Chronological
Ang Pagpunta ni Pablo sa Macedonia at Grecia
20 Nang matapos na ang gulo, ipinatawag ni Pablo ang mga tagasunod ni Jesus. Pinayuhan niya sila na magpakatatag, at pagkatapos niyang magpaalam sa kanila, pumunta siya sa Macedonia. 2 Maraming lugar ang kanyang pinuntahan sa Macedonia, at pinalakas niya ang loob ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng pangangaral sa kanila. Pagkatapos, pumunta siya sa Grecia, 3 at nanatili siya roon ng tatlong buwan. Nang bibiyahe na sana siya papuntang Syria, nalaman niya ang plano ng mga Judio na patayin siya. Kaya nagpasya siyang bumalik at sa Macedonia dumaan.
1 Mula kay Pablo na lingkod[a] ni Cristo Jesus.
Pinili at tinawag ako ng Dios na maging apostol upang ipangaral ang kanyang Magandang Balita. 2 Ang Magandang Balitang itoʼy ipinangako ng Dios noon sa pamamagitan ng mga propeta at nakasulat sa Banal na Kasulatan. 3-4 Ang balitang itoʼy tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa kanyang pagkatao, isinilang siya sa lahi ni Haring David, at sa kanyang banal na espiritu,[b] napatunayang siya ang makapangyarihang Anak ng Dios, nang siyaʼy nabuhay mula sa mga patay. 5 Sa pamamagitan ni Cristo, tinanggap namin ang kaloob na maging apostol para madala namin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya ang mga tao sa lahat ng bansa. Ginagawa namin ito para sa kanya. 6 At kayong mga mananampalataya riyan sa Roma ay kabilang din sa kanyang mga tinawag na maging tagasunod ni Jesu-Cristo.
7 Sa inyong lahat diyan sa Roma na minamahal ng Dios at tinawag na maging banal,[c] sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Dahilan ng Pagpunta ni Pablo sa Roma
8 Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa Dios sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, dahil balitang-balita ang inyong pananampalataya sa buong mundo. 9 Palagi ko kayong idinadalangin, at alam ito ng Dios na buong puso kong pinaglilingkuran sa aking pangangaral ng Magandang Balita tungkol sa kanyang Anak. 10 Lagi ko ring idinadalangin na loobin sana ng Dios na makapunta ako riyan sa inyo. 11 Nananabik akong makita kayo para maipamahagi sa inyo ang mga espiritwal na kaloob na makakapagpatatag sa inyo. 12 Sa ganoon, magkakatulungan tayo sa pagpapalakas ng pananampalataya ng isaʼt isa.
13 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ilang ulit ko nang binalak na pumunta riyan, pero laging may humahadlang. Nais kong pumunta riyan para mayroon din akong maakay sa pananampalataya kay Cristo, tulad ng ginawa ko sa mga hindi Judio sa mga napuntahan kong lugar. 14 Sapagkat may pananagutan ako na mangaral sa lahat ng tao: sa mga may pinag-aralan man o wala, sa marurunong o hangal. 15 Iyan ang dahilan kung bakit nais ko ring maipangaral ang Magandang Balita riyan sa inyo sa Roma.
Ang Kapangyarihan ng Magandang Balita
16 Hindi ko ikinakahiya ang Magandang Balita tungkol kay Cristo, dahil ito ang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng lahat ng sumasampalataya – una ang mga Judio at gayon din ang mga hindi Judio. 17 Sapagkat ipinapahayag sa Magandang Balita kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang tao,[d] at itoʼy sa pamamagitan lang ng pananampalataya. Ayon nga sa Kasulatan, “Sa pananampalataya mabubuhay ang matuwid.”[e]
Ang Galit ng Dios sa Lahat ng Kasamaan
18 Ipinapahayag ng Dios mula sa langit ang kanyang poot sa lahat ng kasamaan at kalapastanganang ginagawa ng mga tao, na siyang pumipigil sa kanila para malaman ang katotohanan tungkol sa Dios. 19 Sapagkat ang katotohanan tungkol sa Dios ay malinaw sa kanila dahil inihayag ito sa kanila ng Dios. 20 Totoong hindi nakikita ang Dios, pero mula pa nang likhain niya ang mundo, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Dios ay naipahayag sa mga bagay na ginawa niya; kaya wala silang maidadahilan. 21 At kahit alam nilang may Dios, hindi nila siya pinarangalan o pinasalamatan man lang. Sa halip, ibinaling nila ang kanilang pag-iisip sa mga bagay na walang kabuluhan, kaya napuno ng kadiliman ang mga hangal nilang pag-iisip. 22 Nagmamarunong sila, pero lumilitaw na silaʼy mga mangmang. 23 Sapagkat ipinagpalit nila ang dakila at walang kamatayang Dios sa mga dios-diosang anyong tao na may kamatayan, mga ibon, mga hayop na may apat na paa, at mga hayop na nagsisigapang.
