Chronological
Ang mga Manggagawa sa Ubasan
20 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: Isang araw, maagang lumabas ang isang may-ari ng ubasan para humanap ng mga manggagawa. 2 Nang makakita siya ng mga manggagawa, nakipagkasundo siya sa kanila na makakatanggap sila ng karampatang sahod para sa isang araw na trabaho, at pagkatapos ay pinapunta ang mga ito sa ubasan niya. 3 Nang mga alas nuwebe na ng umaga, lumabas siyang muli at may nakita siyang mga taong walang trabaho at nakatambay lang sa may pamilihan. 4 Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta kayo sa ubasan ko at magtrabaho. Babayaran ko kayo nang nararapat.’ 5 Kaya pumunta ang mga ito sa ubasan. Nang bandang tanghali, muli siyang lumabas at may nakita pang ilang mga tao. Pinagtrabaho rin niya ang mga ito. Ito rin ang ginawa niya nang mga alas tres na ng hapon. 6 Nang mag-aalas singko na ng hapon, muli na naman siyang lumabas at nakakita pa ng mga ilan na nakatambay lang. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit maghapon kayong nakatayo riyan at walang ginagawa?’ 7 Sumagot sila, ‘Dahil wala naman pong nagbigay sa amin ng trabaho.’ Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta kayo sa ubasan ko at magtrabaho.’
8 “Nang magtatakip-silim na, sinabi ng may-ari sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at bigyan ng sahod. Unahin mo ang mga huling nagtrabaho, hanggang sa mga unang nagtrabaho.’ 9 Dumating ang mga nagsimula nang alas singko ng hapon, at tumanggap sila ng sahod para sa isang araw na trabaho. 10 Nang dumating na ang mga naunang nagtrabaho, inakala nilang tatanggap sila ng higit kaysa sa mga huling nagtrabaho. Pero tumanggap din sila ng ganoon ding halaga. 11 Pagkatanggap nila ng sahod, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. 12 Sinabi nila, ‘Ang mga huling dumating ay isang oras lang nagtrabaho, samantalang kami ay nagtrabaho ng buong araw at nagtiis ng init, pero pareho lang ang sahod namin!’ 13 Sinagot ng may-ari ang isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi baʼt nagkasundo tayo na bibigyan kita ng sahod para sa isang araw na trabaho? 14 Kaya tanggapin mo na ang sahod mo, at umuwi ka na. Desisyon ko na bigyan ng parehong sahod ang mga huling nagtrabaho. 15 Hindi baʼt may karapatan akong gawin ang gusto ko sa pera ko? O naiinggit lang kayo dahil mabuti ako sa kanila?’ ” 16 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Ganyan din ang mangyayari sa huling araw. May mga hamak ngayon na magiging dakila, at may mga dakila ngayon na magiging hamak.”
Ang Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
17 Habang naglalakad sina Jesus papuntang Jerusalem, inihiwalay niya ang 12 tagasunod sa mga tao. Sinabi niya sa kanila, 18 “Pupunta na tayo sa Jerusalem, at ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan nila ako ng kamatayan 19 at ibibigay sa mga hindi Judio para insultuhin, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit mabubuhay akong muli sa ikatlong araw.”
Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(B)
20 Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedee, kasama ang dalawang anak niyang lalaki. Lumuhod siya kay Jesus dahil may gusto siyang hilingin. 21 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang gusto mo?” Sumagot siya, “Kung maaari po sana, kapag naghahari na kayo, paupuin nʼyo ang dalawa kong anak sa tabi nʼyo; isa sa kanan at isa sa kaliwa.” 22 Pero sinagot sila ni Jesus, “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya ba ninyong tiisin ang mga pagdurusang titiisin ko?”[a] Sumagot sila, “Opo, kaya namin.” 23 Sinabi ni Jesus, “Maaaring kaya nga ninyong tiisin. Ngunit hindi ako ang pumipili kung sino ang uupo sa kanan o sa kaliwa ko. Ang mga lugar na iyon ay para lang sa mga pinaglaanan ng aking Ama.”
24 Nang malaman ng sampung tagasunod kung ano ang hiningi ng magkapatid, nagalit sila sa kanila. 25 Kaya tinawag silang lahat ni Jesus at sinabi, “Alam ninyong ang mga pinuno ng mga bansa ay may kapangyarihan sa mga taong nasasakupan nila, at kahit anong gustuhin nila ay nasusunod. 26 Ngunit hindi dapat ganyan ang umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 27 At ang sinuman sa inyo na gustong maging pinuno ay dapat maging alipin ninyo. 28 Maging ako na Anak ng Tao ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng aking buhay para maligtas ang maraming tao.”
Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Bulag(C)
29 Nang papaalis na sa Jerico si Jesus at ang mga tagasunod niya, sinundan sila ng napakaraming tao. 30 Samantala, may dalawang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig nilang dumaraan si Jesus, sumigaw sila, “Panginoon, Anak ni David,[b] maawa po kayo sa amin!” 31 Pero sinaway sila ng mga tao at pinagsabihang manahimik. Ngunit lalo pa nilang nilakasan ang kanilang pagsigaw, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa amin!” 32 Tumigil si Jesus, tinawag sila, at tinanong, “Ano ang gusto ninyong gawin ko sa inyo?” 33 Sumagot sila, “Panginoon, gusto po naming makakita.” 34 Naawa si Jesus sa kanila, kaya hinipo niya ang kanilang mga mata. Agad silang nakakita at sumunod kay Jesus.
Ang Matagumpay na Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem(D)
21 Malapit na sina Jesus sa Jerusalem. Pagdating nila sa nayon ng Betfage na nasa Bundok ng mga Olibo, pinauna ni Jesus ang dalawa niyang tagasunod 2 at sinabi, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Makikita ninyo roon ang isang asno na nakatali, kasama ang bisiro nito. Kalagan ninyo ang mga ito at dalhin dito sa akin. 3 Kapag may sumita sa inyo, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon, at hahayaan na niya kayo.” 4 Nangyari ito upang matupad ang sinabi ng propeta:
5 “Sabihin ninyo sa mga naninirahan sa Zion na paparating na ang kanilang hari!
Mapagpakumbaba siya, at nakasakay sa asno, sa isang bisirong asno.”[c]
6 Lumakad nga ang mga tagasunod at ginawa ang iniutos ni Jesus. 7 Dinala nila ang asno at ang bisiro nito kay Jesus. Sinapinan nila ang mga ito ng kanilang mga balabal at sumakay si Jesus. 8 Maraming tao ang naglatag ng kanilang mga balabal sa daan. Ang iba naman ay pumutol ng mga sanga ng kahoy at inilatag din sa daan. 9 Ang mga tao sa unahan ni Jesus at ang mga nasa hulihan ay sumisigaw, “Purihin ang Anak ni David![d] Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Dios!”[e] 10 Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, nagkagulo ang buong lungsod, at nagtanungan ang mga tao, “Sino ang taong iyan?” 11 Sumagot ang mga kasama ni Jesus, “Siya ang propetang si Jesus na taga-Nazaret, na sakop ng Galilea.”
Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo(E)
12 Pumunta si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda at namimili roon. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapating inihahandog sa templo. 13 Sinabi niya sa kanila, “Sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang bahay ko ay bahay-panalanginan.’[f] Pero ginawa ninyong pugad ng mga tulisan!”[g]
14 May mga bulag at pilay na lumapit kay Jesus doon sa templo, at pinagaling niya silang lahat. 15 Nagalit ang mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga himalang ginawa ni Jesus, at nang marinig nila ang mga batang sumisigaw doon sa templo ng “Purihin ang Anak ni David!”[h] 16 Sinabi nila kay Jesus, “Naririnig mo ba ang sinasabi nila?” Sumagot si Jesus, “Oo. Hindi ba ninyo nabasa ang sinabi sa Kasulatan na kahit ang maliliit na bata ay tinuruan ng Dios na magpuri sa kanya?”[i] 17 Pagkatapos, iniwan sila ni Jesus. Lumabas siya ng lungsod at nagpunta sa Betania, at doon siya nagpalipas ng gabi.
Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos(F)
18 Kinaumagahan, nang pabalik na sina Jesus sa lungsod ng Jerusalem, nagutom siya. 19 May nakita siyang puno ng igos sa tabi ng daan, kaya nilapitan niya ito. Pero wala siyang nakitang bunga kundi puro mga dahon. Kaya sinabi niya sa puno, “Hindi ka na mamumunga pang muli!” At agad na natuyo ang puno. 20 Namangha ang mga tagasunod ni Jesus nang makita nila iyon. Sinabi nila, “Paanong natuyo kaagad ang puno?” 21 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo at walang pag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos. At hindi lang iyan, maaari rin ninyong sabihin sa bundok, ‘Lumipat ka sa dagat!’ at lilipat nga ito. 22 Anumang hilingin ninyo sa Dios sa panalangin ay matatanggap ninyo kung sumasampalataya kayo.”
