 8 Sapagkat hindi naman nilikha ang lalaki mula sa babae, kundi ang babae ang nagmula sa lalaki. 9 At hindi naman nilikha ang lalaki para sa babae, kundi ang babae para sa lalaki. 10 Kaya dapat magtakip ng ulo ang babae upang makita, maging ng mga anghel, na nagpapasakop siya sa kanyang asawa. 11 Ngunit dapat ninyong tandaan na sa buhay natin sa Panginoon, kailangan ng babae ang lalaki, at kailangan din ng lalaki ang babae. 12 Dahil kung nagmula ang unang babae sa lalaki, ang lalaki naman ay ipinapanganak ng babae; at ang lahat naman ay nagmumula sa Dios.
13 Kayo na rin ang magpasya: Kaaya-aya ba na makita ang isang babae na nananalangin nang walang takip sa ulo? 14 Natural sa isang lalaki na maiksi ang buhok, dahil kahiya-hiya kung mahaba ito. 15 Ngunit karangalan ng babae ang pagkakaroon ng mahabang buhok. Sapagkat ipinagkaloob sa kanya ng Dios ang buhok bilang pantakip sa kanyang ulo. 16 Kung mayroon mang gustong makipagtalo tungkol dito, wala na akong masasabi dahil ito ang aming nakaugalian, at ito ang sinusunod ng mga iglesya ng Dios sa kahit saang lugar.
Ang Banal na Hapunan(A)
17 Tungkol sa bagay na tatalakayin ko ngayon ay hindi ko kayo mapupuri, dahil ang mga pagtitipon ninyo ay nakakasama sa halip na nakakabuti. 18 Sapagkat nabalitaan ko, una sa lahat, na tuwing nagtitipon-tipon kayo bilang iglesya, nagkakaroon kayo ng pagkakapangkat-pangkat, at medyo naniniwala ako na iyan nga ang nangyayari. 19 Kinakailangan sigurong mangyari iyan para malaman kung sino sa inyo ang mga tunay na mananampalataya. 20 Kapag nagtitipon kayo upang ipagdiwang ang Banal na Hapunan,[d] hindi tama ang ginagawa ninyo, 21 dahil kapag oras na ng kainan hindi kayo naghihintayan, kaya ang ibaʼy busog at lasing na, at ang iba namaʼy gutom. 22 Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? Sa ginagawa ninyoʼy nilalait ninyo ang iglesya ng Dios at hinihiya ang mga mahihirap. Ano ngayon ang gusto ninyong gawin ko? Purihin kayo? Aba, hindi!
23 Ito ang turo na ibinigay sa akin ng Panginoon, at itinuturo ko naman sa inyo: Noong gabing traydurin ang Panginoong Jesus, kumuha siya ng tinapay, 24 at pagkatapos niyang magpasalamat sa Dios, hinati-hati niya ito at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 25 Pagkatapos nilang kumain, ganoon din ang ginawa niya sa inumin.[e] Kinuha niya ito at sinabi, “Ang inuming ito ang bagong kasunduan na pinagtibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-alaala sa akin.” 26 Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom ng inuming ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang pagbabalik.
27 Kaya nga, ang sinumang kumakain ng tinapay at umiinom ng inumin ng Panginoon nang hindi karapat-dapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Kailangang suriin ng bawat isa ang kanilang sarili bago kumain ng tinapay at uminom ng inumin. 29 Sapagkat ang sinumang kumain at uminom nito nang hindi pinapahalagahan ang katawan ng Panginoon ay nagdadala ng kaparusahan sa kanyang sarili. 30 At ito nga ang dahilan kung bakit marami sa inyo ang mahihina at may sakit, at ang ilan ay namatay. 31 Ngunit kung susuriin natin ang ating sarili – kung tama o mali ba ang ating mga ginagawa, hindi tayo parurusahan ng Dios. 32 Kung tayo man ay pinarurusahan ng Dios, dinidisiplina niya tayo upang hindi tayo maparusahang kasama ng mga tao sa mundo.
33 Kaya nga, mga kapatid, kapag nagtitipon-tipon kayo para sa Banal na Hapunan, maghintayan kayo. 34 Kung may nagugutom sa inyo, kumain na muna siya sa kanyang bahay nang hindi kayo maparusahan ng Panginoon dahil sa mga ginagawa ninyo sa inyong pagtitipon. At tungkol naman sa iba pang mga bagay, saka ko na aayusin pagdating ko riyan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®