Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Mateo 23

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan at sa mga Pariseo(A)

23 Pagkatapos, nagsalita si Jesus sa mga tao at sa mga tagasunod niya. Sinabi niya, “Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya dapat ninyong pakinggan at sundin ang lahat ng itinuturo nila sa inyo. Pero huwag ninyong gayahin ang mga ginagawa nila dahil hindi nila ginagawa ang mga itinuturo nila. Ipinapatupad nila sa inyo ang mahihirap nilang kautusan, pero sila mismo ay hindi sumusunod sa mga ito. Ang lahat ng ginagawa nila ay pakitang-tao lang. At upang ipakita na napakarelihiyoso nila, nilalakihan nila ang kanilang mga pilakterya[a] at hinahabaan ang laylayan[b] ng kanilang mga damit. Mahilig silang umupo sa mga upuang pandangal sa mga handaan at mga sambahan. At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa mga mataong lugar at tawaging ‘Guro.’ Ngunit huwag kayong magpatawag na ‘Guro,’ dahil lahat kayoʼy magkakapatid at iisa lang ang inyong Guro. At huwag ninyong tawaging ‘Ama’ ang sinuman dito sa lupa, dahil iisa lang ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. 10 Huwag din kayong magpatawag na ‘Amo,’ dahil iisa lang ang inyong amo, walang iba kundi ang Cristo. 11 Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. 12 Ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa ng Dios, at ang nagpapakababa ay itataas ng Dios.”

Tinuligsa ni Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo(B)

13 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao na mapabilang sa kaharian ng Dios. Kayo mismo ay ayaw mapabilang at pinipigilan pa ninyo ang mga gustong mapabilang! 14 [Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Dinadaya ninyo ang mga biyuda para makuha ang kanilang mga ari-arian, at pinagtatakpan ninyo ang inyong mga ginagawa sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal. Dahil dito, tatanggap kayo ng mas mabigat na parusa!] 15 Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang dagat at lupa, mahikayat lang ang isang tao sa inyong pananampalataya. At kapag may nahikayat na kayo, ginagawa ninyo siyang mas masahol pa sa inyo at mas karapat-dapat pang parusahan sa impyerno! 16 Kaawa-awa kayong mga bulag na tagaakay! Itinuturo ninyo na kung manunumpa ang isang tao sa templo, hindi niya ito kailangang tuparin. Ngunit kung manunumpa siya sa gintong nasa templo, dapat niya itong tuparin. 17 Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang templo na nagpapabanal sa ginto? 18 Itinuturo rin ninyo na kung manunumpa ang isang tao sa altar, hindi niya ito kailangang tuparin. Ngunit kung manunumpa siya sa handog na nasa altar, dapat niya itong tuparin. 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang altar na nagpapabanal sa handog? 20 Kaya nga, kapag nanumpa ang isang tao sa altar, nanunumpa rin siya pati sa handog na nasa altar. 21 Kapag nanumpa siya sa templo, nanunumpa rin siya pati sa Dios na naninirahan doon. 22 At kapag nanumpa siya sa langit, nanunumpa rin siya pati sa trono ng Dios at sa Dios mismo na nakaupo roon.

23 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Ibinibigay nga ninyo kahit ang ikapu[c] ng inyong mga pampalasa,[d] ngunit hindi naman ninyo sinusunod ang mga mas mahalagang utos tungkol sa pagiging makatarungan, mahabagin, at pagiging tapat. Dapat ngang magbigay kayo ng inyong mga ikapu, pero huwag naman ninyong kaligtaang gawin ang mga mas mahalagang utos. 24 Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang maliliit na insekto sa inyong inumin, pero lumululon naman kayo ng kamelyo!

25 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan ayon sa inyong seremonya, ngunit ang loob ng puso ninyoʼy puno naman ng kasakiman at katakawan.[e] 26 Mga bulag na Pariseo! Linisin muna ninyo ang loob ng tasa at baso, at magiging malinis din ang labas nito.[f] 27 Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Katulad kayo ng mga libingang pininturahan ng puti at magandang tingnan sa labas, pero ang nasa loob ay puro kalansay at iba pang maruruming bagay. 28 Ganyang-ganyan kayo, dahil kung masdan kayo ng mga taoʼy parang tama ang ginagawa ninyo, pero sa loob ninyoʼy puno kayo ng pagkukunwari at kasalanan.”