24 Kaya hinayaan na lang sila ng Dios sa maruruming hangarin ng kanilang puso, hanggang sa gumawa sila ng kahalayan at kahiya-hiyang mga bagay sa isaʼt isa. 25 Ipinagpalit nila sa kasinungalingan ang katotohanan tungkol sa Dios. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha sa halip na ang Manlilikha na siyang dapat papurihan magpakailanman. Amen!
26 Dahil ayaw nilang kilalanin ang Dios, hinayaan na lang sila ng Dios na gawin ang kanilang malalaswang pagnanasa. Ipinagpalit ng mga babae ang natural na pakikipagrelasyon nila sa lalaki sa pamamagitan ng pakikipagrelasyon sa kapwa babae. 27 Ganoon din ang mga lalaki. Tinalikuran nila ang natural na pakikipagrelasyon sa babae, at sa halip ay pinagnasahan ang kapwa lalaki. Kahiya-hiya ang ginagawa nila sa isaʼt isa. Dahil dito, pinarusahan sila ng Dios nang nararapat sa kanila.
28 At dahil sa ayaw talaga nilang kilalanin ang Dios, hinayaan niya sila sa kanilang kaisipang hindi makapili ng tama. Kaya ginagawa nila ang mga bagay na hindi nararapat. 29 Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kalikuan, kasakiman at masasamang hangarin. Silaʼy mainggitin, mamamatay-tao, mapanggulo, mandaraya, at laging nag-iisip ng masama sa kanilang kapwa. Silaʼy mga tsismosoʼt tsismosa 30 at mapanirang-puri. Napopoot sila sa Dios, mga walang galang at mapagmataas. Naghahanap sila ng magagawang masama, at suwail sa mga magulang nila. 31 Silaʼy mga hangal, mga traydor, at walang awa. 32 Alam nila ang utos ng Dios na dapat parusahan ng kamatayan ang mga taong gumagawa ng mga kasalanang ito, pero patuloy pa rin silang gumagawa nito, at natutuwa pa sila na ginagawa rin ito ng iba.
Ang Hatol ng Dios
2 Ngayon, masasabi mong dapat lang hatulan ang mga taong ito dahil sa kanilang kasamaan. Pero maging ikaw na humahatol ay walang maidadahilan. Sapagkat sa iyong paghatol sa iba ay hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ginagawa mo rin ang mga bagay na iyon. 2 Alam nating makatarungan ang hatol ng Dios sa mga taong gumagawa ng kasamaan. 3-4 Pero sino ka para humatol sa iba kung ikaw mismo ay gumagawa rin ng mga iyon? Ang akala mo baʼy makakaligtas ka sa hatol ng Dios dahil alam mong siyaʼy mabuti, matiyaga at mapagtimpi? Dapat mong malaman na ang Dios ay mabuti sa iyo dahil binibigyan ka niya ng pagkakataong magsisi sa mga kasalanan mo. 5 Pero dahil sa matigas ang ulo mo at ayaw mong magsisi, pinabibigat mo ang parusa ng Dios sa iyo sa araw na ihahayag niya ang kanyang poot at makatarungang paghatol. 6 Sapagkat ibibigay ng Dios sa bawat isa ang nararapat ayon sa kanyang mga gawa.[f] 7 Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, na ang hangad ay makamtan ang karangalan, papuri mula sa Dios, at buhay na walang kamatayan. 8 Sa iba naman na walang iniisip kundi ang sarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan, ibubuhos sa kanila ng Dios ang kanyang matinding galit. 9 Lahat ng taong gumagawa ng masama ay parurusahan ng Dios, ang mga Judio muna bago ang mga hindi Judio. 10 Ngunit bibigyan ng Dios ng papuri, karangalan at kapayapaan ang lahat ng gumagawa ng kabutihan, una ang mga Judio bago ang mga hindi Judio. 11 Sapagkat pantay-pantay ang pagtingin ng Dios sa lahat ng tao.