Ang Tanong tungkol sa Awtoridad ni Jesus(G)
23 Bumalik sa templo si Jesus, at habang nagtuturo siya, nilapitan siya ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio at tinanong, “Ano ang awtoridad mong gumawa ng mga bagay na ginagawa mo? Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?” 24 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. At kapag sinagot ninyo, sasabihin ko kung ano ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito. 25 Kanino galing ang awtoridad ni Juan para magbautismo, sa Dios[j] o sa tao?” Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa Dios, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’ 26 Pero kung sasabihin nating mula sa tao, magagalit sa atin ang mga tao, dahil naniniwala silang si Juan ay propeta ng Dios.” 27 Kaya sumagot sila, “Hindi namin alam.” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.”
Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak
28 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng talinghagang ito? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa panganay at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ating ubasan at magtrabaho.’ 29 Sumagot siya, ‘Ayaw ko po.’ Pero maya-maya ay nagbago ang isip niya at pumunta rin. 30 Lumapit din ang ama sa bunso at ganoon din ang sinabi. Sumagot ang bunso, ‘Opo,’ pero hindi naman siya pumunta. 31 Sino ngayon sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanilang ama?” Sumagot sila, “Ang panganay.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang mga maniningil ng buwis at ang mga babaeng bayaran ay nauuna pa sa inyo na mapabilang sa kaharian ng Dios. 32 Sapagkat dumating sa inyo si Juan na tagapagbautismo, at itinuro sa inyo ang tamang daan sa matuwid na pamumuhay, pero hindi kayo naniwala. Pero ang mga maniningil ng buwis at ang mga babaeng bayaran ay naniwala sa kanya. At kahit na nakita ninyo ito, hindi pa rin kayo nagsisi sa mga kasalanan ninyo at naniwala sa kanya.”
Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Magsasaka(H)
33 Muling nagsalita si Jesus sa kanila, “Makinig kayo sa isa pang talinghaga: May isang taong may bukid na pinataniman niya ng ubas. Pinabakuran niya ito at nagpagawa ng pisaan ng ubas. Nagtayo rin siya ng isang bantayang tore. At pagkatapos ay pinaupahan niya ang kanyang ubasan sa mga magsasaka at pumunta sa malayong lugar. 34 Nang panahon na ng pamimitas ng ubas, pinapunta niya ang kanyang mga alipin sa mga magsasakang umuupa sa ubasan niya para kunin ang kanyang parte. 35 Pero sinunggaban ng mga magsasaka ang mga alipin. Binugbog nila ang isa, pinatay ang isa at binato naman ang isa pa. 36 Nagsugo ulit ang may-ari ng mas maraming alipin, at ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. 37 Nang bandang huli, pinapunta ng may-ari ang kanyang anak. Ang akala niyaʼy igagalang nila ito. 38 Pero nang makita ng mga magsasaka ang anak ng may-ari, sinabi nila, ‘Narito na ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya para mapasaatin ang lupang mamanahin niya.’ 39 Kaya sinunggaban nila ang anak, dinala sa labas ng ubasan at pinatay.”
40 Pagkatapos, nagtanong si Jesus, “Ano kaya ang gagawin ng may-ari sa mga magsasakang iyon sa kanyang pagbabalik?” 41 Sumagot ang mga tao, “Tiyak na papatayin niya ang masasamang taong iyon, at pauupahan niya ang kanyang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay sa kanya ng parte niya sa bawat panahon ng pamimitas.” 42 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang talatang ito sa Kasulatan?
‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong pundasyon.[k]
Gawa ito ng Panginoon
at kahanga-hanga ito sa atin!’[l]
43 “Kaya tandaan ninyo: hindi na kayo ang paghaharian ng Dios kundi ang mga taong sumusunod sa kanyang kalooban. [44 Ang sinumang mahulog sa batong ito ay magkakabali-bali, ngunit ang mahulugan nito ay madudurog.]”
45 Nang marinig ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo ang talinghagang iyon, alam nilang sila ang tinutukoy ni Jesus. 46 Kaya gusto nilang dakpin si Jesus, pero natatakot sila sa mga tao na naniniwalang si Jesus ay isang propeta.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®