Sinabi ni Jesus ang Kanilang Kaparusahan(C)

29 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Ipinapaayos ninyo ang mga libingan ng mga propeta at ng mga taong matuwid, at pinagaganda ninyo ang mga ito. 30 At sinasabi ninyo na kung buhay sana kayo sa panahon ng inyong mga ninuno, hindi ninyo papatayin ang mga propeta tulad ng ginawa nila. 31 Kung ganoon, inaamin nga ninyo na lahi kayo ng mga taong pumatay sa mga propeta! 32 Sige, tapusin nʼyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno! 33 Mga ahas! Lahi kayo ng mga ulupong! Hindi nʼyo matatakasan ang kaparusahan sa impyerno! 34 Kaya makinig kayo! Magpapadala ako sa inyo ng mga propeta, marurunong na tao at mga guro. Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang ibaʼy ipapako sa krus. Ang ibaʼy hahagupitin ninyo sa inyong sambahan, at uusigin ninyo sila saang lugar man sila pumunta. 35 Dahil dito, mananagot kayo sa pagpatay sa lahat ng taong matuwid mula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Berekia, na pinatay ninyo sa pagitan ng templo at ng altar. 36 Talagang kayong mga nabubuhay sa panahong ito ang mananagot sa lahat ng mga kasalanang ito.”

37 “Kayong mga taga-Jerusalem, binabato ninyo at pinapatay ang mga propeta na sinugo ng Dios sa inyo. Maraming beses ko na kayong gustong tipunin at alagaan gaya ng isang inahing manok na nagtitipon at nagkakanlong ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, pero ayaw ninyo. 38 Kaya bahala na kayo sa sarili ninyo. 39 Sapagkat hindi nʼyo na ako makikita hanggang sa dumating ang panahon na sabihin ninyo, ‘Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”[g]

Lucas 20-21

Ang Tanong tungkol sa Awtoridad ni Jesus(A)

20 Isang araw, habang nangangaral ng Magandang Balita si Jesus sa mga tao sa templo, lumapit sa kanya ang mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng mga Judio. Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo nga sa aminkung ano ang karapatan mo na gumawa ng mga bagay na ito. Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?” Sinagot sila ni Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Sabihin ninyo sa akin, kanino galing ang awtoridad ni Juan para magbautismo, sa Dios[a] o sa tao?” Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa Dios, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’ Pero kung sasabihin nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao, dahil naniniwala silang si Juan ay propeta ng Dios.” Kaya sumagot sila, “Hindi namin alam.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.”

Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Magsasaka(B)

Pagkatapos noon, ikinuwento ni Jesus sa mga tao ang talinghagang ito: “May isang tao na nagtanim ng mga ubas sa kanyang bukid. Pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan niya sa mga magsasaka at pumunta siya sa malayong lugar, at nanatili roon nang matagal. 10 Nang panahon na ng pamimitas ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin sa mga magsasakang umuupa ng kanyang ubasan upang kunin ang parte niya. Pero binugbog ng mga magsasaka ang alipin at pinaalis na walang dala. 11 Nagsugo ulit ang may-ari ng isa pang alipin, pero binugbog din nila at hiniya, at pinaalis na wala ring dala. 12 Nagsugo ulit siya ng ikatlong alipin, pero sinaktan din nila ito at pinalayas. 13 Nag-isip ang may-ari ng ubasan, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Alam ko na, papupuntahin ko sa kanila ang minamahal kong anak. Siguro naman ay igagalang nila siya.’ 14 Pero nang makita ng mga magsasaka ang anak niya, sinabi nila, ‘Narito na ang tagapagmana. Patayin natin siya para mapasaatin ang lupang mamanahin niya.’ 15 Kaya dinala nila ito sa labas ng ubasan at pinatay.

“Ngayon, ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? 16 Tiyak na pupuntahan niya ang mga magsasaka at papatayin. Pagkatapos, pauupahan niya sa iba ang kanyang ubasan.” Nang marinig ito ng mga tao sinabi nila, “Huwag sanang ipahintulot ng Dios na mangyari ito!” 17 Tiningnan sila ni Jesus at tinanong, “Ano ba ang ibig sabihin ng talatang ito sa Kasulatan:

    ‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong pundasyon.’[b]

18 Ang sinumang mahulog sa batong ito ay magkakabali-bali, ngunit ang mahulugan nito ay madudurog.”

Ang Tanong tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(C)