12 Ang mga taong nagkakasala na walang alam sa Kautusan ni Moises ay mapapahamak,[g] at ang kaparusahan nila ay hindi ibabatay sa Kautusan. Ang mga nakakaalam naman ng Kautusan ni Moises, pero patuloy na gumagawa ng kasamaan ay parurusahan na batay sa Kautusan. 13 Sapagkat hindi ang nakikinig sa Kautusan ang itinuturing ng Dios na matuwid kundi ang tumutupad nito. 14 Ang mga hindi Judio ay walang kaalaman tungkol sa Kautusan ni Moises. Pero kung gumagawa sila nang naaayon sa sinasabi ng Kautusan, ipinapakita nila na kahit wala silang alam tungkol dito ay alam nila ang nararapat gawin. 15 Ang mabubuting gawa nila ay nagpapakita na ang iniuutos ng Kautusan ay nakaukit sa kanilang puso. Pinatutunayan ito ng kanilang konsensya, dahil kung minsaʼy inuusig sila nito at kung minsan namaʼy ipinagtatanggol. 16 At ayon sa Magandang Balita na itinuturo ko, ang konsensya ay pagbabatayan din sa araw na hahatulan ng Dios, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ang lahat ng lihim ng mga tao.
Ang mga Judio at ang Kautusan
17 Sinasabi ninyo na mga Judio kayo, nagtitiwala kayo sa Kautusan at ipinagmamalaki ang inyong kaugnayan sa Dios. 18 Alam ninyo kung ano ang kalooban ng Dios at alam din ninyo kung ano ang dapat gawin, dahil itinuro ito sa inyo sa Kautusan. 19 Ipinapalagay ninyong tagaakay kayo ng mga bulag sa katotohanan, ilaw sa mga taong nasa kadiliman, 20 at tagapagturo sa mga kulang ng pang-unawa at mga bata pa sa mga bagay tungkol sa Dios. Ganito nga ang palagay ninyo sa inyong sarili, dahil naniniwala kayo na sa pamamagitan ng Kautusan ay nakamit na ninyo ang lahat ng kaalaman at katotohanan. 21 Tinuturuan ninyo ang iba, pero bakit hindi ninyo maturuan ang inyong sarili? Nangangaral kayong huwag magnakaw, pero kayo mismoʼy nagnanakaw. 22 Sinasabi ninyong huwag mangalunya, pero kayo mismo ay nangangalunya. Kinasusuklaman ninyo ang mga dios-diosang sinasamba ng mga hindi Judio, pero ninanakawan naman ninyo ang kanilang mga templo. 23 Nagmamalaki kayo na nasa inyo ang Kautusan ng Dios, pero ginagawa ninyong kahiya-hiya ang Dios dahil sa paglabag ninyo sa Kautusan. 24 Sinasabi sa Kasulatan, “Dahil sa inyo, nilalapastangan ng mga hindi Judio ang pangalan ng Dios.”[h]
25 Nagtitiwala kayo na kayo ang mga taong pinili ng Dios dahil kayoʼy tuli. May halaga lang ang pagiging tuli kung sinusunod ninyo ang Kautusan. Pero kung nilalabag naman ninyo ang Kautusan, para na rin kayong mga hindi tuli. 26 At kung sinusunod naman ng isang hindi tuli ang Kautusan, ituturing siya ng Dios na para na ring tuli. 27 Kahit na kayo ay mga Judio at tuli, papatunayan ng mga hindi Judio na dapat kayong parusahan. Sapagkat kahit na hindi sila tuli at wala sa kanila ang Kautusan, sinusunod naman nila ito, samantalang kayong mga may hawak ng Kautusan ay lumalabag dito. 28 Ang pagka-Judio ng isang tao ay hindi dahil sa Judio ang kanyang mga magulang at tuli siya sa laman. 29 Ang tunay na Judio ay ang taong nabago[i] ang puso sa pamamagitan ng Espiritu, at hindi dahil tuli siya ayon sa Kautusan. Ang ganyang tao ay pinupuri ng Dios kahit hindi pinupuri ng tao.
3 Kung ganoon, ano ang kalamangan ng pagiging isang Judio? At ano ang kahalagahan ng pagiging tuli? 2 Totoong nakakahigit ang mga Judio sa maraming bagay. Una sa lahat, ipinagkatiwala sa kanila ang salita ng Dios. 3 Kung hindi naging tapat ang ilan sa pagsunod sa Dios, nangangahulugan bang hindi na rin magiging tapat ang Dios sa pagtupad sa kanyang mga pangako? 4 Aba hindi! Sapagkat tapat ang Dios sa kanyang mga salita, maging sinungaling man ang lahat ng tao. Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Mapapatunayang tapat ka sa iyong salita, at laging tama sa iyong paghatol.”[j]
5 Baka naman may magsabi, “Kung sa pamamagitan ng mga ginagawa naming masama ay makikita ang kabutihan ng Dios, hindi makatarungan ang Dios kung parusahan niya kami.” (Ganyan ang pangangatwiran ng tao.) 6 Aba, hindi maaari iyan. Sapagkat kung ganyan, paano niya hahatulan ang mga tao sa mundo?