19 Alam ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga namamahalang pari na sila ang pinatatamaan ni Jesus sa talinghaga na iyon. Kaya gusto nilang dakpin siya noon din, pero natatakot sila sa mga tao. 20 Kaya naghintay na lang sila ng ibang pagkakataon. Nagsugo sila ng mga espiya na magpapanggap na mabuti ang layunin nila sa pagpunta kay Jesus, upang hulihin siya sa mga pananalita niya at maisakdal sa gobernador. 21 Sinabi ng mga espiya kay Jesus, “Guro, alam naming totoo ang mga sinasabi at itinuturo ninyo. At wala kayong pinapaboran, kundi kung ano ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios ang itinuturo ninyo. 22 Ngayon para sa inyo, tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma[c] o hindi?” 23 Pero alam ni Jesus ang katusuhan nila, kaya sinabi niya, 24 “Patingin nga ng pera.[d] Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit dito?” Sumagot sila, “Sa Emperador.” 25 Sinabi ni Jesus, “Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.” 26 Nabigo sila sa pakay nilang mahuli si Jesus sa kanyang pananalita sa harapan ng mga tao. At dahil namangha sila sa sagot niya, tumahimik na lang sila.

Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(D)

27 May ilang Saduceo na lumapit kay Jesus at nagtanong. (Ang mga Saduceo ay hindi naniniwala sa muling pagkabuhay.) 28 Sinabi nila, “Guro, ayon po sa batas na isinulat ni Moises, kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa kanyang asawa, dapat ay pakasalan ng kapatid niyang lalaki ang naiwan niyang asawa, para magkaanak sila para sa kanya.[e] 29 Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. 30-31 Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. Pero namatay din siya na wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo hanggang sa ikapitong kapatid. Namatay silang lahat na walang anak sa babae. 32 At kinalaunan, namatay din ang babae. 33 Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil napangasawa niya silang lahat?” 34 Sumagot si Jesus, “Ang mga tao sa panahong ito ay nag-aasawa. 35 Ngunit ang mga taong mamarapatin ng Dios na mabuhay muli sa panahong darating ay hindi na mag-aasawa. 36 Hindi na rin sila mamamatay dahil matutulad na sila sa mga anghel. Silaʼy mga anak ng Dios dahil muli silang binuhay. 37 Maging si Moises ay nagpapatunay na muling bubuhayin ang mga patay. Sapagkat nang naroon siya sa nagliliyab na mababang punongkahoy, tinawag niya ang Panginoon na ‘Dios nina Abraham, Isaac at Jacob.’[f] 38 Hindi siya Dios ng mga patay kundi ng mga buhay, para sa kanya ang lahat ay buhay.” 39 Sinabi ng ilang tagapagturo ng Kautusan, “Guro, mahusay ang sagot ninyo.” 40 At wala nang nangahas na magtanong sa kanya.

Ang Tanong tungkol sa Cristo(E)

41 Ngayon, si Jesus naman ang nagtanong sa kanila, “Bakit sinasabi ng mga tao na ang Cristo raw ay lahi lang ni David? 42 Samantalang si David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Salmo,

    ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
    Maupo ka sa aking kanan
43 hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’[g]

44 Ngayon, kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano masasabing lahi lang siya ni David?”

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(F)

45 Habang nakikinig kay Jesus ang mga tao, sinabi niya sa mga tagasunod niya, 46 “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan. Mahilig silang lumibot na nakasuot ng espesyal na damit.[h] At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa matataong lugar. Mahilig silang maupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan at mga handaan. 47 Dinadaya nila ang mga biyuda para makuha ang mga ari-arian ng mga ito, at pinagtatakpan nila ang mga ginagawa nila sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal. Ang mga taong itoʼy tatanggap ng mas mabigat na parusa.”

Ang Kaloob ng Biyuda(G)

21 Pinagmamasdan ni Jesus ang mayayamang naghuhulog ng pera sa lalagyan ng mga kaloob sa templo. Nakita rin niya ang isang mahirap na biyuda na naghulog ng dalawang pirasong barya. Sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, mas malaki ang ibinigay ng biyudang iyon kaysa sa kanilang lahat. Sapagkat silang lahat ay nagbigay galing sa sobra nilang pera, pero ang biyuda ay nagbigay sa kabila ng kanyang kahirapan. Ibinigay niya ang lahat ng ikabubuhay niya.”

Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Pagkawasak ng Templo(H)

May ilan doon na nag-uusap tungkol sa mga mamahaling bato ng templo at mga palamuti nito na inihandog ng mga tao. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Darating ang araw na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay magigiba at walang maiiwang bato na magkapatong.”

Mga Paghihirap at Pag-uusig na Darating(I)

Tinanong nila si Jesus, “Guro, kailan po mangyayari ang sinabi ninyo? At ano ang mga palatandaan kung malapit nang mangyari iyon?”

Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo na hindi kayo malinlang ninuman. Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan at sasabihin nilang sila ang Cristo, at sasabihin din nilang dumating na ang panahon. Huwag kayong maniniwala sa kanila. At kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga himagsikan, huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa kaagad darating ang katapusan.”

10 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa ibaʼt ibang lugar. At makakakita kayo ng mga nakakatakot at nakakamanghang palatandaan mula sa langit.

12 “Ngunit bago mangyari ang lahat ng iyan ay uusigin muna kayo at dadakpin ng mga tao. Dadalhin nila kayo sa mga sambahan ng mga Judio upang akusahan at ipabilanggo. Iimbestigahan kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador dahil sa pagsunod ninyo sa akin. 13 Magiging pagkakataon nʼyo ito upang magpatotoo sa kanila tungkol sa akin. 14 Kaya itanim ninyo sa inyong isip na hindi kayo dapat mabalisa kung ano ang inyong isasagot. 15 Sapagkat bibigyan ko kayo ng karunungan sa pagsagot para hindi makaimik ang inyong mga kalaban. 16 Ibibigay kayo sa inyong mga kaaway ng sarili ninyong mga magulang, kapatid, kamag-anak at mga kaibigan, at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. 18 Ngunit hindi kayo mapapahamak.[i] 19 At kung magpapakatatag kayo, magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan.

Tungkol sa Pagkawasak ng Jerusalem(J)

20 “Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga sundalo ang Jerusalem, malalaman ninyong malapit na itong mawasak. 21 Kaya ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, at ang mga nasa Jerusalem ay kailangang umalis agad. At ang mga nasa bukid naman ay huwag nang bumalik pa sa Jerusalem. 22 Sapagkat panahon na iyon ng pagpaparusa, upang matupad ang nakasaad sa Kasulatan. 23 Kawawa ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil mahihirapan silang tumakas. Darating ang napakatinding paghihirap sa lupaing ito dahil sa matinding galit ng Dios sa mga tao rito. 24 Ang iba sa kanilaʼy papatayin sa espada, at ang iba namaʼy dadalhing bihag sa ibang mga bansa. At ang Jerusalem ay sasakupin ng mga hindi Judio hanggang sa matapos ang panahong itinakda ng Dios sa kanila.

Ang Pagbabalik ni Jesus sa Mundo(K)

25 “May mga palatandaang makikita sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Mababagabag ang mga bansa at hindi nila malalaman kung ano ang gagawin nila dahil sa malalakas na ugong ng mga alon sa dagat. 26 Hihimatayin sa takot ang mga tao dahil sa mga mangyayari sa mundo, dahil mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga bagay[j] sa kalawakan. 27 At makikita nila ako na Anak ng Tao na dumarating mula sa ulap na taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian.[k] 28 Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, umasa kayo at maghintay[l] dahil malapit na ang pagliligtas sa inyo.”

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(L)

29 Ikinuwento sa kanila ni Jesus ang paghahalintulad na ito: “Tingnan ninyo ang puno ng igos at ang iba pang punongkahoy. 30 Kapag nagkakadahon na ang mga ito alam ninyong malapit na ang tag-init. 31 Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na ang paghahari ng Dios. 32 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito. 33 Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.”[m]

Maging Handa Kayo

34 “Kaya mag-ingat kayo na huwag mawili sa kalayawan, sa paglalasing, sa pagkaabala sa inyong kabuhayan, at baka biglang dumating ang araw na iyon 35 nang hindi ninyo inaasahan.[n] Sapagkat darating ang araw na iyon sa lahat ng tao sa buong mundo. 36 Kaya maging handa kayo sa lahat ng oras. Palagi kayong manalangin upang magkaroon kayo ng lakas na mapagtagumpayan ang lahat ng mangyayaring kahirapan, at makatayo kayo sa harap ko na Anak ng Tao nang hindi napapahiya.”

37 Araw-araw, nagtuturo si Jesus sa templo. Pagsapit ng gabi, pumupunta siya sa Bundok ng mga Olibo para magpalipas ng gabi. 38 At maagang pumupunta ang mga tao sa templo upang makinig sa kanya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®