7 Baka naman mayroon ding magsabi, “Kung sa aking pagsisinungaling ay lumalabas na hindi sinungaling ang Dios, at dahil dito papupurihan pa siya, bakit niya ako parurusahan bilang isang makasalanan?” 8 Kung ganito ang iyong pangangatwiran, para mo na ring sinasabi na gumawa tayo ng masama para lumabas ang mabuti. At ayon sa mga taong naninira sa amin, ganyan daw ang aming itinuturo. Ang mga taong iyan ay nararapat lamang na parusahan ng Dios.
Ang Lahat ng Tao ay Makasalanan
9 Ano ngayon ang masasabi natin? Na tayo bang mga Judio ay talagang nakakalamang sa mga hindi Judio? Hindi! Sapagkat ipinaliwanag ko na, na ang lahat ng tao ay makasalanan, Judio man o hindi. 10 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan,
“Walang matuwid sa paningin ng Dios, wala kahit isa.
11 Walang nakakaunawa tungkol sa Dios, walang nagsisikap na makilala siya.
12 Ang lahat ay tumalikod sa Dios at naging walang kabuluhan.
Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.”[k]
13 “Ang kanilang pananalitaʼy[l] hindi masikmura tulad ng bukas na libingan.
Ang kanilang sinasabiʼy[m] puro pandaraya.[n]
Ang mga salita[o] nilaʼy parang kamandag ng ahas.[p]
14 Ang lumalabas sa kanilang bibig ay panay pagmumura at masasakit na salita.[q]
15 Sa kaunting dahilan lang pumapatay agad sila ng tao.
16 Kapahamakan at hinagpis ang dala nila kahit saan.
17 Hindi nila alam ang mamuhay nang mapayapa,[r]
18 at wala silang takot sa Dios.”[s]
19 Ngayon, alam natin na ang lahat ng sinasabi ng Kautusan ay para sa ating mga Judio na namumuhay sa ilalim ng Kautusan, para walang maidahilan ang sinuman na hindi siya dapat parusahan. Ang lahat ng tao sa mundo ay mananagot sa Dios. 20 Sapagkat walang sinuman ang ituturing ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sa halip, ipinapakita ng Kautusan sa tao na makasalanan siya.
21 Pero ngayon, inihayag na kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang tao. Itoʼy hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Ang Kautusan na mismo at ang mga propeta ang nagpapatotoo rito. 22 Ang taoʼy itinuturing ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. At walang pinapaboran ang Dios. Kaya ang sinumang sumasampalataya kay Jesu-Cristo ay itinuturing niyang matuwid. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi naging karapat-dapat sa paningin ng Dios. 24 Ngunit dahil sa biyaya ng Dios sa atin, itinuring niya tayong matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang tumubos sa atin. Itoʼy regalo ng Dios. 25 Isinugo si Cristo Jesus sa mundo para ialay ang kanyang buhay, nang sa ganoon mawala ang galit ng Dios sa atin, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang ating mga kasalanan kung sasampalataya tayo sa kanya. Ginawa iyon ng Dios para ipakita na matuwid siya. Noong unaʼy nagtimpi siya at pinalampas ang mga kasalanang ginawa ng mga tao, kahit na dapat sanaʼy pinarusahan na sila. 26 Isinugo niya si Cristo para ipakita sa kasalukuyang panahon na matuwid siya. Dahil sa ginawa ng Dios, pinatunayan niyang matuwid siya maging sa pagturing niyang matuwid sa mga makasalanang sumasampalataya kay Jesus. 27 Kaya wala tayong maipagmamalaki, dahil ang pagturing sa atin na matuwid ay hindi sa pamamagitan ng ating pagsunod sa Kautusan, kundi sa ating pananampalataya kay Jesus. 28 Sapagkat naniniwala tayo na itinuturing ng Dios na matuwid ang tao sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya kay Cristo at hindi sa pagsunod sa Kautusan. 29 Ang Dios ay hindi lamang Dios ng mga Judio, kundi Dios din ng mga hindi Judio, dahil siyaʼy Dios ng lahat. 30 Iisa lamang ang Dios para sa mga Judio at hindi Judio, at ituturing silang matuwid ng Dios dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo. 31 Nangangahulugan bang binabalewala namin ang Kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Hindi! Sa halip, lalo pa nga naming tinutupad ang layunin ng Kautusan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®